Panlalansi NAGING madalas ang pagdalaw ni Ronaldo kay Cristina, at hindi iyon nagustuhan ni Rosie. Sa paningin ng matanda, hindi ang isang tulad lamang ni Cristina ang dapat pag-interesan ng anak-mayamang binata. Ang sariling apo na si Bridgette ang bagay rito. Hindi pa nga lang nagkikita at nagkakakilala ang mga ito. Kaya isang plano ang nabuo sa isip ng ale. Pagkatapos, isang tusong ngiti ang sumilay sa mga labing pulang-pula dahil sa makapal na lipstick na ipinahid. Kanina pa patingin-tingin si Bridgette sa eskinitang daanan papasok sa kanilang bakuran. Ang sabi ng kanyang lola, tiyak daw na darating ang binatang anak ni Attorney Esguerra. Mahigpit ang bilin nito na kailangang makita siya ng binata at mapansin. Kaya naman nag-ayos pa siya at nagsuot ng damit na tiyak makaaakit sa bi

