CHAPTER 6
Dahil kaunti lang ‘yung mga gamit namin ni Nanay, tig-dalawang bag lang ang dala namin. Ang dala ko ‘yung isang bag na naglalaman ng mga damit at sapatos ko habang ‘yung isang bag naman ‘yung gamit ko sa school. ‘Yung mga gamit namin sa bahay tulad ng TV, washing machine, refrigerator, kama, cabinet at mga gamit sa kusina pinamigay na lang ni Nanay sa mga kapitbahay namin. Hindi naman namin kailangan dalhin pa sa bahay nina Tito Michael dahil kumpleto sila sa gamit at mas magaganda pa at bago ‘yung sa kanila.
“Naks naman Diana, nakabingwit ng malaking isda!” sabi ni Aling Janet na kaibigan ni Nanay. Bitbit pa nito ang bunsong anak na dumedede pa sa dibdib nito.
“Gano’n talaga kapag maganda.” Hinawi pa ni Nanay ang mahaba niyang buhok na kulay buhok ng mais. Pinakulayan niya ito bago umuwi si Tito Michael galing Dubai.
“May kaibigan o kapatid ba ‘yang jowa mo. Pakilala mo nga sa ‘kin at hihiwalayan ko na ‘yung batugan kong asawa.”
“Kung hindi ka sana nagparami ng anak, eh ‘di sana nakarampa ka pa. Ilang bata na naglambitin d’yan sa dede mo, pati asawa mo nakikisuso. Pagtyagaan mo na lang si Tonyo at alagaan mo mga anak mo.”
“Naku! Ano pa nga ba!”
“O siya! Alis na ‘ko. Kanina pa nag-aabang ‘yung Honey ko sa kanto.” Maliit ang eskinita kung nasaan ‘yung apartment na inuupahan namin ni Nanay. Hindi kasya ang sasakyan kaya sa may kanto na lang nag-abang si Tito Michael.
“Honey!” Napatingin kami ni Nanay kay Tito Michael na palapit. Kasama rin pala niya si Marco.
“Honey, sabi ko naman sa ‘yo, huwag ka nang bumaba ng kotse.”
“Ayoko kasing napapagod ka. Ako na magbibitbit ng mga ‘yan,” sagot ni Tito Michael. Paglapit niya kay Nanay hinalikan niya ito sa labi kaya nag-iwas ako ng tingin.
“Nadia, ako na rin magdadala niyang bitbit mo,” sabi ni Marco sa ‘kin.
“Hindi na. Kaya ko naman.”
“Akin na,” pamimilit niya. Kinuha niya ‘yung hawak kong malaking bag. ‘Yung backpack ko, ako na lang ang nagdala.
“Naku pati pala si Nadia, may nabingwit na rin,” sabi ni Aling Janet.
“Hoy Janet, ‘yang bibig mo. Magkapatid na ‘yang dalawa na ‘yan,” sabi ni Nanay.
“Hindi naman sila magkadugo,” hirit pa ni Aling Janet.
“Utak talaga ng mga tulad mo Janet ang dumi! Nene pa ‘tong si Nadia ko at itong si Marco, may girlfriend ‘to. ‘Di ba Marco?” tiningnan ni Nanay si Marco. Si Marco naman ngumiti lang. “Tara na nga Honey. Aalis na lang ako sa maduming lugar na ‘to, nag-iinit pa ang ulo ko.” Hindi ko alam kung ano’ng ikinagagalit ni Nanay.
Habang naglalakad kami palabas ng eskinita. “Honey, pasensya ka na sa bastos na bibig ni Janet ha? Madumi talaga isip no’n. Alam ko naman na mabait ‘tong si Marco mo.”
“Okay lang Honey. Huwag ka nang mainis d’yan. Nag-usap na rin naman kami ni Marco.” Hindi ko pa rin maintindihan ang pinag-uusapan nila. Ano bang masama sa pamimingwit ng isda? ‘Tsaka bakit napasali kami ni Marco sa usapan. Hindi naman ako marunong mamingwit. Si Marco kaya marunong?
“Marco, marunong ka bang mamingwit?” tanong ko kay Marco.
“Hindi. Bakit?”
“Kasi ‘di ba sabi ni Aling Janet kanina nakabwingwit din daw ako. Hindi naman ako marunong. Nagalit tuloy si Nanay.”
Mahina siyang natawa. “Huwag mo na lang sila intindihin.” Hinawakan niya ‘ko sa kamay at sabay kaming naglakad habang naglalakad sa unahan namin sina Nanay at Tito Michael.
“Sabi ni Nanay may girlfriend ka na raw. Marami ka bang kaibigan na babae?”
“Kaibigan na babae marami. Girlfriend isa lang, pero naghiwalay na kami.”
“Magkaiba ba ‘yon? Hind ba ‘yung girlfriend, kaibigang babae.”
“Girl friend,” may paghinto siya sa pagitan ng dalawang salita na ‘yon. “Ibig sabihin kaibigang babae. ‘Yung girlfriend, ibig sabihin nobya, karelasyon, parang sina Tita Diana at ang Dad.”
“Ah, okay. Bakit kayo naghiwalay? Umalis ba siya? Pumunta sa malayo?”
“Hindi kami magkasundo. Ikaw ba Nadia, sa school may crush ka na?”
“Crush? Ano ‘yon?”
“Kung may nagugustuhan ka na ba.”
“Sa school wala.” Tiningnan ko siya. “Pero ikaw, gusto kita. Mabait ka kasi sa ‘kin.”
Ngumiti siya at humigpit ang hawak niya sa kamay ko. “I like you too Nadia.”
Nang makaapak na uli ako sa bahay nina Marco, pakiramdam ko nananaginip lang ako. Hindi pa rin ako makapaniwala na mula sa araw na ‘yon, mamumuhay na kami nang masagana ni Nanay.
“Marco, samahan mo si Nadia sa kwarto niya,” utos ni Tito Michael.
“Yes Dad,” sagot ni Marco kaya nauna na kaming pumanik habang nakasunod si Ate Mila sa ‘min na dala naman ang mga gamit ni Nanay.
Pumasok si Ate Mila sa unang kwarto. ‘Yon siguro ang magiging kwarto nina Nanay at Tito Michael.
“This is my room,” sabi ni Marco nang madaanana namin ‘yung sumunod na kwarto. “And this will be your room.” Binuksan niya ‘yung pangatlong pinto. May pang-apat pa na kwarto at kwarto raw ‘yon ni Ate Mila.
Pagpasok namin sa kwarto ko, pakiramdam ko napaaga ang Pasko. Ang ganda at ang laki ng kwarto. Kulay pink ‘yung pader na may mga design na bulaklak. ‘Yung kama parang sa prinsesa, may haligi at may parang kurtina. May tukador na may malaking salamin. May malaking cabinet din. Binuksan ko ito pero wala pang laman. “Bukas mamimili tayo. Punuin mo ‘yan ng mga damit na gusto mo.” May bilog na mesa rin na gawa sa bakal na may dalawang kulay gold na upuan na gawa rin sa bakal.
“Sa akin ba talaga lahat ng nakikita ko rito?”
“All yours.”
“Ang ganda-ganda!” Naupo ako sa kama at pinatalbog ang pwet ko. “Ang lambot ng kama!” Umiikot pa rin ang paningin ko sa buong kwarto. Manghang-mangha ako. Hindi pa rin makapaniwala. “Para ‘kong prinsesa.”
Tumabi sa ‘kin si Marco at naupo rin siya sa kama. “Mula ngayon ikaw na ang prinsesa namin.” Hinawi niya ‘yung buhok ko na tumatabing sa mga mata ko. “Ikaw na ‘yung prinsesa ko.”
“Kung ako ‘yung prinsesa, ikaw ‘yung prinsipe ko?” Umiling siya. “Bakit? Ayaw mong maging prinsipe?”
“Hindi ako pwedeng maging prince charming mo Nadia. Kapag kinasal na ang mga magulang natin, magiging magkapatid na tayo. Hindi mo ‘ko pwedeng maging prinsipe, dahil kuya mo na ‘ko.”
“Hindi. Kasi ‘di ba ‘yung anak ng hari at reyna ang tawag sa kanila prinsesa at prinsipe, kaya pwede ka pa ring maging prinsipe.”
Ngumiti siya at tumango. “Okay, sige. Kung gusto mo ‘kong maging prinsipe, magiging prinsipe ako para sa ‘yo.”
Ang saya ko. Sa mga napapanood ko kasi laging sinasagip ng prinsipe ‘yung mga prinsesa at habangbuhay silang magkasama na masaya. Gusto ko gano’n din kami ni Marco.