Eight

1259 Words
NABIGLANG nag-angat ng ulo si Lara. Wala sa sariling tumingin sa taong rason kaya naputol ang panaginip. Si Miguel, hawak siya ng kaibigan sa balikat, ang pagtapik pala nito ang gumising sa kanya.       “Ano, tulog ka pa ba?” Dalawang beses na tinapik nito ang pisngi niya. “Lara?”       Napakurap-kurap ang dalaga. Nakatulog na naman pala siya sa harap ng computer. “A-anong oras na, Mig?”       “Two AM,” sagot nito. “Nakatulog ka na naman nang hindi nagsa-shut down ng computer?” dagdag nito. Parang Kuya na nagsesermon sa kapatid na hindi nakikinig sa utos. “Pa’no na lang kung wala ako para gisingin ka?” Si Miguel na ang nag-shut down ng computer pagkatapos i-save ang kanyang file. “Ang lapit lang ng kama, Lara. Diyan ka pa talaga natutulog?” dagdag pang sermon nito. Wala naman sa best friend ang atensiyon ni Lara. Nakatitig lang siya sa dingding.       Hindi pa rin normal ang heartbeat niya. Hindi gusto ni Lara ang naputol na panaginip. Pareho ang pakiramdam na naramdaman niya pagkatapos ng bangungot niya noon—three years ago.       Huminga si Lara nang malalim. Paulit-ulit din na ipinilig niya ang ulo, gustong itaboy sa ang masamang naiisip pero parang lalong nagsusumiksik sa utak niya ang ideya. Nagkataon lang ba na kakaiba ang panaginip niya nang gabing iyon?       Nagkataon lang, Lara! Don’t overthink. Chill.       Pero paano kung hindi pala ordinaryong panaginip iyon? Paano kung may koneksiyon talaga sa bangungot niya three years ago? Paano kung ang pamilyar na kuwarto ay parehong lugar na…       “Lara!” untag ni Miguel na nagpaigtad sa dalaga. Napahawak siya sa dibdib. Disoriented pa nang salubungin ang tingin ng kaibigan. “Hindi lang sa wall tumagos ang titig mo, o! Kung may laser ‘yan, patay na ang kapitbahay. Ano’ng problema mo?”       Nag-iwas siya ng tingin. Tumayo at nagtungo sa tabi ng kama. Lumuhod sa isang tuhod at hinila galing sa ilalim ang wooden box. Dumampot siya ng apat na patalim at sunud-sunod na ibinato ang mga iyon sa target.       Mintis lahat.       Noon niya napansing nanginginig ang mga kamay niya.       “Lara?” banayad na tawag ni Miguel. Paglingon niya ay nakakunot ang noo nito, salubong ang mga kilay. Halatang naguluhan sa ikinikilos niya. Umiling si Lara, saka malalim na huminga.       Halos sabay silang napatingin sa telepono nang tumunog iyon.       Sino ang tatawag sa kanila sa alanganing oras?       Si Miguel ang kumilos. Lumapit sa bedside table at iniangat ang phone receiver “Hello?” nanahimik nang ilang segundo bago tumingin sa kanya na nakakunot pa rin ang noo.       May ilang segundo pang nakinig lang ito sa kung anumang naririnig sa kabilang linya bago ibinaba ang receiver.       “S-sino’ng tumawag?” usisa ni Lara.       “Static sound lang ang narinig ko.”       Nagkibit-balikat na lang si Lara at dumiretso sa banyo. Nabuksan na niya ang gripo nang maalalang hindi nga pala siya nagbabasa ng kamay kapag pagod sa pagsusulat.       Napailing si Lara. Saglit na tumingin siya sa salamin, pagkatapos ay hinagilap ang alcohol.       Pagtingin uli ni Lara sa gripo ay ganoon na lang ang pagkasindak niya nang makitang pula ang umaagos.       Dugo! Sariwang dugo!       Bumangga si Lara sa katawan ni Miguel nang bigla siyang umatras. Nanghina ang buong katawan niya. Mas tumindi ang panginginig. Ramdam din ni Lara na nanlalamig siya.       “What’s wrong? Bakit ka sumigaw?” Hinawakan siya sa mga balikat at ipinihit para magkaharap sila. “Nanginginig ka, Lara. Ano’ng problema?” nag-aalang tanong nito.       “A-ang... gripo, Mig... blood,” sabi niya sa nanginginig na boses. “Hindi tubig…dugo...”       Kunot ang noong binitiwan siya ni Miguel, nilampasan siya para i-check ang gripo. “Tulog ka pa ba?” sabi nito sa magaang paglingon sa kanya. “Anong dugo ang sinasabi mo? Ang linaw ng tubig, o!”       Dahan-dahang bumalik si Lara sa banyo—tubig nga ang umaagos sa gripo. Crystal clear water.       Pero sigurado siyang dugo ang umaagos kanina.       “Bumalik ka na sa bed mo,” si Miguel na naghihikab na. “Inaantok na rin ako, Lara.” Tumalikod na ito para iwan na siya.       “M-Mig, wait,” mahinang tawag ni Lara. Lumingon naman agad ang lalaki. “P-puwede ba ako sa room mo?”       Napatitig ito sa kanya at lalo pang kumunot ang noo. Pero mayamaya ay ngumisi na. “Nag-iisip kang i-take advantage ang iniingatan kong puri?”       Hindi magawang ngumiti ni Lara sa joke. “Please...” ang sinabi niya. “Okay ako kahit sa floor lang.”       Nabura agad ang ngiti ni Miguel. Binalikan siya nito. Tumayo sa mismong harap niya at niyuko siya. “Ano’ng meron?” May emosyon na ang titig nito. “May ‘di ka sinasabi sa akin, Lara—”       Napayakap na siya sa kaibigan. Umalpas na ang emosyong pinipigilan niya kanina pa. Ang higpit ng yakap niya kay Miguel. Walang tunog ang naging pag-iyak ni Lara. Sunod-sunod lang na umalpas ang mga luha niya. “I-I’m scared...” anas niya. “I’m scared, Mig...”       Natahimik si Miguel. Gumanti lang ng yakap at hinayaan siyang umiyak. Ang sumunod na eksena ay magkatabi na sila sa kama, nagkukuwento na si Lara tungkol sa kakaiba niyang panaginip.       Tinawanan lang ni Miguel ang ideya na may koneksiyon ang panaginip niya sa nangyari sa kanila three years ago. Pero nang magtama ang mga mata nila, hindi nakaligtas kay Lara ang emosyon sa mga mata nito. Sa tagal na nilang magkasama, nababasa na niya ng tama ang mensahe ng tingin nito.       Nag-aalala rin si Miguel. Pinipilit lang nitong pagtakpan ng tawa ang totoong nararamdaman. Pinagagaan lang nito ang sitwasyon, para hindi na siya mas matakot. At napatunayan ni Lara na tama ang kutob niya nang nagtagal sa desk calendar ang mga mata nito.       Nag-react uli ang mga balahibo ni Lara nang ma-realize niya na ang date nang araw na iyon ay parehong date na nagpunta sila sa ancestral house. Araw na muntik na siyang mamatay sa bangungot.       Eksaktong tatlong taon.       At may kakaiba na naman siyang panaginip kanina lang…       Nasa kuwarto na siya ni Miguel ay hindi pa rin mapilit ni Lara ang sarili na ipikit ang mga mata.       “Matulog na tayo,” sabi ni Miguel nang mapansing tulala lang siya, nakatitig lang sa kisame.       Umiling si Lara. “A-ayoko, Mig. Ang weird dream ko kanina, may kasunod iyon…” Iyon ang mismong takot ni Lara kaya pilit na nilalabanan niya ang antok.       “Magigising ka,” sabi nito ni Miguel sa mariing tono. “Walang connection sa nangyari three years ago ang panaginip mo kanina, okay? Tinatakot mo lang ang sarili mo, Lara.”       “Pa’no kung meron pala?”       “Wala. Matulog na tayo—”               “‘Yong place, Mig…sure ako, nakita ko na. At ‘yong mga bintana, old curtains, pati amoy ng paligid, pamilyar talaga…I’ve been there, ‘di ako puwedeng magkamali ng—”       “Stop it,” mariing sansala ni Miguel sa sinasabi niya. “Mas pinapahirapan mo lang ang sarili mo, Lara.” Tumagilid ito paharap sa kanya at kinabig siya. “Sleep,” utos nito, hinila ang comforter at itinakip sa mga katawan nila.         Somehow, nakaramdam si Lara ng security sa presence nito. Hindi na siya umimik. Sa isip, paulit-ulit ang prayers niya.       God is in control, sabi niya sa isip. And God holds the greatest power. Pumikit siya at nagsumiksik sa katawan ni Miguel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD