Nagdesisyon kami ni Althaia na lumabas na din kasunod ni Marko dahil tapos na namin ang aming mga trabaho ngayong araw. Mamamasyal muna kami ni Althaia sa pamilihan bago tuluyang umuwi sa palasyo. Malapit na kami sa malaking tarangkahan ng masalubong namin si Marko na naglalakad pabalik sa opisina.
“Bakit ka bumalik?” salubong na tanong ko sa kanya.
Hindi agad sumagot si Marko ngunit may napansin si Althaia na hawak ng lalaki kaya napatingin din ako doon. Maliit na box iyon na tila regalo sa kung sino man na pagbibigyan nito.
“Althaia, pinapasabi nga pala ng iyong kapatid na aalis na siya,” masayang balita ni Marko sa aking kasintahan. Tila nagpanting naman ang aking tainga dahil sa narinig.
“Nagkita ba kayong dalawa?” masayang tanong naman ni Althaia sa kanya.
“Oo, saka Deimos pinapabigay n’ya ito sa’yo. Gusto n’ya daw magpasalamat dahil sa ginawa mong pagligtas sa kanya,” inabot niya sa akin ang maliit na kahon na napansin kong hawak niya kanina.
“Mabuti ka pa at may regalo sa’yo ang aking kapatid,” nagtatampong himig ni Althaia. Isang tipid na ngiti na lang ang sinagot ko sa kanya dahil ang totoo ay kinakabahan ako sa maaaring maging regalo sa akin ng kanyang kapatid.
“Buksan mo na para makita natin,” pagpilit naman sa akin ni Marko. Mababakas pa ang tuwa sa kanyang mukha na tila siya ang nakatanggap ng regalo. Nagpalinga-linga muna ako sa paligid upang pakiramdaman ang enerhiya ni Avarice ngunit bigo lamang ako.
Ang buong pag-aakala ko ay umalis na siya dahil sa nangyari kagabi. Hindi ko akalain na tila may plano na naman siya na nais gawin. Ang mahirap dito ay hindi ko batid kung ano iyon kaya hindi ko alam kung anong dapat kong gawin upang iwasan na mangyari ang kanyang kagustuhan.
“Deimos?” napapitlag pa ako ng marinig ang mahinang pagtawag sa akin ni Althaia.
“Pasensya na hinahanap ko ang enerhiya ni Avarice para makapagpaalam siya sayo ng maayos,” pagsisinungaling ko sa kanya.
Ang bigat ng aking dibdib dahil ilang beses na akong nagsinungaling sa kanya ngayon. Iniisip ko na lang na para sa aming dalawa ang ginagawa ko ngayon. Saka ko na lang sasabihin sa kanya ang lahat.
“Bilisan mo Deimos buksan mo na yan,” pag-uudyok ulit sa akin ni Marko.
“Tumigil ka nga Marko! Para kay Deimos ang regalo kaya hayaan mo s’ya na buksan iyon sa anong oras niya gusto,” pag-awat sa kanya ni Althaia. Napangiti ako dahil sa sinabi ng aking kasintahan. Isa ito sa bagay na gusto ko sa kanya dahil naiintindihan niya ako kahit hindi ko sinasabi sa kanya ang aking iniisip.
“Ano ba naman yan,” nanghihinayang na wika ni Marko. Pakiramdam ng lalaki ay napagkaisahan na naman namin siya ni Althaia.
“Umuwi ka nga nga,” pagtaboy ko sa kanya dahil nagagambala niya ang lakad namin ng pinakamamahal kong babae.
“Sige, dito na ako. Magsaya kayong dalawa sa inyong pamamasyal,” kumaway pa siya bago tuluyang naglakad palayo sa amin. Napangiti na lang kami parehas ni Althaia dahil sa ikinilos ng aming kaibigan. Kung tutuusin ay bagay sila ni Vera dahil pareho silang isip bata kung minsan.
“Halika na,” anyaya ko kay Althaia at inakbayan na ang babae sa kanyang balikat upang sabay kaming maglakad.
Nakarating kami agad sa pamilihan. Kahit ilang beses na kaming nagpunta sa lugar ay hindi pa din magbabago ang kakaibang saya na dulot sa amin ng lugar na iyon. Masasayang mukha ng mga nagtitinda ang unang bubungad sa amin. Mga mortal na walang pakialam kahit madalas na pinupuntahan ng kalaban ang aming kaharian lalo na ang lugar kung saan sila nagnenegosyo.
“Wala na ba tayong ibang pwedeng puntahan bukod sa pamilihan?” tanong ni Althaia nang malampasan namin ang kumpulan sa isang sikat na kainan.
“Nagsawa ka na ba dito?” nakangiting biro ko sa kanya. Kahit naman ako ay ganun an nararamdaman dahil sa madalas na pamamasyal namin sa sentro ng pamilihan.
“Hindi naman sa ganun, gusto ko lang ng ibang tanawin ngayon,” parang bata na naglalambing nitong wika.
Nag-isip ako at pilit inalala sa sarili kung saan may ibang lugar na pwede namin puntahan. Ang totoo ay maraming lugar na akong napuntahan dahil sa paglalakbay na ginawa ko noon bago ako nagdesisyon na magtungo sa kaharian ng Daesyn.
Nang mawala ang kaharian na dati kong tahanan ay matagal na panahon akong nagpagala-gala sa ibang kaharian. Marami akong nakilala at taong nakasalamuha. Gayunpaman ay hindi din ako nagtagal sa mga kaharian na iyon dahil hindi ko masabayan ang kanilang mga kilos.
“Deimos?” bumalik ako sa aking ulirat ng marinig ang pagtawag ni Althaia. Hindi ko akalain na nahulog na namana ko sa malalim na pag-iisip.
“Halika,” hinawakan ko siya sa kanyang kamay at marahan na hinila upang puntahan namin ang isang lugar kung saan ako madalas na tumambay noon.
“Saan tayo pupunta?” bahagyang kumunot ang kanyang noo dahil sa pagtataka. Hindi ko sinagot ang kanyang tanong at sa halip at nginitian na lang siya. Gumanti na lang din sia ng ngiti na tila naintindihan kung ano ang aking ibig sabihin. Patuloy din ako sa paghila sa kanyang kamay.
Medyo may kalayuan ang lugar na iyon sa sentro ng pamilihan ngunit kayang-kaya naman lakarin. Makipot ang daan patungo doon kaya hindi din maganda na sumakay pa kami ng karwahe. Hindi lang iyon dahil masyadong matataas ang mga d**o na nakapaligid sa daan.
Nasa mismong kalsada kami ng bigla kaming lumiko sa isang maliit na eskinita. Agad na nagbago ang emosyon ni Althaia nang mapansin ang daan na tinatahak namin. Gayunpaman ay makikita sa kanyang mukha na nasisiyahan ang babae sa kanyang nakikita.
Binitawan ko na ang kanyang kamay at hinayaan siya na damhin ang bawat dahon ng matataas na d**o na aming nadadaanan. Malamig ang simoy ng hangin bagay na dumagdag sa magandang epekto ng lugar kay Althaia. May ilang paru-paro at tutubi na lumilipad sa paligid.
“Ang ganda,” hindi napigilan na bulalas ni Althaia habang patuloy siya sa kanyang paglalakad. Masaya kong pinagmasdan ang kanyang marahan na paglakad at tila pakikipag-usap sa mga paru-paro na minsan ay dumadapo sa kanya.
“Malapit na tayo,” tukoy ko sa pwesto na nais kong ipakita sa kanya. Saglit siyang lumingon sa akin at ngumiti ng malapad. Tumigil din siya sa kanyang paglalakad upang hintayin ako. May nakita akong bulaklak kaya pinitas ko iyon at inipit sa kanyang tainga.
“Para sa pinakamagandang babae na kasama ko ngayon,” buong pagmamahal na wika ko nang makita ang kanyang hitsura. Bumagay sa kanya ang katamtamang laki ng bulaklak sa tainga.
“Salamat, halika na,” anyaya niya at siya naman ngayon ang humawak sa aking kamay upang sabay kaming makapaglakad patungo sa paborito kong tambayan.
Hindi ko maipagkakaila na sobrang saya ko ngayon. Hindi ko akalain na darating ang pagkakataon na makakasama ko ang babaeng pinakamamahal sa mga lugar na gusto kong puntahan. Nag-uumapaw ang kilig sa aking puso lalo at magkahawak kamay kaming naglalakad ngayon.
Napansin ko na agad ang pinakamataas na puno sa dulo ng eskinita na aming tinatahak. Nag-iisa lang ang punong iyon sa lugar kaya mapapansin agad ng kahit sino na dumadaan sa lugar.
“Malapit na ba tayo?” naniniguradong tanong ulit sa akin ni Althaia. Tumango ako at itinuro sa kanya ang mataas na puno. Tila dumoble ang pagnanais ni Althaia na makarating na agad kami sa lugar. Binitawan niya ang aking kamay at nagsimula tumakbo.
Napangiti na lang ako dahil sa kanyang ginawa. Mas lalo siyang gumanda sa aking paningin. Tila nakikisama sa kanyang kilos ang malakas na ihip ng hangin. Bahagyang inililipad nito ang kanyang mahabang buhok.
“Mag-iingat ka!” babala ko sa ginagawa nyang pagtakbo. Hindi ko nais na masaktan siya dahil sa pagmamadaling makarating sa puno.
“Bilisan mo!” ganting sigaw niya sa akin kaya binilisan ko na ang aking paglalakad upang sundan ang babae. Nag-alala ako ng mapansin na nakatigil siya at nakaharap lang sa malaking puno.
“Althaia?” tinapik ko ang kanyang likod upang mapansin nito na nasa likuran na niya ako. Tahimik naman siyang lumingon sa akin at agad akong niyakap. Hindi ko inaasahan na gagawin niya iyon kaya bahagya akong natigilan.
“Althaia?” muli kong tawag sa kanyang pangalan. Labis akong nag-alala dahil ang tahimik niyang pagyakap ay unti-unting nagkaroon ng mahihinang hikbi.
“Deimos,” tila hindi niya mabanggit ang mga salita na gusto niyang sabihin sa akin. Hinawakan ko ang kanyang mukha at marahan na pinunasan ang mga luha sa kanyang pisngi.
“Bakit ka umiiyak?” puno ng pag-aalala na tanong ko sa kanya. Kung alam ko lang na magkakaganito siya sana ay hindi na lang kami pumunta dito.
“Bakit ngayon mo lang ako dinala dito? Deimos gusto kong sabihin sayo na sobrang napasaya mo ako ngayon,” panay pa din ang kanyang paghikbi habang sinasabi ang mga salitang iyon.
Nakahinga ako ng maluwag ng marinig ang kanyang sinabi. Akala ko naman ay kung ano na ang nangyari dahilan upang umiyak siya. Agad din akong napangiti nang makita ang masaya ngunit umiiyak niyang mukha. Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili kaya muli ko siyang niyakap at mas mahigpit iyon ngayon.
“Masaya ako dahil nagustuhan mo ang lugar na ito,” tinapik-tapik ko pa ang kanyang likod. Tumigil na din siya sa kanyang pag-iyak at gumanti ng yakap. Hindi ko makakalimutan ang araw na ito dahil magiging isa ito sa magandang ala-ala naming dalawa na magkasama.
“Mahal na mahal kita, Deimos!”