“Sir, classmates, a pleasant morning to all of you,” kinakabahang simula ni Ella sa kaniyang speech of introduction. “I am pleased to introduce to you one of our classmates who I’ve met few minutes ago. The meeting was actually a strange one because it seemed that he was not interested to meet a new classmate, but…” Sinulyapan niya si Jerod. Nakatingin lang ito sa kanya. Alam niyang pasimpleng inaabangan nito ang susunod niyang sasabihin. “As a woman taught with the virtue of patience and tolerance, I didn’t mind it at all.” She sighed and then continued. “I was not able to follow the instruction given to us by our professor because he didn’t want to talk to me, but instead, he just gave to me this identification card,” sabi niya sabay taas sa hawak na ID.
Napa-ohh ang buong klase. Sinulyapan niya si Jerod. Nakatingin lang ito sa kanya. Wala siyang ano mang mabasa sa guwapong mukha nito. Nagpatuloy siya.
“He was born on March 17, 1996 and resides here in Baguio City. He is second year BS Biology student and his father is…Dr. Pete Villamore,” she paused for a while. “Please meet our classmate, Mr. Jerod Villamore.”
Mas lalong malakas ang naging reaction ng buong klase. Halos iisang tao na lumingon ang mga ito upang makita ang lalaking ipinakilala niya. Parang walang anuman na tumayo ito at naglakad papuntang unahan. Tila balewala ang paghangang iniuukol ng mga kaklaseng babae at ang palihim na inggit mula naman sa mga kaklaseng lalaki.
Ella decided to return to her seat.
“Good morning,” matabang na simula ni Jerod, not paying attention to the commotion that he created inside the classroom. Hindi napigilan ng mga kaklase nilang babae na ipakita ang paghanga sa binata. “I would like to introduce to you a brown girl from a ‘never-heard’ town of Cavite who rudingly disturbed me a while ago. Actually, as a young man who was accustomed not to talk with strangers, I didn’t want to entertain her but she insisted. She is… Cinderella Bagabag.”
Napanganga si Ella sa narinig na pagpapakilala ni Jerod sa kanya. Agad kumulo ang dugo niya lalo na nang narinig niya ang mahinang tawanan ng mga kaklase. Nang makabawi sa pagkabigla ay dali-dali siyang tumayo.
Mapapalampas niya ang mga naunang insulto sa kanya ni Jerod. Brown girl. Never heard town. Pero ang baguhin nito ang apelyido niya, iyon ang hindi niya mapapayagan. “Excuse me. It’s not Bagabag, it’s Balagbag,” may diin sa pagsasalita niya habang diretsong tinititigan niya ang lalaki sa mga mata. Sinadya pa niyang itaas ang isang kilay.
“Iyon na rin yon. Magkasingtunog naman eh,” pamimilosopo nito na lalong nagpa-irita sa kanya. Bahagyang lumikha ng ingay ang sagot na iyon ng lalaki. Lalong nag-init ang punong-tenga niya.
“Oo nga. But you don’t have a single right to change someone’s name and make fun of it.”
“I didn’t make fun of it. Our classmates made fun of it. Sila itong tumawa, hindi ba?”
“Whatever!” sambot niya. “Ulitin mo ang pangalan ko at please lang, sabihin mo nang tama.”
Jerod just shrugged his shoulders. “Okay. Inglesin ko na lang. Cinderella Melancholy.”
“Ano? Ano’ng melancholy?” gigil niya.
“Bagabag ang apelyido mo, di ba? Malalim na tagalog na ang ibig sabihin sa English ay ‘melancholy’,” tila yamot na paliwanag ng lalaki.
“How dare you do that to me? I’m proud of my name. No one has the right to insult me and my name.” Tumaas na ang boses niya. Hindi na talaga siya nakapagtimpi kung kaya nameywang pa siya habang nagtataray.
Hinawakan siya ni Denzell sa braso. “Elay, relax.”
“Relax?” baling niya kay Denzell. “Paano ako magre-relax? Napakabastos ng lalaking ito.”
“Hello? Bakit ba ang bilis mong magalit? Para pangalan lang, di ba?” patay-malisyang tanong ni Jerod.
“Para pangalan lang?” ulit niya. “Pero kanina ka pa, eh. Kanina ka pa nang-iinis.”
Nakialam na ang hindi nakatiis na si Prof. Camara. “Stop it. Mr. Villamore, Miss Bagabag, este, Miss Balagbag.”
Nagtawanan muli ang buong klase, mas malakas pa kaysa sa nauna. Lalong nadagdagan ang inis ni Ella. Umasta naman si Jerod na babalik na sa upuan nito.
“Ang ID ko,” saad niya habang nakasahod ang kamay.
“Here,” nakangisi ito habang inilalagay sa palad niya ang ID. “Iyong sa akin, ibalik mo na rin.”
“Heto, isaksak mo sa baga mo.” Walang babalang isinuksok niya ang ID sa loob ng t-shirt ng binata na labis naman nitong ikinagulat. Maging ang buong klase ay hindi nakakibo sa ipinakita niyang katapangan.
Pagkatapos ng klase ay masama pa rin ang loob na lumabas na si Ella ng classroom, kasunod sina Denzell. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad at ni hindi lumilingon. Nag-aalala siyang nasa likod lang nila si Jerod.
“Ang suwerte mo naman,” si Denzell ang nagsalita. “Imagine, of all boys here, si Jerod pa ang naka-partner mo.” Kinikilig pa ito habang nagsasalita.
“Ano’ng suwerte?” salo ni Rizzan. “Ang malas nga, dahil ubod ng yabang at suplado ang lalaking iyon.”
“How did you know naman?” untag ni Jera.
“Classmate kaya iyon ng ate ko. Dapat third year na siya, pero dahil sa hindi ini-eenroll o kaya naman ay hindi pinapasukan ang ibang minor subjects, kaya ayun, second year irregular siya.”
“Bakit naman daw?”si Teri.
“Hindi niya kasi type mag-medicine. Daddy lang niya ang may gusto noon. Mas gusto niyang kumuha ng Fine Arts.”
“Ah, ganon? May pagka-artist pala, kaya pala medyo nerd,” sa wakas ay nagsalita rin siya.
“Talaga? May pagka-nerd? Paano mo nasabing nerd? Magkuwento ka naman,” excited na tanong ni Denzell.
“Hay naku, ayaw ko na siyang pag-usapan. For sure, kung kayo ang nasa katayuan ko kanina, isusumpa ninyo ang araw na nakausap siya.” Umirap pa siya pagkasabi noon.
Sabay-sabay na napa-oh ang mga kaibigan niya.
Nang biglang may nagsalita sa likuran nila. Napalingon silang lahat. Si Jerod, kasunod pala nila ito at narinig lahat ng pinag-usapan nila.
“Same here, Miss Bagabag. I also cursed the day that I talked with you,” inis na singit nito sa usapan nila. Sa likuran nito ay may dalawang lalaki na tila kaibigan nito.
“What?” nagsabay na naman ang reaksyon ng mga kaibigan niya. Siya naman ay napatunganga sa pagkabigla.
“Grabe ka naman, Jerod. Bakit mo nasabi iyan?” Si Rizzan ang agad na nakabawi sa pagkabigla.
“I really don’t talk to strangers. Napilitan lang ako dahil sa letseng activity kanina sa klase. And that girl is the worst stranger that I met.” Pagkasabi noon ay tila nang-uuri ang mga mata na tumingin si Jerod sa kanya. “Teka, saang planeta ka ba nanggaling? You look very primitive. Iyang pisngi mo, parang hindi nakakatikim ng moisturizer. At iyang buhok mo, parang hindi nausuhan ng conditioner.”
Sabay-sabay na namang napa-oh ang mga kaibigan niya. Pare-pareho silang hindi makapaniwala sa kaprangkahan ng lalaking kaharap.
“Sobra kang magsalita sa kaibigan namin, Jerod. Ganyan ka pala. Crush pa naman sana kita,” kunwari ay nagtatampong wika ni Denzell.
“Eh, ano ngayon? I don’t need anybody’s attention,” singhal ni Jerod kay Denzell.
“Huh!” nag-chorus na naman ang mga kaibigan niya dahil sa pagkagulat.
Bago pa sila nakakibo ay tatawa-tawang lumampas na sa kanila si Jerod kasunod ang dalawang kaibigan. Para naman siyang ipinako sa kinatatayuan.
“That jerk! At sino naman siya para umasal nang ganoon?” inis na wika ni Teri.
“Well, anak lang naman siya ng may-ari ng pamantasang ito at ng pinakamalaking hospital sa buong Baguio, ang Summerville Hospital,” si Rizzan ang sumagot.
“So what?” si Jera. “Hindi komo mayaman siya ay puwede na siyang umasta na parang hari. Saka kahit siya ang may-ari ng university na ito, nagbabayad naman tayong lahat ng tuition fees dito at kumikita ang pamilya nila sa atin, ano?”
“Well, except the scholars na katulad ni Elay,” salo ni Denzell.
“Bakit? Kasalanan ba ni Elay na matalino siya at nag-qualify siya sa scholarship program ng school na ito?” sansala ni Teri sa sinabi ni Denzell.
“Galit siya sa mga female scholars ng Villamore Scholarship Foundation lalo na kung beauty and brain ang mga ito,” nakalabing litanya ni Rizzan.
“What?” Pati tuloy si Ella ay napasabay sa chorus ng mga kaibigan niya.
“Insecure lang, teh? Nakadilat na tanong ni Teri.
“Insecure? Hindi, oy. Bitter? Oo.”
“Teka nga,” si Denzell. “Bakit ba parang ang dami mong alam sa Jerod na iyon, Rizzan?”
Nameywang pa si Rizzan bago nagsalita. “Eh, kasi nga, classmate niya ang ate ko since first year. Noong freshman pa sila, something scandalous happened to their family involving one female scholar from Villamore Scholarship Foundation. Grabe yata iyong naging problema ng mom at dad niya na humantong sa pagpapakamatay ng mom niya.”
“Ano?” Nakisabay na naman siya sa chorus ng mga kaibigan. Napalakas ang mga boses nila kung kaya nagtinginan
sa kanila ang ibang estudyante na naroon din sa hallway.
“Ssshh,” saway ni Rizzan sabay lagay ng hintuturo sa tapat ng mga labi. “Huwag nga kayong eskandalosa. Top secret ‘yon, baka ma-kick out tayo kapag nalaman nila na pinagtsitsismisan natin ang family nila.”
“Top secret pala pero bakit alam mo?” si Teri.
“Iyon ang akala nila, na sikreto pa rin ang eskandalo na iyon sa family nila pero ang hindi nila alam, bulgar na sa buong Summerville ang pangyayaring iyon.”
“Hindi kaya iyon ang dahilan kung bakit ang sungit-sungit niya? May pinagdadaanan pala siya?” ani Jera.
“Hay naku, huwag na nga natin siyang problemahin,” si Teri. “Ang unahin natin ngayon ay ang paghahanap sa room ng English class natin. Nasa second floor pala iyon, dali kayo at baka maubusan tayo ng upuan,” sabi nito habang nagmamadaling tinungo ang nakitang hagdan. Nagsunuran naman agad ang iba pa nilang kasama.
Napapailing na napasunod na rin si Ella. Pero sa sulok ng utak niya ay nagtutumining ang mukha ni Jerod at ang mga nalaman niya tungkol dito.
Totoo kaya na sa kabila ng kasungitan ni Jerod ay ang malungkot na nakaraan ng pamilya nito? Ano kaya ang kinalaman ng Villamore Scholarship Foundation sa eskandalong kinasangkutan ng mga Villamore?