"ARE you done?"
Literal na napatalon sa gulat si Alondra nang sumungaw ang ulo ni Knight sa nakabukas naman kasi na pinto ng k'warto niyang inookupa niya sa bahay nito.
"Magugulatin ka pala," komento nito. Inimbitahan na rin nito ang sarili sa loob ng k'warto.
Napangiwi siya at napakamot sa sariling kilay. "Sorry, nainip ka na yata." Gusto sana niyang mahiya rito dahil nakasuot lang siya ng roba ng mga oras na 'yon, kaya lang ay mas nahihiya siya na hindi na yata 'to nakatiis at nainip na sa paglabas niya sa k'warto kaya pinuntahan na siya.
"Having a hard time?" kaswal na tanong nito, tukoy ang mga damit na pinagpipilian niyang suotin. Nakasalansan 'yon sa kama niya.
At oo, nahihirapan nga siya na maghanap ng damit na isusuot niya kanina pa.
Sa lahat naman kasi ng nag-aya ng date, ang isang 'to ang walang pasabi nang maayos kung saan siya dadalhin. Ang sabi lang nito ay sa labas na sila maghapunan. Pero s'yempre, deep inside her, alam naman niyang kaya siya nahihirapan na mag-decide kung ano ang isusuot niya ay dahil 'yon sa ito si Knight Winters. Hindi 'to katulad ng ibang mga lalaki na nakilala niya. Milya rin ang layo nito sa ex niyang si Gerard. At ang ibig niyang sabihin do'n ay nakabalandra na ngayon sa kaniyang mga mata—ang expensive talaga ng isang Knight Winters.
Casual, nothing fancy, 'yon ang bilin nito sa kaniya. Hindi nga lang siya kumportable sa kung ano ba ang definition nito sa kaswal. Ito ang bumili ng mga damit na ginagamit niya ro'n kaya wala naman sanang problema, 'yon ay kung walang nangyari sa kanila.
Basta, ewan, bigla na lang siyang na-insecure rito.
"Here, ito ang isuot mo." Inabot nito sa kaniya ang crop top white shirt at khaki short shorts.
HIndi na niya napigilan na mapangiti nang imuwestra nito sa kaniya na ang napili nitong isusuot niya ay kakulay ng suot nito. Nakasuot si Knight ng plain white shirt at khaki board short na pinaresan nito ng leather na tsinelas. Noon lang niya napuna na gano'n lang kasimple ang suot nito. Palibhasa ay nasanay na siya na kada makikita niya 'to ay naka-formal attire o polo shirts. Sa bahay naman kasi ay roba lang ang suot nito na pinapatong nito sa boxer short na suot.
"Salamat," tipid niyang sabi rito, kinuha na niya mula rito ang damit.
"No worries. Take your time, 'wait kita sa parking lot."
Tinanguan lang niya 'to. Nang tumalikod na 'to at iwan siya ro'n ay kinikilig na nasundan na lang niya 'to ng tingin hnaggang sa maglaho 'to sa paningin niya.
HINDI alam ni Knight kung ano ang mga ginagawa niya. Ngayon nga lang niya nalaman na capable pala siya na gawin ang mga gano'ng bagay. Kung sa ibang pagkakataon ay siguradong nainis na siya, ayaw na ayaw niya pa naman nang pinaghihintay. Pero pagdating kay Alondra ay hindi niya makapa ang inis at pagsusungit na alam niyang kakambal na niya dahil sa gano'ng paraan niya pinapakita sa mga nakakasalamuha niya na superior siya sa lahat.
And man, siya ba talaga 'yon? Talaga bang siya pa ang namili ng isusuot nito kanina?
Ah, kailangan pa ba ng mga kasagutan sa mga tanong niya na 'yon sa sarili? Because he's actually not searching for it right now.
"K-Knight...?" untag sa kaniya ng kung sino habang tagusan siyang naglalakad papunta sa elevator. Hinawakan din siya ng taong 'yon sa kaniyang braso.
Payuko niya 'tong nilingon. Si Gayle.
Awtomatikong naglaho ang nakapintang ngiti sa labi niya. "Gayle."
Hindi niya alam kung paanong nangyari na naroon na ang ex girlfriend niya nang hindi man lang niya napuna. Siguro nga ay masyadong nakatuon sa iba ang atensyon niya pero noon naman ay amoy pa lang ng pabango nito alam na kaaagad niya na nasa malapit na 'to...
"H-Hi, mukhang may lakad ka yata kahit alas siete na ng gabi."
Tumango siya, siya na rin ang nag-alis ng palad nito sa braso niya na wala yatang balak na alisin nito o nakalimutan nang alisin sa pagkakahawak sa kaniya.
"Yeah, excuse me." 'yon lang at tinalikuran na niya 'to.
Kung kay Alondra ay hindi niya makapa ang mga kasagutan sa mga tanong na gumugulo sa kaniya, natatakot siyang kay Gayle ay hindi niya magawa 'yon kaya mabuti pa na talikuran na niya 'to bago pa niya dagdagan ang mga komplikadong tanong na naglalaro sa isipan niya.
"SERYOSO?" maang na tanong ni Alondra sa lalaking katabi niya sa driver's seat ng kotse nito.
"Uh-huh, seryoso nga."
Hindi makapaniwala na napasulyap siya kay Knight. "So, sinasabi mo talaga ngayon sa 'kin na wala talaga tayong date na dalawa? Kaya pala ganito lang ang mga suot natin, e, ano pala, nag-aaksaya lang tayo ng gasolina?"
Natawa 'to. Klase ng tawa na aliw na aliw sa kaniya o sa sinabi niya. "Of course not, date pa rin naman na matatawag 'to, Ally."
"Ha? Talaga ba? Date na ano, trip-trip version?" Niloloko yata siya nito, kakasabi lang sa kaniya ng mahusay na kabalyero na wala talaga silang specific daw na pupuntahan tapos ay sinasbi nito sa kaniya na date pa rin naman daw 'yon!
Lumakas ang tawa na pinakawalan nito. "Grabe sa trip-trip version. What do you mean by that?"
"Trip-trip na trip mo lang."Inikutan niya 'to ng eyeballs saka siya humalukipkip. Ayaw niyang mainis sana pero hindi niya maiwasan. Pinapasyal lang yata siya nito gamit ang kotse nito, aba! Kung gano'n din lang ay sana natulog na lang ila, nanaginip pa sana sila.
"Ah, akala ko trip na paglalakbay." Tumatawang tugon pa nito.
"Ay, ang husay mo naman po. So, plano mo talaga ay ganito? Trip date, lakbay lang gano'n?" Nagsasayang nga ng gasolina!
"Hindi kita tatanungin kung saan mo gustong pumunta tayo at baka sa inis mo ay Japan ang maisagot mo."
"Knight, umayos ka ha." Ingos niyang sabi na lang dito.
Nakukuha pang magbiro, sakit sa bangs!
Ilang sandali lang naman ay pinarada na nito ang kotse sa parking-an na nasa tapat ng isang convenience store. Ito 'yong mga parking space na nakalaan naman sa mga customers ng convenience store pero may lumalapit sa driver upang magsabi ng babantayan nito ang kotse. Hindi niya sure kung alam 'yon ng kabalyero pero saka na lang niya sasabihin siguro, sa pagbalik na lang nila sa kotse.
"Hindi ko alam kung matutuwa ko sa naisip kong 'to pero heto na talaga 'yon," ani Knight nang makalabas na sila pareho sa kotse nito.
"Hmn, pagbili sa convenience store? Sige na nga, natutuwa na 'ko," biro niya, walang ekspresyon na pinapakita sa kaniyang mukha.
Tumawa 'to. "Yep, pagbili sa convenience store," pabulong nitong sagot, nakalapit na sa kaniya, "nang kasama ka."
Okay, hindi niya inaasahan ang magiging impact aa kaniya ng bulong nito. Kasi naman, bakit sa tainga niya pa nito 'yon binulong? 'Yan tuloy, medyo nagtayuan tuloy ang pinong mga balahibo niya sa batok.
Saka, bakit biglang may paghawak 'to sa palad niya at pinisil 'yon?
Kung may magtatanong sa kaniya kung kinikilig ba siya sa mga oras na 'yon, walang duda na oo ang isasagot niya. Sinong hindi kikiligin sa kabalyerong katabi niya? Manhid lang, at malabong siya 'yon.
"Honestly, gusto ko lang enjoy-in ang ganitong mga simpleng bagay kasama ka. Para kasing 'pag ikaw na ang pinag-uusapan, simple ang lahat, magaan. Alam mo 'yon? Hindi ko rin ma-explain."
Kung sinasabi nito 'yon para mapangiti siya, aba, nagtagumpay na 'to dahil lahat ng ngipin niya ay nakalitaw na.
"Ano ba ang bibilhin natin sa convenience store?" tanong niya rito.
"Coffee? Drink? Noodles?"
"Naku, hindi pa rin pala alam! Pasaway!"
Tumawa na naman ang kabalyero. "I don't know, really. I have this feeling lang talaga na kailangan kitang makasama, na gusto kitang makasama tonight."
Ay, may gano'n? Sinabayan pa ng kindat. Quota na sa pagpapakilig ang kabalyero!
Kung siya ang tatanungin ay oo naman, gusto rin niya 'tong makasama pero gusto rin niyang mapag-usapan ang mga namagitan sa kanila. Na s'yempre ay hinding-hindi siya ang mauunang mag-open. 'Kakahiya.
"Why are you smiling like that, Ally?"
Ah, oo, hindi pa rim kasi nabubura ang pagkakangiti niya na labas ang lahat ng kaniyang ngipin.
"Nakita ko kasi 'yong si manang na nagtitinda ng balut." turo niya sa may edad nang nagtitinda nga ng balut sa tapat ng convenience store. Nasa maliit na kariton 'yon at nakasalang sa apoy ang isang bilao ng balut, mainit, umuusok pa.
Kumunot ang kilay ni Knight sa pagtataka. "Balut?"
Napangisi na siya nang mapuna niyang tama siya ng hinala— hindi nga alam ni Knight Winters kung ano ang balut. Mas lalo lang siyang napangisi nang hilahin niya kasi 'to palapit sa balut vendor ay ayaw nitong magpakayag.
"Tara na! Mas masayang kainin 'to nang magkasama kaysa sa naiisip mong kakornihan sa loob ng convenience store!" natatawang aniya pa rito.
Napakamot na lang sa sariling batok niya ang kabalyero, bago 'to tuluyang magpakayag na sa kaniya.
Ang hagikgik na pinakawalan niya ay walang kasing saya nang sa unang kagat pa lang ni Knight sa balut ay naduwal na 'to.
Ano pa ba ang mas simple sa tagpong 'to? 'Yong masaya kayo sa kalagitnaan ng gabi, sa tabing kalsada, kumakain ng balut na hindi man kilala ng isa sa kanila ay napilitan 'tong kainin 'yon dahil sa kaniya.
Saksi ang mga estrangherong tao sa paligid nila at ang mga sasakyan na nagdaraan sa likuran nila at mga street lights, napakain niya ng balut ang isang expensive na Knight Winters.