“I miss you so much, Vanvan… Dalawin mo ulit si Mama sa panaginip, ha?”
Pinahid ni Ava Leigh ang mga luhang dumaloy sa kaniyang pisngi. Mahigpit niyang niyakap ang unan na minsang ginamit ng kaniyang anak, wari ay inaamoy pa ang bakas ng amoy nito.
Nahiga siya sa manipis na kutson na nakalatag sa malamig na sahig, saka ipinikit ang mga matang nangingitim ang ilalim dahil sa kakulangan ng tulog.
Sa tuwing patapos na ang walong oras niyang duty sa trabaho, nagsisimula na naman siyang mawalan ng gana. Kung maaari nga lang na magtrabaho siya kahit gabi ay ginawa na niya, huwag lang siyang lamunin ng lungkot at pangungulila.
Tuwing uuwi siya sa kaniyang tirahan, isang katahimikan ang sasalubong sa kaniya—katahimikang lalo lamang nagpapatindi sa lungkot na bumabalot sa kaniyang dibdib.
“Anak… sa mga oras na ’to, dapat pinapadédé na kita. Kaso wala ka na. Iniwan mo na si Mama.”
Napahikbi si Ava Leigh at lalo pang kinuyomos ang unan. Sa tabi niya, nakapatong ang maliit na kumot ni Vander, at sa gilid ng kutson naman ay ang malaking storage box kung saan naroroon nakalagay ang lahat ng gamit ng namayapang anak–na para bang inihahanda lagi para sa sanggol na kailan man ay hindi na muling magbabalik.
Hanggang ngayon, sariwang-sariwa pa rin ang sakit na dulot ng pagkawala ni Vander. Madalas siyang magising sa madaling-araw, nagugulat at naaalimpungatan sa tuwing makakapa niyang wala ito sa kaniyang tabi. Ngunit sa pagbukas ng kaniyang mga mata, tanging katahimikan lamang ang sasalubong sa kaniya, at ang katotohanang wala na ang pinakamamahal niyang anak–na nag-iisa na lang siya sa buhay.
Kapag nasa trabaho at maraming mamimili na nakapila sa kaniya, pansamantalang nakakapahinga ang utak niya sa kaiisip sa pagkawala ni Vanvan. Walang gabi na hindi siya lumuluha. Bawat sandali na nag-iisa siya, nilulukob ang kaniyang damdamin ng pangungulila para sa pinakamamahal niyang anak.
“Love na love kita, Vanvan... Matutulog na ang Mama. Dalawin mo po sana ako sa panaginip, ha? Please?” Muling pakiusap niya.
Nakatulog si Ava Leigh na may bakas pa ng natuyong luha sa kaniyang pisngi–palatandaan ng lungkot, pangungulila at pananabik na mayakap ang anak na maagang binawi sa kaniyang piling.
KINABUKASAN, maagang nagising ang dalaga habang may nakapaskil na ngiti sa mga labi. Kagaya ng hiling niya bago matulog, dinalaw siya ni Vander sa panaginip. Masigla siyang nag-asikaso para sa pagpasok sa trabaho.
Katatapos lang niyang mag-almusal nang may kumatok sa kaniyang tahanan. May pagtatakang humakbang siya papunta sa may pinto at binuksan ang pintuan.
“A-Ano ang ginagawa ninyo dito?” nauutal niyang tanong pagkakita sa mga hindi inaasahang panauhin.
Hindi niya maitago ang pagkabigla habang palipat-lipat ang tingin sa dalawang taong nakatayo sa kaniyang harapan.
“Good morning, girl! Hindi mo man lang ba kami papapasukin?” bati ni Mikee, sa halip na sagutin ang kaniyang tanong.
Malapad ang pagkakangiti nito sa kaniya. Sa tabi nito, ang tiyuhin na bagama’t pormal ang anyo at walang kangiti-ngiti ay napakaguwapo sa suot na itim na polo shirt at navy blue na pantalon. Banayad na humahakab ang tela sa matikas nitong katawan.
Niluwagan niya ang bukas ng pinto. “P-Pasok kayo.” Nagpakawala siya ng isang alanganing ngiti kay Lexus. Tumango ito at tipid na ngumiti bilang tugon.
“Dito kami makikikain.” Saka lang niya napansin ang bitbit ni Mikee nang ilapag nito ang dalawang plastic bag ng kilalang fastfood chain.
“H-Ha?” tanging nasambit ni Ava Leigh.
Kinindatan siya ni Mikee saka muling nagpakawala ng malapad na ngiti. Binuksan nito ang isang plastic bag saka isa-isang inilabas ang mga dalang pagkain.
Awang ang bibig na nakatingin siya sa kaibigan. Tila wala siyang maapuhap na sasabihin. Nabablangko ang utak niya sa presensiya ni Casper Alexus habang mabagal nitong pinapasadahan ng tingin ang munti niyang tahanan. Sa laki ng katawan ng binata, tila lalong nagmukhang maliit ang kaniyang apartment.
“Ready na ang food! Tara na, kain na tayo!” yakag ni Mikee sa kanila na para bang ito ang may-ari ng apartment at sila ni Lexus ang bisita.
“Halika na,” tipid na paanyaya ni Lexus.
“Kayo na dito ng frenny ko. Ako na doon sa upuan,” ani Mikee kay Casper Alexus. Inginuso nito ang pahabang upuan na yari sa matibay na kahoy na kasya ang tatlo katao.
Nang lumipat siya sa apartment ay dati nang may mga gamit kagaya ng mesa, dalawang plastic na upuan, at ang upuang kahoy na pahaba.
“Girl, pahingi ako nitong pritong tuyo at itlog na ginisa sa kamatis, ha?” hinging pahintulot ni Mikee, agad itong kumuha ng ulam na niluto niya hindi pa man siya pumapayag.
Pagkatapos kumuha ng pagkain ay naupo na si Mikee sa mahabang upuang kahoy saka nagsimulang kumain.
Dinampot naman ni Lexus ang isang take out box at iniabot sa kaniya. “Kain na tayo, mas okay kung marami kang kasalo kumain, mas masaya,” sabi pa nito.
Tipid na ngumiti ang binata. Lumabas ang isang malalim na biloy sa kaliwang pisngi nito kaya lalo itong naging gwapo sa kaniyang paningin.
Lumakas lalo ang kalabog ng d*bd*b ni Ava Leigh. Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang pagkain sa lalaki.
“Girl, maupo ka na doon. Hindi pa kami kumakain ni Tito kasi sabi ko dito kami makikikain sa ’yo.”
Dumako ang mga mata niya kay Mikee. “P-Pasensiya na kayo, hindi ako nagluluto ng almusal mula nang lumipat ako dito,” hinging paumanhin niya sa mga panauhin. “Ngayon ko lang naisipang magluto at kumain ng kanin sa umaga kaya ’yan lang ang nakayanan ko. Tuyo at itlog lang kasi ang madaling lutuin,” paliwanag pa niya.
“Okay lang ’yon, kaya nga nagdala kami ng foods. At saka kumakain ’yan si Tito ng tuyo at ginisang itlog kaya bilisan mo na at kumain ka na din,” tugon ni Mikee. Saglit itong nag-angat sa kaniya ng tingin ngunit kaagad ding itinuon sa kinakain ang atensiyon.
Humakbang si Ava Leigh palapit sa mesa. Lihim siyang nabahala nang umupo si Casper Alexus sa isa sa mga upuang plastic. Sa laki ng katawan ng binata, nag-aalala siya na baka bumigay ang upuan at bumagsak ang lalaki.
“Tapos na kasi ako kumain. Katatapos ko lang nang dumating kayo.”
Biglang nag-angat ng tingin ang tiyuhin ng kaniyang kaibigan, nakakunot ang noo.
“Sabayan mo na kami, kain ka ulit,” panghihikayat nito.
Tumango si Ava Leigh kay Lexus bilang tugon Hindi niya magawang tanggihan ang binata. Kaya kahit busog na ay sumunod siya sa sinabi nito.
Walang kibo na naupo si Ava Leigh hawak ang ibinigay ni Casper Alexus na pagkain. Binuksan niya iyon at wala sa loob na pinagmasdan ang laman. Tila muli siyang nakaramdam ng gutom nang maamoy ang garlic rice na may tapa at sunny side up egg.
Subalit nahihiya siya sa tiyuhin ng kaibigan dahil tanging tuyo at ginisang itlog na may kamatis lang ang maiaalok niya sa mga ito kaya siya nag-aalangan.
“Don’t you like the food?” tanong ni Lexus, muli na namang nangunot ang noo nito habang pinagmamasdan siya.
“Kain ka na, girl. ’Di ba ’yan ang gustong-gusto mong order-in noon kapag nililibre kita?” si Mikee, tumayo ito at muling kumuha ng tuyo at ginisang itlog.
Napayuko siya at kinagat ang ibabang labi. “N-Nakakahiya kasi sa Tito mo, ito lang ang ulam na niluto ko.”
“Grabe ka! Kumakain nga ng ganiyang ulam si Tito Lexus. Hindi ’yan mapili sa pagkain.” Nagsandok ng ginisang itlog si Mikee at inilagay sa plato ng tiyuhin. “Madalas siyang pumunta noon sa ’min noong hindi pa kami nahahanap ng Lolo ko kaya natuto siyang kumain ng ganito,” kuwento pa ng kaniyang kaibigan.
Muling dumako ang tingin ni Ava Leigh kay Lexus. Nagtama ang mga mata nila. Tinanguan siya nito saka tipid na ngumiti at nagsimulang kumain.
Nawala ang hiya na nararamdaman niya nang makitang kinain ng binata ang tuyo at ginisang itlog na niluto niya. Kaya nama’y sinabayan niya na din ang dalawa.
Magmula nang pumanaw si Vanvan, ngayon na lang ulit kumain nang magana si Ava Leigh. Dati ay halos hindi niya malunok ang pagkain sa tuwing maiisip na wala na ang munting sanggol na kaniyang pinapasúsô.
At malaki ang pasasalamat niya sa pagpunta ng kaibigan at ng tiyuhin nito. Kahit papano ay pumasok siya sa trabaho na hindi mabi
.