"Rowena, ako ito si Manang Meding," narinig niyang sabi ni Manang pagkalagay ng bulaklak sa puntod ng kaniyang ina. "Pasensiya ka na, ha? Hindi ko man lang nakita ang mga labi niyo ni Mike kahit sa huling sandali. Alam kong iniisip mo ang mga anak niyo pero tulad ng ipinangako ko sa'yo, hinding-hindi ko sila pababayaan. Pangako iyan, Rowena," wika ni Manang kasabay ng mga hikbi nito.
May mga sinabi pa ito ngunit hindi na siya nakinig. Bahagya kasi siyang lumayo para magkaroon ito ng pribabong sandali sa kaniyang mga magulang. Ilang saglit pa ay nagpaalam na ito sa kaniyang mga magulang.
"Halina kayo at baka mahuli na tayo sa biyahe natin. Ilang oras pa ang ating lalakbayin sa bus bago natin marating ang patungong Isla," wika sa kaniya ni Manang.
"Saglit lang po, Manang. Magpapaalam lang po kina Mama at Papa," aniya rito.
"Sige, mauuna na kami ng mga kapatid mo sa banda roon," sabi nito sa kaniya sabay turo sa waiting shed na nasa b****a ng sementeryo.
Tumango siya saka lumapit sa puntod ng kaniyang mga magulang.
"Mama, Papa, aalis na po kami. Hahanapin ko po sa isla ang aming kapalaran. Alam ko pong mahirap pero ipapakita ko po sa inyo na nagbago na ako. Na hindi na po ako ang anak niyo na matigas ang ulo at pasaway. Kun'di maaasahan na po ninyo ako para sa mga kapatid ko. Uunahin ko po sila bago ang sarili ko. Pangako ko po iyan. Saka babalikan ko po kayo kapag natupad ko na ang mga pangarap ko," pabulong niyang sabi habang umiiyak.
Masakit man sa kaniya ang iwan ang lugar na kaniyang kinalakhan ngunit kailangan niya iyong gawin para sa kinabukasan ng kaniyang mga kapatid. Pinahid na niya ang kaniyang mga luha at humakbang na papalayo sa lugar na iyon.
Bitbit ang kanilang mga damit at mga mahahalagang papel ay nilisan nilang magkapatid ang Tondo. Kasama nila si Manang Meding na siyang kinalakhan niyang tumutulong noon sa kaniyang Mama sa pag-aalaga sa kaniya bago pa ito namasukan sa Isla.
"Ito na ba ang last trip papuntang Paraiso?" tanong ni Manang sa konduktor ng bus.
"Oho. Sumakay na po kayo at paalis na po itong bus," sagot ng lalake kay Manang.
"Pakilagay nga itong mga bagahe namin riyan sa ilalim para maluwag kami sa aming upuan," wika rito ni Manang.
Kinuha naman iyon ng konduktor at iniakyat na niya sa bus ang mga kapatid.
"Carlo at Carla, tumabi na kayo kay Manang doon sa pantatluhang upuan. Ako na ang tatabi kay Chase dito sa kabilang bakante," sabi niya sa mga kapatid.
Sumunod naman ang mga ito. Kinuha niya sa kapatid ang bag na may lamang mga gamit ng bunsong kapatid. Gamit ang natira niyang pera ay bumili na siya ng isang lata ng gatas nito. Pinasuotan niya rin ito ng diaper para hindi sila maabala sa biyahe.
Mahigit sampung oras ang tinakbo ng bus na kanilang sinasakyan. Nakadalawang stop-over sila. Umaga na nang marating nila ang terminal ng Bayan ng Paraiso. Nasa gilid iyon ng dagat. Sa 'di kalayuan ay marami silang bangka na nakikita na siyang sinasakyan para makarating sa Isla Del Cielo. Malalaki ang mga bangkang de-motor na iyon na kayang maglulan ng mahigit sa sampung katao.
"Kumusta ang biyahe? Hindi ba kayo nahihilo?" tanong sa kanila ni Manang nang makababa na sila ng bus.
"Hindi naman po," halos magkasabay na sagot ng kambal.
"Ikaw, Cassandra? Nahirapan ka ba riyan kay bunso? Narinig kong umiyak 'yan kagabi," tanong naman sa kaniya ni Manang.
"Hindi naman po, Manang. Humingi lang po siya ng gatas kagabi. Mabait naman po si Chase sa biyahe," tugon niya rito.
"O, siya. Kukuha muna ako ng ticket natin. Hintayin niyo muna ako rito," ani Manang saka pumunta na ito sa bilihan ng ticket.
Mahigit na tatlong oras pa raw bago nila marating ang Isla.
"Okay lang ba kayong dalawa, ha?" tanong niya sa kambal.
"Para akong masusuka, Ate," sabi ni Carla.
"Samahan mo siya, Carlo. Kailangang isuka niya iyan para mawala na ang pagkahilo ni Carla lalo na at sasakay pa tayo sa bangka," sabi niya sa kapatid.
Kaagad namang sumunod ito sa kaniya at nagtungo ang dalawa sa cr na malapit lang naman sa kaniyang kinauupuan. Mahimbing kasing natutulog ang kaniyang bunsong kapatid at mabigat na rin ito.
Ilang saglit lang ay bumalik na si Manang. Sumunod namang dumating ang kambal.
"Tara na," sabi ni Manang sa kanila.
Sumakay na sila sa bangka. Pinagsuot sila ng life vest bago pa man sila pinaupo. Tuwang-tuwa naman ang kambal dahil sa wakas ay nakakita na uli sila ng dagat.
"Saan po pala sumasakay ang mga mayayaman sa Isla, Manang?" curious na tanong niya.
Ngumiti naman si Manang sa kaniyang katanungan. "May sariling airport ang Isla. May mga private plane na galing Maynila at doon sila sumasakay. Sobrang mahal ng pamasahe kaya sa bangka lang tayo. Ang iba naman ay chopper ang gamit," wika nito sa kaniya.
Lalo tuloy siyang na-curious kung ano ang itsura ng Isla El Cielo sa malapitan. Sa mga larawan niya lang kasi ito nakikita. At nababasa niya na para raw itong isang paraiso.
Pagkatapos ng tatlumpong minuto na paghihintay ay tumakbo na ang bangka na kanilang sinasakyan. Masarap sa pakiramdam ang malamig na hangin at maalat na tubig na tumatalsik sa kanila.
Talaga bang sa isla na tayo titira, Ate?" malakas ang boses na tanong ni Carla. Kitang-kita niya ang saya sa mga mata nito.
"Oo," nakangiti niyang tugon dito.
"Wow! Excited na ako, Ate," bulalas nito na hindi na nawawala ang mga ngiti sa labi.
Natutuwa naman siya sa reaksiyon ng kaniyang kapatid. Kahit walang kasiguraduhan ang kanilang kapalaran sa isla.
Makalipas ang mahigit na tatlong oras ay natanaw na nila ang malawak na Isla na napakaputi ng dalampasigan. May mga natatanaw din siyang malalaking gusali na sa tingin niya ay mga hotel. At malalaking mga bahay.
"Diyan marahil nagtatrabaho si Manang," aniya sa kaniyang isipan.
Nang makadaong na ang bangka ay lalong namangha si Cassandra sa kaniyang nakikita. Tunay ngang paraiso ang Isla. Malapulbos ang mapino at puting buhangin nito. Dagdagan pa ng napakalinaw na tubig na makikita mo na ang kailaliman.
"Ang ganda dito, Ate!" sigaw ni Carla saka nito hinubad ang suot na sapatos at tumakbo sa buhanginan.
Sumunod naman ang kapatid niyang si Carlo.
"Ate, baba ako," sabi naman ni Chase sa kaniya.
"Hayaan mo na, ako na ang bahala sa mga gamit ninyo. Samahan mo na ang iyong mga kapatid," sabi sa kaniya ni Manang Meding na natutuwang pinagmamasdan ang kaniyang mga kapatid.
Sakto naman at hindi pa gaanong mahapdi ang init ng araw. Kaya pinalakad niya rin sa buhanginan ang bunsong kapatid. Excited naman itong nagtatakbo at hinahabol ang kambal. Hindi niya masisisi ang kaniyang mga kapatid. Ilang taon na kasi mula ng huli silang makaligo sa dagat. At maging siya ay naiinganyo na ring magtampisaw sa dagat.
Hinawakan niya sa kamay si Chase at naglaro sila sa maliliit na mga alon na humahampas sa dalampasigan. Hinayaan pa niya na maglaro ang mga kapatid. Pagkatapos ng tatlumpong minuto ay tinawag na niya ang mga ito.
"Carlo, halina kayo at kumain muna tayo. Mamayang hapon na tayo maligo sa dagat," sabi niya sa mga ito.
Halos ayaw umalis ng mga ito ngunit napilitan din nang tumalikod na sila ni Chase at nagtungo na kay Manang.
"Nagmamaktol pa ang mga kapatid mo," natatawang sabi ni Manang sa kaniya.
"Kapag hinayaan ko po kahit maghapon na walang ahunan lalaban ang mga 'yan," aniya rito.
"Eh, ngayon lang tayo nakapagdagat uli, Ate, eh," nakangusong sabi ni Carla.
"Tingnan natin kung hindi kayo magsasawa kapag tumagal tayo rito," aniya sa mga ito.
"Oo nga naman. Halina muna kayo at naghihintay na ang maghahatid sa atin sa bahay na siyang titirhan niyo," sabi sa kanila ni Manang.
Sumakay na sila sa isang golf car na siyang pagmamay-ari ng Isla.
"Ang ganda naman po ng kasama mo, Manang," sabi ng lalake na siyang nagmamaneho ng sinasakyan nila.
"Tumigil ka, Chino. Huwag mong pagkainteresan si Cassandra at mananagot ka sa akin," mataray na sagot ni Manang Meding.
"Hi, Cassandra! Ako nga pala si Chino. Welcome to Isla El Cielo," nakangiting bati nito sa kaniya.
"Thank you!" tugon niya rito at bahagya itong nginitian.
Narating nila ang mga nakahilirang mga bahay. Gawa iyon sa konkretong materyales ay may tig dalawang kuwarto ang bawat isa base sa kuwento ni Manang. Tumigil sila sa isang bahay na naroon. Pagkababa nila ay tinulungan sila ni Chino sa pagbitbit ng kanilang mga gamit.
"Manang, anong oras ko po kayo susunduin bukas?" tanong ni Chino kay Manang.
"Bago mag-alas syete dapat andito ka na, ha? Baka magalit si Donya Amanda kapag tinanghali ako ng balik," tugon dito ni Manang.
"Sige po. Bye, Cass!" nakangiting sabi naman nito sa kaniya.
Ngumiti na lamang siya rito. Guwapo naman si Chino at halatang batak ang katawan nito sa pagtatrabaho.
"Mabait na bata iyang si Chino. Sa unahan lang din nakatira iyan. Ang mga magulang niya ay dati ring naninilbihan sa Isla pero tumigil na ang ina niya nang mabiyuda," ani Manang kahit hindi siya nagtatanong.
Kinuha ni Manang ang susi at binuksan ang pintuan ng bahay. Medyo marumi na ang loob ng bahay. Marahil ay sa walang nakatira kaya hindi na nalilinisan.
"Linisin lang natin ito at magiging maganda na ang loob. May mga mabibili naman na gamit sa tindahan diyan sa labasan," sabi sa kaniya ni Manang.
Nilibot niya ang paningin sa loob ng bahay na iyon. Kung malilinisan nga ay mas maayos pa iyon kesa sa inuupahan nilang bahay sa Tondo. Binuksan niya at sinilip ang mga kuwarto na naroon. Maliit lang ang mga iyon at may mga katre na may kutson na rin.
"Kumain na muna tayo. May binili akong kanin at ulam kanina. Ito na muna ang pagsasaluhan natin," sabi ni Manang.
May mesa rin na naroon at pinunasan iyon ni Manang. Inilapag nito ang biniling pagkain. May mga plato rin na naroon. Naghugas siya ng ilang piraso saka hinugasan din niya ang mga kamay ng kaniyang mga kapatid. Masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain na nakahain sa mesa.
"Mababait ang mga nakatira rito. Kahit papaano eh, nagtutulungan ang lahat. Maaari kasing mapalayas dito ang mga lumalabag sa mga patakaran ng Isla," sabi ni Manang habang kumakain sila.
Alam niya na mahirap ang bawat simula. Ngunit magsusumikap siya para makaraos sila sa lugar na iyon.