“Bakit naman nagmamadali kayong umuwi ngayon, Emrys?” hindi nakatiis na tanong ni Gorgie sa kanila ng kaniyang kapatid.
Tinapunan niya ito ng sulyap. Nahihirapan itong magsalita. Paano’y punong-puno ng laman na pagkain ang bibig nito. Napapailing talaga siya kapag may nagsasalita sa kaniyang harapan na puno ang bibig.
Agad siyang nag-iwas ng tingin kaya naman si Graza ang sumagot dito. “We are going to a party,” diretsang sagot ng kaniyang kapatid.
“Party?” kunot-noong singit ni Gorgie sa kanilang usapan. “Aatend ka rin ba ng party, Graza?”
“Yes,” tinatamad na sagot ng kaniyang kapatid.
Hindi niya napigilang mapangiti dahil sa narinig. Sinadya niyang tapunan ito ng isang makahulugang sulyap. Naiiling na inirapan lamang siya nito.
“Gusto niyo ba ng ice cream bukas?” masayang tanong niya sa mga ito. “Aba’y sagot ko na!”
“Wiw!” nanlalaki ang mga matang sambit ni Gorgie. “Paano mo naman nahulaan na gusto ko ng ice cream bukas?”
“Haha. Magkakonekta yata ang isipan natin,” natutuwang sambit niya rito. Kinindatan niya ang kaibigan.
“Nice!” napapalakpak ito sa tuwa. “Well, thank you in advance!”
Napamaang siya nang sulyapan ang iba pa nilang kaibigan. Nakasimangot si Ruan habang nakapangalumbaba lamang na nakamasid sa kanila.
“Anong gusto niyo?” tanong niya naman sa iba habang patuloy na inaayos niya ang kaniyang mga gamit papasok sa sariling bag.
“Strawberry flavor ang akin,” tipid na sambit lamang ni Gorgie.
Itinaas lamang niya ang kan’yang mga kilay rito bilang pagsang-ayon.
Isang makahulugang tingin ang iniukol ni Emanya sa kaniya. Sinimangutan lamang siya nito sa huli.
“Hindi kumakain ng ice cream si Emanya,” ani Graza.
“H-Ha?” nagulantang siya dahil sa sinabi nito. “Hindi ko alam ‘yon, ah.”
“That’s true,” sang-ayon ni Ruan.
“Actually kaming dalawa ni Hesa,” ani Emanya. Hindi na masyadong lumalabas ang alaga nitong ahas dahil napagsabihan muli ito nang isang beses na may nahimatay na estudyante. Minsan nga ay iniiwan na ito ni Emanya sa loob daw ng kuwarto.
“Paano ‘yan?” kagat-labing tanong niya rito. “Ano na lamang pala ang ililibre ko sa’yo kung gayon, Emanya?” Awtomatiko siyang nakaramdam ng guilty.
Napalabi ito habang nag-iisip. “How ‘bout especial halo-halo?” excited na sambit mismo nito.
“Idi especial halo-halo na lamang lahat,” suhestiyon ni Ruan.
“Cool,” walang pag-aalinlangan na sang-ayon ni Gorgie rito. “Doon sa Marize’s Halo-halo. Masarap ang halo-halo nila roon.”
Tuluyan na siyang napangiti. “Sige ba,” pagsang-ayon niya sa mga ito. Tinapunan niya ng sulyap si Graza. Tapos na rin itong magligpit ng gamit. Hinihintay na lamang siya pala siya nito. “Paano ba ‘yan, mauna na kami.”
“Sige, ingat kayo!” ani Gorgie.
“Salamat! Kayo rin, guys!” pasasalamat niya sa mga ito. “Bukas na lamang ulit.”
“Ha?” si Gorgie iyon. “Magkikita pa tayo mamayang gabi, hoy!” anito na ikinabigla niya.
“Paanong magkikita?” napamaang siya.
“Anong ibig mong sabihin, Gorgie?” hindi nakatiis na tanong ng kaniyang kapatid dito.
Ngumiti si Gorgie. “Invited din kami sa pa-welcome party ng mga Lauron, Emrys.”
“T-Talaga?” hindi makapaniwalang tanong niya rito.
Paano’t sa pagkakaalam niya’y sa States na nag-aral iyong si Evermore kaya naman nakakapagtaka na madami pa rin itong kakilala rito sa Pilipinas.
“Invited rin kami,” kibit-balikat na sambit ni Gorgie.
Nanlalaki ang mga mata ni Emanya sa kanila. “Kahit ako,” ani Emanya.
Hindi niya talaga inaasahan ang isa-isang pag-amin ng mga ito. “Idi magkita na lamang tayong lahat mamaya sa party,” ani Graza.
Tumango siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kapatid.
“Pero hindi pa rin ako sure kung pupunta ako,” pagbabago ng desisyon ni Emanya. “Kaya naman huwag niyo ako masyadong asahan mamaya.”
“Isa ka pang kj,” naiiling na komento ni Ruan dito nang diretsahan.
“Grabe, maka-kj naman,” kunot-noong sambit ni Emanya sa huli.
Kumaway na siya sa mga ito bago pa muling humaba ang usapan.
“Sige na, tawag na lamang kayo mamaya kung ano na ang ganap,” ani Gorgie.
“Sure,” maikling pagsang-ayon niya rito.
Pagkalabas nila ng gate ay agad nilang nasilyan si Gila. Nakasandal ito sa sarili nitong sasakyan at tila inosenteng bata na nanonood ng mga nagdaraan habang hinihintay sila.
Sinuri niya ng tingin ang mukha ng lalaki. Hinanapan niya ito ng palatandaan na naiinip ito ngunit wala naman.
“Gila!” hindi nakatiis na tawag niya sa pangalan nito nang papatawid na silang dalawa ni Graza.
Gulat itong napalingon sa kanila at awtomatikong napangiti pagkakita sa kaniya. “Emrys!” Kumaway ito sa kaniya.
Nanatili ang kaniyang ngiti habang naglalakad palapit sa kinaroroonan nito. “Hindi ka ba talaga busy?” nanantiyang tanong niya rito habang nakapamaywang pagkalapit na pagkalapit nila sa kinaroroonan nito.
Imbes na sagutin siya’y mas lumawak lamang ang ngiti nito sa mga labi. “You don’t have to worry about my schedule, Emrys.”
Pinagbuksan sila nito ng pinto ni Graza.
Naunang sumakay si Graza sa sasakyan nito at sumunod siya. Hindi niya napigilang mapangiti dahil sa simpleng gesture ng lalaki. Sobrang gentleman talaga nito. Napangisi siya sa huli. Iyon din marahil ang dahilan kung bakit maraming mga babae ang nagkandarapa rito.
Tahimik lamang sila habang nakasakay sa loob ng sasakyan nito. Nagpapakiramdaman.
“I’m glad, pinaunlakan niyo ang paanyaya ni Evermore,” anito na ikinaangat niya ng tingin sa front mirror.
Napatango siya rito. “Sobrang bait ng kaibigan mo. Kinuha niya pa talaga ang numero ko upang yayayain lamang kami ni Graza,” paliwanag niya rito.
“Si Evermore?” maikling tanong nito habang ang tingin ay nanatiling diretso sa daan.
Tumango siya rito. “Siya nga,” ani niya rito.
“She’s always like that,” anito. “Lahat na yata ng kaibigan ko’y nais niya ring kaibiganin.” Sinundan nito ng tawa ang ipinahayag.
“Ayaw mo pa niyon?” pang-aasar niya rito.
Umiling ito. “It was kind of weird. Paano ko siya papayagan na barkadahin ang mga lalaking ‘yon? Lalaki rin ako, Emrys at alam ko na ang intensyon ng ibang lalaki. Hindi lahat ng pakikipagkaibigan ay pawang nakikipagkaibigan,” mahabang paliwanag nito na tuluyan niyang ikinamaang.
Natawa siya dahil sa sinabi nito. “Isa ka rin ba sa mga babaerong iyon?” pasimpleng bato niya rito muli. Hinuhuli niya rin ito.
“Secret,” sambit nito na dahilan kung bakit napairap siya rito habang hindi ito nakatingin.
Pagkarating nila’y aligaga siyang napatingin kay Gila.