“Ama!” malakas at natataranta na sigaw ni Vera nang makarating kami sa palasyo. Kulang na lang ay lumipad ang babae upang makarating kung saan naroon ang kanyang Ama. Mabuti na lang at naging alerto ang mga alagad ng palasyo at tinulungan akong buhatin si Althaia patungo sa sariling silid nito.
Humahangos si King Daeyn na sinalubong ang kanyang anak na umiiyak. Agad na sumubsob si Vera sa dibdib ng kanyang Ama at halos tinakasan ng boses at hindi makapagsalita sa sobrang takot at pangamba.
“Anong nangyari bakit ka umiiyak?” nag-aalala na tanong ng hari.
Saktong dumaan naman ako na bitbit si Althaia kaya hindi na niya hinintay pa na sabihin ni Vera kung anong nangyari. Sa pagmamadali ay hindi na din ako nakapagbigay galang sa kanya na batid kong naintindihan nito.
“Huwag ka ng umiyak, anak. Kumalma ka muna at magpahinga tatawagan ko lang ang ating manggagamot upang asikasuhin si Althaia,” tinapik-tapik pa nito ang likod ng kanyang anak.
Naging mabilis naman ang pagsaklolo ng mga nagsisilbing babae sa palasyo upang alalayan si Vera. Maputla na ang mukha niya at bakas sa kanyang nanginginig na tuhod ang hindi maalis na takot. Ngayon ko lang nakita ng ganito si Vera at masasabi kong mahal talaga niya si Althaia.
Sumunod na din si Vera sa taas kung saan naroon ang silid ni Althaia. Kahit nanghihina at pinipigilan ng mga kasama sa palasyo ay hindi siya nagpatinag na hindi puntahan si Althaia na ngayon ay nakahiga na sa silid nito.
“Gusto ko siyang samahan,” umiiyak na pakiusap niya sa akin.
“Ako na muna ang bahala sa kanya at magpahinga ka muna, saka ka bumalik dito kapag maayos na ang iyong pakiramdam,” pagtutol ko sa kanyang gusto.
Hindi ko nais ipagdamot si Althaia sa kanya dahil alam ko naman kung gaano ang pagmamahal nila sa isa’t-isa na tila magkapatid. Gayunpaman ay hindi ko nais na maging ganun ang kalagayan ni Vera dahil sa nangyari sa kanyang kaibigan. Ayokong mag-alala ng lubha ang mahal na hari dahil sa kanilang magkaibigan. Parang anak na din kasi ang turing ni King Daeyn kay Althaia kaya alam kong magiging mahirap din sa hari ang nangyari.
“Kailangan ako ni Althaia,” pagmamatigas ni Vera.
Tinignan ko siya ng masama upang ipartaing na hindi ko nagustuhan ang nais niyang mangyari. Tila naramdaman niya ang gusto kong iparating sa kanya at malungkot na tumungo at tahimik na umiyak.
“Sige, dalhin n’yo na ang prinsesa sa kanyang silid,” utos ko sa mga nagsisislbi sa palasyo na naghihintay sa prinsesa.
Labag sa loob na naglakad si Vera at malungkot na sinulyapan si Althaia bago tuluyang lumabas ng silid. Nakahinga naman ako ng maluwag ng mawala ang babae sa aking paningin. Sa ngayon ay kailangan kong ituon ang aking atensyon kay Althaia.
Agad kong nilapitan ang babae at tinignan ang sugat nito sa tagiliran. Malalim ang tinamo niyang sugat kaya patuloy ang pagdugo nito. Naghanap ako ng panyo sa kanyang damitan upang tapalan ang kanyang sugat habang wala pa ang manggagamot.
Hindi na ako mapakali at nahihirapan akong huminga dahil sa nangyari kay Althaia. Hanggang ngayon ay wala pa din siyang malay at halos ayaw tumigil sa pagdugo ang kanyang sugat sa tagiliran. Gusto ko ng magmura dahil hanggang ngayon ay wala pa din ang taong gagamot sa kanya.
Panay ang pagsilip ko sa bintana upang tignan kung dumating na ang manggagamot. Halos limang beses ko din iyong ginawa bago ko napansin ang bagong dating na karwahe na may lulan sa nasabing manggagamot.
“Nasaan ang pasyente?” agad na bungad nito nang makapasok sa silid ni Althaia. Itinuro ko naman ang aking kasintahan na ngayon ay maputla na ang mukha dahil sa dami ng dugo na nawala sa katawan niya.
“Maraming dugo na ang nawala sa kanyang katawan dahil sa lalim ng kanyang sugat na tinamo,” pagbibigay ulat ko sa manggagamot.
Hindi ako nito sinagot at agad na tinanggal ang panyo na ibinalot ko sa sugat ni Althaia. Pinuluhan din nito ang aking kasintahan upang tiyakin ang kalagayan nito sa kabila ng pagdurugo.
“Kailangan ko ng mainit na tubig upang malinisan at maisara ang kanyang sugat habang maayos pa ang pagpintig ng kanyang pulso,” nagmamadaling utos nito sa akin.
“Sige,” palabas na ako ng silid ng biglang bumukas ang pinto at pumasok si King Daeyn na may kasamang tagasilbi. May dalang maliit na planggana ang babae na naglalaman ng mainit na tubig.
“Alam kong kakailanganin ito ng manggagamot kaya nagpainit na agad ako ng tubig sa kanila,”
Tumango na lamang ako at nagpasalamat sa mahal na hari. Bumalik din agad ako sa tabi ni Althaia habang nililinis ng manggagamot ang kanyang sugat. Pigil ang aking paghinga sa bawat ginagawang pagpunas nito sa sugat ng aking kasintahan.
Mabuti na lang din at walang malay si Althaia ngayon dahil tiyak kong mas masasaktan siya sa bawat pagdampi ng mainit na tubig sa kanyang balat. Hindi ko mapigilan ang pumikit nang makitang malinis na ang sugat niya at inihanda ng manggagamot ang pantahi sa kanyang sugat.
“Magpahangin ka muna at tatawagin na lang kita kapag tapos na siya,” tinapik pa ako sa balikat ni King Daeyn pagkatapos sabihin iyon. Napansin siguro niya na hindi ko kayang tingnan ang bawat paghila sa sinulid na nagmumula sa balat ni Althaia. Tila nararamdaman ko ang sakit na dapat ay si Althaia ang nakakaramdam.
“Maraming salamat kamahalan,” nagbigay galang ako bago tuluyang lumabas ng silid.
Lumabas na ako ng silid at hinayaan ang sarili na lumanghap ng sariwang hangin dahil tila sumisikip na din ang aking dibdib. Pasalamat kami at ganun lang ang nangyari kay Althaia dahil hindi ko alam kung anong kaya kong gawin kung sakaling mas masama ang nangyari.
Naalala ko ang lalaking nagmamadali kanina sa pagtakbo. Malakas ang kutob ko na siya ang may gawa ng bagay na iyon kay Althaia. Napasuntok ako nang maalala na hindi ko namukhaan ang lalaki dahil sa sumbrero nito na humaharang sa kanyang mukha.
Kailangan kong imbestigahan ang pangyayari at alamin kung sino ang nagnais na gumawa nun kay Althaia. Wala akong alam na taong may galit sa kanya o kahit sa mahal na hari kaya malaking palaisipan para sa akin kung sino ang may gawa nito. Bago ang lahat ay kailangan ko muna siguraduhin ang kalagayan ni Althaia.
“Deimos!” agad akong napalingon nang marinig ang pagtawag sa akin ni King Daeyn.
“Tapos na po ba?”
“Oo pwede mo ng puntahan at bantayan si Althaia. Ako na ang bahala sa manggagamot,”
“Maraming salamat, King Daeyn,”
Tumalima na ako at agad na bumalik sa silid ni Althaia. Tinignan ko muna ang sugat niya na ngayon ay mayroon ng benda. Nakahinga ako ng maluwag dahil sa wakas ay hindi ko na nakikita ang pag-agos ng kanyang dugo mula doon.
Maputla pa din s’ya pero hindi na katulad kanina. Hinawakan ko ang kanyang palad na ngayon ay may konting init na. Hindi ko iyon nais pakawalan dahil natatakot ako na baka mawala siya sa akin. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang aking luha habang mataman na nakatingin sa kanya.
Napayuko ako at pinunasan ang luhang naglalandas sa aking pisngi. Ganun ang aking kalagayan ng may kumatok sa pintuan.
“Deimos, si Vera ito maaari ba akong pumasok?” walang buhay na tanong niya sa akin. Siniguro ko muna na maaayos ang aking itsura bago nagtungo sa pintuan at pinagbuksan ang prinsesa.
“Kumusta si Althaia?” tanong niya sa akin ng hindi tumitingin. Hinayaan ko na din siya na tumabi kay Althaia at pumalit sa puwesto ko kanina.
“Malinis na ang kanyang sugat at tinahi na din iyon ng manggagamot. Kailangan na lang niya ng pahinga at hintayin ang pagkakaroon niya ng malay,”
“Mabuti kung ganun.”
“Namukhaan mo ba kung sino ang may gawa nito sa kanya?” pag-uusisa ko. Siya ang kasama ni Althaia ng mangyari ang insidente.
“Hindi. Masyadong mababa ang sumbrero ng lalaki kaya hindi namin siya nakilala. Isa pa ay mabilis ang pangyayari. Binangga niya si Althaia at hindi niya namalayan na nasaksak na pala siya,” humagulgol si Vera matapos magkuwento ng nangyari.
Nag-init naman ang aking ulo dahil sa aking nalaman. Hindi ko akalain na ganun kadali nilang nagawa ang bagay na iyon kay Althaia. Sisiguraduhin ko na mahahanap ang sinuman na may gawa nun.
“Pagbabayaran nila ang ginawa nila kay Althaia,” may diin at galit na wika ko.
“Alam mo ba kung sino ang posibleng may gawa nun?” nagtatanong ang mga mata ni Vera at tila umaasa na alam ko ang sagot sa kanyang tanong.
Malungkot akong umiling bilang sagot dahil wala akong ideya kung sino ang salarin. Gustuhin ko man na parusahan ang lalaki ngunit hindi ko iyon magagawa hangga’t hindi ko siya nakikilala. Isa pa ay tiyak ko na wala din ibang nakakakilala sa lalaking iyon.
“Sana ay mahanap natin ang lalaking iyon upang maparusahan,” matapang na wika ni Vera bago nito hinaplos ng buong pagmamahal ang mukha ng kaibigan.
“Iyon din ang aking hiling sa ngayon,” pagsang-ayon ko sa kanyang sinabi.
“Magpahinga ka muna, ako na ang bahala magbantay ngayon kay Althaia,”
Sabagay ay kanina pa ako nandito sa palasyo. Siguro ay kailangan ko muna bumalik sa aking tinutuluyan upang kumuha ng aking gamit bago muling bumalik sa palasyo. Mabuti na lang at may matalik na kaibigan si Althaia na handa siyang damayan sa lahat ng bagay.
“Maraming salamat, prinsesa,”
“Vera na lang din ang itawag mo sa akin,” nakangiting sagot niya. Sa tingin ko ay iyon ang hudyat na tapos na ang tila aso’t pusa na bangayan namin dahil sa atensyon ni Althaia.
“Sige, ikaw na muna ang bahala sa kanya,” Nakangiting sagot ko din at hindi na nagmatigas pa. Hinalikan ko muna sa noo ang aking kasintahan na mahimbing pa din ang tulog bago muling nagpaalalm kay Vera at tuluyang umalis sa palasyo.