Pag-amin ni Manding HINDI naging madali ang pagdaan ng mga sumunod na araw para kay Cristina. Napakalungkot at hindi madaling tanggaping wala na talaga ang lolang nakasanayan nilang kasama sa bawat araw ng kanilang buhay. Subalit hindi siya nagpapahalata. Pinatigas niya ang kanyang loob. Walang puwang ang kahinaan at pagluha upang harapin at malampasan ang lahat ng mapait na pangyayari at maaari pang mangyari. Siya ang magiging sandigan ng dalawang kapatid, kailangan niyang magpakatatag. Ang kinikimkim na galit sa dahilan ng biglaang kamatayan ng kanyang lola ay tila isang bulkan na nagbabantang sumabog anumang oras. Subalit nagtimpi siya. Ang kapakanan ng mga kapatid ang isinaalang-alang. Kinasusuklaman niya ang mga kamag-anak na nasa malapit lamang ngunit naging napakalayo at hindi

