PAGPAPALABAS SA KAKAYAHAN

2554 Words
“Damhin mo ang iyong kapangyarihan at sabayan ang mo daloy nito upang magawa kung ano ang nais mong gawin.” Malakas na sigaw sa akin ni Deimos. Isang linggo na ang nakalipas buhat ng lumabas ang aking kakayahan. Halos dalawang araw din na masama ang aking pakiramdam at patuloy sa pag-aalaga sa akin si Vera at Deimos. Madalas nga silang magkaaway kapag nagpapang-abot dahil ayaw magpalamang ng isa’t-isa. Ang napansin ko simula ng pangyayaring iyon ay tila lumakas ang aking katawan. Hindi lamang iyon kundi parang napakagaan ng aking pakiramdam. Sa ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano gamitin ang aking kapangyarihan kaya naman maaga pa lang ay nandito na kami ni Deimos sa training ground upang magsanay. Ngayon ang unang araw ng aking pagsasanay upang matutunan kong gamitin ang aking kapangyarihan. Ang totoo ay nahihirapan ako lalo at wala akong alam sa aking kakayahan. Hindi ko nais gawin ulit kung ano ang ginawa ko nung nakaraan baka magkasakit na naman ako. Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Deimos. Paano ko sasabayan ang daloy ng aking kapangyarihan kung hindi ko naman alam paano gawin ang bagay na iyon. Kung anong pag-aalaga sa akin ni Deimos nung nakaraang araw ay ganun naman ang paghirap na ginagawa nito sa akin ngayon. “Hindi ko alam kung anong gagawin ko.” Ganting sigaw ko sa kanya dahil kanina pa ako nakapikit upang pakiramdaman ang aking kapangyarihan pero wala naman nangyayari. “Huminga ka muna ng malalim at huwag ka mag-isip ng kung ano.” Nilapitan na ako nito ngayon upang maituro sa akin ng ayos kung ano ang dapat kong gawin. “Bakit ngayon mo lang sinabi?” Naiiritang tanong ko sa kanya. Kanina pa ako nagpapakahirap dito tapos alam naman pala nito ang dapat kong gawin. “Hindi ka naman nagtatanong sa akin.” Natahimik ako dahil tama ang kanyang sinabi. Hindi ko nga pala siya tinanong kung anong dapat kong gawin. “Pwede ban a magpahinga muna tayo baka sakaling kumalma ako para makapag-relax na din.” Kaninang umaga pa kami nagsasanay at hindi pa kami nagpapahinga simula kanina. Nakakaramdam na din ako ng gutom kaya gusto ko muna magpahinga. “Sige kain na muna tayo.” Nginitian ako nito na tila nabasa ang aking nasa isip. Hindi pala nito nabasa iyon dahil narinig nito ang pagkalam ng aking sikmura. Bahagya pa akong napahiya ng ituro nito ang aking tiyan na tila sinasabing alam n’ya ang aking nararamdaman. Bahagya itong natawa bago ako hinawakan sa aking kamay upang magtungo sa pantry at tignan kung anong pagkain ang naroon. Natawa na lang din ako sa inasal ni Deimos at walang pag-aalinlangan na sumama sa lalaki. “Kumusta ang pagsasanay Althaia?” Salubong na tanong sa akin ni Marko. Oras na kasi ng tanghalian kaya magtutungo na din ang lalaki sa pantry upang kumain din. “Heto hanggang ngayon hindi ko pa din alam kung paano ito gamitin.” Bahagya akong nanlumo sa aking sinabi. Kahit nung nasa bahay ako at hindi pumapasok sa opisina ay sinusubukan ko din gamitin at palabasin ang aking kapangyarihan pero lagi akong bigo. Hindi ko tuloy sigurado kung kakayahan ko ba talagay yun o nagkataon lamang dahil kailangan kong iligtas yung batang lalaki. Gayunpaman ay may tiwala ako sa aking sarili na mapapalabas ko din ang aking kakayahan at magagamit ko na ito sa susunod na lusubin kami ng halimaw. Pasalamat na din ako dahil hindi ako pinabayaan ni Deimos at matiyaga akong tinutulungan nito upang makilala ang aking kakayahan. Hanggang ngayon ang tanging alam naming na kaya kong gawin ay ang pagalingin sila ngunit may pakiramdam ako na hindi lamang iyon ang kaya kong gawin. Gusto kong maging katulad nila kung saan nagagamit ang kanilang kakayahan sa pakikipaglaban. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko napapalabas ang aking kapangyarihan. Kailangan koi to upang makilala ang tunay kong mga magulang kaya pagbubutihin ko mamaya kung ano ang ipapagawa sa akin ni Deimos. “Baka naman kasi tinatakot ka ni Deimos.” Kantyaw ni Marko sa kaibigan. “Hoy hindi ko s’ya tinatakot sadyang hindi pa lang talaga n’ya alam kung paano damhin ang enerhiya ng kanyang kapangyarihan.” Mabilis na sagot ni Deimos sa kaibigan dahilan para matawa lamang ito. Nakarating kami sa pantry at saktong patapos na kumain ang ilang mandirigma kaya naman pumwesto na din kami upang makakain. Hindi na talaga ako pinagbubulungan ngayon sa opisina at sa halip ay tinutulungan na nila ako ngayon sa pagtuklas ng aking kapangyarihan. Marahil ay dahil napagaling ko sila nung sinubukan kong gamitin ang aking kakayahan. Hindi ganun kabilis ang paghilom ng kanilang mga sugat kapag ang gumagamot sa kanila ay ang mga tagapagpagaling sa opisina. Kaya sobrang saya nila ng matamaan sila ng liwanag na gawa ko at agad na naghilom ang kanilang mga sugat. Isa din iyon sa dahilan kung bakit pursigido akong magamit muli ang kakayahan. Sigurado ako na malaki ang aking maitutulong sa oras ng pakikipaglaban. "Hindi ba at mahika ang kakayahan mo Marko?" Baling ko kay Marko. Kasalukuyan na kaming kumakain. "Oo bakit?" Itinigil pa nito ng akmang pagsubo upang sagutin ang aking tanong. "Paano mo nagagamit ang iyong kapangyarihan baka sakaling makatulong sa akin." Hindi ko iyon magawang itanong kay Deimos dahil hindi ko pa din tukoy kung ano talaga ang kakayahan nito. Hindi ko naman kasi nakita ang ginawa nitong atake nung huling pakikipaglaban. "Hmm lumaki ako sa pamilya na gumagamit ng mahika kaya simula ng magkaisip ako ay ginagamit ko na ang aking kakayahan." Bahagya pa itong nag-iisip kung paano n'ya ako matutulungan. Iyon ang problema sa akin dahil bago sa akin ang sitwasyon. Wala akong alam sa paggamit ng kapangyarihan. Wala akong kakilala o kamag-anak na maari kong tanungin tungkol sa aking pagkatao. Ang pakiramdam ko ngayon ay tila naligaw ako at hindi ko malaman kung anong daan ang aking tatahakin. Hindi ko tiyak kung nasaan na ako at kung anong mangyayari sa akin. "Mabuti ka pa alam mo ang iyong ugat." Nanlulumong wika ko sa kanya at muling ipinagpatuloy ang pagkain. "May naalala ako ang sabi sa akin ng aking mga magulang kapag nais mong gamitin ang iyong kapangyarihan ay lagi mo lang isipin na makakatulong ito sa ibang tao." "Kailangan ba na laging ganun ang aking isipin?" Sabagay tila iyon din ang dahilan kung bakit biglang lumabas ang aking kapangyarihan nung araw na iyon. "Hindi ko alam pero tama din ang laging sinasabi sa'yo ni Deimos na dapat maging kalmado ka at kailangan kalmado ang iyong pag-iisip. Pakiramdaman mo ang bugso ng enerhiya sa iyong katawan." "Paano ko ba gagawin yun?" Nakikinig lang si Deimos sa aming dalawa ni Marko. "Pumikit ka at huwag kang mag-isip ng kung ano. Hayaan mo na maging tahimik ang iyong paligid. Pilitin mo na maramdaman ang presensya ng iyong kakayahan. Kapag naramdaman mo iyon ay hayaan mo ang sarili na kilalanin ang iyong kapangyarihan. Makipag-isa ka dito upang matutunan kung paano ito kontrolin." Mahabang paliwanag sa akin ni Marko. "S-sige susubukan ko." Ang totoo ay hindi talaga naintindihan kung anong sinabi Marko. Pero susubukan kong gawin ang kanyang sinabi na maging payapa ang aking isipan upang maramdaman ang aking kapagyarihan ng sa ganun ay magawa kong makipag-isa dito. Siguro ay maghahanap ako ng libro na maaari kong basahin na may kinalaman sa paggamit ng kapangyarihan upang mas lumalim ang aking kaalaman. Hindi ko ito binigyan ng pansin noon sa pag-aakalang normal na tao ako. Hindi ko akalain na kakailanganin ko iyon ngayon upang magamit ang aking kapangyarihan. Pagkatapos namin kumain ay nagpahinga muna kami at nagkuwentuhan na din sina Marko at Deimos. Hindi na sila madalas mag-usap dahil sa daming trabaho ni Deimos. Bukod sa pangangalaga ng kanyang nasasakupan ay nauubos din ang kanyang oras sa mga papeles na inaayos. Tinutulungan ko na s'ya minsan dahil pakatapos nun ay magsasanay naman kaming dalawa. Mabuti na lamang at malakas ang pangangatawan ni Deimos. Kahit may kakayahan ang lalaki ay siguradong babagsak din ang katawan nito dahil sa dami ng trabaho. lumabas muna ako upang lumanghap ng sariwang hangin. Hinayaan ko muna ang magkaibigan na makapag-usap dahil tiyak kong madami silang kalokohan na pag-uusapan. Nakakapanibago dahil binabati na ako ngayon ng ilang mandirigma na aking nakakasalubong. Nginingitian ko lamang sila at masasabi kong maayos na ang relasyon ko sa mga kasama sa opisina. Nagtungo ako sa pinakaliblib na bahagi ng lugar. Umupo ako sa ilalim ng napakalaking puno upang damhin ang napakasarap na simoy ng hangin. Napapayakap ako sa sarili kapag tumatama sa akin ang malamig na hangin. Palibhasa ay madaming puno sa lugar kaya malamig ang paligid kahit nakalabas ang araw. Napaisip ako sa sinabi ni Deimos. Kailangan kong alalahanin na para sa kabutihan ng mamamayan ang paggamit ko ng kapangyarihan. Pumikit ako at ninamnam ang napakasarap ng hangin. Tila nagiging payapa ang aking isip dahil sa lamig ngpaligid na aking nararamdaman. Pakiramdam ko ay makakatulog na ako sa aking kinauupuan ngayon. Bigla akong napamulat ng maalala ang sinabi ni Marko. Maari ko itong subukan gawin ngayon tutal ay mag-isa lang ako sa aking puwesto. Baka sakaling matutunan ko ng gamitin ang aking kapangyarihan. Muli akong pumikit at ninamnam ang katahimikan ng aking paligid. Umayos din ako ng pagkakaupo t binalanse ang sarili. Tila makakatulog na naman ako pero pinilit kong maging matatag at hinayaan ang sarili na tuluyang lamunin ng katahimikan. Napakapayapa ng aking pakiramdam na tila wala akong problema sa buhay. Unti-unti ay tila may kakaiba akong nararamdaman. Bumibilis ang t***k ng aking puso pero hindi ako kinakabahan. Tila may kung anong enerhiya ang naglalandas sa aking mga ugat at dahil sa tahimik na paligid at payapang isip ay tila naririnig ko ang mga iyon sa aking ugat na sumasabay sa pagdalos ng aking dugo. Hindi ako gumagalaw at patuloy lang ako sa aking ginagawa. Pakiramdam ko ay paakyat na ang enerhiyang nararamdaman patungo sa aking ulo. Kakaiba ito ngayon dahil hindi s'ya tila sasabog na naramdaman ko nung una kong sinubukan. Umabot din hanggang sa dulo ng aking mga daliri ang kakaibang enerhiya. Nais nitong kumawala pero hindi gaya noon na tila ito sasabog. Kung iisipin ay tila napakagaan nito sa aking katawan. Tila may kung anong boses ang bumubulong sa akin na ikumapas ang aking mga kamay. Nagmulat ako at sinunod ang mahinang bulong na aking naririnig. Dahan-dahan kong itinaas ang aking mga kamay at nagawa ko pa itong titigan ng matagal. May kung anong bagay akong nararamdaman sa bawat dulo ng aking mga daliri. Una kong ikinumpas ang aking kanang kamay at halos mapanganga ako ng makita na tila may maliit na nagliliwanag sa dulo ng aking daliri. Hindi ako tumigil at sinubukan ko iyon gamit naman ang kaliwang kamay. May maliit na liwanag din ang lumalabas dito. Hindi ako nakuntento at mas binilisan ko na ngayon ang pagkumpas. Tumayo na din ako at sinabayan iyon ng aking katawan. Para na akong nagsasayaw ngayon at ang maliit na liwanag kanina ay bumabalot na ngayon sa aking buong katawan. Masaya ako sa aking nakikita. Tila napapaligiran ako ng isanlibong alitaptap dahil sa liwanag. Sumusunod ang liwanag sa bawat kumpas ng aking kamay at sa kung saan direksyon ko ito nais. Hindi ako makapaniwala na nagawa ko na s'ya ngayon. Parang kanina lang ay halos hindi ako makahinga sa kagustuhan na labas ulit ang aking kakayahan pero ngayon ay walang kahirap-hirap ko itong nagawa. Laking pasalamat ko at nagtanong ako kay Marko. Malaki ang naitulong sa akin ng kanyang mga sinabi. Napalingon ako sa aking likuran nang marinig ang mahinang palakpak. Ang napakagwapong mukha ni Deimos ang bumungad sa akin. Tuluyan na akong tumigil sa pagsayaw at ibinaba ang aking mga kamay. Unti-unting naglaho ang liwanag na bumalot sa aking katawan hanggang sa mawala na ito. "Deimos." Masayang tawag ko sa kanyang pangalan. "Ikinagagalak ko na nagawa mo na ang iyong nais." Komento nito sa akin at niyakap pa ako. Tinapik din nito ang aking likod na tila ainasabing masaya s'ya para sa akin. "Salamat. Nasaan si Marko kailangan kong magpasalamat sa kanyang mga sinabi." Para akong bata na gustong ibalita sa kalaro ang bagong laruan na nabili. Bahagyang natawa si Deimos at ginulo pa nito ang aking buhok. "Halika bumalik na tayo sa loob nandoon din si Marko nakasubsob sa mga papeles na kailangan n'yang ayusin." Hinawakan na ako nito sa kamay upang sabay kaming maglakad pabalik sa loob. Ako naman ang bahagyang natawa ngayon dahil sa sinabi nito tungkol sa kalagayan ngayon ni Marko. Kahit sino sa kanilang dalawa ang nagiging ganun kapag papeles ang usapan. Ewan ko ba kay King Daeyn at ang dami laging papeles na dumadating sa opisina. Wala na kasing ibang opisina sa kaharian maliban sa mga mandirigma kaya naman ang grupo din ni Deimos ang gumagawa nito. Marahil ay iyon ang ilan sa mga papeles na pinipirmahan naman ni Vera. Muli akong napangiti ng maalala ang kaibigan. Tiyak na masiaiyahan yun kapag nalaman na kaya ko ng palabasin ang aking kakayahan. Hindi na ako makapaghintay na mag-uwian upang masabi lahat kay Vera ang nangyari. Sigurado akong pipilitin ng kaibigan na ipalabas itong muli. Ang susunod na kailangan kong gawin ngayon ay kung paano ko naman ito makokontrol ng ayos. Isa pa ay kung ano ang ibang bagay na maaari kong gawin gamit ang kapangyarihan. Maghahanap pa din ako ng libro mamaya sa palaayo dahil malaki ang silid aklatan doon. Siguradong may makikita akong libro na may kauganayan sa paggamit ng kapangyarihan. Hindi man katulad sa aking kakayahan basta kahit anong may kaparehong paksa ay babasahin ko. Tama nga ang sinabi ni Deimos dahil kulang na lang ay dumikit ang mukha ni Marko sa kanyang lamesa dahil sa madibdiban nitong trabaho. Hindi man lang kami nito pinansin kahit naramdaman n'ya ang pagpasok namin sa silid. Sigurado ako na kailangan ng ipasa ang mga papeles na iyon kaya hindi na nito magawang pansinin kami. May sarili na din akong lamesa kaya umupo na ako sa aking puwesto. Ganun din si Deimos at katulad ni Marko ay sinubsob na din nito ang kanyang sarili sa lamesa kung saan naroon ang mga papeles. "Ahm Marko nagawa ko na." Kahit alam kong abala si Marko ay hindi ko mapigilan ang sarili na ibalita sa kanya ang nangyari. Tila naiging kaibigan ko na din ang lalaki dahil madalas namin s'yang kasama ni Deimos dito sa opisina. "Mabuti kung ganun." Parang wala lang na sagot nito pero nang mapagtanto ang kanyang narinig ay mabilis pa sa alas kuwatro na iniangat nito ang ulo at tumingin sa akin. "Bakit ganyan ang hitsura mo?" Gusto kong matawa dahil may mga bakat pa ng papel ang mukha nito na sinamahan pa ng pagkunot ng kanyang noo. "Seryoso nagawa mo ng palabasin ang iyong kapangyarihan?" Masaya na ang boses nito ngayon. Tinanguan ko lang ang lalaki at ibinaling na din ang aking atensyon sa mga papeles na nasa lamesa. "Narinig mo yun Deimos?" Masayang tanong nito sa kaibigan. "Oo dahil nakita ko." Sagot naman ni Deimos sa kanya na hindi man lang nagawang tignan ang lalaki. "Wow grabe kayo lang talaga." Tila nagtatampong wika ni Marko pero agad din napangiti ng maalala ang magandang balita. Nginitian ko na lang din s'ya at halos magkakasabay kaming sumubsob ngayon sa trabaho.Ito na muna ang gagawin namin ngayon dahil nagawa ko ng palabasin ang aking kakayahan. "Bukas naman."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD