CHAPTER 16

1050 Words
“Hello, gurl, good morning!” bungad ni Mikee kay Ava Leigh sa masiglang tinig. “Good morning din!” ganting-bati ng dalaga sa kaibigan, bahagyang kumunot ang kaniyang noo dahil sa pagtataka kung bakit ito naroroon sa pinagtatrabahuhan niya subalit nginitian niya pa rin ito. Tumuloy siya sa pagpasok sa staff room. “Bakit ka pala nandito?” Hinúbàd niya ang sling bag at ipinatong iyon sa mesa. Naghila siya ng plastic na upuan bago naupo. Tumikwas ang dulo ng kilay ni Mikee. “Bakit, bawal ka na bang bisitahin dito?” kunwa’y pagtataray ng kaibigan. Inirapan ni Ava Leigh ang kaharap na prenteng nakaupo, nakasuot ng abuhing polo shirt at itim na slacks pants. “Empleyado lang ang puwedeng tumambay dito sa staff room. At sa suot mong ’yan, hindi ka mukhang empleyado dito.” Binuksan niya ang bag saka kinuha ang panyo upang punasan ang namuong pawis sa kaniyang mukha pati na din sa leeg. “Ako na ang bagong may-ari nitong grocery na pinapasukan mo. Kaya lagi mo na akong makikita dito,” kaswal na sagot ng kaibigan. Nahinto siya sa pagpupunas ng kaniyang batok. Pinakatitigan niya si Mikee. “Luh? ’Di nga? Asensado ka na pala ngayon, ah?” aniya, may bahid ng saya ang tinig para sa kaibigan. “Oo nga!” Tinaasan siya ng kilay ni Mikee sabay irap. “Kaya nandito kami kahapon kasi nag-usap kami ng dating may-ari.” “Naks! Congratulations, girl! Masaya ako para sa ’yo,” bati ni Ava Leigh sa kaibigan. “Unti-unti nang natutupad ang mga pangarap mo para kay Tita.” Ngumiti siya dito at ibinalik ang panyo sa loob ng sling bag. Kamag-aral niya noon si Mikee. Tanging ang ina lang ng kaibigan ang nakilala niya. Walang ibang pamilya na ipinakilala ang lalaki dahil ayon dito ay hiwalay na daw ang ina at ama nito, habang ang ibang kamag-anak naman daw ng nanay nitong si Phoemela ay nasa probinsiya umano. Pinagsalikop ni Mikee ang mga kamay na nakapatong sa plastic na mesa, humugot ng malalim na paghinga kasabay ng isang matamis na ngiti. “Maraming salamat, gurl. Kapag rest day mo gala tayo, ikukuwento ko sa ’yo ang mala-telenobelang kuwento ng buhay namin ni Mama,” turan nito, bakas sa tinig ang excitement. Nag-angat siya dito ng tingin habang hinahalungkat sa loob ng bag ang pulbos pati na din ang suklay. “Sige, basta ba libre mo.” Bumungisngis siya dito. Masaya siya para kay Mikee. Noong nag-aaral pa lamang sila, madalas silang magkasama ng kaibigan para maghanap ng puwedeng pagkakitaan sa legal at malinis na paraan para makatulong sa mga nag-aaruga sa kanila. Siya sa Lola niya at ito naman ay sa ina nito. SI Mikee ang madalas niyang lapitan kapag may mga problema siya sa buhay. Kapag alam ng lalaki na kapos sila ng kaniyang Lola, gagawa at gagawa ng paraan ang kaniyang kaibigan upang matulungan lang siya. Malapit sila sa isa’t isa noon pa man. Minsan pa ay napagkamalan silang dalawa na magkasintahan. Kahit may pusong mamon ang kaibigan, hindi halata ng makakakita dito na hindi ito tunay na lalaki maliban na lang kung magsasalita ito. “HI, AVA! SABAY KA NA SA AMIN.” Napatingin si Ava Leigh kay Mikee na kalalabas lang mula sa opisina nito. Katatapos lang ng kaniyang duty. Patungo na siya sa crew room upang kunin ang bag at umuwi. “Sa ’min?” salubong ang kilay na tanong niya sa kaibigan. Sinabayan siya nito sa paglalakad. “May iba ka pa bang kasabay pag-uwi?” dagdag niyang tanong. Hindi niya alam kung sino ang tinutukoy nitong makakasabay nila dahil wala pa namang gaanong kakilala ang lalaki sa trabaho nila. “Sino pa ba? Eh ’di ang hot and yummy kong Tito na tinamaan yata sa ’yo.” Mahina siyang siniko ni Mikee. Namilipit pa ito na parang bulateng binudburan ng asin. Sumikdo ang d*bdib ng dalaga sa sinabi ng kaibigan. Bigla ay nakadama siya ng excitement sa isiping makikita niyang muling ang guwapo nitong tiyuhin ngunit hindi niya iyon pinahalata sa kaibigan. “Ano’ng tinamaan ang pinagsasabi mo diyan? Huwag ka ngang ano!” Saway ni Ava Leigh kay Mikee na ngayon ay amo niya na din. Aminado siyang iba ang epekto sa kaniya ng mga titig ng Tito Lexus nito. At naiinis siya sa sarili. Ngayon lang niya naranasan ang ganoon, ang makaramdam ng matinding pananabik sa taong kailan niya lang nakilala. Kahit kay Evan ay hindi siya nakadama ng ganoon. “Basta, kahit anong tanggi ninyong dalawa, ramdam kong kakaiba ang chemistry ninyo. Ako ang number one fan ng love team ninyo ni Tito Lexus–ang Team CasLeigh!” Humagukhik pa si Mikee sabay takip sa bibig. Napailing siya sa tinuran ng kaibigang si Mikee. “Tigilan mo ’ko, hindi kami bagay. Mukhang mapera ang Tito mo at saka ayaw ko munang pumasok sa relasyon sa ngayon. Matinding trauma ang ibinigay sa akin ng ex ko.” Nagkaroon ng lambong ang mga mata niya sa huling sinabi. Nagpatiuna na siyang maglakad papunta sa staff room at iniwan ang kaibigan na nakabungisngis. Ayaw niyang tanggapin sa sarili na humahanga na siya kaagad sa tiyuhin ni Mikee. Kakikilala pa lamang nila ng lalaki. “Natuwa lang ako dahil tinulungan niya akong makalayo kay Evan. ’Yon lang ’yon,” pangungumbinsi niya sa sarili. Kaagad siyang lumapit sa locker at kinuha ang bag nang makapasok siya staff room. “Sige na, mauna na ako sa ’yo, Mikee. May dadaanan pa ako kaya hindi ako puwedeng sumabay sa inyo.” Dire-diretso siyang lumabas sa staff room habang isinasabit sa balikat ang sling bag. Hindi na niya hinintay pa ang tugon ng kaibigan. Halos takbuhin na niya ang sakayan ng jeep upang hindi na siya nito kulitin. “Bruhang ’to. Hinintay ko nga siya para isabay tapos iniwanan naman ako.” Napailing si Mikee habang tinatanaw si Ava Leigh. Nakasimangot itong naglakad papunta sa parking lot kung saan naghihintay si Casper Alexus. “I’m sorry, Tito. Tinakasan ako ng bruha. Nahihiya ata na makasabay ka,” ani Mikee nang makapasok sa loob ng sasakyan. Hindi kumibo si Lexus na sinarili ang naramdamag panghihinayang. Nakita na nito ang dalaga na kulang na lang ay liparin ang sakayan ng jeep sa pagmamadaling makaalis upang hindi na maabutan pa ni Mikee.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD