“Tito, let’s go na po!” maarteng pukaw ng pamangkin ni Casper Alexus sa kaniya. Napapitlag pa siya nang mahina nitong tapikin ang sinasandalan niyang upuan.
“Ano, natulala ka na diyan? Don’t tell me tinamaan ka kaagad doon sa frenny kong maganda? Wala ka nang kakurap-kurap habang nakatingin ka sa maumbok niyang wétpàks, ah!” may himig panunuksong dagdag pa ni Mikee.
“Shut up! May iniisip lang ako,” pigil ang inis na tugon niya, pilit idinadaan sa pagsusungit ang pagkapahiya. Ramdam niya ang pag-iínit ng kaniyang tenga sa kahihiyan.
Muli pinaandar ni Casper Alexus ang sasakyan. Napatiim-bagang siya, lalo na nang maramdaman ang paninikip ng suot niyang maong na pantalon. Salamat sa pamangkin niyang walang preno kung makabanggit tungkol sa nakakaakit na katawan ng kaibigan nito.
Kumpara sa mga babaeng nagkakandarapa sa kaniya, simple lang ang ganda at pananamit ng kaibigan ni Mikee, ngunit mayroong kakaiba sa babae na pilit pumupukaw sa kaniyang damdamin. Para bang bawat kilos nito ay may dalang alindog na hindi nito sinasadya dahilan upang maakit siya dito.
Ang mga pahapyaw na tingin, kiming pagngiti, at ang paraan ng pananalita–lahat iyon ay naghahatid ng kakaibang init sa kaniyang dibdib.
Napailing siya at humigpit ang pagkakahawak sa manibela, pilit inaalis sa isip ang imahe ng babae.
“Okay, sabi mo po, eh. Heto na, tatahimik na.” Eksaheradong itinikom ni Mikee ang bibig gamit ang dalawang daliri na animo ginamitan ito ng zipper. Subalit kahit tahimik na ito, naglalaro pa rin sa mga mata nito ang pang-aalaska.
Ayaw niyang mahalata ng pamangkin ang nangyayari sa kaniya kaya pinili na lang niyang manahimik at huwag nang patulan ang pang-aasar nito. Hanggang ngayon, pakiramdam niya ay nakadikit pa rin sa kaniyang katawan ang mainit at malambot na balat ng dalaga.
Nang sandaling hawakan niya ito kanina, may ’di maipaliwanag na init ang dumaloy sa kaniyang buong pagkatao na nagpapatuliro sa kaniyang isip hanggang ngayon.
Kagagaling lang nila sa loob ng grocery na pinapasukan ng dalaga kung saan ang pamangkin niya ang bagong may-ari. Pabalik na sana sila sa kaniyang sasakyan nang matanaw ni Mikee sa ‘di kalayuan ang dalaga na tila nakikipagtalo sa isang lalaki.
“Ava Leigh?” naniningkit ang mga matang sambit ni Mikee, sinisipat nito ang babae. Naka-side view ito mula sa kanila kaya hindi nila makita ang buong mukha nito.
Ilang hakbang pa ang ginawa ng kaniyang pamangkin upang siguruhing ang kakilala nga nito ang nakikita nila. Agad na namilog ang mga mata nito at maarteng napasinghap nang makumpirma ang hinala.
“Tito Lex, that’s my friend! Omg! Teleserye lang ang peg?” impit na tili ni Mikee pagkakitang lumuhod ang lalaki sa harap ng kaibigan na sinasabi nito.
“Tara, lets! Makichika tayo!” Hindi pa man pumapayag ay hinila na siya ni Mikee sa kamay, bakas sa boses nito ang excitement.
Marami na ang nakikiusyoso. Ayaw na sana niyang dumagdag pa subalit may kung anong humahatak sa kaniya upang lapitan ang babae.
Habang papalapit sila, unti-unti ding nagiging malinaw sa kanilang pandinig ang pinag-uusapan ng dalawa.
“Kahit ano pa ang gawin mo, kahit maglupasay ka pa diyan, o kaya'y halikan mo ang mga paa ko, hinding-hindi kita hahayaang saktan at lokohin ulit ako! Sinira mo ang buhay ko, Evan! Namatay ang anak natin nang dahil sa pangbababae mo!” ani ng babae.
“Ay hala! Ang sakit naman no’n,” wika ni Mikee. Napalitan ng lungkot ang mga mata nitong kanina lang ay kumikislap dahil sa pananabik para sa kaibigan. Kababakasan ng simpatya ang mukha nito.
“Ano ba! Bitaw sabi!” singhal pa ng babae, pilit itong kumakawala mula sa pagkakayapos ng lalaki.
May kung ano sa damdamin niya ang nagtulak upang mamagitan sa dalawa. Hindi na siya nagdalawang-isip–humakbang siya palapit upang manghimasok sa dalawa para tulungan ang kaibigan ng kaniyang pamangkin upang makalayo sa lalaking sa tingin niya ay dati nitong karelasyon.
“Alam mo, Tito, kaedad ko ’yon si Ava,” anang boses ni Mikee na nagpahinto sa kaniya sa pagbabalik-tanaw mula sa eksena kanina. “Pagdating sa love, age doesn't matter naman ika nga nila. Kaya puwede kitang ireto sa kaniya sakaling may namumuong paghanga diyan sa puso mo.” Naroroon pa rin sa tinig nito ang panunukso.
Hindi niya namalayang napangiti siya sa tinuran ng pamangkin. Dalawampu’t limang taon pa lang ang kaniyang pamangkin na anak ng pinsan niyang si Cassian.
“Uy! Nakita ko ’yon!” kapagkuwan ay sigaw ni Mikee, nanunukso. “Edad pa nga lang ang sinasabi ko tungkol kay Ava napapangiti na siya,” dagdag pa nito habang nakahawak sa d*bd*b ang pumipilantik na mga daliri.
Kaagad na sumeryoso ang kaniyang anyo. “Tigilan mo ’ko, thirteen years ang agwat ng edad namin,” kaila niya sa paratang ng pamangkin na sinabayan pa niya ng pagsimangot at pagkunot ng noo.
At sa kabila ng mariing pagtanggi ni Lexus, ramdam niyang uminit ang magkabila niyang pisngi sa pagkakahuli sa kaniya ni Mikee. Pilit niyang pinanatiling seryoso ang anyo upang itago ang isang damdaming pilit sumisibol sa kaniya.
Hindi rin niya maiwasang maalala ang mga mata ng kaibigan ng kaniyang pamangkin. Puno iyon ng lungkot, sakit, at pangungulila–na sa tuwing magtatama ang mga mata nila ay gusto niyang ikulong sa mga bisig niya ang dalaga upang pawiin ang mga bagay na nagpapahirap sa puso nito.
Ngunit nang mapagtanto niya ang tumatakbo sa kaniyang isip, kaagad niyang ipinilig ang ulo sa paraang hindi mahahalata ni Mikee. Kinastigo niya ang sarili. “D*mn you, man! Huwag kang magpaapekto sa babaeng ’yon. Para mo na siyang pamangkin!”
Subalit kahit anong tanggi niya sa sarili, hindi niya magawang pigilan ang mabilis na pintig ng kaniyang puso sa tuwing naaalala ang malungkot na anyo ni Ava. Tila may dalawang tinig ang nagtatalo sa kaniyang isip–ang isa ay nagsasabing balewalain niya ang kung ano mang sumisibol sa kaniyang damdamin, habang ang isa naman ay inuutusan siyang sundin ang nararamdaman kahit naninibago siya sa nangyayari sa kaniyang sarili.
Ngayon lang siya nakadama ng ganito sa isang babae–at sa taong mahigit sampung taon pa ang agwat ng edad sa kaniya. Kaya labis siyang nagtataka, wala namang ginagawang kakaiba ang dalaga upang akitin siya subalit nakuha na kaagad nito ang atensiyon niya.
“Tito Lexus! Hello!” malakas na tawag ni Mikee sa kaniya dahilan upang mawala sa kaniyang isip ang dalaga. “Nasaan na naman po lumilipad ang isip mo? Naiwan ba doon sa hinintuan natin?” nanunudyong tanong ng pamangkin niya.
“Nagfo-focus ako sa pagda-drive, Mikee,” sagot niya sa pinapormal na tinig.
Gusto na niyang iúntóg ang ulo sa manibela. Pilit niyang ikinakaila ang nararamdaman pero heto at lagi siyang nahuhuli ng pamangkin na para bang nawawala sa sarili.
“Sa pagda-drive ba talaga, Tito?” Hindi matigil-tigil si Mikee sa panunukso sa kaniya lalo at hindi nakatakas sa paningin nito ang pamumula ng pisngi niya.
Hindi na lang siya kumibo. Alam niyang mas lalo siya nitong aasarin. Madalas siyang kulitin at asarin ng kaniyang pamangkin, pero hindi siya basta-basta nagagalit dito sapagkat alam nito ang hanggangan.
Ilang minutong namayani ang katahimikan, na labis niyang ipinagpasalamat. Sinilip niya si Mikee sa rearview mirror, abala na ang pamangkin sa cellphone nito. “Kaya pala nanahimik,” anang isip niya saka muling itinuon ang mga mata sa kalsada.
“Ay! Nag-text na ang aking frenny, Tito. Nakarating na daw siya sa apartment niya,” pagbibigay-alam ni Mikee makaraan ang ilang minutong pananahimik.
Lihim siyang nagpasalamat na ligtas na nakauwi ang dalaga. At sa kaniyang isip, umaasam siyang hindi iyon ang huli nilang pagkikita.