Prologue
"Cassandra, bumangon ka na riyan. Anong oras na oh," sigaw ni Aling Rowena sa kaniyang panganay na anak.
Ngunit tila wala itong narinig, bagkus ay nagtalukbong pa ito ng kumot. Makalipas pa ang ilang minuto na hindi pa rin lumalabas sa kaniyang kuwarto ang anak ay galit na itong pumasok bitbit ang sandok.
"Cassandra, ano ba? Kanina pa ako tumatawag sa'yo ah. Hindi mo ba ako naririnig?" gising nito sa anak.
"Ano ba, Ma? Ang ingay naman oh. Natutulog ang tao eh," maktol nito sa ina.
"Aba, sumasagot ka pa talaga sa akin ha?" sabi nito sabay hampas rito ng sandok.
"Aray! Ma, ang sakit!" bulyaw nito sa ina.
"Masakit pala? Eh, kanina pa sumasakit ang lalamunan ko kakatawag sa'yo pero hindi mo pinakikinggan. Hindi ba sabi ko bumangon ka na riyan at tanghali na. Male-late ka na sa school," mabilis ang mga salitang binitawan ng ina.
Para naman siyang nagda-dub sa ilalim ng kumot dahil halos kabisado na nito ang mga linya ng ina.
"Hindi na po ako papasok," tugon niya rito.
"Ano?" malakas ang boses na tanong ng ina.
"Hindi na po ako papasok. Hindi po ako nag-enroll ngayong semester," sagot niya na bumangon na mula sa pagkakahiga.
"At bakit hindi ka nag-enroll, ha? Anong gagawin mo sa buhay?" nanggagalaiting tanong ng kaniyang Mama Rowena.
"Tatambay! Eh, sa tinatamad akong mag-aral, Ma. Sayang lang binabayad niyong tuition kung wala rin namang pumapasok sa utak ko," aniya rito na parang wala lang sa kaniya ang mga binitawang salita.
"Anong klaseng sagot 'yan, Cassandra? Sasayangin mo talaga ang buhay mo dahil sa iyong katamaran? Kailan ka magkakaroon ng responsibilidad sa iyong sarili, ha?" galit pa ring tanong ng ina.
"Mag-aaral din po ako, Ma. Chill ka lang at darating din ang time na mapapagod ako sa kaka-good time," pamimilosopo pa niya sa ina.
"Hindi ko alam kung saan ka nagmana ng ugali mong ganiyan. Sa kabila ng lahat ng itinuro ko sa'yo wala ka man lang natututunan. Ni tumulong sa gawing bahay hindi mo nagagawa. Ni mag-aasikaso sa mga kapatid mo. Mabuti pa sina Carlo at Carla marunong nang mag-alaga sa bunso mong kapatid. Eh, ikaw na panganay?" sabi ni Aling Rowena na halos lumabas na ang litid sa leeg.
"Eh, sa masipag sila at tamad ako. Kaya 'wag niyo na po akong pag-aksayahan ng laway, Ma," aniya rito sabay tumalukbong muli ng kumot.
"Walang modo ka talagang bata ka," sabi ng ina at muli na naman siyang pinaghahampas ng sandok.
"Aray! Ma, ano ba? Baka magkakapasa na ako niyan sa ginagawa mo," sabi niya rito.
"Ano na naman bang kaguluhan ito, ha?" tanong ng ama niyang si Mike.
"Eh, paano ang magaling mong panganay. Hindi pala nag-enroll. Aba, kung kailan nasa huling taon na niya sa kolehiyo eh, saka pa naisipang tumigil. Maaga akong mamamatay sa ugali ng anak mong iyan," sumbong ng Mama niya.
"Huminahon ka muna. Ang aga-aga eh, high blood ka kaagad. Saka nakakabulahaw sa mga kapitbahay. Ako na ang kakausap kay Cassandra. Tapusin mo na muna ang niluluto mo," mahinahong sabi rito ng kaniyang Papa.
"Siguraduhin mong kakausapin mo 'yan, Mike dahil makakatikim uli' yan sa akin sa akin kapag hindi ako sinagot ng matino niyan," wika ng kaniyang ina.
"Oo na, ako na ang bahala sa dalaga natin," puno ng kahinahunang sabi ng kaniyang Papa.
Magkaiba ang ugali ng kaniyang mga magulang. Strikta at may pagka masungit ang kaniyang Mama Rowena samantalang sweet at napakamahinahon naman ng kaniyang Papa Mike. Kaya madalas ay sa ama niya siya nagpapakampi kapag napapagalitan siya.
"Anak, lumabas ka na riyan," mahinahon ngunit may diin na tawag ng kaniyang ama.
Alam niya na galit na ito. Takot din naman siya rito kaya kaagad niyang inalis ang kumot na nakabalot sa kaniya.
"Ano itong sinabi ng Mama mo ha?" tanong ng kaniyang ama.
"Pa, next sem na lang po ako mag-aaral," aniya na hindi man lang makatingin sa kaniyang ama.
"At bakit naman?" malumanay na tanong nito.
"Masasayang lang po pera niyong ipapambayad sa tuition ko kapag pinilit ko, Pa. Sa tingin ko po hindi rin ako makaka-graduate," aniya rito.
"Anak, kung may problema ka 'wag kang mahihiyang magsabi sa akin. Andito si Papa na handang makinig sa'yo," sabi ng kaniyang Papa.
Tumango lamang siya. Bagamat nakakaramdam siya ng guilt sa tuwing kausap ang ama ay paninindiganan niya ang kaniyang desisyon na titigil muna sa pag-aaral. Hindi na niya kasi kayang pagsabayin ang kaniyang pag-aaral at pakikipag barkada. Nawiwili siya sa pakikipag-inuman at pagpupunta sa mga discuhan na hindi alam ng kaniyang mga magulang.
"Sige, magpahinga ka na lang muna riyan at ako na ang bahala sa Mama mo," sabi nito sa kaniya.
Pagkalabas ng kaniyang Papa sa kaniyang kuwarto ay muli siyang tumalukbong ng kumot at natulog. Madaling araw na siyang nakauwi sa kanila dahil nag disco silang magkakaibigan. Palihim siyang tumakas dala ang susi ng kanilang bahay nang masiguradong tulog na ang lahat sa kanila.
"Kumusta ang pag-uusap niyong mag-ama?" tanong ni Aling Rowena sa asawa.
Sa halip na sumagot ay bumuntong hininga ito. Kumuha ito ng baso at nag salin ng tubig saka uminom.
"Hayaan na muna natin siya, Rowena. Kilala mo ang anak natin. Hindi natin 'yan mapipilit kung ayaw niya ang isang bagay," tugon ng kaniyang asawa.
"Ito na nga ang kinakatakot ko, Mike. Paano na lang kapag may mangyaring masama sa atin? Paano na ang mga kapatid niya? Kung titingnan eh, may mga isip pa sina Carlo at Carla kesa sa kaniya," wika niya.
Kinuha niya ang basong hawak ng asawa saka uminom din ng tubig. Pakiramdam niya kasi ay biglang nanghina ang kaniyang tuhod.
"Huwag kang mag-isip ng kung ano, Rowena. Bata pa tayo at wala pa naman tayong iniindang mga sakit. Hanggat kaya natin, protektahan natin ang mga bata," sabi ng kaniyang asawa.
Walang nagawa ang mga magulang ni Cassandra sa kaniyang naging desisyon. Dahil nga sa hindi na nag-aaral ay panay na ang gala niya kasama ang mga barkada.
"Cassandra, tara kina Roger. Birthday ng kapatid at nag-aaya na pumunta raw tayo," sabi sa kaniya ni Seph na kaniyang kaibigan na pareho niya ring tumigil sa pag-aaral.
"Talaga?" tanong niya na nanlaki pa ang mga mata nang marinig ang sinabi ng kaibigan. "Sige. Mauna ka na at magbibihis lang ako."
Pagkaalis ng kaibigan ay excited na nagbihis si Cassandra.
"Ate, bakit ka nagbibihis? Aalis ka na naman ba?" tanong ng kapatid niyang si Carlo.
"Wala ka ng paki. Ano naman ang gagawin ko rito sa bahay, aber?" mataray niyang sagot sa kapatid.
"'Di ba sabi ni Mama ipaglugaw mo sina Carla at Chase?" wika pa ng kapatid.
"Ikaw na! Malaki ka na oh. Kayang-kaya mo na 'yan," aniya rito.
"Ate, naman eh. Nilalagnat ang dalawa. Paano ko sila maaalagaan mag-isa?" mangiyak-ngiyak ng sabi ng kapatid.
"Ay Ewan! Mag-isip ka, okay? Pauwi na rin 'yon sina Mama," sabi niya saka dinampot niya ang kaniyang shoulder bag at mabilis na lumabas ng bahay.
Hindi na niya pinansin ang tawag ng kaniyang kapatid. Ewan ba niya kung bakit nangangati ang kaniyang mga paa na umalis ng bahay.
"Oh, nandito na pala ang prinsesa ng inuman eh," sabi ng kaibigan niyang si Roger nang makita siya nitong parating.
Kaagad niyang sinenyasan ito ng dirty finger. Nagtawanan naman ang iba pa nilang kabarkada.
"Ikaw ha, kung anu-ano na naman ang binabansag mo sa akin," aniya rito saka binatukan ito.
"Ang cute mo kasi kapag nagagalit," sabi pa ni Roger sa kaniya.
"Tama na ang asaran. Ilabas mo na ang pagkain at alak at nang makapag simula na tayo," sabi ng isa pa nilang kaibigan na si Oscar.
"Sige! Saglit lang mga tropa," ani Roger at tumayo na ito para kumuha ng pagkain at alak.
"Mabuti naman at pumunta ka, Cass. Natakasan mo ba Mama mo?" tanong ni Seph sa kaniya.
"Wala naman sina Mama. Saka aalis ako kapag gusto ko at walang makakapigil sa akin," pagmamalaki niya rito.
"Iyan ang gusto namin sa'yo eh. Masyadong matapang," panunukso sa kaniya ni Oscar.
"Talaga lang ha? Bakit lagi bang giyera pupuntahan natin?" pang-aasar niya sa kaibigan.
"Alam niyo napapansin ko palagi kayong nag-aasarang dalawa. Siguro may gusto kayo sa isa't isa no?" tanong sa kanila ni Seph.
"What? Ako magkakagusto sa mukhang 'yan? No way!" sabi niya na naduduwal pa kunwari.
"Ang choosy mo talaga. Bakit pangit ba ako, ha?" tanong sa kaniya ni Oscar na kunwari nasaktan pa sa kaniyang sinabi.
"Ay, sus ang drama mo talaga. Ito ang tandaan mo, Oscar ha? Tropa tayo at hanggang doon lang 'yon. Kahit ganito ako wala akong plano na basta na lang bibigay sa kahit sinong lalaki. Kahit papaano, may pangarap pa rin naman ako noh," aniya rito.
"Ang tagal namang bumalik ni Roger. Nagugutom na ako," maktol ni Oscar na biglang iniba ang usapan.
Kilala na kasi siya nito. Ayaw na ayaw niyang pinupormahan siya. Patuloy pa silang nagkukwentuhan na magkakaibigan nang biglang dumating ang kapitbahay nilang si Ed.
"Ca-cass, mabuti naman at nakita rin kita," sabi nito sa kaniya na hinihingal.
"Ha? Bakit mo ako hinahanap?" tanong niya na labis na nagtataka.
"Heto tubig oh, uminom ka muna," sabi ni Seph sabay abot dito ng baso na may lamang tubig.
Kinuha iyon ni Ed at ininom bago nagpatuloy sa pagsasalita.
"Cass, huwag kang mabibigla ha? Ang Mama at Papa mo kasi naaksidente," wika ni Ed nang makabawi na ito ng paghinga.
"A-ano? Nasaan sila?" tanong niya na halos siya lang ang nakarinig.
"Dinala sila sa hospital. Nabangga ang sinasakyan nilang taxi pero pareho na silang dead on arrival," malungkot na sabi ni Ed.
Parang wala sa sarili na tumayo siya at naglakad pauwi sa kanila. Pakiramdam niya ay nakalutang siya ng mga sandaling iyon. Hindi na nga niya maalaala kung papaano siya nakarating sa kanilang bahay.
"Ate, bakit ka kasi umalis? Ikaw ang may kasalanan kung bakit namatay sina Papa at Mama," bulyaw ng kaniyang kapatid na si Carlo nang makita siya nito.
Napasalampak siya sa sahig dahil wala ng lakas ang kaniyang mga tuhod. Panay na ang agos ng luha sa kaniyang mga mata.
"Bakit mo kasi iniwan ang mga kapatid mo? Nagmamadali tuloy na umuwi ang mga magulang mo nang malaman nila na umalis ka kahit may sakit ang dalawa mong kapatid. Napaka irresponsable mo talaga!" galit na sabi ng kapitbahay nilang si Aling Bebang na kaibigan ng kaniyang Mama.
Gustuhin man niyang magsalita ay walang salita na nais lumabas sa kaniyang bibig. Hindi niya akalain na ganito pala ang mangyayari sa kaniyang mga magulang.
"Ate, wala na sina Mama at Papa. Paano na tayo?" umiiyak na sabi ng kapatid niyang si Carla.
Nilingon niya ito at nasa tabi rin nito ang bunsong kapatid na si Chase na iyak din ng iyak. Nilapitan niya ang mga ito at niyakap.
"Kasalanan mo talaga ito, Ate. Ang sama mo! Kung nakinig ka lang kay Mama hindi sana buhay pa sila ngayon," muling sigaw ni Carlo sa kaniya.
"I'm sorry! I'm sorry! Kung alam ko lang na mangyayari ito hindi na sana ako umalis," wika niya sa kapatid.
"Matigas kasi ang ulo mo. Palagi mo na lang sinusuway si Mama," galit pa ring sabi ni Carlo sa kaniya.
Sampung taon ang agwat ng edad nilang dalawa. Ngunit tila may isip pa ito kesa sa kaniya. Mas maaasahan na ito pagdating sa gawing bahay hindi tulad niyang kahit pagprito lang ay palpak pa.
"Ayusin mo na ang mga kapatid mo. Magsibihis na kayo at doon ibuburol sa baranggay ang mga magulang niyo. Wala naman kasing space rito sa inyo," wika ni Aling Bebang na naluluha pa rin dahil sa sinapit ng kaniyang mga kaibigan.
Naawa rin siya sa mga anak nito na naiwan. Hirap din siyang tanggapin na sabay na pumanaw ang mag-asawa. At galit din siya kay Cassandra ngunit isasantabi niya muna ang kaniyang nararamdaman alang-alang sa kaniyang matalik na kaibigang si Rowena.
Naalala niya ang sinabi sa kaniya ng kaibigan ng minsang hatiran siya nito ng ulam.
"Sa apat kong anak, mas inaalala ko ang aking panganay, Bebang. Gusto kong sisihin ang sarili ko kung bakit lumaki siyang ganiyan. Dahil hinayaan namin siyang masunod ang gusto niya. Kaya sa edad niyang bente dos wala pang alam na gawaing bahay. Nasobrahan naman ata ang pag-spoil namin sa kaniya ni Mike," wika ni Aling Rowena sa kaniya.
"Magbabago rin 'yan lalo na kapag maunawaan na niya ang salitang responsibilidad. Kaya, 'wag mo ng sisihin ang sarili mo. Tatayo rin iyan sa sarili niyang paa," payo niya sa kaibigan.
"Sana nga! Siya pa naman ang inaasahan ko at maliliit pa ang tatlo," wika pa nito sa kaniya.
Panay ang pahid niya ng luha dahil hindi niya akalain na may nais na palang ipahiwatig sa kaniya ang kaibigan. Kaya naiisip niya kung paano na ngayon ang mga anak nito. Wala rin naman siyang sapat na pera para maitulong sa mga ito. Pareho lang din silang nangungupahan at mas marami pa ang kaniyang mga anak.
"Tapos na po kaming magbihis," narinig niyang sabi ni Cassandra.
Tiningnan niya ang mga ito. Nakasuot silang lahat ng itim na tshirt. Parang tuod pa rin si Cassandra at patuloy pa rin sa pag-agos ang mga luha.
"Halina kayo at naroon na raw ang mga magulang niyo," sabi ni Aling Bebang sa kanila.
Binuhat niya ang kaniyang bunsong kapatid. Magkahawak namang naglakad ang kambal na sina Carlo at Carla. May ilang metro lang ang layo ng baranggay hall sa inuupahan nilang bahay.
Halos hindi niya maihakbang ang kaniyang mga paa lalo na nang makita niya ang nakahilerang kabaong ng mga magulang. Ibinaba niya ang kaniyang bunsong kapatid at napaupo na siya. Kaagad namang nagsilapitan ang mga kawani ng baranggay para alalayan sila.
"Nakikiramay kami sa inyong magkakapatid," wika ng kanilang Kapitana.
Tumango lamang siya at sinikap ang sarili na tumayo para malapitan ang mga magulang na walang ng buhay. Nagtakbuhan naman ang tatlo niyang kapatid papunta sa mga kabaong at nagsipag-iyakan.
"Mama, Papa, patawad," usal niya sa kaniyang isipan.
Hindi niya lubos maisip na siya ang nagdala sa kaniyang mga magulang sa loob ng kani-kanilang kabaong.
"Kung nakinig lang po ako sa inyo siguradong buhay pa po kayo ngayon," sambit pa niya sa kaniyang isipan.
Panay ang buga niya ng hangin habang dahan-dahan sa paglapit sa kabaong ng kaniyang ina. Malaki ang kasalanan niya sa Mama niya dahil sa katigasan ng kaniyang ulo. Palagi niya pa itong sinasagot.
"M-mamaaaaa," hiyaw niya nang tuluyan na niyang makita ang mukha ng kaniyang ina.
Niyakap niya ang kabaong nito at panay ang tawag niya sa ina.
"Patawad, Mama! Patawad!" sambit pa niya.
Nasa kaniyang tabi rin ang kaniyang mga kapatid na hindi pa rin natigil sa pag-iyak. Pagkatapos makahingi ng tawad sa ina ay sumunod naman niyang tiningnan ang kaniyang Papa Mike.
Ito ang palaging nagtatanggol sa kaniya sa tuwing pinapagalitan siya ng kaniyang Mama. Ang kaniyang Papa Mike rin ang laging nakakaunawa sa kaniya sa tuwing matigas ang kaniyang ulo.
"Papa, I'm sorry. Kasalanan ko kung bakit nariyan kayo pareho ni Mama. Kung pwede ko lang ibalik ang lahat, Papa," sabi niya sa ama niya na wala ng buhay. "Pangako ko po sa inyo na simula sa araw na ito hinding-hindi ko na pababayaan ang mga kapatid ko. Kakalimutan ko na po ang gusto ng sarili ko kahit ang ngumiti para lang makabayad ako sa kasalanan ko po sa inyo," dagdag pa niya.
Pagkatapos niyang mangako ay niyakap niya ang kaniyang mga kapatid.
"I'm sorry, kasalanan ko lahat ng ito. Patawarin niyo si Ate ha?" aniya sa mga ito.
Hindi sumagot ang kambal. Mga hikbi pa rin ng mga ito ang kaniyang nakuhang sagot. Tanging ang tatlong taong gulang na bunso nila ang yumakap sa kaniya.
"Okay lang na magalit kayo kay Ate. Okay lang na kamuhian niyo ako kasi tama lang sa akin iyon. Kahit matagal bago niyo ako mapatawad. Hindi ako titigil na humingi ng tawad sa inyo," aniya sa mga ito.
Magdamag na walang tulog si Cassandra. Nasa sulok lamang siya at mag-isa. Pinatulog na niya ang kaniyang mga kapatid sa loob ng daycare center na katabi lang din ng kanilang Brgy. Hall. Sinamahan ang mga ito ng kaniyang kaibigan na si Seph.
"Cass, kung gusto mo ng kausap andito lang ako ha?" sabi sa kaniya ni Oscar.
Matagal na itong nagpapalipad-hangin sa kaniya ngunit ilang beses niya na rin itong binasted. Kahit na pakawala siya ay hindi pa niya naisip ang makipag relasyon.
"Salamat pero gusto ko sana na mapag-isa," aniya rito.
Hinayaan naman siya ni Oscar at umupo ito sa 'di kalayuan at tinitingnan na lamang siya. Iniisip niya kung paano maparating sa mga kamag-anak nila ang nangyari sa kaniyang mga magulang gayong hindi niya kilala ang mga ito. Ang alam lang niya ay parehong taga Bicol ang mga ito at magkababata. Ni walang pinakilala na kanilang mga Lolo at Lola.
Makalipas ang ilang araw na burol ay napagpasyahan nilang tatlong magkakapatid na ipapalibing na nila ang kanilang mga magulang. Mabuti na lamang at mga mababait na tao ang mga ito kaya dagsa ang nakiramay sa kanila. Tinulungan din sila ng baranggay sa kanilang gastusin. Kahit papaano ay may natirang kaunting pera para sa kanila.
Parehong nagtitinda ng mami ang kanilang Mama at Papa sa harapan ng Manila City Hall. Kaya kahit papaano ay kumikita ang mga ito ng sapat sa kanilang pang araw-araw na gastusin. Ngunit iikot ang mundo ni Cassandra ng 360 degrees. Dahil siya na ang tatayong magulang sa tatlo niyang kapatid.
"Ate, paano na tayo ngayon?" tanong ng kaniyang kapatid na si Carla habang kumakain sila ng hapunan.
Iyon ang unang araw na sila na lang apat at nailibing na ang kanilang mga magulang. Pinigilan niya ang maluha. Nangako siya na hindi siya iiyak sa harapan ng kaniyang mga kapatid. Ipapakita niya sa mga ito na matapang siya at matatag.
"Huwag mo ng iisipin 'yan, ha? Andito si Ate at hindi ko kayo papabayaan. Kumain ka pa kasi nangangayat ka na oh," sabi niya rito.
Ngunit iba ang naging reaksiyon ng kakambal nitong si Carlo.
"Ano pa bang aasahan natin kay Ate? Ni wala ngang alam 'yan sa gawaing bahay," sabi ni Carlo.
Hindi na niya pinansin ito. Alam niya kasi na higit sa kaniya ay mas nasaktan ang mga ito sa pagpanaw ng kanilang mga magulang.
Pagkatapos nilang kumain ay nilinisan na niya ang bunsong kapatid at binihisan bago tinimplahan ng gatas para patulugin.
"Ako na po ang magtitimpla. Baka mali ang mailagay mo na sukat," sabi sa kaniya ni Carlo.
"Sige," sabi niya saka iniabot dito ang hawak na bote ng kapatid.
Kitang-kita niya kung gaano kabihasa ito sa pagtimpla ng gatas taliwas sa kaniya na hindi man lang nasubukan na ipagtimpla ang bunsong kapatid. Madalas kasi ay nagrereklamo siya kapag inuutusan ng kaniyang Mama.
Nang tulog na ang kaniyang mga kapatid ay pumasok siya sa kaniyang kuwarto. Kumuha siya ng gunting at humarap sa salamin. Pinagmasdan niyang mabuti ang kaniyang mahaba at makintab na buhok. Pagkatapos ay dahan-dahan niya itong ginupit.
"Hindi bagay sa tulad kong magulang ang ganito kagandang buhok."