“Paano ba ’yan? Mukhang next time na tayo magkakarera?” tanong sa akin ni Cyrielle na ikinairap ko. Heto na naman, ipapatawag na naman ako ng lalaking ’yon tapos ano? Sabay ulit kaming kakain?
Pasimpleng nagtangis ang aking baga sa bagay na ’yon. Mukhang wala na naman pala akong choice kung hindi sundin ang kaniyang kagustuhan. Hindi ko nga alam kung bakit kailangan na magpunta pa ako roon kahit na nandito naman ang pinsan niya? Puwede naman silang magkasama na kumain dahil magkamag-anak naman sila pero bakit ako pa?
“Next time na lang,” maikling sambit ko bago magpaalam si Cyrielle sa akin. Sinundan ko lamang siya ng tingin hanggang sa mawala na ang kaniyang bulto.
Nakarinig naman ako ng pagtikhim sa aking harapan. Kaya dagli naman akong napalingon sa kaniyang gawi at tanggalin ang emosyon sa aking mukha. Kahit kailan kasi talaga ay panira ang lalaking ’yon sa buhay ko. Kung kailan na gusto kong umuwi o gumala, saka naman siya magpapatawag.
“Hinihintay ka niya ngayon sa dining area,” aniya na nagpataas ng isa kong kilay.
“Bakit? Sasamahan ko na naman siyang kumain?” tanong ko sa butler.
Alam ko naman na ang bastos ng dating ko dahil sa paraan ng pagtanong ko ngunit hindi ko na kasi talaga mapigilan. Napipikon na ako. Kung ganito na lang palagi ang gagawin niya, paano ko naman maipagtatanggol ang sarili ko kung pasimple niya akong binu-bully?
Bully na ’to kung tutuusin. Una, kinuha niya ang eyeglass ko tapos hindi man lang binalak ibigay. Pangalawa, tinawag pa akong bata kahit na ang totoo ay ilang taon lang naman ang gap namin. Saka paanong naging bata ako kung sadyang matanda lang siya? Kasalanan ko ba ’yon? And wait, Daddy? Daddy ang itatawag ko sa kaniya? Mas maganda pang sabihin kong old hag.
Hindi na nagsalita pa ang butler at tumalikod sa akin. Isang pala-tandaan na naman iyon na susunod ako sa kaniya hanggang sa makarating kami sa dining area. Nagngitngit na naman ako sa galit dahil sa ginagawa ni Sir Napoleon sa akin. Oo nga at gutom ako pero hindi ibig sabihin no’n ay kakain ako kasama siya. Hindi naman ako Smirnov para samahan siya sa kaniyang pagkain. Magkaibigan lang ang mga pamilya namin pero hindi naman ibig sabihin no’n na magkaibigan na rin kami. Wala akong balak maging kaibigan ang lalaking hambog. Lalo na iyong palagi akong minamaliit? Hindi nakakatuwa. Sa katunayan nga, sa kaniya lang ako nainis nang ganito. Kaya kong i-compose ang sarili ko sa ibang tao pero kapag kay Sir Napoleon na, nawawalan na ako ng pasensya sa tuwing naaalala ko ang mga ginawa niya sa akin.
Ipinilig ko ang aking ulo habang patuloy sa pagsunod sa butler. Kung puwede lang sanang tumakbo at tumakas, ginawa ko na kaso alam ko naman na sasabihan ni Sir Napoleon ang kaniyang mga nagkalat na alagad para sundan at huliin ako. Wala rin lang namang silbi kung tatakbo ako pero mahuhuli rin naman ako. Sinasayang ko lang ang effort ko kung ganoon man ang mangyari.
“Sir Napoleon,” tawag ng butler sa lalaking kinamumuhian ko. Nakaupo na siya ngayon sa hapag habang nakatitig sa aking gawi.
Imbis na titigan siya, inilihis ko na lamang ang aking mga mata hanggang sa napansin ko ang bulto ng lalaking naka-cross arms pa habang nakatingin sa butler.
Siya ba si Sir Elijah Vincent?
Ngayon ko lang siya nakita. Never kasi akong tumitingin sa mga lalaking Smirnov dahil nga sa hindi ko naman sila tipo. Si Cerese lang talaga ang nakakakilala sa kanilang lahat dahil bilib na bilib siya sa achievements nila at sa mukhang taglay ng mga Smirnov. Guwapo raw kasi at nakakalaglag daw ng panty kahit na sa paningin ko naman ay hindi. Parang normal lang naman silang nilalang sa paningin ko. Walang special kagaya ng sinasabi ng pinsan kong patay na patay sa angkan na ’to.
Sabi pa niya, guwapo rin daw ang mga kaibigan ng Smirnov, ang mga Primanov. Sa katunayan, nalaman ko rin na mafia rin pala sila at parang magkaibigan ang kanilang mga angkan magmula pa noon. Kung rank naman ng kanilang pamilya ang pag-uusapan, wala akong alam masyado. Kaunti lang ang nalalaman ko, mafia silang lahat. Hindi ko nga lang sigurado kung may kaibigan din silang ibang angkan. Hindi ko na kasi inaalam. Mahirap na baka mas lalong magulo ang aking mundo.
“Have a seat,” mariing utos ni Sir Napoleon pero hindi ako gumalaw sa aking kinatatayuan. “Miss Zolani.”
Kinagat ko ang aking dila at napilitang umupo na lang sa bakanteng upuan na medyo malayo sa kaniya. Ayaw ko siyang katabi. Napipikon lang kasi ako kapag katabi ko siya. Lalagyan niya ng pagkain ang plato ko kahit wala naman akong balak kumain nang marami. Napilitan nga akong ubusin ang pagkain ko kahapon dahil sa kaniyang ginawa. Halos masuka na ako sa busog pero siya, karga pa nang karga.
Kahit sabihin ko pang wala na akong balak kumain, lagay pa rin siya nang lagay. Nakakainis nga lang dahil pilit niya akong pinapakain kahit sinabi ko naman na kaunti lang ang kinakain ko dahil mabigat talaga sa tiyan at balak ko ring kumain sana sa bahay.
“Malayo ka masyado,” sambit niya pero hindi ako gumalaw sa aking kinauupuan. “Zolani.”
Nakakahiya ang ginagawa niya. Nandito pa ang pinsan niya pero ganito siya makipag-usap sa akin. Talagang tinawag pa ako sa pangalan kong Zolani kahit na dapat ay Miss Rusco. Hindi naman kami close para tawagin niya ako sa pangalan ko. Saka may kasalanan pa siya sa akin, iyong salamin ko!
Dahil nga nagmatigas ako, nakarinig ako ng paggalaw ng upuan hanggang sa naramdaman ko na lang ang presensya niya sa aking tabi.
“Whipped.”
“Shut the f**k up, Elijah,” malutong na wika ni Sir Napoleon na ikinagulat ko. Imbis naman na sumagot si Sir Elijah, narinig ko lamang siyang ngumisi bago kumuha ng pagkain.
Binasa ko naman ang aking ibabang labi at tinangkang kunin ang kanin pero inunahan ako ni Sir Napoleon at dali-daling naglagay nang maraming pagkain sa aking plato. Napaawang muli ang aking labi dahil literal na pinuno niya ang plato ko ng kanina na dapat ay hindi.
Ang plato pa naman na gamit namin ay iyong malaki talaga. Akala mo ay nakikasal para punuin nang marami ng pagkain. Hindi ko tuloy lubos maisip kung kakasya ba ang pagkain na nilagay niya sa aking tiyan. Kasi pati ulam, nilagay niya rin sa plato ko.
“Sir Napoleon, masyadong marami,” sambit ko para patigilin siya sa kaniyang ginagawa.
“Kakain tayo sa iisang plato,” maikling wika niya.
Ngunit imbis na mapunta ang atensyon ko sa kaniyang sinabi, narinig kong may nasamid. Kaya napalingon ako sa gawi ni Sir Elijah na ngayon ay pilit umiinom ng tubig.
“Sir—”
“Don’t mind him. Malaki na siya. Kaya na niyang alagaan ang sarili niya,” pigil sa akin ni Sir Napoleon na ikinanganga ko sa gulat.
Bakit naman hindi man lang siya kabahan sa pagkakasamid ng pinsan niya? Hindi man lang ba niya naisip na posibleng mamatay si Sir Elijah kung hindi matitigil ang pagkasamid niya? At talagang kalmado lang siya sa lagay na ’yon at hindi man lang kinabahan kahit kaunti?
“I know what you’re thinking. Hindi siya mamamatay sa pagkasamid lang. Sa bala, puwede pa,” dagdag pa niya na nagpahilo sa aking paningin. Hindi ko kasi talaga maintindihan ang humor niya kung pinsan. Ibang-iba sa nakasanayan kong humor. “Let’s eat. Isang plato na lang para kaunti lang ang hugasan ng mga kasama namin sa bahay.”