Tusong ngiti KAHIT hatinggabi na nakatulog ay maaga pa ring nagising si Cristina kinabukasan. Bumaba sa kusina at magalang na bumati sa dinatnang kasambahay. Ayaw sanang pumayag ni Aling Nene sa inaalok na tulong ng dalaga. Anak ito ng pinagsisilbihan kung kaya amo niya rin ang mga anak. “Sanay ho ako sa ganitong gawain, Aling Nene. Huwag ho kayong mag-alala. Maliit na bagay lang po ito.” Humanga ang kasambahay sa dalaga. Mula pa nang dumating ang magkakapatid ay kinakitaan na niya ng magandang pag-uugali. Pakiramdam niya'y nagkaroon siya ng pamilya sa paraan ng pagtrato ng mga ito sa kanya. Mayamaya pa, ang mga kapatid naman ang inasikaso ni Cristina. Papasok ang mga ito sa eskwela. Nakaupo na si Manding sa hapag-kainan nang bumaba ang magkakapatid. Nagmano agad ang tatlo sa amang n

