INGGIT AT SELOS

2403 Words
AVARICE POV “Hindi ko sila kayang tignan.”  Hindi ko kayang pigilan ang aking sarili sa nararamdaman. Hindi ko kayang tingnan sina Althaia at Deimos. Alam ko sa sarili na bago ko pa lang nakilala si Deimos pero ganun na lang ang naging epekto niya sa akin. Nagseselos ako at nasasaktan kapag matamis ang kanilang titigan.  Gusto kong magalit sa kanila lalo na kay Althaia kahit alam kong mali iyon. Bakit siya pa ang naging kapatid ko? Bakit siya pa ang nagustuhan ni Deimos? Bakit siya pa ang nawala sa piling ng mahal na hari? Bakit siya pa? “Ahhh!” Tila maging ang aking kapangyarihan ay nais kumawala dahil sa galit na aking nararamdaman ngayon. Nag-iinit ang aking mukha kaya hinawakan ko iyon.  Hindi pa ako pwedeng umalis dahil nangako ako sa hari na mananatili ako dito upang maging gabay ni Althaia. Isa pa ay kailangan ko din siya turuan pa kung paano gamitin ng ayos ang kanyang kapangyarihan. Ang tanging problema ko lang ay sa tuwing nakikita ko silang magkasama ng lalaking minamahal ko.  “Hindi ko na alam kung anong gagawin ko.” Naiirita na wika ko sa sarili bago nagdesisyon na lumabas ng aking tinutuluyan upang magtungo sa opisina ng mga mandirigma. Hiling ko na sana ay maraming trabaho si Deimos ngayon upang hindi sila magkasama ni Althaia.  Gayunpaman ay malayo pa lang ako pero nakita ko na agad silang dalawa na magkasama papasok sa opisina. Magkahawak sila ng kamay dahilan upang matigilan ako sa paglalakad. Hindi ko talaga kaya na tignan sila ng ganun. Kung pwede lang na umalis na ako ngayon sa kanilang mundo.  “Good morning.” Masayang bati sa akin ni Althaia nang mapansin ako nito na papasok na din sa opisina. “Good morning din sa inyong dalawa.” Pinili ko ang sarili na ngumiti at ipakita sa kanya na masaya akong makita silang dalawa. Nauna na din akong pumasok sa kanilang dalawa kahit labag sa aking kalooban. “Anong meron bakit nagmamadali siyang pumasok?” Narinig ko pa na tanong ni Althaia kay Deimos. Hindi ko na narinig ang sagot ni Deimos dahil tuluyan na akong pumasok sa opisina.  Hangga’t maaari ay kailangan matutunan agad ni Althaia ang lahat ng kanyang mga kailangan matutunan. Gusto kong humiwalay sa kanilang dalawa dahil tiyak na masasaktan lang ako kapag patuloy akong nanatili sa kanilang tabi.  Pareho silang nakangiti nang pumasok sa loob ng opisina. Mararamdaman mo talaga na may relasyon silang dalawa base sa kanilang mga kilos. Nakakatunaw ang malalagkit na tingin nila sa isa’t-isa. Matamis ang kanilang ngiti kapag nagsasalubong ang kanilang mga mata. Samantalang ako ay heto at masama ang loob sa aking nakikita. Pakiramdam ko ay sinasakal ako ng sarili kong emosyon. Napahawak ako sa aking dibdib dahil tila mawawasak na ang aking puso sa kanilang dalawa.  Ngayon ko lang ito naramdaman. Tila sumabak ako sa isang labanan na hindi sigurado ang aking pagkapanalo. Para akong naghanap ng malaking bato at ipinukpok sa sariling ulo.  “Ayos ka lang ba?” Natigil ako sa aking pag-iisip nang marinig si Althaia. Sa sobrang okupado ng aking utak ay hindi ko namalayan na nakalapit na pala siya sa akin.  “Oo naman.” Pagsisinungaling ko sa kanya at tipid na ngumiti sa kapatid.  “Mukhang masama kasi ang pakiramdam mo.” Sinipat pa nito ang aking noo upang masiguro na maayos nga ang aking pakiramdam.  “Sigurado ako kaya halika na.” Marahan kong tinanggal ang kanyang kamay na dumampi sa aking noo at nagpatiuna nang lumabas ng opisina upang magtungo sa training ground.  Kailangan kong magmadali upang matutunan agad ni Althaia ang kanyang kapangyarihan upang makaalis na din ako agad dito sa kanilang mundo. Hindi ko nais na magtagal pa at hayaan ang sarili na gumawa ng bagay na baka pagsisihan ko.  Napailing na lang si Althaia na tila hindi nais maniwala sa aking sinabi. Gayunpaman ay sumunod na din siya sa akin patungo sa training ground. Tiyak ko naman na madali lang matuto si Althaia kaya siguradong mangyayari ang nais kong gawin.  “Gusto kong makita ulit kung paano mo palabasin ang iyong kakayahan ng hindi ka nahihirapan.” Panimula ko sa aming pagsasanay ngayon. “Huwag ka mag-alala dahil nagsanay ako kahapon pagka-alis mo.” Masayang balita niya sa akin at walang hirap nitong naipakita sa akin ang kanyang kakayahan.  “Mabuti at mabilis ka matuto.” Komento ko sa kanya kaya matamis siyang ngumiti sa akin.  “Anong gagawin natin ngayon?” Nakahanda na si Althaia sa kung anong ipapagawa ko sa kanya. Sigurado ako na naghanda na ang aking kapatid upang agad niyang matutunan ang paggamit ng sariling kakayahan.  Hindi ko mapigilan na hindi mapangiti dahil sa nakikitang saya sa kanyang mukha. Gayunpaman ay muli akong naging seryoso nang maaalala ang sariling problema. Pakiramdam ko tuloy ay may dalawa akong katauhan ngayon dahil sa nangyayari. Unang katauhan ay ang nais na mapalapit sa kapatid at ang pangalawa naman ay ang kagustuhan na agawin ang lalaking minamahal niya.  Ipinilig ko ang ulo dahil sa huling bagay na aking naisip. Kaya ko ba gawin ang bagay na iyon sa sarili kong kapatid? Tatanggapin ba ng aking konsensya na agawin ang taong dahilan kung bakit siya masaya ngayon? Ang totoo ay hindi ko alam kung anong sagot sa sarili kong tanong.  “Hmm siguro pwede na natin subukan ang sunod na hakbang sa paggamit ng iyong kakayahan.” Iyon na lang ang aking sinagot sa kanyang tanong.  “Excited na ako.” Bakas sa kanyang mukha ang tunay niyang nararamdaman ngayon.  “Ang ating kakayahan ay malaki ang maitutulong bilang isang mandirigma ng inyong kaharian. Tayo ang pinakamalakas na healer dahil ang ating kapangyarihan ay nagmumula sa liwanag o mas tamang sabihin na tayo ang pinagmulan ng kanilang kapangyarihan. Hindi lang iyon dahil kaya din natin gamitin ang ating kapangyarihan upang burahin at talunin ang sinuman na alagad ng kadiliman.”  Panay tango lang siya bilang pagsang-ayon sa aking sinasabi. Mababakas sa kanyang mukha ang pagkamangha nang marinig ang mga kayang gawin ng aming kapangyarihan. “Hindi na ako makapaghintay na matutunan gamitin ang aking kapangyarihan.”  “Kung ganun ay magsimula na tayo.” Buo ang loob at matigas siyang tumango sa akin. Gumawa ako ng isang artipisyal na tao kung saan mababa ang kanyang taglay na enerhiya upang turuan si Althaia kung paano maging magaling na healer sa kanilang grupo. Pagkatapos ay inatasan ko siya na muling palabasin ang kanyang kapangyarihan at hayaan itong manatili sa kanyang mga palad. Hindi talaga nakakasawa tignan ang matingkad na liwanag na gawa ng aming kapangyarihan. Nakakasilaw ito pero hindi masakit sa mata at sa halip ay tila nagbibigay iyon ng kakaibang init na nagbibigay enerhiya sa mga nakakakita.  “Gusto kong gumawa ka ng tila crystal gamit ang inipon mong kapangyarihan sa iyong palad.”  “Paano ko iyon gagawin?” Nakakunot ang noo na tanong niya sa akin matapos tignan ang sabog-sabog na liwanag sa kanyang palad.  “Gayahin mo kung anong aking gagawin.” Lumapit ako sa kanya upang mas malinaw niyang makita kung ano ang aking gagawin. Itinikom ko ang aking palad upang palabasin ang sariling kapangyarihan. Nang masiguro na palabas na iyon ay muli kong ibinuka ang aking palad at hinayaan na magpakita ang aking kapangyarihan. Katulad kay Althaia ay tila apoy iyon na walang direksyon gawa ng hangin sa paligid.  Itinaas ko ang isang kamay at tila hinahaplos ang liwanag na nagmumula sa isang palad. Maya-maya lang ay naging steady na ang kilos nito at iisa na lang ang naging direksyon ng mga sabog na liwanag kanina at iyon ay ang pataas na direksyon. Ibinaba ko pa ang isang palad upang ihanda ang sarili sa pagsalikop ng mga ito. Tuluyan kong ipinagsalikop ang dalawang palad at hinayaan ang liwanag na makulong.  Nang maramdaman ang mas lalong tumitingkad na init nito na nagmumula sa aking kakayahan ay muli kong pinaghiwalay ang dalawang palad at ipinuwesto ito na tila may maliit na bola sa aking palad. Pagkatapos ay unti-unting bumilog ang kanina lang ay tila nagwawalang apoy sa aking palad.  Alam kong ito na ang tamang pagkakataon kaya tinignan ko ang ginawang artipisyal na tao na naghihintay sa aking kapangyarihan. Mataman ko itong tinignan bago ibinalik ang tingin sa naging bilog na enerhiya. Inangat ko ang kamay na may hawak doon at buong lakas na inihagis sa artipisyal na tao. Sumabog iyon at ang liwanag nito ay bumalot sa kanyang katawan. Bago tuluyang maglaho ang liwanag ay makikita na umangat na ang enerhiya nito sa katawan bilang hudyat na nagawa kong dagdagan ang kanina ay naghihingalo nitong buhay. “Wow!” Hindi makapaniwala at buong mangha na wika ni Althaia nang makita ang aking ginawa. Napansin kong wala na ang enerhiya na hawak niya kanina. “Ikaw naman.” Kinindatan ko pa s’ya matapos sabihin iyon. Alam kong magagawa agad iyon ni Althaia dahil mas malakas siya sa akin. Isa din iyon sa dahilan kung bakit nabubuhay ang galit sa aking puso. Ako ang kasama ng hari pero bakit parang sa kanya lahat napunta ang mga bagay na dapat ay para sa akin.  “Kung anu-ano na naman ang aking iniisip.” Ipinilig ko ang ulo nang makita ang pagpikit ni Althaia bilang paghahanda sa pagpapalabas ng kanyang kapangyarihan. Ngayon ang unang beses na gagawin niya ang bagay na iyon kaya naman mabagal at sigurado siya sa kanyang bawat kilos.  Maya-maya lang ay tagumpay siyang napalabas ang kanyang kapangyarihan. Nagmulat siya ng mata ay masayang pinagmasdan ang magandang liwanag sa kanyang palad. Saglit lang ay nagawa na niyang baguhin agad ang direksyon ng kanyang kakayahan. Gaya ng ginawa ko kanina ay ipinagsalikop din niya ang kanyang dalawang palad upang gawin ang krystal form ng kanyang kapangyarihan.  Unang beses pa lang niya itong sinubukan pero hindi iyon naging mahirap sa kanya. Tila may sariling isip ang kanyang kakayahan kaya madali niyang nagagawa ang dapat niyang gawin. Hindi nga ako nagkamali dahil mabilis na nagbago ang hitsura ng tila apoy na liwanag kanina.  Tumingin na siyasa direksyon kung saan naroon ang ginawa kong artipisyal na tao. Bagaman nagawa kong dagdagan ang enerhiya nito ay malaki pa din ang kulang upang tuluyan na mapuno ang enerhiyang kailangan ng katawan nito.  Inihanda ni Althaia ang sarili at buong lakas na inihagis ang kanyang krystal na ginawa gamit ang sariling kapangyarihan. Natigilan ako at hindi makapaniwala sa aking nakikita. Tila doble ang liwanag na ginawa ng kanyang kapangyarihan kaysa sa akin. Hindi lang iyon dahil maging ang ginawa kong artipisyal na tao ay marahan na umangat sa ere at pinapaliguan ng napakatingkad na liwanag.  Sa wakas ay nagawa kong tumingin sa aking kapatid. Maging siya ay hindi makapaniwala sa kanyang nakikita. Hindi niya akalain na ganun ang epekto ng kanyang kakayahan kahit unang beses pa lang niya itong sinubukan. Muli kong ibinalik ang tingin sa artipisyal na tao.  Tila nanlalambot ang aking tuhod nang makita ang kalagayan nito. Napuno ni Althaia ang enerhiyang kailangan ng artipisyal na tao. Hindi ako makapaniwala at hindi ko iyon matanggap agad sa sarili. Paano niya nagawa ang bagay na iyon samantalang mas matagal at bihasa ako sa kanya sa paggamit ng aming kapangyarihan.  Masama ang loob kong tinignan ang aking mga palad. Hindi ako sanay na may mas malakas sa akin dahil ako ang pinakamalakas sa aming kaharian bukod sa mahal na hari. Marahan na nilapitan ni Althaia ang taong artipisyal upang suriin ang kakaibang bagay na kanyang nagawa ngayon.  Pinaikutan niya iyon at may ngiti sa labi na masayang tinitigan ang bagay. Matagal siyang nanatili sa posisyon na ganun nang bumukas ang pintuan na kumukonekta sa opisina. Agad akong napalingon at tama ang aking hinala ng si Deimos ang lumabas mula doon. Kasunod nito si Marko at bakas sa mukha nito ang pagkagulat sa kanyang nakikita.  Matingkad pa din hanggang ngayon ang liwanag na bumabalot sa katawan ng taong artipisyal kaya malinaw nila itong nakita. Hindi pa din batid ni Althaia na kasama na namin ngayon si Deimos at Marko sa training ground.  “Ang lakas pala ni Althaia.” Tila wala sa sarili na komento ni Marko.  “Tila may papalit na sa aking partner.” Pagbibiro naman ni Deimos sa kanyang kaibigan dahilan para suntukin siya nito sa kanyang braso. Napalingon si Althaia sa amin nang marinig si Marko at agad na lumapit kay Deimos. Muling nabuhay sa aking puso ang lihim na inggit at galit. Masama ang tingin na ipinukol ko sa kanilang dalawa.  “Deimos, nagawa ko.” Masayang balita niya sa kanyang kasintahan. Sinalubong naman siya ng lalaki at agad na niyakap. Hindi ko kayang makita ang tagpo sa aking harapan ngayon kaya ibinalik ko na lang ang tingin sa taong artipisyal na ngayon ay tuluyan ng nawala ang bumalot na liwanag.  “Natutuwa akong makita na natutupad ang iyong nais.” Narinig kong wika ni Deimos ng maghiwalay sila mula sa pagkakayakap.  “Salamat.” Buong tamis naman na ngumiti ang aking kapatid sa kanyang kasintahan. Akala ko ba ay hindi ko sila kayang tingnan pero heto ako at tila pinaparusahan ang sarili sa aking nakikita.  “Ang galing mo magturo ah.” Bahagya akong siniko ni Marko. Napansin siguro nito ang aking pagiging tahimik sa kinatatayuan.  “Wala iyon.” Walang buhay na sagot ko sa kanya.  “Pero hindi ko pa din akalain na ganito ang lakas na taglay ni Althaia.” Napakamot pa sa ulo si Marko nang sabihin iyon.  “Naiintindihan ko ang iyong nararamdaman.” Sang-ayon ko sa kanyang sinabi. Kailangan ko sigurong kausapin ang hari tungkol sa bagay na ito. Hindi ko pa din batid kung ano ang kanyang totoong layunin kung bakit ko hinanap si Althaia at manatiling bantayan ang kapatid.  “Matanong lang kita. Ano ba ang totoong pagkatao ni Althaia?” Natigilan ako sa naging tanong ni Marko. Ano nga ba ang kanyang totoong pagkatao? Pareho ba talaga kami ng pinanggalingan? Hindi ko din alam kung anong sagot sa kanyang tanong.  “Althaia, sanayin mo na lang ulit ang iyong sarili sa natutunan mo ngayon bago natin pag-aralan ang sunod na dapat mong matutunan.”  Iniwan ko na silang tatlo sa training ground at pumasok na ako sa opisina. Gusto kong tumakas sa aking nararamdaman ngayon. Gusto kong kalimutan ang mga negatibong iniisip ngunit tila may kung anong tukso na lumalapit sa akin upang patuloy na maging ganito. “Hindi ako ganito.” Masakit sa dibdib na komento ko sa aking sarili.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD