Ten

1730 Words
NARAMDAMAN ni Lara ang malakas na sampal. Napabalikwas siya ng bangon. Tumaas-bumaba dibdib ng dalaga sa sunud-sunod na paghinga. Pakiramdam niya, sasabog na lang puso niya at magsa-shut off na lang lahat.       “Here.”       Napapitlag pa siya sa boses ni Miguel. Wala sa loob na napatitig sa baso ng tubig na iniaabot nito.       “Uminom ka, Lara.”       Nanginginig ang kamay na inabot niya ang baso at inubos ang laman.       Saka pa lang na-realize ni Lara na magkatabi silang nakaupo sa kama nito—at umaga na ayon sa alarm clock.       Nine AM?       “Y-you slapped me?” si Lara kay Miguel nang normal na ang pakiramdam.       “I have to,” mababang sagot nito, nakatingin sa pisngi niya. “Ungol ka nang ungol. Ginigising kita, wala kang response—sorry, napalakas ‘ata—”       “No, thank you, Mig,” agaw ni Lara. “K-kung... kung ‘di mo ginawa iyon, baka hindi na ako nagising.” Tumingin lang siya kay Miguel nang maingat na haplusin nito ang pisngi niyang nasaktan.       “Nightmare?” Mababang tanong nito kasunod ang paglunok.       Tahimik na tumango si Lara.       “Siya ba?”       “Hindi ko sure…” halos wala nang tunog na sagot ni Lara. “Shadow lang ang nakita ko…” Hinagud-hagod ni Lara ang nagsisikip na dibdib. “‘Yong room, familiar…parang…parang pareho no’ng panaginip ko no’ng nakatulog ako sa desk. Pero hindi si Dante, Mig. Sure ako, kasi ‘yong nightmare ko three years ago, wala siyang armas.  ‘Yong shadow na nakita ko ngayon, may...armas— sickle.”       “Sickle,” ulit ni Miguel. “May sickle din ‘yong anino sa unang panaginip mo, ‘di ba?”       Nahaplos ni Lara ang sariling buhok. Nanginginig na naman ang mga kamay niya. Kung puwede lang na hindi na isipin ang bangungot na iyon. Pero kailangan niyang ikuwento kay Miguel lahat.       “Pinatay niya si Sophie, Mig,” deklara niya na halos hindi naglagos sa lalamunan.        Napanganga si Miguel. Napatitig lang sa kanya. Mayamaya ay lumunok.       “The... the shadow slashed Sophie’s neck…” mas mahinang dugtong niya. “May dugo sa armas niya…at kitang kita ko, Mig…bumagsak sa tabi ko ‘yong ulo ni Sophie. H-her eyes were staring at me and—”       Biglas siyang kinabig ni Miguel payakap. Ramdam niyang lumapat sa ulo niya ang mga labi nito, naramdaman niya ang init ng sunod-sunod na paghinga. Mariin ang paghagod ng lalaki sa likod at buhok niya.       Mga hikbi na ni Lara ang bumasag sa katahimikan ng kuwarto.     “OKAY ka lang ba mag-isa?” banayad na tanong ni Miguel na nagpalingon kay Lara. Nakasilip ang best friend sa pinto, mukhang aalis base sa bihis. Ngumiti ito nang makitang nasa desk siya at abala sa computer.       Gumanti si Lara ng ngiti. “Okay lang ako, Mig,” mababang sabi niya. Totoo iyon. Kontrolado na uli niya ang sarili. Kailangan lang ubusin ni Lara lahat ng patalim sa wooden box at ibato sa dartboard.  Ang anino ang iniisip niyang target. Ginawa rin niya ang kickboxing warm-up exercises hanggang tumagaktak ang pawis sa buong katawan niya kanina.       Nang makapagpahinga nang ilang minuto, nagbabad naman siya sa shower. Pagkatapos maligo, hinarap naman niya ang computer. Naisip ni Lara na isulat na lang ang lahat nang sa ganoon ay mabawasan ang bigat sa dibdib niya.       “Sure?” paniniyak pa ni Miguel na pumasok na sa kuwarto.       Tumango si Lara. “Gising ako, Mig,” sabi niya. “Safe ako ‘pag gising. ‘Wag kang masyadong umuwi ng late, ah. Wala akong kasamang matulog.”       Ngumiti si Miguel. “Mambababae pa naman ako,” sagot nito. “Late akong uuwi, Lara!”       “Sige lang,” sabi niya naman. “Basta ayusin mo ang burol ko—”       “Lara!” biglang putol nito, nagdilim ang mukha. “Hindi ko gustong marinig ang kalokohang ‘yan.”       Hindi na nag-react si Lara. Ibinalik na niya sa screen ng computer ang tingin.       “Stay awake,” si Miguel sa kanya. “Maraming kape sa ‘baba, local to imported, you choose—”       “Apple!”       “What else?”       “Killer.”       “Cockroach killer?”       “Shadow killer,” saka bumuntong-hininga at nilingon ito. “Sige na. Ingat ka!”       “Call me up if you need anything, okay?”       She just nodded. MABILIS ang takbo ng kotse ni Miguel. Paulit-ulit na ring lang ang naririnig niya sa kabilang linya. Hindi sinasagot ni Sofia ang cell phone nito. Mas kinabahan siya. May hindi tama sa nangyayari. Ang strange call, ang mga panaginip ni Lara, ang printed pictures…       Sumagap at nagbuga si Miguel ng hangin. Hindi na lang basta kaba ang nararamdaman niya. Naghahalo na ang mga hindi magandang pakiramdam sa kanyang dibdib.       Nagsimula ang hindi magandang kutob ni Miguel nang sabihin ni Lara na nakita nitong walang ulo si Sofia.  Pinili niyang hindi magpakita ng reaksiyon para kay Lara. Hindi niya gustong mas takutin pa ang babae. Mismong ang late grandmother nila ang nagsabing masamang pangitain iyon. Hindi iisang beses na nabanggit noon iyon ni Grandma kasama ng mga kuwento nito sa kanila ni Gab. At dumagdag pa ang mga masamang panaginip ni Lara.       Noong unang panaginip pa lang ng babae, alam na ni Miguel na hindi iyon ordinaryong panaginip lang. Lalo pang umigting ang hinala niya nang maulit ang panaginip ni Lara at kasama na si Sofia.       Something was really strange.       At ramdam niyang nanlamig siya kanina pagkakita sa mga printed pictures na kuha noong nag-bonding sila sa condo.       Walang mukha sa mga pictures sina Sofia, Annie, at Lenna!       Sila lang ni Lara ang may malinaw na mukha. Hindi error iyon sa pagkaka-print o sa gadget dahil pare-pareho ang kinalabasan sa lahat ng pictures.       Nakahinga lang nang maluwag si Miguel nang makontak niya sina Annie at Lenna. Safe ang dalawa. Nasa Cebu na si Annie at nasa airport naman si Lenna papuntang sa China. Hindi na niya binanggit ang tungkol sa pictures. Hindi rin muna niya babanggitin kay Lara ang kinalabasan ng mga pictures nila, gaya ng hindi rin niya binanggit ang tungkol sa tawag na natanggap niya.       Ngayong hindi sumasagot ng tawag si Sofia, lalong kinakabahan si Miguel.            Paulit-ulit ang panalangin niya sa isip.       “Pick up, Sophie,” napapahigpit na ang hawak niya sa manibela. Hindi siya matatahimik hangga’t hindi siya nagkakausap ni Sofia. Mas para kay Lara ang takot niya ngayong nasa panaginip nito ang kaibigan nila. Nakikita niyang pinipilit magpakatatag ng babae, na hindi magpadala sa takot. Kung sana ay may magagawa siya para tapusin na agad ang sitwasyon na nagpapahirap sa kaibigan, ginawa na niya. Walang kinalaman si Lara sa pamilya nila. Hindi ito dapat nadadamay.       Sa mga nakalipas na taon, pinilit labanan ni Lara ang takot. Saksi siya sa mga pagkakataong takot nang matulog ang babae. Ilang beses na nag-collapse—sa sobrang takot o sa kawalan ng tulog.       Halos isang taon bago nalampasan ni Lara ang takot na iniwan ng mga bangungot.       At ngayon, nakikita na naman niya ang takot sa mga mata ni Lara—nang mas masidhi. Walang ideya ang babae na minu-minuto siyang pinapatay ng takot sa mga mata nito, ng bawat pagsigaw, ng bawat panginginig. Sa bawat pag-iyak ni Lara nang nakakapit sa kanya, durog na durog ang puso ni Miguel.       Gusto niyang isumpa ang sarili sa katotohanang siya—ang pamilya niya ang dahilan kung bakit pinagdadaanan ni Lara ang sitwasyong iyon.       Nilalamon si Miguel ng guilt. Kung hindi sila nagkakilala ni Lara, hindi sana ito masusubo sa sitwasyon. Pero huli na. Taglay na nito ang death mark. Gustuhin man niyang protektahan si Lara, hindi niya mapuputol ang koneksiyong binuksan ni Dante.  Paulit-ulit na pahihirapan ng markang iyon ang best friend niya.       Kung bakit si Lara at hindi ang date niya ang pinuntirya ni Dante, hindi na rin kailangang mag-analyze ni Miguel. Magaling ang gagong kampon ng demonyo. Alam ang lihim niya.       Alam ni Dante na si Lara ang kahinaan niya.       Ibabalik ko ang kalupitan. Daranasin nila ang sakit na dinanas ko. Ang malalim na sakit na idinulot sa akin ng kamatayan ni Itay…       Naiwan sa isip niya ang nabasang iyon sa page ng diary na nakuha ni Lara sa ancestral house. Hangad ni Dante na iparanas sa buong pamilya nila ang sakit na iniiwan ng pagkawala ng isang mahal sa buhay. Gusto nitong durugin ang bawat miyembro ng kanilang pamilya. Pinatay ni Dante sa bangungot ang lola at tita niya, mga kadugo ng babaeng pumatay sa ama nito. Pagkatapos, isinunod ang Mommy Juliana niya at ang girlfriend ni Gab—mga babaeng kahulugan ng buhay at pag-ibig ng mga lalaki sa pamilya. Hindi naging madali sa Daddy Martino niya at kay Gab ang pagtanggap sa nangyari.       At ngayon, siya na ang dinudurog ni Dante. Alam ng gago ang sekreto na maraming taon na niyang iniingatan—na mahal niya si Lara.       Napapitlag si Miguel nang tumunog ang kanyang cell phone. Dinaanan niya ng tingin ang screen ng gadget—si Sofia ang caller. Inayos ni Miguel ang earphones. Ipinapasok na niya sa basement parking ng condo ang kotse nang tanggapin niya ang tawag.       “Sophie?”       Buntong-hininga ang narinig ni Miguel sa kabilang linya. Papasok na siya sa hilera ng mga spaces. Nasa dulo ang slot niya. “Sophie?” Lalaki ang tumikhim sa kabilang linya.       “Kaibigan ka ba niya, hijo?” tanong ng boses lalaki. Hula niya ay ama o Uncle ni Sofia base sa boses.       “Yes, Sir. Miguel Galvez po.” Nagtaka siya nang hindi si Sofia ang nasa kabilang linya.       “Si Sophie…” parang nabasag ang boses nito. “My... my daughter’s dead...”       Kamuntik na siyang masubsob sa manibela nang wala sa sariling natapakan niya ang brake ng kotse. Pakiramdam ni Miguel ay na-paralyze ang buo niyang katawan sa narinig. Wala siyang nasabi. Nanuyo bigla ang lalamunan niya.       Si Sophie... No!       “She died in her sleep, hijo,” sabi pa ng lalaki sa kabilang linya. “At iniisip namin hanggang ngayon kung bakit may dugo kaming nakita sa kanya.”       Napalunok si Miguel. Humigpit ang hawak sa manibela. Inaayos na niya ang pagpa-park sa kotse. “Dugo? S-Saan po?”       “Sa bisig, hijo. Sa tapat ng pulso.”       Si Dante!  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD