Halos paliparin ko ang motorbike ko nang marinig ko ang boses na iyon. Si Nelrose! Malapit lang ito sa gawi namin pero hindi ko makita ang paligid. Puno ng maiitim na usok ang kapaligiran kahit pa may mga flashlight kaming dala. Laganap na ang dilim at lumalakas na naman ang nakakapanghilakbot na atungal ng mga halimaw. Isa lang ang ibig sabihin nito—hindi pa naisasara ang lagusan. "Ihinto mo!" malakas na sigaw ni Herming. Agad itong bumaba kasama si Joy. "Hanapin mo si Nelrose, Zyair, babalik kami sa lagusan ng dimensyon. Susubukin kong ipatak ang likido kahit wala si Nelrose. Pareho l-lang naman. U-umalis ka na!" Alalay na ng matanda ang babae nang tumalikod ito. Pinaharurot ko muli ang motorbike sa kasagsagan ng gabi. "Nelrose!" Halos lumabas na ang litid ko sa lakas ng pagkakasigaw k

