Chapter 3

1570 Words
"Pagkatapos nating kumain pagtulungan nating linisin itong bahay na pansamantalang titirhan ninyo," sabi sa kanila ni Manang Meding. "Pansamantala po?" tanong niya rito na napatigil pa sa pagnguya ng pagkain. "Oo pansamantala lang, Cassandra. Hindi maaring uwian ka rito araw-araw. Sa umpisa mag-uuwian ka para sa mga kapatid mo pero kapag tumagal ka ng ilang buwan ay papakiusapan natin si Don Manuel na roon na kayo sa mansiyon titira kasama ang mga kapatid mo," paliwanag sa kaniya ni Manang. "Talaga po, Manang? Titira kami sa mansiyon?" nanlalaki ang mga mata na tanong ni Carla. "Tumigil ka nga, Carla. Hindi tayo mayaman at malabong mangyari 'yon kaya dito lang tayo habang nagtatrabaho si Ate sa mansiyon," saway ni Carlo sa kakambal na kaagad namang sumimangot nang marinig iyon. Natawa naman si Manang habang pinagmamasdan ang magkakapatid. "Kaunting tiis lang at mangyayari ang pagtira niyo roon," sabi ni Manang at pasimpleng pinahid ang mga luha na nangilid sa mga mata nito. "Yehey!" sigaw ni Carla nang marinig uli ang sinabi ni Manang na muling sinaway naman kaagad ni Carlo. "Tama na iyan at baka mag-away pa kayong dalawa," saway niya sa mga ito. Kaagad namang nagsitahimik ang kambal kaya nagpatuloy sila sa pag-uusap ni Manang. "Okay lang po, Manang, kung mag-uuwian po ako. Hindi ko rin po kayang iwan ang mga kapatid ko rito lalo na at maliit pa po si Chase. Hindi rin po ako makakatulog na hindi sila kasama," sabi niya kay Manang Meding na napapangiti habang nakikinig sa kaniya. "Alam mo, Cassandra habang pinakikinggan kita nakikita ko sa'yo si Rowena. Ganiyan na ganiyan siya noon," ani Manang sa kaniya. Nang marinig iyon ay bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata. Kaagad naman niyang pinunasan iyon gamit ang manggas ng suot niyang damit. Nangako kasi siyang hindi iiyak sa harapan ng mga kapatid ngunit hindi niya mapigilan ang kaniyang emosyon. Nakaramdam siyang muli ng galit sa kaniyang sarili. Hindi niya pa rin kasi napapatawad ang sarili dahil sa nangyari sa kaniyang mga magulang. "Pasensiya na po kayo at hindi ko mapigilan ang umiyak," aniya habang patuloy na pinupunasan ang mga luha. Nakita niyang umiiyak na rin ang kaniyang mga kapatid. "Ano ba kayo? Nasa harapan tayo ng pagkain kaya tigilan na ninyo ang umiyak," saway sa kanila ni Manang na napapasinghot na rin. "Si Ate po kasi, eh naunang umiyak," sabi naman ni Carlo na panay din ang punas ng mga luha. "Ma-mama..." banggit ni Chase na lalong nagpahagulgiol sa kaniya., Tumayo siya saka kinuha ang bunsong kapatid at pumasok sa loob ng kuwarto. Naiwan naman sina Manang kasama ang kaniyang dalawa pang kapatid na patuloy pa rin sa pag-iyak. "I'm sorry, Chase. I'm sorry... Kasalanan ko kung bakit wala na sina Mama at Papa. Kaya paglaki mo magalit ka rin sa akin. Sumbatan mo rin ako para patuloy kung maramdaman lahat ng sakit dahil hindi ko deserve ang sumaya. Hindi ko deserve ang ngumiti," sabi niya habang niyayakap ang bunsong kapatid na umiiyak. Lalo pa siyang napaiyak nang tumigil ito sa pag-iyak at tiningnan siya nito. Ilang saglit lang ay pinunasan ni Chase gamit ang dalawa nitong maliliit na mga kamay ang kaniyang mga luha. "Thank you, Chase. Sige at titigil na si Ate sa pag-iyak, ha?" sabi niya na pigil ang kaniyang mga luha na nagbabadya na namang tumulo kaya niyakap na lamang niya ito para hindi makita ng kapatid ang pigil niyang pag-iyak. "Tatagan mo pa lalo ang iyong loob, Cassandra. Hindi ito ang panahon para mag-self pity ka. Kailangan ka ng mga kapatid mo. At kahit anong gawin mong pagsisisi sa sarili ay hindi na maibabalik ang buhay ng mga magulang mo. Ang tanging magagawa mo lang sa ngayon ay alagaan sila gaya ng pag-aalaga ng Mama mo. Hindi mo man matumbasan ang pag-aalagang iyon ang mahalaga ay maramdaman nila ang pagmamahal mo," sabi ni Manang Meding na hindi man lang niya naramdaman na nakapasok na pala sa loob ng kuwarto. "Pasensiya na po, Manang at hindi ko napigilan kanina. Kahit anong gawin ko po ay nagi-guilty po ako sa mga nangyari. Kung hindi po sana ako umalis ng araw na iyon ay buhay pa po sana sina Mama at Papa," aniya sabay punas ng kaniyang sipon. "Huwag mong isipin na kasalanan mo dahil hindi ikaw ang may hawak ng buhay nila. Talagang hanggang doon lang sila at nagkataon lang na iyon ang nangyari. Sigurado akong masaya sila ngayon na nakikita kang nagbago at inako mo lahat ng responsibilidad sa mga kapatid mo. Saka nangako ako kay Rowena na hindi ko kayo pababayaan. Kaya umayos ka na riyan at kailangan na nating maglinis dito," mahabang pahayag sa kaniya ni Manang Meding. Bahagyang gumaan ang pakiramdam ni Cassandra dahil sa sinabi sa kaniya ni Manang Meding. "Tama si Manang. Wala na kong magagawa kun'di ang bumawi sa mga kapatid ko. Kailangan kong maging malakas at matapang para sa kanila," sabi niya sa kaniyang isipan. Magkasunod silang lumabas ng kuwarto ni Manang. Pagkalabas nila ay nakita niya ang kambal na nagliligpit na ng kanilang mga pinagkainan. Nang makita siya nito ay lumapit ang mga ito at masayang yumakap sa kaniya. "Huwag po kayong mag-alala, Ate at aalagaan po naming mabuti si Chase kapag nasa trabaho po kayo," sabi sa kaniya ni Carlo. "Opo, Ate. Sanay na po kaming mag-alaga sa kaniya," sabi naman ni Carla. "Salamat sa inyong dalawa, ha? Sige na, laruin na muna ninyo si Chase at ako na ang bahalang magtapos ng ginagawa ninyo," wika niya sa dalawa at iniabot niya sa mga ito ang bunsong kapatid. Magkahawak ang mga kamay ng tatlong bata na naglakad at lumabas ng bahay. May palaruan kasi silang nakita sa unahan lang ng kanilang tinitirhan at mapuno iyon kaya hindi mainit kahit na tanghaling tapat. Pagkaalis ng mga bata ay mabilis ang mga kilos na naglinis sila ni Manang. Kahit may edad na si Manang Meding ay maliksi pa rin ito kung kumilos at daig pa siya dahil sa wala nga siyang alam na gawaing bahay. "Masasanay ka rin kapag nasa mansiyon ka na. Ang mahalaga eh, matiyaga kang matuto sa mga gawaing bahay," ani Manang Meding sa kaniya pagkatapos nilang maglinis. "Opo, Manang. Gagawin ko po ang lahat kahit gaano man po kahirap para mabuhay ko lang po ang mga kapatid ko at mapag-aral sila," tugon niya. "O siya, tawagin mo na sila at nang makapagpahinga na muna tayo. Nakakapagod din ang ginawa nating biyahe," sabi sa kaniya ni Manang. Lumabas siya ng bahay at sinundo na ang mga kapatid na masayang naglalaro sa palaruan. Halos ayaw pang magsiuwi ang mga ito ngunit napilitan din. "Ate, puwede po ba kaming maglaro rito kahit wala po kayo?" tanong sa kaniya ni Carla habang naglalakad sila pabalik ng bahay. "Kung maari sana eh, doon muna kayo sa loob ng bahay maglaro. Hindi pa ninyo kabisado itong lugar saka baka mawili kayong dalawa at mapabayaan n'yo si Chase," sagot niya sa kapatid. "Okay po, Ate. Sa loob na lang po kami maglalaro kapag wala po kayo," sabi naman ni Carlo. Pagkabalik nila sa bahay ay pinunasan niya ang bunsong kapatid at pinalitan ng damit. Gan'on din ang pinagawa niya sa dalawa. Ipinagtimpla niya ng gatas si Chase saka pinatulog. Nang mahimbing na ang tulog ni Chase ay siya naman ang naglinis ng katawan at nagbihis. Tumabi siya sa kapatid at ilang saglit lang ay mahimbing na rin siyang nakatulog. Buhat ng mamatay ang kaniyang mga magulang ay ngayon lang nakaramdam ng kapayapaan kahit papaano sa kaniyang puso si Cassandra kahit hindi pa niya alam ang kaniyang magiging kapalaran sa Isla. Naalimpungatan nang magising si Cassandra. Pakiramdam niya kasi ay ang haba na ng kaniyang itinulog. Tiningnan niya ang kaniyang mga kapatid na mahimbing pa rin sa kaniyang. Bumangon siya at lumabas ng kuwarto. "Oh, gising ka na kaagad?" tanong sa kaniya ni Manang na abala sa pagluluto ng kanilang hapunan. "Mahaba na po ang tulog ko na iyon, Manang. Buhat kasi ng mamatay sina Mama ay hindi na po ako nakakatulog ng maayos," wika niya sa matanda. "Cassandra, huwag mong pasanin lahat ng problema mo. Tandaan mo na nandito lang ako. 'Wag na 'wag mong kakalimutan iyan," malumanay na sabi sa kaniya ni Manang Meding. "Salamat po ng marami sa inyo, Manang. Sa totoo lang po pakiramdam ko pasan ko na ang mundo. Pero kapag tinitingnan ko kung ano po ako noon saka ngayon napapangiti na lang din po ako. Ibang Cassandra na po ang nakikita ko. At alam ko po na ito ang palaging sinasabi sa akin ni Mama dati na dapat kung gawin," wika niya na pinipigilan ang muling maluha. "Mas marami ka pang haharaping pagsubok sa buhay. Pero ito pa ang isang dapat mong tandaan, lulubog man ang araw ay sisikat din itong muli. Kung may hirap may ginhawa rin naman," payo sa kaniya ni Manang. "Tatandaan ko po iyan, Manang," nakangiti niyang sabi rito. Nang gabing iyon ay halos ayaw dalawin ng antok si Cassandra. Iniisip niya kasi ang magiging buhay niya sa kaniyang papasukang trabaho at ang pag-iwan sa mga kapatid. Kahit maghapon lang iyon ay hindi niya maiiwasang mag-alala lalo na at parehong bata pa ang mga ito. "Umasa kang magiging okay lang sila, Cassandra. Tiwala ka lang at manalangin ka," sabi ng kaniyang isipan. Huminga siya ng malalim at ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Pilit niyang pinapapanatag ang kaniyang kalooban. Iniisip niya na wala naman siyang magagawa kung patuloy lamang siya sa pag-aalala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD