AVARICE POV
“Ang sabi ko ay takutin mo lang pero bakit mo sinaktan?!” nanggagalaiti na sigaw niya sa lalaki.
“Pasensya na po, kamahalan,” paghingi nito ng tawad sa akin at panay din ang pagyuko nito bilang pag-amin sa kasalanan na kanyang ginawa.
Hindi ko gustong saktan si Althaia dahil kahit papaano ay kapatid ko pa din siya. Ang gusto ko lang na gawin nila ay takutin ang babae upang maging mahina siya. Malakas ang aking pakiramdam na darating ang araw na mas malakas siya sa akin.
Isa pa ay gusto kong malayo ang loob ni Althaia kay Deimos upang maging mas madali sa akin ang aking plano. Paano ko gagawin ang bagay na iyon kung ngayon ay magkasama sila dahil nasaktan ang pinakamamahal nitong kasintahan.
“Napaka-bobo n’yo!” muling sigaw ko sa lalaki. Hindi pa ako nasiyahan sa aking pagsigaw at nagpakawala din ako ng aking kapangyarihan upang saktan ang lalaki.
“Patawad, kamahalan. Hindi na po mauulit,” pinagsalikop pa nito ang dalawang palad upang magmakaawa sa akin. Siguradong batid niya na kaya ko siyang paslangin dahil sa ginawa niyang pagkakamali.
“Talagang hindi na mauulit dahil hindi na kita kailangan!”
“Ngunit kamahala-------” hindi nito natuloy ang nais sabihin dahil pinanlakihan ko siya ng mata at idinuro.
“Lumayas ka na at baka mapaslang pa kita. Huwag ka na din magpakita pa sa akin kahit kailan!”
Tila nahintakutan naman ang lalaki kaya nagmamadali siyang tumayo at halos madapa sa ginawa nitong paghakbang palabas ng silid. Hindi na ako natutuwa sa mga nangyayari. Tila hindi umaayon sa aking kagustuhan ang mga dapat mangyari.
“Kailangan ko ng mahanap ang lalaking iyon upang matulungan ako sa aking plano,”
Ang malaking tanong ay hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin dahil maging si Deimos ay hindi alam kung sino ang lalaking iyon. Ano ba ang nangyari sa kanilang dalawa ni Altahia at tila may malaking puzzle sa kanilang mga buhay.
Gusto kong tanungin ang mahal na hari tungkol sa bagay na iyon pero natatakot ako na baka malaman nito kung ano ang aking ginagawa. Tiyak na mapaparusahan ako nun kapag nalaman na nais kong saktan ang isa niyang anak.
“Saan ko ba hahanapin ang nilalang na iyon?” tanong ko sa aking sarili. Tila nakaramdam ako ng pagod ngayong araw dahil sa hindi magandang balita kaya naman bumalik na ako sa aking silid upang magpahinga.
“Ano kaya ang kalagayan ni Althaia ngayon?” hindi ko napigilan na tanong sa aking sarili.
Hindi ko ginusto ang nangyari sa kanya dahil hindi naman iyon ang inutos ko sa kanila. Gayunpaman ay nakaramdam ako ng konting kaba dahil sa nangyari. Ano kaya ang magiging kaparusahan ko kapag nalaman ng aming Ama na ako ang nag-utos ng bagay na iyon sa sarili kong kapatid.
Paano kung natuluyan si Althaia at hindi siya nasaksak lang? Kakakayanin ba talaga iyon ng aking konsensya? Ano kaya ang magiging reaksyon ni Deimos kapag nangyari ang kalagim-lagim na bagay na iyon? Sigurado akong masasaktan ng sobra ang lalaki lalo kapag nalaman niya na ako ang may kagagawan ng lahat.
“Hay naku makatulog na nga lang!” padabog akong humiga nang mapagtanto na ang dami ko na naman iniisip na hindi ko naman kailangan isipin.
***************
VERA POV
Hanggang ngayon ay nanginginig pa din ang aking tuhod dahil sa sobrang takot sa nangyari kay Althaia. Hindi ko akalain na mangyayari ang bagay na iyon sa kanya. Habol ko pa din ang aking hininga dahil hindi mawala sa aking isip ang posibilidad na sa akin nangyari ang bagay na iyon.
“Mukhang malalim ang iyong iniiisip, anak?” napalingon ako ng marinig ang tanong sa akin ng mahal na hari.
“Hindi lang po mawala sa aking isip ang posibilidad na sa akin nangyari ang aksidenteng iyon,” tukoy ko sa nangyari.
“Huwag ka ng mag-isip dahil sigurado akong magiging ayos ang kalagayan ni Althaia,” pagpapalubag-loob nito sa akin.
Alam kong malakas si Althaia at makakaya niyang malampasan ang nangyaring aksidente. Isa pa ay may kakayahan ang aking kaibigan bilang healer kaya tiyak ko na gagaling din siya agad. Hindi lang mawala ang kaba sa aking dibdib dahil hanggang ngayon ay wala pa din malay ang aking kaibigan.
“Bakit hindi mo muna subukan magpahinga para mawala na ang mga agam-agam mo?” tinapik pa ni King Daeyn ang aking likod at marahan iyong hinimas upang tulungan akong kumalma.
Tila nakatulong naman ang ginawa ng aking Ama. Huminga ako ng malalim upang tuluyan alisin sa aking isip ang takot na nararamdaman. Pinilit ko ang sarili na huwag mag-isip ng kung anu-ano at magpokus na lang sa ikagagaling ni Althaia.
“Wala pa din po ba malay si Althaia?” tanong ko sa hari. Nanggaling siya sa silid ng aking kaibigan kung saan ay si Deimos ang kasalukuyang nagbabantay.
Laking pasalamat ko ng araw na iyon dahil nagkataon na naroon si Deimos nang mangyari ang insidente. Kung nagkataon ay hindi ko alam kung anong gagawin ko para kay Althaia. Halos mawalan na din ako ng malay nang makita ko ang dugo sa kamay ni Althaia.
Hindi ko din alam kung kanino ako hihingi ng tulong ng araw na iyon dahil masyadong maraming tao sa paligid. Lahat sila ay nakapokus ang tingin sa amin pero wala ni isa ang tila may balak na tumulong.
“Wala pa din siyang malay kaya mas mabuti na magpahinga ka na lang muna,” buong pag-aalala na sagot niya sa aking tanong.
“Mas mabuti pa nga po,” sang-ayon ko dahil masama pa din hanggang ngayon ang aking pakiramdam.
“Huwag kang mag-alala dahil sasabihan kita agad sa oras na magising si Althaia,” tumango na lang ako bilang sagot sa kanya. Laking pasalamat ko na kahit wala na ang reyna ay hindi naman ako pinabayaan kahit kailan ng aking mahal na Ama.
Hindi siya nagkulang sa pag-aaruga sa akin. Lagi siyang nasa aking tabi sa tuwing kailangan ko ng kanyang kalinga. Madalas kong nakukuha ang kanyang atensyon sa tuwing kailangan ko s’ya.
Niyakap ko ang mahal na hari dala na din ng halo-halong emosyon na aking nararamdaman. Nagpasalamat ako sa kanya sa lahat ng bagay. Idagdag pa ang pang-unawa niya sa pinagdaanan ng aking kaibigan. Sa pagsuporta niya sa kagustuhan ni Althaia na tila sarili kong kapatid.
“Iha, lagi mong tandaan na mahal ko din kung ano ang mahal mo,” buong pagmamahal niyang wika sa akin at marahan na hinaplos ang aking mukha.
Tuluyang tumulo ang aking luha na kahapon ko pa pinipigilan na ipakita sa kanya. Ayokong makita niya ang aking kahinaan pero alam ko na kailangan ko itong gawin dahil ito ang tamang oras para doon.
“Maraming salamat, Ama,”
“Huwag ka ng umiyak, magiging ayos din ang lahat,” humiwalay na siya sa aking pagkakayakap.
“Hiling ko din na sana ay malaman natin kung sino ang may gawa nito kay Althaia at kung sinadya ba itong gawin sa kanya,” napalitan ng galit ang pag-aalala at takot na nararamdaman ko kanina. Indikasyon lang na epektib ang pagdamay sa akin ng mahal na hari.
“Hindi ako titigil na hindi natin malaman ang tungkol doon upang maparusahan siya kung sino man iyon,”
“Magpapahinga na po ako ,Ama,” paalam ko sa kanya matapos ang saglit na katahimikan.
“Sige, ipapatawag na lang kita kapag may balita na ako sa kalagayan ni Althaia,”
“Sige po,” tumango na lang siya bilang sagot at naging hudyat iyon upang maglakad na ako patungo sa aking silid. Kailangan kong magpahinga ng mabuti upang magkaroon ako ng lakas.
Kailangan kong hanapin ang lalaking iyon na sumaksak kay Althaia. Siya ang magiging susi upang malaman namin kung aksidente ang nangyari. Malamang ay siya din ang makakapagsabi kung sino ang posibleng nag-utos ng bagay na iyon upang gawin sa aking kaibigan.
Dumiretso na ako sa higaan kahit alam ko sa aking sarili na hindi ako makakatulog. Nakatitig lang ako sa kisame at tila naging pelikula ang nangyaring insidente sa aking utak. Paulit-ulit ko itong nakikita habang nakatingin sa itaas.
Kahit sino ay hindi aakalain na may balak ang lalaking iyon na saksakin si Althaia dahil masyadong mabilis ang pangyayari. Malinaw pa sa aking ala-ala ang masayang mukha ng aking kaibiagan habang inaasar ako ng mabangga siya ng nasabing lalaki.
Kung tutuusin ay balewala sa kanya na binangga siya at walang sabi-sabing nagmamadaling umalis. Kaya hindi ko talaga matanggap ang hindi inaasahan na pangyayari. Kung hindi ko pa nakita ang dugo sa kanyang mga kamaya ay baka hindi niya malalaman na nasaksak na pala siya.
Wala kaming ibang pwedeng sisihin dahil siya lang ang nakalapit kay Althaia ng oras na iyon. LIteral na nakakubli din ang kanyang mukha dahil sa malaking sumbrero na suot niya. Mapapansin na pinagplanuhan gawin ang bagay na iyon.
Dahil sa aking naiisip ay nagkaroon ako ng ilang tanong na kailangan kong sagutin. Paano nalaman ng lalaking iyon na naroon kami? Hindi ba nito batid na anak ako ng hari at nagawa niya ang bagay na iyon? Sa tingin ko ay si Althaia talaga ang kanyang pakay dahil naging mataman ang ginawa nitong pagtingin sa aking kaibigan bago nagdesisyon na iwan kami.
“Ugh, ayoko ng mag-isip!” tila nais ng sumuko ng sarili kong utak. Hindi ako sanay na nag-iisip ng ganito kalalim lalo at hindi tungkol sa negosyo.
“Pero may kailangan akong malaman sa nangyari at hindi ko ito pwedeng balewalain,” huminga ako ng malalim dahil sa aking sinabi.
Umayos na ako ng higa at pinilit ang sarili na makatulog dahil kailangan kong bisitahin si Althaia mamaya sa kanyang silid. Sigurado akong pagod na din si Deimos kahit mahal na mahal niya ang aking kaibigan.