DEIMOS POV
Tinanghali ako ng gising dahil hindi agad ako nakatulog kagabi. Hindi mawala sa aking isipan kung ano ang kalokohan na ginawa ni Avarice. Hindi pa din ako makapaniwala na umabot kami sa ganung punto. Hindi ko nais na malaman ni Althaia ang tungkol doon klaya kailangan kong itago sa kanya ang bagay na iyon.
Pupungas-pungas at tila wala ako sa sarili nang dumating ako sa opisina namin. Nandoon na si Marko maging ang aking kasintahan na gaya dati ay matamis na ngiti ang kanyang naging pagbati sa akin. Gumanti ako ng isang tipid na ngiti dahil masama ang aking pakiramdam sa nangyari.
Inilibot ko ang aking paningin sa aming opisina upang siguraduhin na wala si Avarice at hindi ko makikita ang kanyang pagmumukha ngayong araw. Nang masigurong wala ang babae ay dumiretso na ako sa aking pwesto upang simulan ang aking trabaho.
“Ayos ka lang ba?” napapitlag pa ako ng marinig ang tanong ni Althaia. Hindi ko man lang namalayan ang kanyang paglapit sa akin. Masyadong okupado ang aking isip sa nangyari at hindi ko iyon magawang alisin sa aking isip.
“Ah, oo ayos lang ako,” pagsisinungaling ko sa kanya. Mataman n’ya akong tinitigan upang siguraduhin kung nagsasabi ako ng totoo. Sa huli ay inilapat pa niya ang kanyang palad sa aking noo at sinalat iyon.
“Bakit hindi ka muna magpahinga?” suhestiyon niya ng tila maramdaman niya na masama ang aking pakiramdam.
“Kaya ko naman kaya huwag ka ng mag-aalala. Magpapahinga ako agad pag hindi ko na talaga kaya,” hinawakan ko ang kanyang kamay at marahang pinisil iyon.
“Ikaw ang bahala,” nakangiting wika niya bago bumalik ulit sa kanyang pwesto. NGinitian ko na lang siya upang mawala ang pag-aalala niya sa akin.
“Nagpaalam ba sa inyo si Avarice?” natigilan ako sa naging tanong ni Marko. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot sa kanya.
“Kaya pala hindi ko nakikita si Avarice ngayong araw ay dahil wala siya,” malungkot na wika naman ni Althaia. Hindi ko nais na makita ang malungkot na mukha ng aking pinakamamahal. Gayunpaman ay hindi ko nais sabihin sa kanya ang dahilan ni Avarice.
Sa ngayon ay batid kong umalis na ng tuluyan ang babae sa aming kaharian. Tiyak na umalis agad siya matapos ang nangyari kagabi. Ang totoo ay hindi ko pa din makalimutan ang huling sinabi ng babae. Kailangan ko ba paghandaan ang posibleng pagbabalik niya dito sa aming kaharian. Hiling ko na sana ay hindi iyon mangyari dahil hindi ko kakayanin na makita si Althaia na nasasaktan.
“Siguro ay umuwi na siya sa kanilang kaharian,” ito lang ang maaari kong sabihin.
“Pero sabi niya sa akin ay mananatili pa siya dito sa kaharian,” nakalimutan ko na nag-usap nga pala si Althaia at ang kanyang kapatid kahapon.
“Siguro ay naisip niya na umuwi na lang muna dahil tapos ka na niya turuan sa paggamit ng iyong kapangyarihan,” nakahinga ako dahil sa sinabi ni Marko. Nahihirapan kasi ako mag-isip ngayon kung ano ang pwede kong sabihin.
“Sabagay, wala din naman siya ibang kakilala dito. Siguro nga ay nagdesisyon na siya na umuwi muna. Nakakalungkot lang na hindi siya nagpaalam sa akin,”
“Siguro ay babalik din s’ya agad kaya hindi na siya nagpaalam sa’yo,” muntik akong masamid sa sarili kong laway nang marinig ang sinabi ni Marko. Iyon ang bagay na hindi ko nais mangyari.
“Okay ka lang ba?” nag-aalalang baling na tanong sa akin ni Althaia. Tumango na lang ako bilang sagot bago uminom ng tubig na nasa aking lamesa.
“D’yan muna kayo magpapahangin lang ako saglit sa training ground,” pagkasabi nun ay agad na akong tumayo at nagtungo sa pintuan patungo sa training ground. Napansin ko pa ang pagtataka sa mukha ng dalawa kong kasama pero binalewala ko iyon at tuluyan silang iniwan.
Pabagsak akong humiga sa training ground. Ngayon lang nangyari sa akin ang bagay na ito kaya hindi ko alam kung ano ang mga bagay na kailangan kong gawin. Hindi ko din tiyak kung ano ang nasa isip ngayon ni Avarice.
Natatakot ako sa posibleng gawin ng babae kapag naisipan niya na bumalik sa aming kaharian. Hindi ko alam kung ano ang kaya niyang gawin pero dahil sa ginawa niya nung nakaraan ay tiyak ko na higit pa doon ang kaya niyang gawin. Batid ko na gagawin niya ang lahat upang maghiwalay kami ng kanyang kapatid.
Nagbago ang aking buhay magmula ng makilala ko si Althaia kaya hindi ako papayag na guluhin kami ni Avarice. Gayunpaman ay hindi ko kayang hulaan kung ano ang plano ng babaeng iyon. Sana ay hindi na talaga siya bumalik at maisip niya na hindi tama ang kanyang nais.
“Maaari ba kitang samahan dito?” mahinang tanong sa akin ni Althaia na gaya kanina ay hindi ko na naman namalayan ang kanyang kilos.
“Oo naman,” nakangiting sagot ko sa kanya at hinawakan pa ang kanyang kamay upang tumabi siya sa akin. Walang pag-aalinlangan na humiga siya sa aking tabi at sumiksik pa sa aking dibdib.
“May problema ba? Kanina ko pa napapansin na malalim ang iyong iniisip,” tanong ulit niya ng hindi nakatingin sa akin. Mas mabuti ang ganun dahil hindi ko kayang salubungin ang kanyang tingin lalo at nagsisinungaling ako sa kanya ngayon kung ano ang totoo kong iniisip.
“Huwag ka masyadong mag-isip dahil pumapangit ka,” sa pagkakataong ito ay tumingin na siya sa akin. Hindi ko sigurado kung nagbibiro siya dahil seryoso ang kanyang mukha.
“Opo, kamahalan,” sagot ko dahilan upang mapangiti siya. Pinilit ko ang sarili na huwag ng isipin ang tungkol sa bagay na iyon upang hindi mag-aalala ng husto si Althaia. Hindi ko din alam kung hanggang kailan ko kayang pigilan ang aking sarili na sabihin sa kanya ang tungkol sa aking lihim.
“Nagugutom na ako,” malambing na wika niya. Naalala ko na hindi din ako nakapag-almusal kanina dahil hindi ko napakinabangan ang tinapay na binili kagabi.
“Halika na,” tumayo na ako at inalalayan din siya sa kanyang pagtayo. Sabay na kaming bumalik sa loob upang yayain si Marko na sumabay sa amin kumain.
AVARICE POV
“Tama nga ang aking hinala na hindi mo kayang sabihin kay Althaia ang tungkol sa ginawa ko,” nakangiting bulong ni Avarice sa sarili.
Masyado siyang nasaktan kagabi dahil sa ginawa ni Deimos sa kanya. Pakiramdam ko ay ang dumi ko dahil sa tingin na ibinigay niya sa akin. Kasalanan ko ba na magkagusto ako sa kanya at mangarap na makasama siya habambuhay.
Nagdesisyon na akong umalis kagabi dahil hindi ko matanggap sa sarili na palpak ang ginawa kong plano. Gayunpaman ay naisip ko na hindi ako maaaring umalis agad hangga’t wala akong nakukuha kay Deimos.
Ito ang dahilan kung bakit tahimik akong nagmamasid ngayon sa opisina kung saan naroon ang lalaki maging ang kanyang kasintahan. Tuluyan ng nawala sa aking isip ang responsibilidad ko bilang kapatid ni Althaia. Wala na akong pakialam kahit ano pa ang sabihin sa akin ng hari.
Kasalukuyan akong nag-iisip ngayon ng paraan kung paano ako muling makakalapit kay Deimos. May kailangan akong malaman tungkol sa kanya upang mas madali kong maisagawa ang susunod kong plano. Hindi ko kayang gawin ang lahat ng iyon kung wala akong alam tungkol sa kanya.
Naalala ko si Marko na kaibigan at kanang kamay ni Deimos. Tiyak na mahihirapan akong makalapit kay Deimos dahil nararamdaman nito ang aking presensya. Hindi din ako pwedeng magpakita kay Althaia dahil sigurado akong pipigilan nito ang aking pag-alis.
Kawawa naman ang aking kapatid na nangungulila sa akin ngayon. Wala siyang kaalam-alam sa kung anong ginagawa at pinaplano ko ngayon. Tiyak na umaasa si Althaia na muli akong magpakita sa kanya at magawang magpaalam. Nakakalungkot na hindi ko iyon maaaring gawin dahil masisira na naman ang aking plano para kay Deimos.
“Huwag kang mag-alala Althaia dahil sisiguraduhin ko na hindi ka masasaktan ng sobra kapag kinuha ko sayo si Deimos,”
Nag-isip ako ng paraan kung paano ko makakausap si Marko na hindi namamalayan ni Deimos. Gumawa ako ng isang krystal na gawa sa aking kapangyarihan upang ibigay kay Deimos. Tiyak na malalaman agad ng lalaki na sa akin iyon nanggaling.
Wala akong pakialam kahit malaman niya dahil ang importante sa akin ay mahawakan niya ang krystal na iyon. Hihintayin ko na lang na lumabas si Marko upang maibigay ko sa kanya ang bagay na ito.
Hindi naman ako naghintay ng matagal dahil maya-maya lang ay lumabas na si Marko mula sa opisina. Tahimik kong tinawag ang kanyang pansin at agad siyang lumapit sa akin ng makita ako.
“Anong ginagawa mo dito bakit hindi ka pumasok sa loob?” bungad na tanong niya sa akin. Napakadaldal talaga ng lalaking ito. Nginitian ko na lang muna siya bago ako nagsalita.
“Nagmamadali kasi ako kaya hindi na ako papasok sa loob,” pagdadahilan ko na tinanggap naman niya.
“Nag-aalala si Althaia dahil hindi ka nagpaalam sa kanya,”
“Ikaw na ang bahalang magsabi sa kanya na paalis na ako,” pagmamakaawa ko sa kanya at sinamahan pa iyon ng pagpungay ng akong mata upang pumayag ang lalaki. Hindi nga ako nagkamali at agad siyang pumayag.
“Sige, ako na ang bahala. Teka, ano naman ang hawak mo na iyan?”
“Pwede ba na ibigay mo ito kay Deimos bilang pasasalamat ko sa kanyang pagligtas sa akin nung unang araw ko dito sa inyong kaharian,”
“Oo naman. Makakarating ito sa kanya,” kinuha na niya sa akin ang kristal na ginawa ko bilang panimula sa bago kong plano.
Nagpaalam na din ako kay Marko at ganun din ang lalaki sa akin. Mabait si Marko at gwapo din siya ngunit si Deimos pa din ang gusto ko. Sana lang ay hindi pumalpak ang lalaki sa bagay na kailangan niyang gawin.
“Humanda ka Deimos sa muli kong pagbabalik.”