Kahit kailan ay hindi ako magsasawa na samahan si Althaia sa lahat ng bagay. Kahit anong mangyari ay hindi ko siya maaaring pabayaan. Magiging kasama niya ako sa lahat ng kakaharapin niya sa buhay. Hindi ako makakapayag na maghiwalay kami at iwan siya.
Nagdesisyon ako na maglakad-lakad muna bago tuluyang umuwi sa aking tinutuluyan. Hindi ko maikakaila sa aking sarili na mayroon akong agam-agam dahil sa kapatid ng aking kasintahan. Iba ang pakiramdam na ibinibigay niya sa akin sa tuwing magkikita kaming dalawa.
Napapikit pa ako ng maalala kung paano ako titigan ni Avarice na madalas kong napapansin kapag abala ako sa aking ginagawa. Hindi lang iyon dahil kapansin-pansin din ang tila nagbabagang tingin niya sa amin ni Althaia kapa magkasama.
Hindi ko iyon nais bigyan ng kahulugan pero hindi ako mapakali sa tuwing ginagawa niya ang bagay na iyon. Hangga’t maaari ay pipiliin ko na magbulag-bulagan sa bagay na iyon para sa minamahal kong si Althaia.
Ipinilig ko ang aking ulo upang alisin ang masamang bagay sa aking isip. Ang nais ko lang sa ngayon ay maging masaya kasama si Althaia at mapanatili ang katahimikan sa kaharian ng Daeyn. Walang maaaring gumulo sa aming pagsasama dahil hindi ko iyon papayagan.
Bumili ako ng tinapay nang mapadaan ako sa isang maliit na panaderya. Madalas ko itong ginagawa bago ako tuluyang umuwi sa bahay. Ang tinapay kasi ang aking umagahan bago pumasok sa opisina. Pasipol-sipol pa ako at masayang tinahak ang daan pauwi.
Nakaakyat na ako ngunit natigilan ako ng maramdaman ang kakaibang enerhiya malapit sa silid na aking tinutuluyan. Binagalan ko ang aking lakad at naging maingat ang bawat hakbang na aking ginagawa. Sigurado ako na nagmula sa aking silid ang enerhiya na aking nararamdaman ngayon.
Mabilis kong pinagana ang aking uta upang isipin kung sino ang maaaring pumasok sa aking silid. Wala akong ibang kilala na maaaring magtungo sa aking tinutuluyan sa ganitong oras. Kilala ko din ang enerhiya ni Marko kung sakaling magtungo siya dito.
“Huwag mong sabihin na siya ang nasa loob ng aking silid ngayon?” nagtatakang tanong ko sa aking sarili. Pakiramdam ko ay nagtaasan ang lahat ng balahibo sa aking katawan dahil sa aking naisip na posibleng naghihintay sa akin ngayon.
Nanginginig kong hinawakan ang pihitan ng pintuan upang siguraduhin na tama ang aking hnala kung sino ang marahas na pumasok sa aking silid. Natigilan ako at narinig ko na lang ang pagbagsak ng paper bag na naglalaman ng mga tinapay na dala ko.
“A-anong ginagawa mo dito?” walang emosyon na tanong ko sa kanya. Sa halip na sagutin ang aking tanong ay sinalubong lamang niya ako ng mapang-akit na ngiti. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng lakas dahil hindi ko magawang humakbang palapit sa kanya. Hindi ko gusto kung anuman ang aking nakikita ngayon.
“Bakit ngayon ka lang dumating?” malambing na tanong niya sa akin habang kampanteng nakaupo sa aking sofa. Huminga muna ako ng malalim at sinarado muna ang pintuan upang hindi namin magambala ang mga kapitbahay.
Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Maayos ang kanyang buhok at pansin ang kolorete sa kanyang mukha. Mapula ang kanyang labi na siguradong sinadya dahil sa kung anong plano niya ngayon. Kitang-kita ang kanyang balikat dahil walang manggas ang suot niya. Hindi nakaligtas sa aking maga mata ang hita nitya na kulang na lang ay ipangalandakan niya sa akin.
Nag-init ang aking mukha hindi dahil sa isipin na para sa isang lalaki na nakakita ng ganitong tanawin. Sigurado ako na hindi lang mukha ang nag-init sa akin ngayon dahil naging mainit din ang aking ulo.
Nilapitan ko siya na nakakapagtakang nagawa ko. Siguro ay nagkaroon ng buhay ang aking mga paa dahil sa bagay na kailangan kong gawin. Mas lumawak pa ang kanyang ngiti at tila gustong-gusto ang hakbang na ginagawa ko ngayon. Ginantihan ko ang kanyang ngiti ng nagbabagang tingin.
“Tinatanong kita kung anong ginagawa mo dito?!” may diin na tanong ko sa kanya.
Tumigil na ako sa paglapit sa kanya ng masiguro ang tamang distansya sa babae. Hindi ako makapaniwala na gagawin ni Avarice ang bagay na ito. Batid ba niya kung anong ginagawa ngayon ay maaaring makasakit sa kanyang kapatid.
“Ganyan mo ba babatiin ang iyong bisita?” malambing na sagot niya at umayos na ngayon ng pagkakaupo. Hindi ko gusto ang kakaibang titig niya sa akin ngayon. Batid ko na may masama siyang balak.
Sinabi ko sa sarili na hangga’t maaari ay magbubulag-bulagan ako sa mga nakikitang kakaibang kilos niya. Gayunpaman ay hindi ko hahayaan ang sarili na manatiling tahimik dahil umabot na si Avarice sa puntong akitin ako sa sarili kong tinutuluyan.
“Hindi kita bisita dahil wala akong natatandaan na inimbita ka dito,” pinilit ko ang sarili na maging kalmado kahit tila nais ko ng sigawan ang babae. Tumawa lamang si Avarice dahil sa aking sinabi at marahas na tumayo upang lapitan ako.
“Alam kong batid mo kung ano ang aking nararamdaman,” malambing pa din ang kanyang boses ngunit may kalakip na iyong galit. Idinampi niya ang kanyang palad sa aking mukha at dahil doon ay tila nakalimutan kong huminga.
Hindi siya maaaring magtagumpay sa kanyang plano kaya naman marahas kong hinawakan ang kanyang kamay upang pigilan sa nakakadiri nitong ginagawa sa aking mukha. Si Althaia lang ang babae na maaaring gumawa sa akin ng ganito at wala ng iba pa.
“Oo, alam ko din na nahihibang ka na!” sigaw ko at binitawan ang kanyang kamay. Hindi ko na napigilan ang aking sarili. Galit ako at wala akong pakialam kahit babae pa siya dahil mali ang kanyang ginagawa. Saglit siyang natigilan dahil sa aking sinabi.
“Bakit si Althaia pa?!” ganting sigaw niya sa akin. Muli niyang itinaas ang kanyang kamay upang ikulong ako sa kanyang yakap.
“Nababaliw ako sa tuwing nakikita kayong magkasama. Hindi ako makahinga dahil sa sakit na aking nararamdaman tuwing masaya kayong nag-uusap. Bakit ang kapatid ko pa at hindi na lang ako Deimos?”
Tinanggal ko ang kanyang kamay na nakayakap sa akin at marahas na inlayo ang sarili sa babae. Batid ko ang lahat ng kanyang sinasabi base sa kanyang mga ikinikilos. Gayunpaman ay wala akong pakialam dahil hindi ko nais na magkaroon siya ng pagtingin sa akin.
“Huwag mo itanong sa akin ang tungkol sa bagay na iyan Avarice,” malumanay kong wika. Gusto kong maintindihan niya na wala akong kinalaman sa kung anong nararamdaman niya ngayon. Una pa lang ay batid na niya ang namamagitan sa amin ni Althaia kaya wala siyang karapatan na isumbat sa akin kung bakit si Althaia ang mahal ko at hindi siya.
“Naiintindihan kita pero pwede ba na ako ang piliin mo? Hindi ko nais saktan si Althaia pero hindi ko kaya ang mabuhay na hindi kita kasama,” nagmamakaawa niyang wika. Umiiyak na din ngayon ang babae at kulang na lang ay lumuhod sa aking harapan upang pagbigyan ko ang kanyang hiling.
“Hindi mo ako naiintindihan Avarice. Kapatid mo si Althaia at hindi ko nais na gawin mo ang bagay na ito,”
“Tama ka nga dahil hibang na ako. Nababaliw ako dahil sa emosyon na aking nararamdaman para sayo,”
“Tigilan mo na ito Avarice bago ka pa gumawa ng hakbang na makakasakit sa iyong kapatid,” pagmamakaawa ko sa kanya. Gagawin ko ang lahat upag tigilan niya ang kahibangan na iyto. Kung kailangan kong magmakaawa sa kanya ay gagawin ko para kay Althaia.
Mataman niya akong tinitigan ng marinig ang aking sinabi. Muli ay tumawa siya bagay na hindi ko maintindihan kung para saan. Hindi ko matandaan na may sinabi akong nakakatawa sa sitwasyon namin ngayon.
“Ikaw ang walang naiintindihan, Deimos. Hindi mo ba alam na wala akong pakialam kung anong nararamdaman ni Althaia? Kaya ko nga ginagawa ang bagay na ito ay dahil handa akong talikuran ang lahat para mapasakin ka. Maging ang responsibilidad ko bilang kapatid ay handa kong kalimutan maging akin ka lang,” nakangising sagot niya.
Muli ay nabuhay ang galit sa aking puso. Hindi ko akalain na handang gawin ni Avarice ang bagay na iyon. Naalala ko pa ang masayang mukha ni Althaia nang ipaalam niya sa akin ang tungkol sa kanyang kapatid. Ang abot tenga niyang ngiti na nagpapagaan sa aking pakiramdam. Ang matagal na hiling ng aking kasintahan na ngayon ay natupad na.
Hindi ko inaasahan na ang sarili niyang kapatid ang siya din sisira sa masaya niyang buhay ngayon. Ang natupad niyang hiling ang siya din muling wawasak sa mga bagay na nais pa niyang mangyari.
“Kung ganun ay hindi ko hahayaan na mangyari ang gusto mo kaya maaari ka ng umalis,” pagtaboy ko sa kanya. Tinitigan pa niya ako ng masama bago muling nagsalita.
“Tandaan mo Deimos na hindi ako titigil hangga’t hindi ka naging akin. Gagawin ko ang lahat kahit maging kalungkutan pa iyon ni Althaia. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa akin ngayon!” nagmamadali na siyang lumabas ng aking silid at marahas na isinara ang pintuan.
Nanghihina akong umupo sa sofa at nakahinga ng maluwag. Kailanman ay hindi ko iniisip na aabot kami sa ganitong punto ng sitwasyon. Napapikit ako ng tila narinig ko ulit ang huling salita na binitawan ni Avarice. Hiling ko na sana ay hindi iyon mangyari upang hindi masaktan si Althaia.
“Pipigilan kita Avarice sa lahat ng iyong gagawin at hindi mo magagawa na saktan ang iyong kapatid,”