After three months
"Cassandra, nasaan na ang ipinangako mong bayad ng bahay, ha? Aba, mula nang mamatay ang mga magulang niyo ay hindi na kayo nakapagbayad. Pinagbigyan ko lang kayo dahil sa nagluluksa pa kayo kaso anong petsa na? Hindi na pwede pa na ipagpaliban ang paniningil ko dahil may pamilya rin akong binubuhay," mataray na sabi ng kanilang kasera na si Aling Letty.
Wala pang alas syete ng umaga ay kumakatok na ito at naniningil sa kanila.
"Pasensiya na po kayo, Aling Letty. Wala pa po kasi akong mahanap na mapapasukang trabaho. Pangako kapag nakahanap ako ng trabaho ay babayaran ko po kayo kaagad," aniya rito na nagpipigil din sa kaniyang emosyon.
"Ano? Ako pa ang maghihintay kung kailan ka tatamaan ng suwerte? Hoy, Cassandra, paano ka makakahanap ng trabaho eh, wala ka namang alam sa buhay? Puro tambay at alak lang naman ang alam mo. Bakit hindi ka mag-apply doon sa club? Siguradong marami ang makikipag-agawan sa'yo lalo na at sariwa ka pa," sabi nito sa kaniya habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa.
Biglang umakyat ang dugo niya sa kaniyang ulo nang marinig ang pang-iinsulto nito sa kaniyang pagkatao. Ngunit pinigilan pa niya ang sarili na sumagot dahil naisip niya na baka sa kalsada sila pupuluting magkakapatid.
"Ano na naman ang pinuputak niyo rito, Aling Letty? Alam niyo namang kakamatay lang ng mga magulang nila eh, kung pagsalitaan niyo parang isang taon kayong hindi nababayaran," naiinis ang boses na sabi ni Aling Bebang.
"Ay sus, Bebang. Wala ka namang maitutulong kaya huwag ka ng sumali sa usapan. Magbayad ka na lang ng upa mo at nang makaalis na ako," sabi nito kay Aling Bebang.
"Heto," sabi ni Aling Bebang at iniabot dito ang tatlong libo na upa sa tinitirhan nito na katabi nila.
"Paano, Cassandra? Huling paniningil ko na ito dahil sa susunod na balik ko eh, sa kalsada na kayo pupuluting magkakapatid," banta ni Aling Letty saka tumalikod na ito.
"Nakakakulo talaga ng dugo ang babaeng iyan. Kung may malilipatan lang kami hindi ako manghihinayang na iwan itong bulok na niyang paupahan," ani Aling Bebang sa kaniya habang tinitingnan ang papalayo nilang kasera.
"Pasensiya na po kayo, Aling Bebang. Nadamay pa po tuloy kayo sa pagtataray ni Aling Letty," nahihiyang sabi niya rito.
"Naku, 'wag mo na akong isipin, Cassandra. Ano, kumusta na kayong magkakapatid?" tanong nito sa kaniya.
"Mahirap po pero kailangang lumaban. Nangako po ako kina Mama at Papa na hindi ko pababayaan ang mga kapatid ko. Hahanap po uli ako ng trabaho mamaya," aniya na hindi niya mapigilan ang pagtulo ng kaniyang luha habang inaalala ang kanilang kalagayan.
"Huwag mo ng isipin ang paghahanap ng trabaho dahil iba rito sa Maynila. Kailangang nakapagtapos ka ng kolehiyo. Walang tatanggap sa'yo kung wala kang diploma. Saka paparating si Inay bukas. Gusto niya sanang dalhin kayo sa Isla El Cielo. Ipapasok ka niya roon ng trabaho. At puwede mong isama ang mga kapatid mo," nakangiting sabi nito sa kaniya.
Biglang lumiwanag ang kaniyang mukha sa narinig. Iniisip niya na ito na marahil ang sagot sa kaniyang hinihiling na tulong.
"Talaga po?" hindi makapaniwala niyang tanong. "Sige po, aantayin ko po si Manang Meding," masigla niyang tugon dito.
"O, siya at maglalaba pa ako," paalam ni Aling Bebang sa kaniya at umuwi na ito.
Masayang-masaya siya sa pag-alis nito dahil sa nalaman niya. Nais niya rin talagang lumipat sa lugar na malayo sa kanilang tinitirhan. Araw-araw kasi pakiramdam niya ay sinasaksak ang kaniyang puso dahil sa nangyari sa kaniyang mga magulang. Araw-araw niya pa ring sinisisi ang sarili sa mga nangyari lalo na kapag nakikita niya ang kaniyang mga kapatid na nahihirapan din.
"Ngunit kailangan kong magpakatatag at labanan ang lahat ng pagsubok sa buhay. Alang-alang sa tatlo kong kapatid, lalaban ako," aniya saka pinahid ang mga luhang nag-uunahan na namang bumaba sa kaniyang mga mata.
"Aalis tayo? Saan naman?" tanong ni Carlo na tila nayayamot. Sinabi niya kasi rito na sasama sila kay Manang Meding.
"Sa Isla El Cielo. Maganda roon at nakita ko na iyon sa mga magazine at sa internet. Ang ibig sabihin kasi ng pangalan ng Isla ay Paradise Island. O, 'di ba pangalan pa lang napakaganda na?" aniya rito na pilit pinasisigla ang boses.
"Talaga, Ate? Tapos dagat pa? Excited na akong tumira roon, Ate," sabi ni Carla na todo ang mga ngiti sa labi sabay laki ng mga mata.
"Nagpapaniwala ka naman diyan kay Ate. Para lang sa mga mayayaman ang mga gano'ng Isla," wika pa ni Carlo.
Magkaiba ang kaniyang mga kapatid na kambal. Matalino si Carlo. Mahihirapan siyang kumbinsihin ito hindi tulad ni Carla na madaling mapaniwala.
"Magtatrabaho ako sa mga mayayaman doon. Tapos doon na rin kayo titira. May eskwelahan din naman doon para sa mga anak ng mga empleyado. Kaya mag-impake na kayo ng mga damit ninyo dahil darating na bukas si Manang Meding at sasama tayo sa kaniya," sabi niya sa mga ito.
Kaagad na tumayo si Carla at masayang sumunod sa kaniyang sinabi na mag-impake. Naiwan naman si Carlo na hindi pa rin naniniwala sa kaniya.
"Ano pa ang hinihintay mo, Carlo? Tumayo ka na rin at mag-ayos na ng mga kakailanganin mong gamit. Ako na ang bahala sa mga gamit ni Chase," aniya sa kapatid.
"Ano naman ang trabaho na gagawin mo roon, Ate? Wala ka namang alam na gawin 'di ba?" tanong nito sa kaniya.
"Carlo, gagawin ni Ate ang lahat para mabuhay ko kayo. Kahit wala akong alam, pag-aaralan ko. Wala akong hindi kakayanin para sa inyo. Dahil ako na ang tatayong parehong Mama at Papa ninyong tatlo," madamdamin niyang pahayag sa kapatid.
Hindi nakaimik sa kaniya si Carlo. Alam niya na nauunawaan siya nito lalo na at matalinong bata si Carlo. Nang hindi pa rin ito kumilos ay nilapitan niya ito at hinawakan sa mga kamay.
"Alam kong nagdududa ka sa kakayahan ko. Dahil tama ka, wala akong alam. Hindi ako natuto kahit anong pilit ni Mama na turuan ako dahil matigas ang ulo ko. Dahil suwail akong anak. Tanggap ko na iyon, Carlo. Kahit masakit, kahit nakakadurog ng pagkatao. Pero hindi pwedeng hahayaan ko na iyong mga gano'ng salita ang maglulubog sa akin. Babangon ako para sa inyo dahil ako ang dahilan ng maagang pagkawala ng mga magulang natin. Kaya sana tulungan mo rin si Ate dahil lalo akong lumalakas kapag nakikita ko na naniniwala kayo sa akin," madamdamin niyang pahayag sa kapatid habang umiiyak.
Halos hindi na siya makahinga dahil sa kaniyang sipon. Napaiyak na rin ang kaniyang kapatid at lalo pa siyang napahagulgol nang makita si Carla na karga si Chase na umiiyak din.
Tinawag niya si Carla at niyakap niya ng mahigit ang mga kapatid.
"Pangako ni Ate sa inyo, gagawin ko ang lahat para maibigay ko ang buhay na deserve ninyong tatlo. Kakayod ng husto si Ate para mapag-aral ko kayo. Kaya sana magpakabait kayo ha?" aniya sa mga ito.
Tumango lamang ang mga kapatid. Panay din ang punas ng mga ito ng kanilang mga luha.
Pagkatapos nilang mag-iyakan ay magkasabay silang nag-ayos ng kanilang mga gamit.
Kinagabihan, naging mailap ang antok para kay Cassandra samantalang mahimbing ng natutulog ang kaniyang mga kapatid. Panay kasi ang isip niya tungkol sa magiging buhay nila sa isla lalo na at estranghero sila sa lugar na iyon.
"Sana naman magiging maganda na ang buhay namin doon. Sana... Sana...," usal niya habang nakatingin sa bukas na bintana.
Sakto naman na maliwanag ang buwan at natatanaw niya mula sa kaniyang higaan ang liwanag nito. Alas tres na ng madaling araw nang dalawin siya ng antok.
"Ate, gising na. May naghahanap sa'yo," naririnig niyang tawag sa kaniya ni Carla.
Pupungas-pungas siyang bumangon. Mahapdi pa ang kaniyang mga mata dahil nga sa umaga na siya nakatulog.
"Sinong naghahanap sa akin?" tanong niya rito.
"Ako!" sagot ng isang matandang babae.
Idinilat niya ang kaniyang mga mata at napangiti siya nang maaninag kung sino ang may-ari ng boses na iyon.
"Manang Meding," sigaw niya at dali-dali siyang bumangon at yumakap dito. "Miss na miss ko na po kayo," sabi pa niya habang kayakap ang matandang kapitbahay.
"Miss na miss na rin kita, Cassandra. Pasensiya ka na at hindi ako nakauwi noong burol dahil sa hindi ako basta makaalis sa Isla. Sakto naman na umalis ang kasama ko na nakapagpatapos na ng anak kaya hindi na kinailangang manilbihan pa," paliwanag nito sa kaniya.
"Okay lang po, Manang. Mauunawaan naman po kayo nina Mama at Papa," sabi niya rito.
"Kaya nga pinilit ko na makauwi kahit huli na. Nakiusap na lang ako kay Don Manuel para madalaw ko man lang ang puntod nila Rowena at Mike. Saka ipinakiusap na rin kita na ikaw na ang makakasama ko roon sa bahay," saad ni Manang Meding sa kaniya.
"Salamat po, Manang. Sa totoo lang po, nabuhayan ako ng loob nang malaman ko na may trabaho kayong maibibigay sa akin. Ang hirap pong maghanap ng mapapasukan dito," aniya na biglang tumulo ang kaniyang mga luha.
"Huwag ka ng umiyak. Tutulungan kitang makabangon, Cassandra dahil hindi mo dapat nararanasan ang lahat ng hirap sa buhay. Bata ka pa at maraming pang oportunidad ang darating sa buhay mo," sabi sa kaniya ni Manang.
"Paano po pala ang mga kapatid ko roon? Saan po sila titira?" tanong niya na nag-aalala rin sa magiging kalagayan ng mga kapatid sa isla.
"May mga pabahay sa labas ng resort na para sa mga trabahador. Doon muna sila hanggat hindi pa pumapayag ang mga amo natin na tumira sila sa loob ng mansiyon. Kung si Don Manuel lang walang problema. Ang asawa nito ang kontrabida at may pagkamasungit pati na ang anak na babae. Pero huwag kang mag-alala at nandoon naman ako," pahayag pa ni Manang sa kaniya.
"Sige po, Manang. Titiisin ko po ang lahat para maibigay sa mga kapatid ko ang buhay na dapat ay sa kanila. Huwag niyo po akong alalahanin at kaya ko po ang sarili ko," sabi niya rito.
"O siya, mag-ayos ka na ng iyong sarili at dadalawin muna natin ang puntod ng mga magulang mo bago tayo umalis patungong Isla," wika nito sa kaniya.
Bumangon siya ng kaniyang higaan dala ang bagong pag-asa na sa kaniyang pagtungo sa isla ay magbabago na ang kaniyang kapalaran.