Napalaya ng katotohanan TIIM-BAGANG na bumuntong-hininga si Manding matapos marinig ang mga sinabi ng dalaga. Ang pag-iyak nito ang labis na pumipiga sa kanyang puso, at hindi ang tungkol sa ipinagtapat sa kanya. Ayaw niya itong nakikita sa ganoong estado. Nakaramdam siya ng poot sa ina ng magkakapatid. Ang damdamin ng mga anak niya ang kanyang pinangangalagaan. Isa man sa mga ito’y ayaw niyang nasasaktan. “Matagal ko nang alam na hindi ako ang tunay mong ama.” Dahil sa sinabi niya’y mabilis na nag-angat ng mukha ang umiiyak niyang anak. Takang-taka. Hindi nakapagsalita at tumungin lamang sa kanya. Ang pagtatanong ay nasasalamin sa mga mata. “Bago sumapit ang kaarawan ni Mercedes, tinanong ko siya kung ano ang gusto niyang regalo. Kung gusto ba niya ng bagong damit, o laruan. Ang s

