HINDI MAKAPANIWALA SI FAITH na inalok siya ng Ginang na sa bahay na lang muna ng mga ito manuluyan habang wala pa siyang nahahanap na trabaho. Akala kasi nito ay naghahanap siya ng trabaho dahil sa mga papeles na hawak niya. Ganoon ba iyon?
Nagpakilala ang babae bilang Josie. Gaya ng naisip niya kanina, anak nga nito ang batang babae, Carissa ang pangalan nito.
Tila ba sabik na sabik sa kaniya ang bata at masayang masaya na makasama siya kahit nang nasa kotse pa lang sila.
Huminto sila sa tapat ng napaka laking gate. Hindi niya matanaw kung ano ang nasa loob ng gate na iyon dahil sa tayog niyo. Sigurado siyang mayaman talaga si Josie. Kung kasama niya lang si Lili siguradong kagaya niya ay mamangha rin ito. Bahagya tuloy siyang nakaramdam nang lungkot nang dahil roon.
“Halika, anak.” Inakay siya nito palabas ng kotse.
Napaturo naman siya sa malaking sisidlan ng tubig sa tapat ng napaka laking puting bahay.
Napakalaking sisidlan naman niyon.
“Para saan ang sisidlan na iyon?” tanong niya kay Josie.
Noong una ay gulat ito sa itinanong niya hanggang sa bumukas sa mata nito ang pagtataka.
“Hindi mo rin alam kung ano iyan?”
Sa kaba niya ay napasagot siya, “alam ko, tubig!” Hindi puwedeng tuluyan siyang paghinalaan ng mga tao sa paligid niya.
Ngunit kataka taka para sa kaniya na imbis gumaan ang ekspresiyon ni Josie ay tila ba mas naguluhan pa ito sa isinagot niya.
“Swimming pool ang tawag diyan, Faith. Nilalanguyan ‘yan, kapag gustong mag-relax ng tao o kaya naman ay magsaya. I mean, ngayon ka lang ba nakakita niyan sa personal?”
Napabuntong-hininga siya. Wala siyang nagawa kundi ang mapatango.
Tila naramdaman nito ang lungkot ang pagkabagabag niya nang dahil lang roon kaya naman binigyan siya nito ng magandang ngiti habang patuloy sila sa paglalakad papunta sa pintuan ng bahay.
“Mamaya sa hapunan ay mag-uusap tayo, Anak, ha?” sabi pa nito. “Madami akong kailangang itanong sa’yo para mas makilala pa kita. Ayos lang ba sa’yo ‘yon.”
Inosente siyang tumango rito.
“Maligo ka muna at magbihis ng maayos na damit. Ipapaasikaso kita kay Manang Edna.”
Ipinakilala siya ni Josie sa tinatawag nitong Mang Edna. Sabi nito sa kaniya, si Manang Edna raw ang head ng mga katulong nila sa bahay. May pagkamasungit daw ito kaya huwag akong mabibigla. Mukhang totoo nga dahil pabulong pa iyon nang sabihin sa kaniya ni Josie.
“Saan ka ba napulot ni Josie?” anang pa nito sa kaniya.
Ngayon ay naghahanap ito ng damit na magagamit niya sa storage room. Naroon daw kasi ang mga gamit na hindi na ginagamit sa bahay kasama na ang ilang napaglumaang damit.
“Ito ang pinaka maayos at kakasiya sa’yo.” Inabot nito sa kaniya ang kulay rosas na blouse ay asul na pajama na may madulas na tela. “Branded ang mga iyan, ingatan mo.”
Wala siyang nagawa kundi ang tumango.
“Pumunta ka sa banyo. Paglabas natin dito, may banyo sa kaliwa. Doon ka pumasok at maligo,” sabi pa nito. Tinignan pa siya nito mula ulo hanggang paa. “Maganda ka nga, gusgusin naman.”
Kumurap siya, hindi niya kasi alam kung ano ang isasagot kay Manang Edna, pero nang itaboy siya nito para maligo, naisip niya na lang na sumunod.
Tama. Ang mga tao ay naliligo.
Ngunit ang problema niya ngayon ay hindi niya alam kung paano gagamitin ang mga naroon, kung paano ba maligo.
“Ate Faith, psst!” Dumungaw sa pintuan si Carissa, hindi niya pa pala nasasarado iyon. “Hello!”
“Carissa!” tawag niya rito.
Pinagmasdan niya ang kabuuan nito. Nakapagpalit na ito ng damit.
“Maliligo ka ba, Ate?” tanong pa nito.
Tumango siya. “Oo, sabi ni Manang Edna. Kaso hindi ako marunong, Carissa.”
Nalaglag ang panga ni Carissa. “Talaga, Ate? Sige.”
Pumasok si Carissa sa loob ng banyo.
Hinayaan niya naman ito.
“Ituturo ko muna sa’yo bago ako lumabas. Bago ka maligo ate, huhubad mo muna ang dress mo. Lahat. Pagkatapos bubukas mo tong shower. Tapos yung green na madulas, sabon yan. Sasabon mo yan sa body mo hanggang sa bumula. Tapos yung pink shampoo. Pangbuhok ‘yon, papabulain mo rin at kapag mabula na ang lahat, babanlaw ka na dito sa tubig ng shower. After mo banlaw, kukunin mo ‘yung white towel sa cabinet. Bago pa ‘yon, Ate, tapos punas mo sa katawa mo para matuyo ka.”
Pinanood niya ang pag-agos ng tinawag ni Carissa na shower na pinatay rin nito matapos magpaliwanag sa kaniya.
Nakakamangha! Tila isa ‘yung maliit na ulan.
Pinatay iyon ni Carissa bago bumalik sa labas ng pinto.
“Sasara ko na ang door, Ate. We-wait kita dito sa labas, para kapag may di ka pa alam. You can call me, okay?” Tinaas nito ang hinlalaki sa kaniya, tila senyales iyon.
Kusa niyang ginaya iyon kay Carissa kaya naman natawa ito.
“Okay! Salamat, Carissa!”
Natapos siyang maligo sa tulong ni Carissa. Masaya siya na mukhang magkalapit na ang loob nila nito. Napaka bait na bata ni Carissa at napaka mapagkumbaba. Magaan na magaan ang loob niya rito.
Bago sila pumunta sa kusina ay pinunasan pa ni Carissa ng tuwalya ang buhok niya para raw mabilis na matuyo at para alam niya na ang gagawin sa susunod.
Hinawakan ni Carissa ang kamay niya at tatalon talon siyang inakay papunta sa kusina. Sabi nito ay hinahanap na daw siya ng Mommy nito dahil kakain na sila ng hapunan.
Madaming tinanong sa kaniya sa gitna ng hapunan si Josie. Lalo na kung saan siya nanggaling at kung sino ang mga magulang niya. Sinagot niya naman ito, sinabi niya lahat ng mga sinabi ni Constantine sa kaniya at lahat ng laman ng mga papeles na dala niya.
Busog na busog siya nang matapos ang hapunan. Masasarap ang pagkain na meron sa bahay ng Ginang. Mga pagkain na halos ngayon niya lang natikman.
Itinuro rin sa kaniya ng isa sa mga katulong ang kuwartong tutulugan niya, pero kinulit siya ni Carissa na samahan siya sa kuwarto nito hanggang sa makatulog. Ang bilin na lang sa kaniya ni Manang Edna ay pumunta na lang sa kuwarto na itinuro sa kaniya kapag tulog na si Carissa. Baka kung ano raw kasi ang gawin niya at hindi naman raw siya kilala ng mga ito.
Panghuhusga. Hindi ba’t iyon ang tawag roon?
Ngunit malawak ang puso at isip niya para magalit sa inasal nito sa kaniya.
“Ang dami mong laruan, Carissa!” Namamangha niyang tinignan isa-isa ang mga laruan nito.
Halos lahat ng bagay na meron sa kuwarto ni Carissa ay kulay rosas.
Mas nakakamangha pa ang tila malaking bahay sa gilid ng malaki nitong kuwarto.
Bahay raw ito ng manika ni Carissa.
Masama mainggit, pero nakakamanha na may mas bahay pa ang manika kaysa sa kaniya rito sa lupa, kasi ang totoo, nasa langit ang bahay niya.
“Sayang, wala ang kuya ko. Late na naman sa dinner. Matutuwa ‘yon na may playmate na ako,” sabi pa nito na abala sa pakikipaglaro sa kaniya.
“May Kuya ka Carissa?” ulit niya pa.
“Oo, Ate Faith. At napakabait at napaka pogi.”
Napangiti siya nang ipagmalaki ito ni Carissa sa kaniya. Nakakatuwa na ganoon nito ipagmalaki ang kapati. Punong-puno ng mangha at paghanga ang mga mata nito.
“Kaso ang girlfriend niya, napaka sungit.”
Lumungkot ang ngiti niya nang makitang lumungkot si Carissa nang banggitin iyon.
“Hindi naman ako pasaway sa kaniya, but she’s so masungit to me. Parang ayaw niya ako.”
Hinaplos niya ang buhok nito. “Bago ganoon lang talaga siya, Carissa. Sino namang aayaw sa’yo? Napakanda mo na, napakabait at masayahin mo pa.”
Inosenteng ngumiti sa kaniya si Carissa. Kahit na mukhang hindi man ito na naniwala na hindi ayaw sa rito ng girlfriend ng Kuya nito ay tinanggap pa rin nito ang sinabi niya. Nakikita niyang matalino si Carissa, hindi lang basta bata.
“Oh my!” Napatakip pa ito sa bibig nito. “Aalis ka na ba bukas, Ate?”
Nagkibit-balikat siya. Ang sabi kasi ng Mommy ni Carissa, hangga’t wala pa raw siyang trabaho ay puwede namang doon muna siya.
“Ate, ‘wag ka alis. Please?” Pinagdikit pa nito ang dalawang palad at Ngumuso. “Birthday ko na bukas! Dapat nandito ka. Kaya ‘wag ka alis, please?”
“Birthday?” tanong niya.
Inalis ni Carissa ang pagkakadikit ng palad.
“Oo, Ate. Birthday. Ang birthday, kung kailan ka pinanganak o kailan ka lumabas sa mundong ito.” Umasta itong nag-iisip. “Ikaw ba, Ate. Kailan ang birthday mo?”
Napaisip siya ng dahil roon. Kung ang sabi ni Carissa, ang birthday at kung kailan siya lumabas sa mundo, ibig-sabihin…
“Noong isang araw!” sabi niya.
Nagsalubong naman ang kilay ni Carissa. “Sayang, hindi ko naabutan. Sa susunod aabutan ko na ‘yan, Ate Faith. Kaya dapat bukas sa birthday ko nandito ka at si Kuya, para may promise na tayo. Okay ba?” Muli nitong itinaas ang hinlalaki sa kaniya.
Napangiti siya at muling ginaya ito. “Okay!”
Sa wakas ay nakatulog na si Carissa matapos nang mahaba nilang pag-uusap. Sinigurado niya pang maayos ang pagkakakumot niya rito dahil malamig sa kuwarto nito dahil sa kahon na naroon na kung tawagin ni Carissa ay aircon.
Madami talagang kakaibang bagay sa mundo ng mga tao. Nakakamangha.
Marahan niyang isinarado ang pintuan ng kuwarto ni Carissa.
Baba na sana siya kung hindi lamang siya napahinto sa nakita.
Halos marinig niya ang pagtambol ng puso niya nang makita ang mukha niyon na paakyat na sa hagdanan.
Kahit madilim na sa dqaanan dahil patay na ang malalaking ilaw at tanging ang maliliit na dilaw na ilaw na lang ang nakasindi ay naging sapat na iyon para makumpirma niyang hindi nga siya nagkakamali.
Si Sebastian!
Si Sebastian ang paakyat ngayon sa hagdanan!
Hindi siya nito puwedeng makita!
Siguradong kagagalitan siya nito!
Nang magsimula nang humakbang si Sebastian ay kaagad niya itong sinabayan. Ginulo niya ang buhok niya para matabunan ang mukha at nakayukong naglakad nang hindi niya ito tinitignan.
Ngunit tila kakaiba ang pakiramdam nito at nang magkasalubong sila sa gitnang baitang ng hagdan ay kaagad siya nitong hinawakan sa braso.
“Wait…” Naramdaman niya ang pagdungaw nito sa mukha niya.
Mas lalo siyang Napayuko nang dahil roon.
“Hindi pa kita nakikita sa bahay namin. Are you a new maid here?”
Umawang ang labi niya. Kung ganoon ay bahay ito ni Sebastian?!
Napapalunok siyang tumango.
Hindi rin naman nagtagal, matapos siya nitong tignan ng huling beses ay binitawan na nito ang Nanlalamig niyang braso.
Hindi niya maintindihan.
Bakit ngayong iniiwasan niya ang binata ay syaka pa nagku-krus ang landas nila?
PANATAG NA NGUMITI SI MAESTRO matapos makita ang muling pagtatagpo ng munting anghel at ni Sebastian.
Talagang pilit na pinagtatagpo ng tadhana.
Hindi niya gusto na tila pasuko na si Faith at nawawalan na ito ng lakas ng loob. Para sa kaniya, isa si Faith sa pinaka matapang at may paninindigan na anghel. Masakit para sa kaniya na nakikita itong nawawalan ng kompiyansa.
Kung maaari niya lang sanang sabihin ang totoong misyon, ngunit hindi maaari.
Ang dahilan kaya ito ang ipinadala ay para matutunan nito ang konsepto ng mga batas.
Ngayon na Totoong magsisimula ang lahat para sa misyon ni Faith.
Hiling niya lamang na magawa nito ang misyon at makabalik ito sa lupa at hindi matulad sa nangyaring pagtiwalag noon.
Nagtitiwala siyang hindi iyon gagawin ni Faith.
Naniniwala siyang matatapos nitong ang misyon sa itinakdang panahon.