“Ang tagal mo naman,” wika ni Alice habang naghihintay sa kaniya sa labas ng hotel.
“Bakit ba? Hindi na nga sana ako pupunta kaso naalala ko ang sinabi mong nandito ang pinsan mong bruha,” sagot ng dalaga sa kaibigan.
“Sinabi mo pa, alam mo namang hindi ko kayang makipagplastikan doon. Thank you, my dear best friend,” wika pa nito.
Kung hindi lang ito broken hearted dahil sa kambal niya ay paniguradong hindi niya ito sisiputin. Inakbayan naman siya ni Alice kaya napaigik siya.
“Ano’ng nangyari sa balikat mo?” usisa nito.
“Natamaan ng kutsilyo,” sagot niya rito.
“Whatever, hindi mo rin naman sasabihin sa ‘kin ang totoo. Tara na sa loob, maraming pogi roon,” sambit nito.
Bela just rolled her eyes.
Pagdating nga nila sa loob ay nakamasid lamang si Bela. Totoo ngang nandito ang hambog na pinsan ni Alice dahil malayo pa lang nanunuot na ang umaalingasaw na baho ng perfume nito.
“Doon tayo sa gilid,” anito.
Sumunod lamang si Bela at umupo na sila. Hindi nga nagtagal ay nagsimula na ang okasyon. Anniversary ng lolo at lola ng dalaga kaya halos lahat ng pamilya ni Alice ay nandoon. Nakatingin lamang siya sa kaibigan niyang nakikiayon sa ibang pinsan nito. Natawa pa nga si Bela dahil nakikita niya ang panaka-nakang pag-ismid nito lalo na nu’ng nag-family picture na.
May mga ganap pa at kahit na bored na si Bela ay tiniis na lang niya. Inabot din ng oras bago nagpaalam ang mga matatanda na umuwi na at mag-enjoy sila sa night party. Nang makaalis nga ay kaagad na pumailanlang ang party music at nagsihiyawan na ang mga ito. Unti-unti na ring dumarami ang mga bisita. Mukhang mga kaibigan ito ng mga pinsan niya.
“Can I sit here?”
Napatingin naman si Bela sa lalaki na nakangiti at may tatlo pa itong kasama. Tumango lamang siya at hindi na ito pinansin pa.
“You’re friends with Lorry?” tanong ng lalaki sa kaniya.
Hindi niya ito pinansin dahil wala siya sa mood na makipag-usap. Kumikirot pa ang sugat niya sa balikat. Akmang hahawakan siya nito nang mabilis na hinawakan niya ang kamay nito at pinilipit.
“Ow! Ouch!” reklamo nito.
Napatingin naman ang iba na malapit sa kanila.
“What do you think you’re doing?” galit na sambit ni Lorry na ngayon ay sobrang sama na ng tingin sa kaniya. Kaagad na nilapitan naman siya ng kaibigan niyang si Alice na ngayon ay humihingi ng depensa sa lalaki.
“Girl, ano ang nangyari?” usisa nito sa kaniya.
“Hanggang dito ba naman, Alice? Talagang pinapahiya mo ang pamilya natin,” asik ni Lorry.
“Eh hindi naman mangyayari ‘yan kung naging maayos lang ‘tong kaibigan mo,” sagot ni Alice.
Hinawakan naman ni Bela ang balikat ni Alice at tiningnan si Lorry.
“Kung pagsabihan mo kaya itong kaibigan mo na kapag hindi interesado iyong tao, huwag niyang pilitin. Kung hindi naman pinapansin, um-exit na agad,” sabat niya.
Hindi naman makapaniwala si Lorry na nakatingin sa kaniya.
“How dare you? Ikaw pa talaga ang may ganang magsalita nang ganiyan? Who are you? Kung tutuosin eh hindi ka invited dito,” malditang sambit ni Lorry.
“Hey! Lorry, tama na ‘yan. Tama naman siya eh. Masiyado lang akong nagpi-feeling close,” sabat nu’ng lalaki.
Napabuga na lamang si Bela at nauubos na naman ang oras niya sa walang kuwenta.
“No, kailangan niyang malaman ang totoo. Hindi dahil dinala siya ng pinsan ko ritong hilaw ay may karapatan na siyang bastusin ka o kung sino man ang nandito,” wika niya.
Bela clenched her jaw and look at her seriously.
“What?” ani Lorry at mukhang nai-intimidate na sa kaniyang tingin.
“Ayus-ayusin mo ‘yang lumalabas sa bibig mo ha at baka lalong tumabingi iyan,” matigas niyang saad.
“Ahm, Bela girl, uwi na lang tayo ano?” sabat ni Alice.
Alam na alam niya ang ugali ng kaibigan kapag galit na. Ayaw pa naman nito na sinusungitan.
“Lorry, puwede ba? Tama na ‘to, aalis na lang kami,” sambit ni Alice.
“Talaga, dalhin mo ‘yang basurang kasama m—”
Hindi na niya iyon natapos dahil basta na lang na tumama ang kamao ni Bela sa nguso nito. Kaagad na napahiyaw ito sa sakit. Nagtinginan naman silang lahat at kaagad na dinaluhan nang iilan si Lorry.
“Sino ang sumuntok sa nguso niya?” malditang tanong ng kasama nito.
Dahil sa disco lights kaya hindi kaagad napansin ng mga ito ang kamaong tumama sa mukha ng dalaga.
“I said sino ang sumun—”
Nakangangang napatingin naman si Alice sa kaibigan niya nang makita ang mabilis na kilos nito. Ngakibit-balikat lamang si Bela kaya mabilis na hinila siya ng kaibigan palabas.
Nang makapasok sa loob ng kotse ay kaagad na tinitigan siya nito.
“What? They deserve it. Kung hindi mo lang ako pinigilan baka hindi lang ang dalawang iyon ang masuntok ko,” aniya.
Ngumiti naman si Alice at niyakap siya nang mahigpit.
“Girl, you made me so proud. Paano mo ba nagawa iyon? Turuan mo nga ako. Grabe! Para kang superhero sa moves na ‘yon. Ramdam ko na ang reklamo at iyak ni, Lorry bukas. I’m sure ilang weeks pa bago magiging okay ang nguso niya,” aniya at tawang-tawa.
Napailing na lamang si Bela.
“Pero girl, I’m sure malalaman nila na ikaw ang sumuntok. Ano na ang gagawin natin? Ayaw kong makulong ka no,” saad ni Alice.
Tumawa naman si Bela at napailing.
“Don’t mind it, ako na ang bahala,” sagot niya rito.
“Sure? Alam mo naman na ayaw kitang mapahamak.”
“Tulungan mo na lang na makahanap ng bagong surgeon ang pinsan mo. Baka sakaling kaya pang ayusin ang nguso niyang in-upper cut ko,” aniya rito.
Humalakhak naman si Alice sa sinabi niya. Itinaas nito ang dalawang hinlalaki at napailing.
“Galing-galing! Wala akong masabi. Iniisip ko na nga, baka pamilya kayo ng mga assassin,” aniya.
Bela just smiled at her.
“Iyan na lang ang ilagay mo sa utak mo,” wika niya at nagmaneho na.
“Ang balikat mo,” ani Alice.
“Malayo sa bituka,” sagot niya.
“Oo, pero putol ang ugat. Kaya magpagamot ka na sa hospital nakakainis ka. Taas ng pain tolerance mo,” kastigo nito.
Ngumiti lamang si Bela at nagkibit-balikat. Ramdam na nga niya ang sumisigid na kirot.