“Kumusta?” Agad akong napatingin kay Deimos nang marinig s’ya. Hinding-hindi ako magsasawa na tignan ang gwapong mukha ng lalaki idagdag pa ang nakangiti nitong mukha na papalapit ngayon sa akin.
“Sobrang saya at ang gaan ng pakiramdam ko ngayon.” Nakangiti kong sagot sa kanya.
Kasalukuyan akong nakaupo sa training ground ngayon kung saan mag-isa lang ako dahil kanina pa naka-alis si Avarice. Nais ng aking kapatid na pag-aralan at sanayin kong mabuti ang aking sarili para natural kong mapalabas ang aking kapangyarihan. Gusto niya na maging pamilyar ako kung anong pakiramdam kapag pinapalabas ang aking kakayahan.
“Masaya ako para sa’yo.” Tumabi sa akin si Deimos kaya sumandal ako sa kanya.
“Matutulungan na kita sigurado.” Tumingala ako sa kanya upang ngitian ang lalaki.
“Bilisan mo dahil kailangan kita.” Mas lumapad ang ngiti ko dahil sa kanyang sinabi kaya naman ginulo nito ang aking buhok.
Muli akong sumandal kay Deimos na ba tila paraan ko iyon upang maibalik ang mga enerhiya na nawala sa akin. Totoo na tila naubusan ako ng enerhiya dahil sa aking pagsasanay. Gayunpaman ay masaya ako sa naging kinalabasan. Sa tingin ko ay kailangan ko lang magsanay sa loob ng ilang araw at tiyak na magiging pamilyar na ako sa dapat at kailangan kong gawin.
Tahimik ang gabi at maliwanag ang buwan. Kapansin-pansin din ang mga bituin na nagkalat sa kalangitan. Tila nakikisaya sila sa panimula ng aking pangarap. Gaya ng ipinangako ko sa aking sarili ay magiging magaling na mandirigma ako at hindi ko hahayaan na may muling masaktan at mawalan ng mahal sa buhay.
“Ang ganda ng buwan.” Nakatitig lang ako sa kalangitan at hindi alintana ang gwapong mukha ni Deimos na bahagya kong nakikita.
“Gusto mo ba kunin ko ang buwan para sayo?” Seryosong tanong niya sa akin dahilan upang umayos ako ng pagkakaupo.
“Hmm kaya mo ba?” Naghahamon kong balik tanong.
“Gusto mo isama ko pa ang mga bituin?” Hindi ko napigilan ang sarili na hindi matawa sa kanyang sinabi.
“Hindi ka ba naniniwala sa akin?” Seryosong tanong ulit ni Deimos. Natigil tuloy ako sa pagtawa ngunit bigla akong kiniliti nito sa tagiliran. Kung hindi ko pa siya kinagat sa braso ay baka hindi pa ako nito titigilan.
Muli kaming tumingin sa taas at tahimik na pinagmasdan ang kalangitan. Matagal din kaming nanatili sa ganoong posisyon bago kami nagdesisyon na umuwi. Hinahatid muna ako ni Deimos sa palasyo nila Vera bago ito bumabalik patungo sa kanyang tirahan.
Malayo pa kami ay natanaw ko na agad si Vera na nakangiting naghihintay sa amin ni Deimos. Tila nakarating na agad ang balita sa aking kaibigan kung ano ang magandang bagay na nangyari sa akin ngayong araw.
“Hanggang dito na lang ako at hinihintay ka na ng aking karibal.” Natatawa na wika sa akin ni Deimos bago ako nito hinalikan sa noo. Madalas pa din silang hindi magkasundo dahil sa pagiging isip bata ng aking kaibigan. Gayunpaman ay isa iyon sa bagay na gusto ko sa kanya kaya minahal ko ng sobra si Vera na tila sariling kapatid.
“Mag-ingat ka.” Tumango naman siya bilang sagot kaya bumaba na ako ng karwahe upang salubungin ang pinakamamahal kong kaibigan.
“Anong mayroon at naghihintay ka sa akin ngayon?” Agad kong tanong kay Vera.
“Hmm miss na kita.” Inakbayan pa ako nito bago kami nagsimulang maglakad patungo sa kanilang palasyo.
“Kilala kita Vera, anong kailangan mo sa akin ngayon?” Saglit kaming tumigil sa paglalakad at tinaasan siya ng kilay.
“Grabe ka naman sa akin.” Nagpa-cute pa ang babae sa akin at parang pusa na isiniksik ang sarili. Madalas ay ito ang ginagamit na paraan ni Vera kapag hindi n’ya agad nakukuha ang gusto niya sa akin.
“Tigilan mo nga ako!” Agad kong tinanggal ang kamay nito na nakalambitin sa aking braso. Pagkatapos ay binirahan ko ng takbo si Vera kaya nagmamadali din siya na sumunod sa akin.
Napagod ako sa ginawang pagtakbo kaya sa hapag kainan na ako dumiretso. Sakto naman ang dating ko dahil kumakain mag-isa ng hapunan si King Daeyn.
“Magandang gabi King Daeyn.” Magalang na bati ko sa ama ni Vera. Tumango naman ang hari kaya umupo na ako sa isang bakanteng upuan. Maayos na ang aking pwesto ng makarating si Vera sa hapagkainan.
“Oh bakit tila pareho kayong nahihirapan huminga?” Tapos ng kumain si King Daeyn kaya nagpupunas na ito ng napkin sa kanyang bibig. Nagkatinginan naman kami ni Vera at minabuti ang manahimik na lang na naintindihan naman ng kanyang ama.
“Hay naku para pa din kayong mga bata.” Natatawa na lang na sabi nito bago tuluyang tumayo at iwan kami ng kanyang anak sa hapagkainan. Nagkaroon tuloy ng pagkakataon si Vera na titigan akong mabuti.
“Napagod ka?” Pinanlakihan ko siya ng mata habang sumusubo ng pagkain.
“Hindi kaya.” Parang bata na muling sagot niya sa akin.
“Oo na alam ko kung anong kailangan mo sa akin.” Nakangiting wika ko at agad naman na nagliwanag ang kanyang mukha dahil sa narinig.
Tila ginanahan sa pagkain si Vera kaya mabilis siyang natapos. Binilisan ko na din kumain dahil hindi na din ako makapaghintay na ibalita sa kaibigan ang magandang nangyari ngayong araw.
“Bilisan mo naman magbihis!” Sabik na sigaw ni Vera dahil kasalukuyan akong nasa banyo upang magpalit ng damit pambahay.
“Heto tapos na.” Agad na umupo ito sa higaan bilang hudyat na handa na siyang makipagkuwentuhan sa akin kaya tumabi na din ako sa kanya.
“Narinig ko na kaya mo nang gawin ang pagpapalabas mo ng kapangyarihan.” Magkadaop pa ang palad ni Vera habang nagsasalita.
Hindi na ako nagsalita at hinayaan na lang ang sarili na ipakita sa kanya ang aking kakayahan. Gaya sa ilang pagsasanay ko kanina ay mabilis ko na itong naipakita kay Vera.
“Ang galing mo!” Hindi pa din makapaniwala si Vera sa kanyang nakikita. Halos nagtatalon pa ang babae ng makita niya kung paano ko palabasin ang aking kakayahan.
Masaya ako dahil sa wakas ay malaya ko na itong naipapalabas at hindi na sumasakit pa ang aking ulo dahil dito. Idagdag pa na kaya ko na itong ipakita sa mahal kong kaibigan na hindi ko kailangan mag-alinlangan kung hanggang kailan ko iyon kayang gawin.
“Mabuti na lang talaga at nakilala ko si Avarice.” Laking pasasalamat ko talaga sa kanya at tinuruan ako nito kung paano ko magagamit ang aking kakayahan ng walang pag-aalinlangan.
“Masaya ako para sa’yo friend. Hindi mo lang nakilala ang iyong kapatid dahil nagkaroon ka din ng pagkakataon na makasama siya ng matagal at maturuan ka n’ya sa dapat mong matutunan.”
Nayakap ko tuloy ng wala sa oras si Vera dahil sa kanyang sinabi. Hindi pagsidlan ang saya na nararamdaman ko ngayon. Nagkwentuhan pa kami ni Vera bilang pampaantok. Nang parehas na kaming tila nawawala sa sariling ulirat ay nagpaalam na siya para magpahinga sa sariling silid.
Umayos na din ako ng pwesto upang matulog. Marami pa akong kailangan pag-aralan kaya kailangan ko ng maayos na pahinga para sa aking kinabukasan. Nakapikit na ako pero aktibo pa din ang aking utak. Muli akong umupo mula sa aking pagkakahiga at blankong nakatingin sa labas ng bintana.
Maliwanag pa din ang buwan at marami pa din bituin sa langit. Napapikit ako at muling inalala ang unang beses na subukan ko ang pagpapalabas ng aking kakayahan sa tulong ni Avarice. Mataman kong tinitigan ang aking kamay.
Alam ko na ito ang magiging simula upang maging magaling na mandirigma ako. Gayunpaman ay hindi pa din maalis sa aking isipan kung ano ba talaga ako. Oo nga at kilala ko si Avarice na aking kapatid ngunit hindi pa din nawala sa aking isip ang posibleng pinagmulan ko. Hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataon na itanong kay Avarice ang tungkol doon. Siguro ay pag sanay na akong gamitin ang aking kakayahan saka ko tatanungin si Avarice tungkol doon.
Naramdaman ko tila pagbigat ng aking talukap. Medyo sumasakit na din ang aking ulo kaya naman ipinilig ko iyon at muling umayos ng higa. Inalis ko na sa utak ang lahat ng aking iniisip at hinayaan ang sarili na kusang lamunin ng antok. Hindi ko na namalayan na tuluyan na akong nakatulog.