“Narinig niyo na ba ang balita?” humahangos na tanong sa kanila ni Gorgie pagkagaling na pagkagaling nito sa loob ng canteen.
Ibinagsak nito sa ibabaw ng lamesa ang mga meryendang ipinamili nito.
Inabutan ito ni Ruan ng isang botilya ng tubig. “Uminom ka nga muna ng tubig at kumalma,” mahinahong utos nito sa kaibigan.
Nakailing na tumanggi si Gorgie. “Kailangan niyong marinig agad ito,” nahihirapang sambit nito.
“Ang alin ba?” salubong ang kilay na tanong ni Emanya. Samantalang tahimik lamang na nakikinig ang kaniyang kapatid na si Graza sa gilid kagaya niya.
“Galit na galit si Galena sa nangyari. At ngayon ay papunta na siya rito!” nanlalaki ang mga matang sambit nito habang nagpapadyak ng mga paa.
Natahimik siya dahil sa sinabi nito. Tumayo siya at hinarap ang kaniyang kaibigan na si Gorgie. “Paano mo naman nasisiguro na rito siya susugod?”
Napayuko ito. “Sinugod nila ako pagkalabas ko mismo sa canteen at hinahanap ka niya sa akin. Para siyang mangangain ng tao, Emrys!” nakangiwing pahayag nito.
“Kung totoo ngang ako ang hinahanap ni Galena ay wala kayong dapat ikabahala, Gorgie. Wala naman akong idadamay sa inyo basta huwag na lamang kayong magsasalita mamaya,” kalmadong pahayag niya sa mga ito.