“Anong nangyari sa’yo, Emrys?” nag-aalalang tanong ng kapatid sa kaniya pagkatapos nitong mapansin na nakaunan lamang ang ulo niya sa ibabaw ng desk.
Mariing napapikit si Emrys at umiling.
“Bakit ayaw mong magsalita?”
Humugot siya ng isang malalim na hininga saka ginawa ang nais nito. “Huwag mo muna akong pansinin, Graza… Medyo kumkirot lamang ang ulo ko ngunit ayos lamang naman ako. Kailangan ko lamang ng saglit na pahinga.”
“Paano ‘yan?” Lalong naging problemado ang boses nito. “Ipinapatawag pa naman nila kayong lahat na mga Classroom President sa gymnasium. May meeting daw yata kayo ngayon.”
Wala sa oras niyang iniahon ang kaniyang ulo at napangiwi. “Iyong totoo?” Kinailangan niyang indain ang sakit.
Nakasimangot si Graza habang nakamasid sa kaniya. “Totoo nga. May pumunta kanina rito at nagpasabi.”
Wala siyang choice kundi kumalma at mag-concentrate sa sinasabi ng kapatid.
“Anong oras daw?” Sinikap niyang pagbutihin ang sariling disposisyon.
Kagat-labi siyang sinagot ng kapatid. “Ngayon na raw, eh.” Napakamot ito sa ulo.
Pinilit niyang ngumiti at tumango rito. “Gano’n ba, Graza?” Inayos niya ang mga gamit. Kailangan niyang sumunod.
“Sa’n ka pupunta?” nanliliit ang mga mata nito.
“Doon. Saan pa ba?” nakatawang sambit niya habang isinusukbit ang sariling bag.
“Te’ka lang. Hindi pa maayos ang lagay mo—”
“Don’t worry too much, Graza… Ha?” Marahan niyang tinapik ang balikat nito. “Malayo pa naman ito sa bituka.” Sinadya niya ang pagbibiro sa bandang huli.
Hinabol siya nito at kinalabit. “Te’ka lang,” anito.
Maang niya naman itong pinagmasdan na tumakbo patungo sa likuran ng kanilang klasrum. Kinausap ng kaniyang kapatid ang mga kaibigan nila. Kapagdako’y nagsitayuan naman ang mga ito at naglakad na papalapit sa kaniya.
“Let’s go,” ani Ruan at agad na ipinulupot ang kamay sa kaniyang braso.
Awtomatikong kumunot ang kaniyang noo sa mga ito. “Tayo?” maang niyang sambit. “At saan naman tayo pupunta, aber?”
Marahan siya nitong hinampas sa kaniyang puwet. “Ihahatid ka na namin,” anito sabay kindat sa kaniya.
Napailing siya. “H-Hindi na kailangan,” mariing tanggi niya sa mga ito.
Nginitian lamang siya nito.
“Alam mo, Emrys… makinig ka na lamang sa’min,” ani Gorgie. Binatukan siya nito nang marahan.
Napakamot siya sa ulo at napabuga ng isang malalim na hininga. “Bahala nga kayo,” ani niya sa mga ito.
“Ano naman kaya ang pagmi-meetingan niyo?” kyuryos na tanong ni Ruan.
Nagkibit siya ng kanyang balikat. “Wala akong ideya. Kayo ba?” tanong niya sa mga ito.
“Baka sa paghahanda ng nalalapit na Luna’s dance contest,” ani Emanya na ikinalingon nila rito.
Napakamot siya sa kaniyang ulo. “Never heard of,” ani niya.
“Oh, my!” nanlalaki ang mga matang napabitaw si Gorgie sa kaniya.
“Bakit?” nagtataka niya itong nilingon.