“Gila!” malakas na tawag ng kakalapit lamang na si Evermore sa puwesto mismo nina Emrys at Graza kung nasaan din ang tinutukoy nito na si Gila.
Napalingon si Emrys sa babae at napatitig nang matagal. Hindi niya maiwasang humanga sa mas lutang na kagandahan ng babae sa mas malapitan.
Samantalang napaismid naman si Graza. Paano’y agad nitong napansin ang pilit na ngiting nakarehistro sa labi ng bestfriend ni Gila.
“Iba talaga ang nararamdaman ko sa sobrang kabaitan ng babaeng ‘yan,” pasimpleng bulong ni Graza sa kaniya. Siniguro nitong siya lamang ang nakarinig niyon.
Marahan niya itong siniko. “Shhh!” kabadong saway niya sa kapatid. Kinabahan pa rin siya na baka may makarinig sa sinabi nito na ikapahamak pa nilang dalawa nang wala sa oras.
“Evermore!” Awtomatikong tumayo si Gila at pinagtuunan ng pansin ang bestfriend nitong si Evermore.
Sinadya pa nitong putulin ang pakikipag-usap sa isang kakilala at ibinaba ang hawak na basong may laman na alak.
Ngumiti nang malawak ang babae. “Tara roon sa table namin,” yaya nito kay Gila sabay nguso sa pinanggalingan nito.
Sinundan naman iyon ng tingin ni Gila ngunit ngumiti lamang sa huli ang lalaki. “Dito na lamang ako, Evermore. Bakit hindi ka na lamang muna mag-focus kila Trisha? Na-miss ka yata sobra ng iba pang mga kaibigan mo, ah.”
Awtomatikong nabura ang malawak na pagkakangiti ng babae. Tinapunan sila nito ng sulyap ni Graza.
Sumeryoso ito bigla pagkakita sa kanilang dalawa magkapatid. “Hinahanap ka kasi nina mama at papa,” blangko ang mukhang pakiusap nito sa lalaki.
Awtomatikong napaiwas ng tingin si Emrys sa mga ito. Hindi niya alam kung bakit siya nakakaramdam ng bahagyang pagkailang habang sa harapan niya mismo nag-uusap sina Gila at Evermore.
Itinuon niya ang kaniyang tingin kay Ruan at niyakap ito. “Maaari mo ba kaming isabay mamaya magkapatid sa pag-uwi?” pakiusap niya rito.
“Bakit naman?” kunot-noong tanong nito sa kaniya. “Ano ba kasing sinakyan niyo kanina papunta rito?”
Hindi niya agad nasagot ang tanong nito. Paano nga ba niya aaminin na sinundo sila ni Gila at ngayo’y mukhang malabo na silang ihatid nito.
Muling humikab si Graza sa kaniyang gilid. “Nagsisisi na akong sumama rito, Emrys.” Inikot nito ang mga mata sa ere.
Imbes na magpatulong siya sa kapatid ng isasagot ay nagsumikap na lamang siyang mag-isip ng magandang palusot. “Nasiraan pa kasi kami ng sasakyan kung kailan malapit na kami kanina rito sa venue,” halos pabulong niyang sagot. Lagot siya kapag narinig iyon ni Gila.
“Gano’n ba?” ani Ruan bago ito napangisi. “Paano naman kayo nakarating dito kung gano’n?”
Nakangiwi niyang pinagmasdan ang makahulugang pagkakangisi nito. “M-May nagpasakay sa’min,” maikling sagot niya rito.
“Mabuti at may nakita kayong good samaritan,” anito. Nakangisi pa ito habang hinihintay ang pagsasalaysay niya ng kuwento.
“Good Samaritan?” hindi nakatiis na singit ni Emanya sa usapan nila.
“