ALTHAIA POV
Nagising ako at napansin ko na madilim ang buong paligid. Hindi ko matiyak kung saan lugar ako naroon ngayon. Pinilit kong lakihan ang aking mata upang maaninag ang dapat kong tignan. Pinakiramdaman ko din ang buong paligid upang masiguro na magiging ligtas ako kung saan man ako naroon ngayon.
Naglakad ako kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi nagtagal ay may natanaw akong palasyo na wala dinmasyadong ilaw. Binilisan ko ang aking paglalakad sa pag-aakalang palasyo iyon kung saan ako nakatira.
Maingat kong binuksan ang malaking tarangkahan na gawa sa magandang klase ng bakal. Naramdaman ng aking palad ang tila dahon na nakalagay sa tarangkahan. Sigurado ako na matagal ng hindi naaasikaso ang tarangkahan dahil sa mga ligaw na damong kumapit doon.
Gayunpaman ay wala akong pakialam dahil kailangan kong malaman kung saan ako naroon ngayon. Muli akong nagpatuloy sa aking paglalakad upang makarating sa malaking pintuan ng palasyo.
Gaya sa palasyo nila Vera ay bumulaga din sa akin ang higanteng pintuan na magdadala sa akin sa loob ng palasyo. Hindi ko maisip na posibleng mapahamak ako kapag pumasok sa loob. Hindi ko maintindihan ang aking sarili pero malakas ang aking pakiramdam na tila may koneksyon ako sa lugar na ito.
Maririnig ang paglangitngit ng malaking pintuan ng buksan ko iyon. Sumalubong sa aking paningin ang maraming kandila na may sindi kaya bahagya kong tinakpan ang aking mata at sinanay muna iyon saglit sa liwanag na aking nakikita.
Nagpatuloy akong pumasok sa loob ng palasyo kahit labis ang aking pagtataka dahil wala kahit isang nilalang ang sumalubong sa akin. Gayunpaman ay may pakiramdam ako na tila may nagmamasid sa akin ngayon.
Napatigil ako sa paglalakad ng maaninag ko ang isang silid na nakasarado ang lumang pintuan. Halata na sa itsura nito na matagal na panahon ng walang pumapasok doon. Hindi ko alam pero tila may nagtutulak sa akin na pumasok sa loob nun. Malakas din ang aking pakiramdam na tila may kailangan akong tignan sa silid.
Nagpalinga-linga muna ako at pilit na hinagip ng aking mata kung sino ang posibleng nagmamasid sa akin ngunit nanatili akong bigo dahil na din sa madilim na paligid. Tanging kandila lamang ang nagsisilbing ilaw ko sa lugar.
Wala naman sigurong mangyayari sa akin kung pumasok ako sa silid na iyon. Kanina pa ako nandito sa lumang palasyo at wala namang nangyari sa akin. Tuluyan na akong nagdesisyon na pumasok sa loob ng silid dahil mas malakas ang aking pakiramdam na may kailangan akong makita doon.
Dahan-dahan kong itinaas ang aking kamay at marahan kong ipinihit ang doorknob ng pintuan. Katulad sa malaking pintuan kanina ay lumangitngit din ang pintuan na binuksan ko ngayon. Kung tutuusin ay dapat akong kabahan dahil sa ginagawa ko ngayon ngunit nakakapagtaka na hindi iyon ang aking nararamdaman.
Maliwanag din ang silid na aking pinasukan dahil sa maraming kandila na nakasindi doon. Malaki ang silid at doble iyon sa laki ng tinutuluyan ko sa palasyo ni Vera. Maganda ang interior ng kwarto at mapapansin na babae ang may-ari ng silid dahil sa mga gamit na naroon.
Matagal kong pinagmasdan ang kabuuan ng silid hanggang bigla na lang sumakit ang aking ulo. May mga hindi pamilyar na pangyayari ang bigla ko nalang naaalala. Napahawak ako sa aking ulo dala ng sakit na aking nararamdaman. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin ngayon.
Hindi ko nais na matumba sa aking kinatatayuan dahil nakaramdam ako ng panghihina ng tuhod. Minabuti kong umupo sa malaking higaan na nasa gitnang bahagi ng silid at hintayin na mawala ang sakit ng aking ulo. Gayunpaman ay tila lalong napasama ang ginawa ko dahil naging mas mabilis ang pagrehistro ng mga hindi pamilyar na ala-ala sa aking isip.
“Ahh!”
Hindi ko napigilan ang aking sarili na hindi sumigaw dahil doon. Nanlalabo na din ang aking paningin at hindi ko na maaninag ang liwanag na nagmumula sa napakaraming kandila sa silid. Hindi ako pwedeng mawalan ng malay sa lugar na hindi ko alam ngunit hindi ko na kayang pigilan pa ang aking mga talukap na tila may sariling buhay at kusang pumipikit.
“Hindi lang iyan ang mangyayari sa’yo dahil marami pa akong nais gawin,” isang pamilyar na boses ang aking narinig na hindi kalayuan sa aking puwesto.
Pinilit ko ang aking sarili na maaninag ang kanyang mukha na alam kong nakatayo ngayon sa aking harapan. Sigurado ako na siya ang mataman na nagmamasid sa akin kanina. Hindi ko maalala kung saan ko narinig ang boses at kung sino ang nagmamay-ari nun.
“Magpakilala ka!” sigaw ko at iwinasiwas ang aking kamay upang maabot ko siya.
“Makikilala mo din ako sa tamang oras,”
“Anong lugar ito at bakit ako nandito ngayon?”
Hindi niya sinagot ang aking tanong at tila naramdaman ko na umalis na siya at iniwan ako. Napasuntok ako sa higaan na aking inuupuan dahil hindi ko man lang nakilala kung sino ang nilalang na iyon.
“Ano ba ang ginagawa ko dito!” iritableng sigaw ko at kinusot ang aking mga mata sa pagbabakasaling makita ko ulit ang aking kinaroroonan. Hindi nagtagal ay naging malinaw na din ang aking paningin kaya naman nagmadali na akong tumayo at lumabas ng silid na kinaroroonan.
“Paano ba ako makakabalik sa Daesyn?” tanong ko sa sarili habang naglalakad sa madilim na lugar.
Katulad kanina ay pilit ko na naman inaaninag ang aking dinadaanan ngayon. Lumabas na ako sa palasyong pinanggalingan kanina. Kung kanina ay marahan ang bawat hakbang na ginagawa ko dahil sa aking pag-iingat ngayon naman ay naging marahas iyon upang makaalis na ako sa lugar na ito. Dahil sa aking pagmamadali ay hindi ko napansin ang malaking puno na aking madadaanan at mayroon itong putol na sanga na tumama sa aking tagiliran.
“Aray!” agad akong napahawak sa aking tagiliran dahil nakaramdam ako ng kirot doon.
Saglit akong natigilan at tila bumalik ako sa aking sariling pag-iisip. Naalala ko na nasaksak nga pala ako kahapon sa pamilihan habang kasama si Vera. Muli akong nagpalinga-linga sa lugar at natiyak na ako lang mag-isa ang naroon.
Hinawakan ko ang aking tagiliran at naramdaman ko ang medyo mainit na likidong nagmumula doon. Batid ko na iyon ang aking sugat at siguradong dumudugo iyon ngayon kaya naman mas diniinan ko pa ang paghawak doon.
Nang masiguro na iyon nga ang sugat na tinamo ko kahapon ay bigla akong nanghina. Marahil ay dahil na din sa dugong patuloy na tumatagas sa aking sugat. Nanginig ang aking tuhod at tuluyan akong napaluhod sa aking kinaroroonan.
Pinagsisisihan ko tuloy ngayon kung bakit ko pinisil ng sobra ang aking sugat. Nagawa kong pigilan ang paglapat ng aking talukap kanina pero sa ngayon tingin ko ay hindi ko na iyon magagawa.
Naging mabilis ang pangyayari at napasandal na lang ako sa malaking puno. Tuluyan na akong napapikit dahil sa sakit na aking nararamdaman ngayon. Hindi nagtagal ay tuluyan na akong nilamon ng dilim at nawalan ng malay. Bago iyon ay naalala ko pa si Deimos na alam kong tinatawag ang akin pangalan.
“Deimos!” malakas na sigaw ko kasabay ang pagmulat ng aking mga mata.
“Althaia?” nag-aalalang mukha ni Deimos ang bumungad sa akin.
Hindi ko na naman masundan kung anong nangyayari ngayon. Ilang beses kong ikinurap ang aking mga mata upang siguraduhin na nasa harapan ko ngayon si Deimos. Nagsalubong naman ang kilay ng aking kasintahan dahil sa ginagawa ko ngayon.
“Ayos ka lang ba?” tanong sa akin ni Deimos kaya natigilan ako sa ginagawang pagkurap.
Nang mapagtanto na kasama ko nga siya ngayon ay tuluyan na akong napabalikwas ng bangon. Binalewala ko ang sakit na naramdaman sa aking tagiliran. Niyakap ko ng mahigpit si Deimos at isinubsob ang sariling mukha sa kanyang malapad na dibdib.
“Gising na ako,” hindi ko mapigilan na hindi humagulgol dahil sa aking sinabi. Tinapik naman ni Deimos ang aking likod upang tulungan akong kumalma.
Nang matapos akong umiyak at tuluyan na gumaan ang pakiramdam ay inilibot ko ang paningin sa silid na aking kinaroroonan ngayon. Napagtanto ko na nasa sariling silid na ako ngayon sa palasyo ng Daesyn.
“Maayos na ba ang iyong pakiramdam?” buong pagmamahal na tanong sa akin ni Deimos at pinisil pa nito ang aking kamay na ngayon ay hawak na niya.
“Masakit ang aking tagiliran,” pag-amin ko sa kanya at maingat kong hinawakan ang aking tagiliran kung saan naroon ang sugat.
“Huwag kang mag-alala dahil malinis at sarado na ang iyong sugat. Kailangan mo na lang mag-ingat at magpalakas,”
“Maraming salamat,” muli ko siyang niyakap na tila kumukuha sa kanya ng lakas.
“Humiga ka muna ulit at baka mabinat ka. Tatawagin ko lang si Vera dahil kahapon pa siya nag-aalala sa iyong kalagayan,” binitawan na niya ang aking kamay at inayos ang aking kumot na ibinalot niya sa aking katawan.
“Sige,” pagsang-ayon ko sa kanyang sinabi. Nang masigurong maayos na ako ay tuluyan na siyang lumabas ng silid upang sabihan si Vera. Sigurado ako na walang ginawa ang babaeng iyon kundi umiyak dahil sa nangyari.
Nakahinga ako ng maluwag dahil panaginip lang pala ang tungkol sa nangyari kanina. Imposibleng totoo iyon dahil hindi ko kailanman napuntahan ang lugar na iyon. Alam kong pamilyar sa akin ang boses na iyon kaya hindi ko tiyak kung dapat kong balewalain ang panaginip. Pumikit ako dahil bahagyang kumirot ang aking sugat ngunit bigla din akong napamulat nang may maalala.
“Avarice?”