Huling Sulyap MATAPOS ang tatlong gabing lamay ay inihatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Mireng. Lumapit ang magkakapatid sa tabi ng ataol para sa huling pagsulyap. Hindi napigilan ng mga nakikipaglibing ang mapahagulgol dahil sa pagpapalahaw nina Romer at Mercedes. Yumakap ang mga ito sa katawan ng lolang hindi na muling makikita at makakasama. Ang pananangis ng dalawang paslit ay halos dumurog sa puso ng mga taong nakikiramay. Tila pinipiga ang kanilang mga dibdib sa mga inosenteng tanong, na hindi na masasagot pa ng matandang mula pa nang magkaisip ay tanging nakasama at nag-aruga. Sa gilid ng mga bata’y naroon din si Marites. Panay ang hikab nito. Antok na antok dahil sa magdamagang pagsusugal. Nakasuot ito ng salaming de kulay hindi upang itago ang pagluha kundi upang

