FLASHBACK...
NANGINGINIG ang buong katawan ni Syrellie habang pinagmamasdan ang sariling repleksyon sa malaking salaming nasa harapan niya.
Halos mapangiwi siya sa nakikita niya. Nakasuot lang siya ng lacy panty at bra. Sexy lingerie kung maituturing. Halos wala nang maitago sa kaniya. Kitang-kita ang kasingit-singitang bahagi ng katawan niya. Halos lumuwa rin ang dibdib niyang bahagya lang natatabunan.
Kulay pula ang suot niyang lingerie, kaya naman litaw na litaw ang kaputian niya. Oo, maputi siya dahil sabi sa kaniya ng kaniyang tiyahin ay French national daw ang tunay niyang ama. Isang sundalo raw ang kaniyang ama, at nakilala nito ang kaniyang ina dahil na rin sa tiyahin niya. Nagtatrabaho kasi sa isang bar ang tiya niya noong kabataan pa nito.
Ang sabi pa ng Tiyang Letty niya ay inagaw raw ng ina niya ang French national niyang ama na hindi naman niya nakilala. Pagkatapos kasi nitong mabuntis ang kaniyang ina ay basta-basta na lang nito iniwan at hindi na nagpakita pa.
Tuwang-tuwa pa ang Tiyang Letty niya. Karma na raw iyon ng nanay niya sa pang-aagaw nito sa French national niyang ama. Imbis na dito raw magkakagusto ang lalaki ay nabaling daw sa kaniyang ina ang atensyon ng kaniyang ama dahil haliparot daw ang ina niya.
Pero alam niyang hindi iyon totoo. Napakabait ng Nanay Lanie niya noong nabubuhay pa ito. Nakasama niya ito. Hindi nga lang nagtagal dahil binawian ito ng buhay noong trese anyos na siya.
Kasama nitong namatay ang ama-amahan niyang mabait din sa kaniya at itinuring siyang parang tunay na anak—ang Tatay Renato niya. Binawian ang mga ito ng buhay sa isang aksidente. Bumangga ang minamanehong motor ng mga ito sa isang malaking trak sa bayan. Kasalukuyan kasing umaangkat ang mga ito ng mga panindang gulay roon para sana sa kanilang maliit na puwesto sa palengke ng baryo nila.
Iyak siya nang iyak nang malaman ang balitang iyon. Hindi niya alam ang gagawin, lalo pa't may nakababata pa siyang kapatid—si Lance na noo'y pitong taong gulang pa lamang.
Dadalawa na lamang sila. Paano pa ang pag-aaral nila kung wala na ang mga magulang nila?
Sakto namang dumating ang Tiyang Letty nila. Ito ang nag-asikaso sa burol. Tinulungan sila nito sa lahat ng bagay hanggang sa maipalibing ang kanilang mga magulang.
Lihim naman niya iyong ipinagpasalamat dahil masyado pa siyang bata noon. Wala pa siyang kaalam-alam sa mga bagay patungkol sa pag-aasikaso ng burol at libing.
Tuwang-tuwa siya nang sabihin ni Tiyang Letty na isasama sila nito sa bayan para roon na manirahan kasama ang napangasawa nito. Akala niya'y totoo at bukal sa loob nito ang pagtulong sa kanila. Pero sakto nang dumating sila sa bahay na tinutuluyan nito ay nalaman niya ang totoo. Ipinakita nito ang tunay na ugali sa kanila.
Sinabi sa kanila ni Tiyang Letty na isinama lang daw sila nito para gawing alila. Hindi pa rin daw kasi mawala-wala ang galit nito sa kanilang ina, kaya sa kanila ibinuhos ang poot nito. Doon lang din niya nalamang hindi naman ito tunay na kapatid ng ina niya. Inampon lang kasi ito ng tunay na mga magulang ng nanay nila.
Kung sana ay buhay pa ang lola at lolo nila ni Lance ay mas mabuting sa dalawang matatanda na lang sila sumama kaysa sa tiyahin nila. Kaso hindi nila ito nakagisnan. Mga bata pa kasi ang tiyahin at nanay nila nang mamatay ang mga magulang ng mga ito. Kaya naman wala na siyang napagpilian, kundi ang sumama sila sa tiyahin. Tanging ito na lang kasi ang kilala nilang kamag-anak. Ni sa Tatay Renato nila'y wala rin siyang kakilala. Wala naman kasing bumibisita sa kanila na kamag-anak nito noong nabubuhay pa ito.
Ang tanging ipinagpapasalamat lamang niya sa Tiyang Letty niya ay hindi naman sila nito kailanman pinagbuhatan ng kamay, at pinapag-aral pa rin sila nito. Iyon nga lang ay halos magkandakuba-kuba sila ni Lance. Halos wala silang pahinga sa kakalinis ng bahay, sa kakalako ng mga paninda sa bayan at kung anu-ano pang utos nito. Hindi naman siya nagrereklamo. Ito pa rin naman kasi ang bumubuhay at nagpapa-aral sa kanila ni Lance.
Noong tumuntong siya ng kolehiyo ay siniguro niyang magiging half scholar siya para kahit papaano'y makabawas sa gastusin nila. Laking tuwa niya noon nang makapasa siya bilang isa sa mananayaw sa kanilang paaralan, dahil doon ay naging scholar siya.
Ngayon nga ay graduating student na siya. Konteng tiis na lang at makakapagtrabaho na siya. Matutulungan na niya sa pag-aaral ang kapatid niya. Pati si Tiyang Letty ay hindi niya kakalimutan. Kahit naman kasi pinapahirapan sila nito ay malaki pa rin naman ang utang na loob nilang magkapatid dito.
Ngunit isang araw nagulantang na lang siya nang humahangos na dumating ang Tiyang Letty niya. Halata sa mukha nito ang pagkatuliro at takot. Doon niya nalamang hina-hunting pala ito ng matandang mayamang pinagkautangan nito. Nalulong ito sa sugal kasama ang bagong lalaking kinakasama nito na bigla na lang naglaho. Umabot sa kalahating milyon ang utang ng tiyahin niya. Kailangan daw makapagbayad sa lalong madaling panahon, kundi ay papatayin ito.
Maging siya man ay nabahala para rito. Ngunit hindi niya alam kung papaano siya makakatulong. Wala naman kasi siyang malaking pera para maibigay rito. Naalala niyang may naitatabi pa pala siyang limang libo, galing iyon sa ipon niya sa part-time job niya sa isang restaurant. Para sana sa pag-aaral iyon ni Lance dahil malapit na rin itong magkolehiyo. Pero wala na siyang nagawa, kundi ang iambag iyon sa tiyahin niya.
Alam niyang kulang pa iyon. Pero kahit papaano'y nakatulong siya.
"Isang gabi lang naman, Syrell. Pagkatapos nito okay na."
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang sinabing iyon ng Tiyang Letty niya. Nasa tabi niya ito, at pinagmamasdan siya. Nakikita niya ang kislap sa mga mata nito. Hindi nga lamang siya sigurado kung humahanga ito sa kagandahang taglay niya nang gabing iyon o masayang-masaya ito dahil sa wakas masusulusyunan na ang problema nito sa pera.
Oo, siya ang magiging rason kung bakit makakapagbayad na ito. Hindi naman siya nito ibenenta sa matandang pinagkakautangan nito, bagkus ay nagtungo sila sa isang club sa Mandaluyong kung saan ito nagtatrabaho bilang hostess noong kabataan nito. Sinadya pa talaga nilang lumuwas para makatulong daw sa problema nito sa pera.
Tuwang-tuwa ang baklang may-ari nang makita siya. Gandang-ganda ito sa kaniya. Tamang-tama raw dahil fresh pa siya. Gagawin lang naman siyang pang-regalo sa isang lalaking ikakasal. Bachelor party or stag party kung tawagin ng mga ito.
"Ang ganda-ganda mo talaga!" palatak ni Rhoda habang pinagmamasdan siya. Nakatikwas ang mga kamay nito. Ito ang baklang may-ari ng bar. "I'm sure jackpot ang groom nito. Virgin ba naman ang matitikman." Maarte itong humalakhak.
Mas lalo siyang napangiwi sa sinabi nito. Gusto na niyang mag-backout. Isipin pa lang na nakatakda nang ikasal ang lalaking makakauna sa kaniya ay naninindig na ang mga balahibo niya. Hindi iyon ang pinangarap niya. Gusto niyang kung mayroon man siyang pag-aalayan ng sarili, iyon ay sa lalaking mahal niya at pakakasalan niya.
Gusto niyang maluha.
"Oops, oops, walang iyakan dito, huh!" pigil ng bakla nang makitang may namumuong luha sa mga mata niya.
"Syrell, sige na. Suotin mo na 'yang sandalyas mo," singit ng tiyahin niya. "Basta 'wag mong kakalimutan ang mga itinuro ko sa 'yo. Magaling ka namang sumayaw, kaya madali lang sa 'yo ang gumiling. Titigan mo sa mga mata ang groom. 'Yong mapang-akit na titig. 'Yong tipong hindi ka hihindian at makakalimutan niyang ikakasal na siya." Hinaplos nito ang mahaba niyang buhok. Inilugay lang kasi iyon. "Tandaan mo, matutulungan mo ako sa problemang ito. Makakabawi ka na sa mga nagastos ko sa inyong magkapatid," mahabang litanya nito. Mukhang nangonsensya pa.
Wala siyang maintindihan sa mga sinabi nito. Mas lalo lamang siyang nabahala. Pakiramdam niya'y malapit na siyang bitayin nang mga sandaling iyon.
"Sige na, girl. Suotin mo na 'yang red heels mo. Naku naman, bayad ka na. Ngayon ka pa ba magba-backout? Nakakaloka naman!" waring stress na pahayag ni Rhoda. Napapunas pa ito sa sariling noo na tila pinagpapawisan.
Buhat sa salamin ay napatingin siya rito. Gusto sana niyang sabihing hindi naman siya ang binayaran, kundi ang tiyahin niya, pero nagpigil siya. Ni hindi nga niya alam kung magkano ang halaga niya. Isa lang ang sigurado siya, sapat iyon para mabayaran ng tiyahin niya ang utang nito.
"Osha, sige na. Suotin na," waring naiirita nang saad ng bakla.
Wala na siyang nagawa, kundi ang suotin ang red high heels na naroon.
"Perfect!" bulalas nito. Pumalakpak pa ito. "Okay, drink this."
"A-Ano 'yan?"
"Loka, beer lang 'to. Pampakalma at pampakapal ng fezlak mo. Baka mamaya magmukha ka lang tuod d'on. Virgin ka pa naman."
Namula siya sa sinabi nito. Kinuha niya ang baso ng beer. Halos mapangiwi siya sa pait niyon. Unang beses niyang makatikim ng nakakalasing na inumin. Hindi siya sanay. Tinungga niya iyon. Pinilit niya iyong ubusin, at tiniis ang pait. Sabi pa nga ng bakla, pampalakas ng apog niya. Kailangan niya iyon ngayon.
"That's my girl!" palatak ni Rhoda, saka isinuot sa kaniya ang kulay puting roba. "So let's go. Dito ka lang, Inay," baling nito sa tiyahin niya. "Ihahatid ko lang itong super pretty mong pamangkin sa Room 143 as in I love yah," maarteng anito.
Lumabas sila sa kinaroroonang silid ng hotel. Mula roon ay pumasok sila sa sinasabi nitong kuwarto. Malapit lang iyon, mga tatlong silid ang pagitan mula sa kinaroroonan nila kanina.
Sinulyapan niya ang numero ng silid. Totoo ngang Room 143 ang pinagdalhan sa kaniya. Akala niya kanina ay nagbibiro lang ito.
Isinalpak nito ang key card. Ito ang may hawak niyon dahil mamaya pa namang alas-siyete magsisimula ang stag party. Alas-sais y medya pa lamang base sa wall clock na nakita niya sa corridor ng hotel.
Nang makapasok ay napansin niya agad ang isang malaking kahon sa gitnang bahagi ng silid. Kulay pula iyon at may puting ribbon na malaki.
Bigla ay sinalakay siya ng kaba nang masilayan iyon. Iyon ang kahong magsisilbing instrumentong wawarak sa dignidad niya.
Pinigilan niya ang mapaluha.
"Osha, maiwan na kita. Pumasok ka na r'on." Inginuso ni Rhoda ang kahon. "Don't worry, hindi mainit d'yan. Pinalagyan 'yan ng mini air cooler ng kaibigan ng groom. Ang yayaman talaga!" palatak nito. "Take this. Isuot mo ang maskarang ito habang nagsasayaw ka. Tanggalin mo lang 'yan oras na kayo na lang ng groom mo—este ng groom ng bride."
Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya iyon. Hindi niya napansing may dala pala itong maskara. Pero mas mainam na iyon para walang makakilala sa kaniya. Puwede rin naman niyang pakiusapan ang groom mamaya na patayin ang ilaw sa oras na...
Ipinilig niya ang ulo. Nandidiri siya.
Namalayan na lamang niyang mag-isa na lamang siya sa silid. Gusto sana niyang lumabas, at pagtaguan ang mga ito. Pero naisip niya ang Tiyang Letty niya. Hindi naman niya maaatim na ipapatay ito ng pinagkakautangan nito kung basta-basta na lang siya tatakas.
Humugot siya ng malalim na buntong-hininga. Napagpasyahan niyang pumasok na lamang sa loob ng kahon.
Totoo ngang may mini air cooler doon. Niyakap niya ang sarili. Gininaw siya. Lalo pa't naka-panty at bra na lamang siya. Hinubad kasi ni Rhoda ang roba niya bago ito lumabas. Baka raw sumayaw siyang nakaroba, biro pa nito.
Dahan-dahan siyang umupo sa maliit na stool na naroon. Ipinikit niya ang mga mata at nanalangin.
Hindi niya alam kung ilang minuto siya sa ganoong posisyon, pero wala pa rin ang hinihintay niya. Hindi naman niya makita kung ano'ng oras na dahil wala siyang dalang relo, ni cellphone man lang.
Humikab siya. Inaantok na siya. Marahil ay dahil iyon sa alak na ininom niya kanina, at dahil na rin sa lamig ng paligid.
Napabaling siya sa sahig. Bahala na, iidlip lang muna siya.