MATAGAL nang tulog si Lara ay gising na gising pa rin si Miguel. Hindi siya inaantok at hindi rin niya gustong matulog. Kung kinakailangang isakripisyo niya ang ilang oras na lang na pahinga para sa kaligtasan ni Lara, paulit-ulit niyang gagawin.
Hindi na rin tahimik ang isip at puso ni Miguel. Ang totoo, natatakot rin siya. Natatakot siya para sa kaligtasan ni Lara.
Nasa desk calendar pa rin ang tingin ni Miguel nang huminga siya nang malalim. May dapat nga na ikatakot si Lara. Ang araw na iyon ang araw na minarkahan ni Dante ang babae. Ang death mark, ang tanda na si Lara ang susunod nitong biktima. At kung sa mga unang biktima ay misteryo pa ang koneksiyon ni Dante sa mga pagpatay, ngayon ay malinaw na sa kanila ni Lara lahat.
Niyuko ni Miguel ang best friend. Payapa ang tulog nito. Inaabangan niya ang kahit maliit na kilos lang, ang pag-ungol at iba pang tunog. Kailangang gising siya magdamag para alam niya kung kailan gigisingin si Lara. Babantayan niya ang dalaga magdamag.
Napaigtad si Miguel nang tumunog na naman ang telepono. Umungol si Lara. Maingat siyang dumistansiya para abutin ang receiver. Hindi niya gusto ang kung sinumang caller na iyon. Wala sa oras ang tawag. Nakaka-asar lang.
Past two AM, sino na naman kaya ang namemerwisyong caller na ito?
“Hello?” may inis sa boses na bungad niya.
Static sound na naman ang narinig ni Miguel sa kabilang linya.
“Hello?” May nakikinig lang sa kabilang linya. Ayaw magsalita ang caller. Napamura na lang siya, ibinagsak ang receiver. Pero hindi pa man niya naaayos ang sarili sa tabi ni Lara, tumunog na naman ang telepono.
Galit na hinablot ni Miguel ang phone receiver at malutong na minura ang nasa kabilang linya.
Pero static sound lang ang narinig niya.
Hindi na naituloy ni Miguel ang pagbagsak uli sa receiver nang may narinig siyang mahinang tawa. Iba ang tunog, parang galing sa ilalim ng lupa. “Hello? Sino ‘to?” mas malakas niyang tanong. Papalakas nang papalakas na tawa ang sagot sa kanya ng nasa kabilang linya. Ramdam ni Miguel ang paggapang ng takot sa buong sistema niya. Hindi normal ang sitwasyon. Lalong hindi normal ang tawag na iyon. Patunay ang pagtayo ng mga balahibo niya.
“Sa pulso mo papatak ang huling marka!” Dahan-dahan, pabulong pero mariin ang pagkakasabi ng lalaki sa kabilang linya. Ramdam ni Miguel na nanlamig siya. Kumpirmasyon ang isang linyang iyon sa takot ni Lara—at takot niya.
Static sound uli ang narinig ni Miguel.
Ibinagsak niya ang receiver. Ang lakas at ang bilis na ng heartbeat niya. Paulit-ulit na naririnig niya sa isip ang boses. Hindi prank call ang tawag na iyon.
Ramdam niyang may kasunod na panganib ang tawag na iyon—kamatayan.
Ang tawag ay isang banta ng kamatayan.
Kamatayan niya o ni Lara.
O maaaring kamatayan nilang dalawa!
ISANG napakagandang dagat ang nakikita ni Lara. Buhay na buhay na blue ang tubig, kakulay ng maaliwalas na langit. Ang mga ibon, parang natutuwa rin sa magandang panahon—naririnig niya ang mga huni na parang nagsasaya.
Napangiti si Lara. Magaan ang pakiramdam na tumakbo siya palapit sa tubig. Binasa niya ang mga paa, pinakiramdaman ang lamig.
Ahh…
Ang kombinasyan ng lamig ng tubig at preskong hangin ay nag-iiwan ng masarap na pakiramdam. Naglaro na si Lara sa tubig. Tumakbo siya, hinayaang abutin ng tubig ang laylayan ng suot niyang summer dress.
“Lara!”
Napalingon ang dalaga nang marinig ang pamilyar na boses.
“Sophie?” Hinanap niya sa paligid ang kaibigan. Tama nga siya ng dinig—naroon din si Sofia, kumakaway sa kanya ilang metro ang layo. Lumapad ang ngiti Lara.
“Sophie!” Gumanti siya ng kaway sa kaibigan.
Tumakbo si Sofia palayo habang kumakaway pa rin.
Iniwan muna ni Lara ang tubig pata sundan si Sofia. “Sophie, wait!” Humabol siya pero diretso lang sa pagtakbo si Sofia. Sinundan na lang ni Lara ang kaibigan. May mas magandang lugar siguro na gusto nitong puntahan.
Namalayan na lang ni Lara na parang iba na ang lugar napuntahan niya. Hallway na, na may malamlam na ilaw? Nasaan na ang dagat? Bakit mga nakasarang kuwarto sa paligid?
“Sophie! Sophie, nasa’n ka na—”
Nahagip ng mata ni Lara na pumasok sa isa sa mga pinto si Sofia. Mabilis na sinundan niya ang kaibigan. “Sophie?” maingat na itinulak niya ang pinto. Sumalubong sa dalaga ang masamang amoy…na parang pamilyar—malansa at masangsang!
Nag-angat siya ng tingin para i-check ang lugar—mga bintana, old curtains, ang pinto...
Bakit parang pamilyar lahat?
Napapitlag si Lara pagkarinig ng sigaw ni Sofia. Mabilis na pumasok siya sa kuwarto, umiikot na sa paligid ang tingin. “Sophie—”
Sigaw na naman ni Sofia ang pumutol sa pagtawag niya. Malakas na ang kabog ng puso ni Lara. Ramdam niyang may nangyayari sa kaibigan. Ano’ng lugar ba kasi ang pinasok nito?
Nagpatay-sindi ang nag-iisang dilaw na bombilya sa kisame. Napaurong si Lara, hawak ang sariling dibdib. Pati ang pakiramdam na bumabangon sa dibdib niya ay pamilyar. Nangyari na ang lahat ng iyon noon…
Umihip ang malakas na hangin at nagbukas-sara ang mga bintana. Mas lumakas pa ang hangin, tinatangay ang buhok at damit ni Lara. Naghanap siya ng makakapitan o tatangayin siya. Ang kurtina ang nahagip ng kamay ni Lara.
Nagulantang siya nang marinig ang mas malakas at parang takot na takot na sigaw ni Sofia.
“Sophie—”
May kung ano’ng bumagsak sa may paanan ni Lara.
Agad lumipat ang tingin niya sa bumagsak na iyon.
Ulo!
Duguang ulo ni Sofia!
At nakatitig sa kanya ang dilat na mga mata!
Sindak na sumigaw nang sumigaw si Lara. Naghanap ng labasan sa paligid pero wala siyang nakita.
Anino. Anino ang nakita ni Lara sa kabilang ng kurtina. May kumislap—talim ng armas na hawak ng anino.
Karit.
Karit na inaagusan pa ng sariwang dugo!
May kumalabog na naman isang metro halos ang layo sa kinatatayuan niya—ang walang ulong katawan ni Sofia!
Nagsisigaw uli si Lara hanggang nawalan siya ng malay.