CHAPTER 40 “Tay, susunod po kayo lagi kay Inay ha? Alam ko pong nakakasawa na uminom ng gamot, pero kailangan,” sabi ni Gio sa ama na nakaupo sa wheelchair. Naupo siya nang patalungko sa harap nito para halos magkatapat na sila. Hawak niya ang isang kamay nito at marahan niyang tinatapik-tapik ang ibabaw nito. “Mmm… s-sunod a-ako,” sagot nito kasabay nang mabagal na pagtango. Mula nang ma-stroke ang ama ay hirap na itong magsalita. Noon una nga’y hindi nila maintindihan ang bawat salitang sinasabi nito, at panay pa ang tulo ng laway dahil wala nang kontrol sa facial muscle nito. Sa tulong ng therapy, unti-unti ay umayos ang lagay nito at kahit papaano ay nakakapagsalita na kahit pautal-utal. Binitbit na niya ang mga bag niya, at kulungan ni Rain at saka humalik sa pisngi ng kanyang ina.

