Chapter 4

1602 Words
Alas singko pa lang ng umaga nang magising si Cassandra. Kaagad siyang bumangon at nagluto ng almusal. Ilang saglit lang at bumangon na rin si Manang Meding. Ipinagtimpla niya ito ng kape. "Nakatulog ka ba ng maayos?" tanong sa kaniya ni Manang. "Hindi po gaano, Manang. Hindi ko rin po kasi maiwasan na mag-alala sa tatlo pero pinilit ko rin po na ipanatag ang aking kalooban," tugon niya sa matanda. "Tama, Cassandra. Walang mangyayari kapag naging balisa ka. Mahihirapan lang ang kalooban mo. Pagkaluto mo ng almusal ay ginisingin mo na ang kambal at ng makakain na tayo. Kailangan nating makapunta ng mansiyon ng maaga," ani Manang sa kaniya. "Sige po, Manang. Magluluto na rin po ako ng ulam nila sa tanghalian," aniya. "Teka, marunong ka ba talagang magluto? Eh, bakit ang itim ng hotdog?" tanong sa kaniya ni Manang na napatayo pa at nilapitan siya nito. "Ah, eh, hindi pa po gaano, Manang," nahihiya niyang sabi rito. "Naku, bata ka! Marami ka pa ngang dapat matutunan na trabaho. Huwag kang mag-alala at tuturuan kita. Ako naman ang nagluluto at maglilinis ka lang doon saka kung ano ang iniuutos ng mga amo natin," sabi sa kaniya ni Manang sabay kamot ng ulo nito. "Pasensiya na po kayo, Manang. Sobrang tigas po kasi ng ulo ko noon. Hindi po ako nakikinig kay Mama kapag tinuturuan ako sa gawaing bahay," aniya na bahagyang nalungkot nang muling maalala ang ina. "Ayan ka na naman. Huwag mo ng isipin ang nakaraan at wala namang maitutulong sa'yo iyon maliban sa leksiyon. Mag-focus ka na sa kasalukuyan at hinaharap. Lahat naman ng bagay napag-aaralan," wika ni Manang Meding na hinawakan pa ang kaniyang mga kamay. "Sige na, gisingin mo na ang mga kapatid mo at ako na ang tatapos dito," dagdag pa nito. Sumunod siya sa sinabi ni Manang. Ginising niya ang kambal at hinayaan na muna ang bunso na mahimbing pang natutulog. Pagkatapos nilang kumain ng almusal ay naligo na siya at nagbihis. "Tandaan niyong dalawa ang ibinilin ko sa inyo lalo ka na Carlo. Ikaw ang mas nakakaintindi. Magtatrabaho lang si Ate at kayo na muna ang bahala kay Chase. 'Wag na 'wag kayong pumunta sa tabing dagat, ha? Dumito lang muna kayo sa loob ng bahay," bilin niya sa kambal na kapatid. "Okay po, Ate," halos magkasabay na sagot ng dalawa. Wala pang alas syete ay narinig na nila ang busina ni Chino. Lumabas sila ni Manang pagkatapos niyang yakapin at halikan ang mga kapatid. Panay pa ang kaway ng mga ito sa kaniya. "Good morning, Cass!" nakangiting bati sa kaniya ni Chino. "Good morning too, Chino," nakangiti niya ring tugon dito. "Bakit si Cassandra lang ang binati mo, aber?" masungit na tanong dito ni Manang Meding habang sumasakay. Napakamot naman ng ulo si Chino at natawa ng bahagya. "Good morning, Manang!" sabi nito sa matanda sabay ngiti. "Naku, wala ng maganda sa umaga at sinira mo na," pabirong sabi nito kay Chino. "Sige na umalis na tayo at siguradong naghihintay na sila sa amin sa mansiyon," ani Manang sa binata. Habang nasa biyahe ay nakatanaw lang si Cassandra sa kaniyang paligid. Nakikita niyang paganda na ng paganda ang kanilang nadadaanan. "Kitang-kita talaga ang pagkakaiba ng mahirap at mayaman dito. Sana maipasyal ko rin ang mga kapatid ko sa lugar na ito," sabi niya sa kaniyang sarili. "Siguradong matutuwa ang kambal dito," dagdag pa niya. "Halika na. Bababa na tayo," narinig niyang sabi ni Manang na siyang nagpabalik sa kaniyang isipan. "Okay po, Manang," aniya at kinuha na ang bag ng matanda. "Salamat din sa'yo, Chino," wika naman niya sa binata na todo pa rin ang ngiti sa kaniya. "Walang anuman, Diyosa!" sagot nito na nagpangiti sa kaniya. "Chino, hintayin mo mamaya si Cassandra para may kasabay siya pauwi. Umayos ka, ha at pinagkatiwalaan kita," may halong pagbabanta na sabi rito ni Manang. "Si Manang naman ginawa na akong masamang tao sa harapan ni Cassandra. Kilala niyo po ako at good boy 'to," confident na tugon ni Chino. "O siya basta hintayin mo siya mamaya," bilin pa nito saka nauna na itong naglakad patungo sa malaking bahay na napapaligiran ng mataas na pader ngunit kita naman sa gate ang loob niyon. Sumunod naman siya pagkatapos niyang kawayan si Chino. "Grabe ang laki naman ng bahay na ito. Nagkikita pa kaya ang mga nakatira rito? Siguro masarap maglaro ng taguan sa ganito kalaking bahay," sabi niya sa sarili habang nakatingala sa mansiyon na nasa kaniyang harapan. "Magandang umaga po, Manang. Mabuti naman po at nakabalik na kayo," magalang na bati rito ng Security guard. "Magandang araw naman, Rolly. Siya nga pala ang sinasabi ko sa iyo na bagong kasambahay dito sa mansiyon, si Cassandra," pakilala sa kaniya ni Manang sa bantay ng gate. "Magandang umaga po," nakangiti niyang bati rito. "Napakaganda talaga ng umaga kapag ganito kaganda ang aking nakikita," pabirong sabi sa kaniya ni Mang Rolly. "Naku, Ineng, masanay ka na sa matandang ito at mapagbiro iyan. Huwag mo lang masyadong seryosohin ang mga sinasabi niya," wika sa kaniya ni Manang. "Okay po," natatawang sagot niya rito. "Si Manang talaga. Parang sinabi niyo na binubola ko lang si Cassandra. Totoo naman pong napakagandang niya," ani Mang Rolly habang kumakamot ng ulo. "Alam ko kaya inuunahan ko na kayo. Pare-pareho lang kayo ni Chino kaya hindi ka na nakapag-asawa dahil puro ka biro," saad dito ni Manang. "Ayan na naman at uungkatin niyo na naman po ang buhay ko. O siya, pumasok na po kayo at umuusok na ang ilong ni Donya Amanda," sabi sa kanila ni Mang Rolly. Pumasok na sila sa malawak na Hardin ng mansiyon. Panay ang tingin ni Cassandra sa paligid. Hindi talaga siya makapaniwala sa kaniyang nakikita. Sa TV at magazine niya lang kasi nakikita ang mga ito. "O tingnan mo ang dinadaanan mo at baka madapa ka," sabi sa kaniya ni Manang nang lingunin siya nito. "Ang laki at ang ganda po ng bahay na ito, Manang. Nalilinis niyo po lahat ng ito?" tanong niya sa matanda. "Hindi naman lahat ng parte ng bahay ay nagagamit. Minsan lang sa isang buwan kung linisan ang mga bakanteng kuwarto. Ang tatlo lang ang araw-araw," tugon nito sa kaniya. Sa likurang bahagi sila ng bahay dumaan. "Hindi tayo pwedeng dumaan sa harapan maliban na lang kung kasama tayo ng mga amo natin," sabi sa kaniya ni Manang. "Okay po. Tatandaan ko po," aniya. Kinuha sa kaniya ni Manang ang bag nito na hawak niya at ipinasok iyon sa silid nito. Pinaiwan na siya nito sa isang malawak na kusina. "Nakakapagod siguro ng husto ang magtrabaho sa kusinang ito. Napakalaki!" wika niya sa kaniyang sarili. "Who are you?" tanong ng isang malakas na boses babae sa kaniya. Nagulat siya at napalingon sa pinanggalingan ng boses na iyon. Nakita niya ang isang maganda at mestisang babae. Bigla siyang kinabahan nang makita ang galit nitong mukha. Napalunok siya at napalakad ng paurong. "Magnanakaaawwww..." biglang sigaw ng babae. Natuliro si Cassandra sa kaniyang narinig na sigaw nito. Hindi siya nakagalaw at pinapawisan siya ng malapot. Nakita niyang may mga taong nagsidatingan. Maging si Manang Meding ay napalabas din ng kuwarto nito. "What's happening here?" tanong ng isang baretonong boses. "May nakapasok pong magnanakaw dito Daddy. Siya," sagot ng magandang babae sabay turo sa kaniya. "Naku po, nagkakamali kayo, Senyorita Yvonne. Si Cassandra po ito. Hindi ho siya magnanakaw. Kasama ko ho siya at papasok siya rito bilang kasambahay," paliwanag ni Manang sa mga ito. "What? Eh, bakit nandito siya sa kusina na hindi pa namin siya nakikilala?" mataray na tanong nito kay Manang. "Pasensiya na ho kayo. Ipinaiwan ko ho siya muna rito at ipinasok ko lang ang mga gamit ko sa loob ng kuwarto," sagot dito ni Manang. "That's enough. Next time mag-ingat ka sa mga paratang mo, Yvonne. Makakasakit ka ng damdamin ng iba," saway dito ng may edad nang lalake. "So, kasalanan ko pa pala, Daddy? Bakit hindi itong babae ang pagsabihan niyo? Kainis!" maktol nito saka padabog na umalis pagkatapos siyang tingnan ng masama. Nakita niyang napahugot na lang ng malalim na hininga ang matandang lalake na kahit may edad na eh, hindi pa rin maitatago ang kaguwapuhan at kakisigan. "Pasensiya na po kayo. Kasalanan ko po ito," sabi ni Mama ng Meding sa tingin niya ay mag-asawa na siyang magiging amo rin niya. "It's okay, Manang. Isang simpleng misunderstanding lang ang lahat. Pasensiya ka na rin, Cassandra sa inasal ng anak ko," wika sa kaniya ng Don. "Ako po dapat ang humingi ng pasensiya, Sir. Nagulat lang po ako kaya hindi ko po nasabi kay Ma'am kung sino po ako," magalang niyang sabi habang nakayukod sa mga ito. "That's enough, Honey. It's too early para tumaas ang mga BP natin dahil sa mga ito. So, siya pala ang bago mong makakasama rito, Manang?" tanong ng may edad na ring babae ngunit maganda at maayos ang postura na hindi maitago ang kayamanan dahil sa suot na mga alahas nito. "Opo, Madam. Siya po si Cassandra na anak po ng sinabi ko sa inyo na kapitbahay ko pong namayapa na," sagot dito ni Manang. "Okay! Turuan niyo na ho siya ng mga dapat niyang magiging trabaho rito sa bahay. Just make sure sa kaniya na malinaw niyo ring maituro ang mga rules dito," bilin nito kay Manang. "Oho, Madam. Ako na po ang bahala sa kaniya," ani Manang. "Ipaghanda niyo na po muna kami ng almusal, Manang at aalis pa ako," sabi rito ng Don. Sinulyapan siya nito bago inaya ang asawa na umalis na. Pagkaalis ng mga ito ay kaagad siyang niyakap ni Manang dahil pakiramdam niya ay nanghina ang kaniyang mga tuhod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD