Chapter 48
“Graza,” mahinang tawag ng inang si Calope sa kaniyang kapatid.
Inilibot niya ang kaniyang paningin sa mga putaheng nakahain sa ibabaw ng lamesa. Hindi niya lubos maipaliwanag ang kaniyang sikmura.
Bumalik ang kaniyang tingin sa sarili niyang plato. Ni hindi niya pa nauubos ang sinandok niyang pagkain.
“Yes, po, ‘ma.”
Kumibot ang gilid ng labi niya habang pinupuno niya ng ulam at kanin ang kaniyang kutsara. Sa kabilang banda ay nakikinig naman siya sa usapan ng mga ito.
“Are you okay, Emrys?” biglang tanong ng kaniyang ama.
Nakakunot ang noo nito habang nakatutok ang tingin sa kaniya.
“A-Ayos lang po ako, papa,” nahihiyang sagot niya rito at napayuko.
Hindi niya na masalubong ang tingin ng mga ito.
“You look pale, anak,” puna sa kaniya ng inang si Calope.
Tumango si Luki. “Kanina ko pa nga napansin ang pananamlay mo, anak.” Nasa boses nito ang pag-aalala.
Nahiya siyang bigla dahil sa kaniyang narinig. Hindi naman kasi talaga masama ang pakiramdam niya. Tinatamad lamang siya. That’s all.
“Palya, pakitawagan mo nga si Dok Giang.”
“P-Pero ayos lamang po ako, ‘pa…” Nauutal ang kaniyang boses. Matapang niyang sinalubong ang seryosong tingin ng ama.
“Hindi ‘yan maaari, Emrys. Huwag mo akong dramahan, anak.” Awtomatiko siyang natameme dahil sa pagsaway ng ama sa kaniya.
Lumapit si Palya sa kaniyang ama at agad na nagtanong. “Ano pong sasabihin ko, delta?”
“Sabihin mo na kailangan ko siya rito sa mansyon ngayong gabi at masama ang pakiramdam ni Emrys,” paliwanag ng kaniyang ama.
“Masusunod po, delta.”
Iyon lamang at umalis na ang kanilang katulong upang tawagan ang pinakasikat at pinakakilalang doctor sa buong Aswun.
Napasulyap siya ng tingin sa kaniyang kapatid. Nasalamin niya ang pag-aalala sa mga mata nito.
Awkward. Iyon ang maglalarawan sa kalagayan niya ngayon.
Nanlaki ang mga mata niya sa gulat nang maalala niyang bigla ang isang bagay.
“Next week na nga pala ang birthday mo, Graza!” nakangiting sambit niya. Pilit niyang pinasigla ang kaniyang ekspresyon.
Sinadya niya iyon upang mawala sa kaniya ang atensyon ng kanilang mga magulang.
Pinanlakihan siya ng mga mata ng kapatid.
“Exactly!” sambit ng kanilang ina. “Muntik ko nang makalimutan. Thanks to Emrys for reminding us because, that’s what I am trying to tell earlier…” Napahawak ito sa sentido ng ulo.
Blangko ang ekspresyon na muling itinuon ni Graza ang buong atensyon nito sa pagkain. Kilala niya ito. Marahil ay nag-uumpisa na siya nitong sermunan sa sarili nitong isip.
“Bukas pagkauwi mo ay nandito na si Orli. Siya ang mag-oorganize ng birthday party mo, anak…” Hindi naman masyadong halata na excited ang kaniyang ina.
Napaubo siya nang wala sa oras. Halatang wala na sa mood ang kapatid sapagkat hindi na ito makatingin sa kanilang ina. Sa tantiya niya’y hindi na rin ito nakikinig pa.
Kilala niya ito. Isang malaking parusa ang iniisip nitong katumbas ng pagdiriwang nito ng sariling kaarawan. Noong nakaraang kaarawan nito’y mahigit isang Linggo na hindi naging maganda ang disposisyon nito. Nilagnat pa ito kinagabihan at siya lamang ang nakakaalam.
Kagat-labi siyang nagsalita. “M-Ma,” tawag niya sa atensyon ng kanilang ina na walang preno sa pagsasalita tungkol sa nalalapit na kaarawan ni Graza.
Napakurap ito at tinapunan siya ng tingin. “Ano iyon, anak?” ungkat nito sa kaniya habang nakangiti.
“Bakit hindi niyo po gawing pajama party ang birthday celebration ni Graza?” nakangiting suhestiyon niya sa ina na ikinasinghap ng kapatid sa huli.
Sinenyasan siya ni Graza at sinaway ngunit binalewala lamang niya iyon.
“Pajama party?” nanliliit ang mga mata nito.
Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi. Halatang hindi nasisiyahan ang tono ng kaniyang ina ngunit hindi siya susuko. May naisip siyang isang napakagandang paliwanag para sa kaniyang suhestiyon.
Kumindat siya kay Graza bago humugot ng isang malalim na hininga para sa pagsalita niya muli.
“Maganda naman pong ideya ang pajama party, ‘ma. Lumaki po kaming magkapatid na sa tuwina’y bongga ang celebration pagdating sa aming mga kaarawan at lubos po naming ipinagpapasalamat iyon sa inyo ni papa. Hindi namin tatamasain ang ganitong klaseng pamumuhay kung hindi dahil sa inyo na aming mga magulang. Ngunit nabanggit po sa akin ni Graza na nais niyang maranasan ang pajama party. Simple lamang po ngunit nasisiguro ko pong magiging masaya iyon!” mahabang paliwanag niya sa mga magulang. Wala nang mas isisigurado pa ang kaniyang pangako sa mga ito.
Tumuwid ng pagkakatayo ang kanilang ama at ipinagsiklop nito ang mga daliri ng kamay sa ibabaw ng lamesa.