KINABUKASAN, mag-aalas singko ng hapon nang bumalik si Moira sa campus kasama si Perrie. Nagprisinta ang kaibigan niya na samahan siya para kausapin si Miss Gorospe. Kagabi, buong magdamag ay pinag-isipan niyang mabuti kung paano magtatanong kay Miss Gorospe tungkol kay Slater nang hindi ito magdududa sa relasyon niya sa binata. Naisip niyang magkunwaring may ibibigay na regalo ang grupo nila sa binata, tutal ay alam naman ni Miss Gorospe na malapit sila nina Loisa kay Slater. Kapapasok pa lang sila ng San Martin De Porres building nang magyaya si Perrie na dumaan sa restroom. Sa cr ng second floor na sila nagtungo dahil malapit na rin iyon sa faculty room. Nasa loob sila ni Perrie ng cubicle nang marinig nila ang pinag-uusapan ng mga estudyanteng naabutan nila pagpasok ng restroom.

