CHAPTER 4
Mula nang makarelasyon ni Nanay si Tito Michael, unti-unti kaming nakapundar ng gamit dahil buwan-buwan siyang pinadadalhan ng pera nito. Nagkaroon na kami ng TV, washing machine at refrigerator. Dati nakikinood lang ako sa kapitbahay ‘tsaka nakikilagay kami sa ref. ng kapitbahay kapag may sumobrang sinaing. Hindi naman brand new ang mga gamit namin. Hulugan din ‘to at second hand nang mabili ni Nanay pero ayos na rin; ang importante meron. Laking tulong din sa amin ‘yung washing machine dahil hindi na hirap si Nanay sa paglalaba sa tuwing may nagpapalaba sa kanya na mga kapitbahay namin.
Tutok ang mga mata ko sa pelikula na pinapanood ko sa TV kaya hindi ko namalayan na pumasok si Nanay. May babae’t lalaki na nagliligawan sa palabas. Nakakatuwa sila at nangingiti ako. Binigyan kasi ng lalaki ng mga bulaklak at chocolates ‘yung babae at binigyan naman ng isang halik sa labi noong babae ‘yung lalaki.
“Ano ‘yang pinapanood mo ha?!” Isang malakas na batok ang natanggap ko mula kay Nanay. Hindi ko namalayan ang pagdating niya dahil sa pinapanood ko. Parang nayanig ang utak ko. Hindi pa siya nakuntento at sinabunutan niya ako kaya napatayo ako. “At tuwang-tuwa ka pa! Malandi kang bata ka! Hindi ka pa nga nire-regla, ganyan na ang inaatupag mo! May nagugustuhan ka na ba sa school?! Ha?!”
“Wala po Nanay! Wala po!” Umagos na ang luha at sipon ko. Parang mabubunot na ‘yung mga buhok ko sa tindi ng sabunot niya.
“Subukan mo lang lumandi at pasasaraduhin ko ‘yang butas ng p*ke mo! Huwag na huwag kong malalaman na may nobyo ka na at malilintikan ka sa ‘kin!”
“Wala po Nanay. Hindi ko po gagawin ‘yon. Sorry na po. Hindi na po ako manunuod ng ganyan. Hindi na po. Sorry po.” Nagmakaawa ako habang nakahawak ako sa kamay niyang nakasabunot sa akin.
“Siguraduhin mo lang Nadia. Siguraduhin mo lang.” Binitawan na niya ang buhok ko at pumunta siya sa kusina. May dala pala siyang pagkain. “Ayusin mo ‘to at maliligo muna ako,” utos niya pagkatapos niyang ilagay ang hawak na supot sa lamesa. Nanginginig pa ang tuhod ko sa takot pero pinilit kong maglakad palapit sa mesa. Kinuha ko ‘yung supot at nilipat ko sa mga plato ‘yung pagkain. Isang buong lechong manok at pansit canton pala ang dala niya. Isa ito sa mga nabago pa sa buhay namin mula nang makarelasyon ni Nanay si Tito Michael. Nakakakain na kami tatlong beses sa isang araw at nakakatikim na ako nang masarap na ulam. Kapag may sobra nagbabaon ako sa school. Pero kahit masarap na ‘yung ulam ko, hindi pa rin maganda ang trato ng mga kaklase ko sa ‘kin lalo na si Cindy at mga kaibigan niya.
Makalipas ang ilang linggo mula nang makita ko na hubo’t-hubad si Nanay sa loob ng kwarto habang kausap si Tito Michael, isinama ako ni Nanay sa mall. Ibibili raw niya ako nang bagong damit.
“Nanay, ano pong okasyon? Malayo pa naman po ang birthday ko,” sabi ko kahit na ni minsan naman ay hindi niya ako binilhan ng damit o binigyan ng regalo sa tuwing birthday ko o kaya ay Pasko.
“Darating sa makalawa ang Tito Michael mo. Susunduin natin siya sa airport. Dapat mukha presentable sa harap niya. Nakakahiya kung mukha kang basahan.”
Si Tito Michael man ang dahilan ng pagbili ni Nanay ng bagong damit para sa ‘kin, masaya pa rin ako. Kahit kailan kasi ay hindi pa niya ‘ko nabilhan ng damit sa mall, palaging sa ukayan lang na tig-bebente pesos. Kapag trenta na pataas ang presyo, hindi na binibili ni Nanay. Mas magaganda pa nga ang mga damit ni Nanay kesa sa akin. Ang dahilan ni Nanay, magastos ako pag-aralin kaya hindi niya ako bibilhan ng mga luho.
“Isukat mo nga ‘to. Mukhang bagay sa ‘yo.” Inabot niya sa ‘kin ‘yung bulaklakin na dress na mukhang lagpas tuhod. Maigsi ang manggas nito at may ribbon sa likod.
Kinuha ko ‘yung damit at pumasok ako sa fitting room. Napangiti ako nang malapad nang maisuot ko na ‘yung dress. Mukha akong prinsesa sa ayos ko. Nawala nga lang ang ngiti ko nang makita ko sa salamin ‘yung sandals ko na natutuklap na ang ibabaw dahil sa sobrang kalumaan. Medyo lagpas na nga ang sakong ko dahil maliit na ito sa ‘kin.
“Nadia! Matagal ka pa?! Patingin ako!” Binuksan ko ang pintuan ng fitting room at ipinakita ko kay Nanay ‘yung suot kong dress. “Bagay nga. Magpalit ka na at ibibili na rin kita nang bagong sandals.”
“Talaga po Nanay?!” Napayakap ako sa kanya sa sobrang tuwa. “Salamat po Nanay!”
“Tama na. Tama na. Huwag mo ‘kong dramahan. Naiirita ako sa ‘yo.” Marahan niya ‘kong itinulak palayo. “Bilisan mo na at nagugutom na rin ako.”
“Opo Nanay!” Nagmamadali akong pumasok uli sa fitting room at nagpalit.
Pagpunta namin sa bilihan ng mga sapatos, binilhan ako ni Nanay ng kulay pink na sandals na bagay katerno ng dress na napili niya para sa ‘kin. Habang nagbabayad siya naiisip ko na kung ano’ng itsura ko habang suot ko ang mga ‘yon. Kung pwede ko lang suotin ‘yon papasok sa school para makita ng mga kaklase ko ay gagawin ko. Baka sakaling may makipag-kaibigan na sa akin. Kahit ganoon sila sa akin, sumasagi pa rin sa isip ko na gusto kong magkaroon ng kaibigan. Kahit kasi doon sa amin, wala akong kaibigan. Ayaw kasi ni Nanay, dahil wala raw akong mapupulot na maganda sa mga anak ng mga tsismosa at manginginom. Kapag nakikinood nga ako ng TV sa kapitbahay, nagagalit siya sa ‘kin. Tuwing Sabado’t Linggo na nga lang ‘yon kapag wala akong pasok sa school, ipinagbawal pa niya. Kaya laking tuwa ko nang magka-TV kami. ‘Yon nga lang, pili lang ang napapanood ko. ‘Yung mga gusto lang ni Nanay.
“Bilisan mong maglakad Nadia! Baka dumating na ang Tito Michael mo’t wala pa rin tayo!” Hindi kasi ako makalakad nang maayos dahil nagsugat ang sakong ko dahil sa bago kong sandals. “Dali! Ano ba!” Hinawakan na ako ni Nanay sa braso at kinaladkad.
“Sorry po Nanay. Sorry po.” Pinilit kong maglakad kahit na mahapdi na ang sakong ko. Pakiramdam ko may natuklap nang balat doon.
Pumwesto kami sa may harang na bakal para daw madali niyang makita si Tito Michael kapag lumabas na ito. Masaya ako para kay Nanay. Kita ko sa mukha niya ‘yung pagkasabik na makita si Tito Michael. “Honey! Dito! Honey!” sigaw ni Nanay habang kumakaway.
Mula sa malayo nakita ko si Tito Michael. Kumaway rin siya kay Nanay. Habang palapit siya, kinakabahan ako. Magustuhan niya kaya ako? Maging mabait kaya siya sa ‘kin? Ilan lang ‘yan sa mga tanong sa isip ko. Nang makalapit siya sa ‘min, hinalikan niya agad si Nanay sa labi kaya nag-iwas ako ng tingin. Baka kasi magalit si Nanay.
“Ito ba si Nadia?” Napatingin ako sa kanya nang banggitin niya ang pangalan ko.
“Siya nga. Nadia, magmano ka sa Tito mo,” utos ni Nanay kaya nagmamadali akong nagmano.
“Hello po.”
“Mas maganda ka pala sa personal,” puri ni Tito Michael sa akin.
“Thank you po.”
“Honey, sa wakas nandito ka na.” Yumakap si Nanay sa tagiliran ni Tito Michael kaya umakbay naman si Tito Michael sa kanya.
“Dad!”
“O, nandito na rin pala ‘yung anak ko,” sabi ni Tito Michael kaya sinundan ko kung saan siya nakatingin at nakita ko si Marco na palapit sa ‘min.