CHAPTER 1

1598 Words
(6 Months Ago) MIA's POV; "Huwag po kayong mag-alala ma, pagbubutihan ko po ang pagtatrabaho sa Mansion," pangako ko kay Mama na kasalukuyang nag-aayos ng mga gamit na dadalhin ko sa pamamasukan ko sa Mansion ng mga Del Fuego. "Anak hindi mo pa gamay ang mga gawain doon, hindi ko maiwasang mabahala," nag-aalalang sambit nito. "Ma, ganun naman po talaga kapag nag-uumpisa palang. Isa pa sanay naman po ako kay Don Franco dahil matagal na po tayong nakatira dito sa Hacienda," paninigurado ko sa kanya. Simula pagkabata ay dito na kami nakatira ng aking mga magulang sa Hacienda Del Fuego. Hanggang sa lumaki ako ay andito parin kami at nakasanayan ko na ang madalas na pagbisita dito saamin ni Don Franco at mukha naman itong mabait. 'Yon nga lang ay hindi pa ako nakakapunta sa mansion nito dahil hindi ako isinasama nina mama tuwing ipinapatawag sila roon ni papa. Malawak ang Hacienda Del Fuego, may rancho, taniman ng mga palay, gulay at prutas gaya ng mga mangga at pinya, ubasan at ang nakatoka kayna mama at papa ang taniman ng kape. Lampas kalahating porsyento ng bayan ng San Fernandez ang Hacienda Del Fuego kaya masasabi kong sobrang yaman talaga ni Don Franco at halos ang pamilya na nila ang may kontrol sa buong San Fernandez. Maging ang Mayor ay takot sa kanila. "Basta kapag may problema ka ay tawagan mo ako agad!" bilin niya na mabilis ko namang tinanguan. "Kung hindi lang talaga dahil sa pagkakautang ng papa mo dahil sa pagsusugal niya ay tiyak na may pambili sana tayo ng gamot ng ate mo at hindi mo na sana kakailanganin pang mamasukan sa mansion. Hindi pa matitigil ang pag-aaral mo." Nahimigan ko na naman ang inis sa boses ni mama. "Ma, hayaan mo na po. Huwag mo nang sisihin si papa. Mag-aaway na naman kayo niyan eh." Ayaw ko talagang nakikitang nagtatalo ang mga magulang ko kaya naisipan kong isakripisyo nalang ang pag-aaral ko para matulungan sila sa gastusin dito sa bahay at sa pagpapagamot ni ate. Sumasahod naman sina mama at papa kay Don Franco pero kulang pa 'yon sa mga utang ni papa. Ang buong akala namin ay bumibisita lang sa kanyang mga kaibigan si papa nang madalas itong pumunta sa bayan, 'yon pala ay nalulong na ito sa sugal at ang masaklap ay naubos pa pati ang ipon nila ni mama at nabaon pa siya sa utang. "Hindi ko talaga mapigilan! Talagang inis na inis ako diyan sa ama mo at gustong-gusto ko siyang tirisin. Kung naging kuto nalang sana siya ay matagal ko na siyang tiniris nang mawala na siya nang tuluyan sa landas natin!" "Ma naman, kahit naman ganyan si papa ay huwag ka naman pong humiling nang ganyan," saway ko sa kanya. "Ewan ko sa inyo! Basta buwesit na buwesit ako diyan sa ama mo! Kita mo, ngayon ang alis mo papunta sa mansyon pero kahit anino niya wala dito!" asik ni mama. "Nauunawaan ko naman po si papa." Marahil ay nagui-guilty parin ito hanggang ngayon na siya ang dahilan kung bakit ako tumigil sa pag-aaral. "Kakaunawa natin sa kanya mas lalong lumaki ang ulo niya mas malaking perwisyo pa ang nagawa niya sa pamilyang ito!" "Ma huwag na po kayong mag-away ni papa. Paano ako makakapagtrabaho nang maayos niyan kung iisipin ko na hindi kayo okay? Please lang ma, mukha namang nagsisisi na si papa kaya huwag na natin siyang awayin," pagsusumamo ko. Hindi na sumagot pa si mama, binuhat nalang nito ang malaking bag na naglalaman ng mga gamit ko palabas ng aking silid. Napabuntong hininga ako habang pinagmamasdan ko ang kabuohan ng aking silid. Ang maliit na higaan ko na gawa sa kawayan, ang lamesang gawa sa plastic na regalo pa sa'kin ni papa nong unang araw ko sa kolehiyo na nagsilbi kong study table at ang iilang mga libro na nakalagay sa maliit na tukador. 'Yon ang mga bagay na nasanay akong makita tuwing umaga pagkagising ko at ang amoy ng masarap na sinangag ni mama. Mamimiss ko ang lahat ng iyon at ang mga pangaral ni mama at araw-araw na sermon niya sa'min ni ate tuwing tinatanghali kami ng gising. Paglabas ko ng aking silid ay pinasadahan ko ng tingin ang kabuohan ng aming bahay. Gawa ito sa kawayan at halos lahat ng mga mesa at upuan namin ay yari din sa kawayan. Maliban sa dalawang plastic na upuan sa tapat ng maliit at medyo luma naming tv na nabili pa ni mama nong minsang nanalo siya sa pa-raffle ni Don Franco nong Christmas party dito sa Hacienda Del Fuego. Napatingin ako sa silid ni ate, namimiss ko siya. Hindi ko manlang magawang magpaalam sa kanya dahil nasa ospital ito ngayon. Mag-iisang buwan na rin siyang nasa ospital sa Maynila at kahit anong gawin kong pakiusap ay hindi ako isinasama ni mama na dalawin siya dahil masyadong mahal daw ang pamasahe. Mapalad nga raw kami at pumayag ang pinsan niya na si Tita Mitch na siya na muna ang magbabantay kay ate habang nagtatrabaho sina mama at papa para may panggastos si ate sa gamutan niya. Ang hirap talagang maging mahirap, pero pinapangako ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat matulungan ko lang ang pamilya ko kahit ano pa ang maging kapalit nito. ******* Pagkapasok ko palang sa malaking gate ng Mansyon ay namangha na agad ako sa lawak nito. May nakita pa akong water fountain sa gitna ng malawak nilang hardin na napapalibutan nang iba't-ibang uri ng bulaklak. Sinong mag-aakalang sa puso ng malawak na Hacienda Del Fuego ay may ganito ka gandang mansyon na nakatayo? Sinalubong agad ako ng mayordoma na kaibigan ni mama at iginiya ako nito patungo sa Maid's Quarters upang mailagay ko ang mga gamit ko sa aking magiging silid. "Ito ang magiging silid mo," sambit ng mayordoma dito sa mansyon na si Manang Beth. Matagal ko na siyang kilala dahil minsan na siyang naimbitahan sa bahay noong kaarawan ni mama. Itinuro nito ang pangatlong pinto mula sa b****a ng Maid's Quarters. Binuksan niya ito at namangha ako sa nakita ko. Mas malawak pa ito sa pinagsamang silid naming dalawa ng ate ko. Napansin kong may dalawang kama at kabinet na naroon kaya maaring may kasama ako dito sa silid. "May kabinet riyan na maaari mong paglagyan ng mga gamit mo lalo na ng mga damit. Ang gawain mo sa umaga ay maglinis sa third floor at sa tatlong silid doon. Tandaan mo tatlong silid lamang ang maaari mong linisin huwag kang papasok sa ibang silid," bilin nito sa'kin. "Paano ko po malalaman kung alin lang ang silid na lilinisin ko?" naguguluhang tanong ko sa kanya. "Si Joan na ang bahalang magpaliwanag sa'yo dahil siya naman ang makakasama mo sa trabahong ito. Kayong tatlo nina Tess ang naka-assign sa third floor," paliwanag niya. "Siya rin po ba ang kasama ko dito sa kuwarto?" "Oo, siya nga. Makikilala mo na siya mamaya pagkatapos ng trabaho niya. Si Tess naman ay bukas mo makikilala kapag nagsimula ka na. Sa ngayon ay magpahinga ka na muna." Napatango nalang ako sa sinabi nito. Pagkaalis ni Manang Beth ay sinimulan ko nang ayusin ang mga gamit ko. Doon ko ito inilagay sa kabinet na malapit sa bintana. Ito lang kasi ang bakante dahil may laman na 'yong isa, marahil ay ito ang ginagamit ni Joan. Gabi na nang pumasok si Joan sa silid. Sa tingin ko ay magkasing-edad lang kami, morena ang balat nito, itim at kulot ang buhok na hanggang balikat. Mukha naman itong mabait dahil ngumiti ito agad nang makita niya akong nakaupo sa kama. "Ikaw pala ang bagong kasambahay? Ako nga pala si Joan," nakangiting pagpapakilala niya matapos niyang maisara ang pinto. Tumango naman ako, "Mia, 'yon ang pangalan ko. Anak ako ng isa sa mga magsasaka dito sa Hacienda." "Ang ganda mo at ang kinis at ang puti ng balat mo, hindi halatang anak ka lang ng magsasaka," wika niya na ikinatawa ko. "Nasa lahi na siguro namin ang pagiging maputi," sagot ko. Totoo naman kasi, sina mama at papa ay parehong maputi at kahit bilad sila sa araw maghapon ay hindi sila umiitim bagkos ay nagiging kulay rosas lamang ang balat nila kapag naiinitan. Ang ate ko naman ay ganun din lalo na at minsan lamang ito lumabas ng bahay. "Sana all." Kapwa kami natawa sa sinabi niya. "Nasabi pala sa'kin ni Manang na makakasama mo kami ni ate Tess sa paglilinis sa third floor," pagtukoy nito sa aming trabaho. Marahang tumango ako. "Naku sa lahat ng floor ay doon ka dapat maging maingat dahil naroon ang kuwarto ng masungit na Señorito." Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. "Señorito?" "Oo, si Señorito Axel ang kaisa-isang anak ni Señorito Benedict at Señora Amely. At ang bunsong apo ng Don," paliwanag nito. Marami na akong naririnig tungkol sa bunsong apo ni Don Franco pero ang pagkakaalam ko ay sa Maynila ito lumaki at mas madalas ito sa ibang bansa kagaya ng mga magulang nito. "Ang akala ko ba ay nag-iisa lang ang Don na nakatira dito sa mansyon?" Mabilis na umiling si Joan. "Madalas na siya lang dito pero pumupunta rin dito ang mga apo at anak niya. Ngayon nga ay mukhang dito na mamamalagi si Señorito Axel, bukas na ang dating niya galing France." Natulala ako sa sagot niya. Sa kamalas-malasan ay mukhang ang unang araw ko dito sa mansyon ay ang pag-uwi pa ng masungit na Señorito na iyon. Sana nga lang ay hindi ko siya makadaupang-palad dahil baka pagsinungitan niya ako ay masungitan ko rin siya. Hindi pa naman ako nagpapatalo. Jusme good luck nalang talaga saakin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD