MATAPOS ng isang mahabang araw, p-in-amper ko ang sarili ko sa isang maingat na paliligo bago ako nagbihis ng komportableng pantulog. Nagsiuwian na ang mga pamilya namin lalo na at nilamon na ng gabi ang buong Aklan. Sayang nga kasi hindi ako makakapaglakad-lakad sa labas ang ganda pa sana ng langit at ang dami pang mga nagkikinangang mga bituwin, full moon din kasi kaya siguro mas lalo pang gumanda ang paligid. Dahan-dahan akong naglakad pabalik sa higaan ko.
Nagsimulang bumalik sa akin ang mga nangayari sa mansiyon kanina. Talagang nakikiayon sa akin ang tadhana kanina dahil hindi napansin ng pamilya ko lalo ng mga magulang ko na nawala kami ng matagal ng mga kaibigan ko. Buti na lang talaga at mukhang nag-enjoy sila sa mga naging usapan nila, nangangatog na ako kanina sa kaba pagpasok ko kasi baka mapagalitan ako sa pagtatagal sa labas na siyang bawal na bawal sa kin.
Nahagip ng mga mata ko ang phone ko kaya agad ko iyong kinuha at nagbukas ng social media. Matagal-tagal na rin n’ong huli kong buksan ang social media account ko. Nagsimula akong mag-scroll hanggang sa na-bore ako kaya pinindot ko ang search button.
"Dale Nazarene Marquez," bulong ko.
At agad akong napangiti ng makita ko ang account n’ya. Tama nga si Evelyn talagang guwapo naman talaga ang lalaking ito. Para siyang pinaghalong Greek god at mga lalaki sa webtoon.
Lakas ng karisma, oh! Potential lover! Joke!
“Pero, haist! Saan ko nga ba siya nakita? Bakit pakiramdam ko matagal ko na siyang kakilala?” Hindi kaya?
Kinabukasan
Magkahawak ang aming mga kamay habang ang hangin ay tinatangay ang maliliit na hibla ng aming mga buhok. Masaya kaming tumatakbo nang magkasabay sa isang napakalawak at punong-puno ng mga magagandang bulalak na hardina. Halos lahat ng mga nakapaligid sa amin ngayon ay buhay na buhay, punong-puno ng kulay at kagalakan.
Bumaling siya sa akin habang nakaguhit sa kan’yang mata ang kislap, saya at pagmamahal habang tinitignan ako direkta sa aking mga mata. Nakakahawa ang mga ngiti n’ya. Ayan tuloy hindi ko na rin napigilang hindi mapangiti.
Isang batang lalaki, hindi siya ganoon katangkaran ngunit mas mataas naman ang n’ya height kapag ikokompara sa kin, halos hanggang balikat n’ya nga lang ako. Siguro n’ong nagpaulan ng katangkaran ang Diyos nasa baul ako at mahimbing na natutulog.
Mga mata n’yang mapupungay na nang-uusig ng kamalayan.
"Bless," tawag n’ya sa aking pangalan, bakit pati boses n’ya ang sarap sa ears? Tinago ko ang kilig na meron ako ngayon sa pamamagitan ng malaking ngiti, symepre pakipot naman tayo kahit kunti, pa-hard to get muna kahit marupok naman talaga originally.
“Yes?” pabebe kong tugon. Hindi naman ako pabebe sadyang ngayon lang, feeling ko kasi appropriate naman sa eksena ang maging pabebe muna, wala lang, amats lang.
Ngunit nagulat ako sa sumunod n’yang sinabi. "I love you," malumanay ang naging tono ng boses n’ya.
Ay! May pa-I love you na! Level up agad, ah! Speeds ‘yan?
Humalukipkip muna ako sa saglit. Syempre dapat i-maintain pa rin ang poise kahit deep inside kilig na kilig na. Iniba ko ang aking atensiyon sa pamamagitan ng pagtitingin-tingin sa mga bulaklak na nasa malapit sa kinaroroonan namin.
Kagat labi akong nagsalita. "I love you too," aniya ko bago itaas muli ang aking mukha upang masilayan muli ang maamong mukha ng aking kausap.
Kagimbalgimbal. Napakabilis na nagbago ang paligid mula sa isang napakagandang paraiso bigla itong naging madilim. Oh, my gash! Anong nangyayari? Nagpa-panic na ako habang sinusubukang intindihin ang biglang pag-iba ng lugar. Habang nililibot ko ang aking mga mata sa paligid ay mas lalong patindi ng patindi ang nararamdaman kong takot. Kinakain na ng masidhing itim na usok ang lugar kung nasaan ako ngayon.
"Hopia mani popcorn! Balot! Pinoy! Anong ibig sabihin nito?" umaatras na ng kusa ang mga paa ko. Nag-uumpisa na akong maglakad ng patalikod. Mabilis kong ibinaling sa kaliwa ang atensiyon ko. Umaasa na namamalikmata lang ako.
"Nasaan na ‘to? Bakit biglang dumilim? Gabi na ba? Bakit agad-agad naman yata?"
Hindi ko na maintindihan kung ano ba ang uunahin kong hawakan. Kung ang puso kong halos ramdam ko na kung gaano kalakas ang pagtibok? Siguro kung wala ‘to sa kinalalagyan n’ya ngayon kanina pa ako nito tinakbuhan. O ‘yong mga paa kong parang kinikiliti na sa sobrang kaba? Diyos ko po! Ano pong nangyayari sa mundo? Katapusan na po ng lahat? Salamat sa lahat-lahat na po ba? Lord, save me!
Nagsimula na akong pumaharap sa direksiyon sa aking likuran at nag-umpisang bilisan ang pagtakbo ng maalala ko ang batang lalaki na kausap ko kanina. Nakalayo na sana ako sa kinaroroonan ko ng atakehin naman ako ng konsensiya ko, hindi ko siya pwedeng pabayaan. Tumigil ako sa pagtakbo at muling bumalik sa lugar kung nasaan ako kanina ngunit mukhang nagkamali ako ng desisyon.
Nanlaki ang mga mata ko ng makita kong naglalakad papunta sa direksiyon ko ang lalaking kasa-kasama ko. “Ho-hoy! Ano pang ginagawa mo? Bakit ang talim ng tingin mo sa kin? Nag-I love you ka pa, ah?” nauutal kong pansin pero hindi siya kumibo o nagbago ng ekspresiyon man lang.
“Hoy! Ano ba ‘to? Joke ba ‘to? Nasa circus ba tayo? Bakit may pa horror house?” hindi ko makapaniwalang dugtong ngunit nanatili siyang nakatingin sa kin ng matalim hanggang sa unti-unting nag-iba ang anyo n’ya. Mula sa pagiging anyong tao bigla siyang naging isang malaking hayop.
Hayop! Animal! “Huwag kang lalapit sa kin! ‘Wag! Magagalit ako! Hindi tayo bati!” pero ang paa ko mabilis ng umaabante patakbo.
Wala na akong inaksayang oras pa upang makatakbo ngunit mas mabilis siya sa kin. Napadapa ako at doon ko na lang nakita kong paano tumalon ng matayog ang hayop upang dambahan ako.
“Ahhhhhhhh! Tulong!”
Isang malakas na katakot ang gumising sa kin. "Nak? Bugtaw ka eon? Musiyon sa ubos, makaon ta eon (Translation: Nak? Gising ka na ba? Halikana sa baba, kakain na tayo)," boses ni mama. Nakahinga ako ng malalim lalo na n’ong makita kong nasa kuwarto ko pa rin ako. Hinilot-hilot ko ang mga balikat ko pababa sa mga paa ko ng makaramdam ako ng lamig, pati ang katawan ko ay apektado sa naging panaginip ko.
Hindi ako nagsalita sa halip ay nagsimula akong hanapin ang rosaryong nakatago sa baba ng aking una at ng sa wakas ay mahawakan ko na iyon ay agad akong humalik sa krus. Ang panaginip na naman na ‘yon, ano bang gustong ipahiwatig sa kin ng panaginip ko na ‘to? Bakit paulit-ulit na lang?
Muli akong nakarinig ng katakot mula sa labas ng aking kuwarto. “Nak? Okay ka lang? Tueog ka pa hay? (Translation: Tulog ka pa ba?) Bless?” dinig kong pagsasalita ni mama sa labas. Pumakawala ako ng malalim na buntong hininga bago ko siya napagdesisyunang sagutin.
"Mama! Oo, ma, bugtaw eon ako. Una lang sa idaeom masunod lang ako (Translation: Mama! Opo, ma, gising na ako. Mauna ka na lang sa baba susunod po ako, ma)," mahina kong tugon bago ko inumpisahang ayusin ang sarili ko.
Tumayo ako upang tunguhin ang maliit na vanity table na meron ako sa kuwarto ko. Sunod na kinuha ang suklay at inumpisahang maingat na suklayin ang aking manipis ng buhok. Kung dati ay laging pinupuri ang buhok ko dahil sa taglay nitong kakapalan ngayon ibang-iba na. Pumasok ako sa banyo at sinimulang maghilamos, doon na nga lang ako nagkataon na makita ang sarili ko sa salamin, bakas pa rin sa buo kong mukha ang takot at kaba. Hindi lang ‘yon dahil binabagabag din ako ng mga eksena sa naging panaginip ko. Bakit ganoon lagi? Bakit lagi na lang sa garden na ‘yon? Bakit?
Umiling ako upang pigilan ang lalo pang pag-iisip. “Panginoon, please, calm my heart, my mind, and my soul. In your name, kakalma po ako,” mahina kong dasal.
Muli akong huminga ng malalim at muling ibinaling ang aking atensiyon sa paghihilamos. Tuluyan na akong nahimasmasan, salamat naman. Kinuha ko ang isang face towel na nakasampay katabi ng aking sabon at pinunasan ang mabasa kong mukha.
Ulit kong tinignan ang aking sarili sa salamin, nakipagtitigan ako sa aking sarili. “Bless, tama na, tigilan mo na, wala na tayong magagawa. Hindi kayo itinadhana para sa isa’t isa,” pangungumbinsi ko na lang. Self, tantanan mo na kung kayo, kayo talaga.
Noong tuluyan na akong makababa sa hapagkainan namin ay nandoon na si Tita Annie kasama sina mama at papa. Si mama abala ng naghahain ng umagahan namin.
Simula n’ong magkasakit ako mas minabuti na ni Tita Annie na dito na mamalagi sa min, dito na siya natutulog at siya na rin ang namamahala sa hotel namin lalo kung kailangan ko na namang manatili sa hospital ng ilang linggo. Hindi na siya napangasawa pa simula n’ong maghiwalay sila ng matagal na n’yang karelasyon dahil sa kin, dahil mas pina-priority n’ya ang pamilya namin kaysa sa boyfriend n’ya. Hindi ko naman masisi ang lalaki kung mapapagod na siya pero hindi n’ya man lang ba naisip kung sino ang babaeng pinakawalan n’ya?
"Oh, Bless! Pamangkin! Musyon! Pungko eon dikara ag magkaon. Sakto ing abot nakahaon eon it einaha na si mama mo (Translation: Halikana rito! Umupo ka na at kumain. Sakto ang dating mo nakahain na ng mga niluto n’ya ang mama mo)," mataas ang energy na pansin sa kin ni tita. Gan’yan naman lagi ‘yan, hindi nauubusan ng energy, lagi yatang pinapapak ang milo. Fan na fan na nga ‘yan ni Carlos Yulo sa dami ng plastic ng milo rito na may mukha ni Carlos Yulo.
Natawa na lang ako saglit. “Good morning po, tita! Mama! Papa!” masigla kong bati at isa-isa silang hinalikan sa pisngi bago ko sinunod ang utos ni tita na maupo na.
"Naku gid-a! Ka-sweet gid-a ang kakilaea ngara ho! (Translation: Naku talaga! Ang sweet talaga ng kakilala ko na ‘to, oh!)" bulalas naman ni Tita Annie habang si mama at papa ay sinagot ako sa pamamagitan ng maluwag nilang mga ngiti.
"Kaina pa kamo bugtaw, pa? Ante? (Translation: Kanina pa ba kayo gising, pa? Tita?)" pagbabasag ko ng katahimikan habang si mama pinatong na ang plato na may kanin sa aming harapan.
May itlog, bacons, fruit juice na blen-in-d gamit ang bagong pitas na dragon fruit sa likod ng hotel at syempre hindi mawawala ang gulay.
“Bukon man gid, nak. Musyon makaon ta eon (Translation: Hindi naman, nak. Halina na kayo, kain na tayo),” paanyaya ni papa kaya tumango ako at l-in-ead ang prayer.
Kanya-kanya kaming nag-sign of the cross. " Almighty Father, the giver and the savior of the human race. We ask for forgiveness in every sin we have done with and without our consciousness. Thank you for these foods, for all the blessings and gifts of life. May you continue to bless and guide our family. We are praying for more years. Amen!" malakas kong wika.
"Amen!" sabay-sabay naman nilang naging tugon.
Nagngitian kaming lahat bago nag-umpisang ibigay sa bawat isa ang mga plato na naglalaman ng aming umagahan. Binigay ni mama ang plato ng kanina habang si tita naman ay nilagay sa plato ko ang gulay na naka-slice pa ng maliliit.
"Nak, kaon it abo nga tinuea agod magbaskog ka gid (Translation: Nak, kumain ka ng maraming gulay para lumakas ka pa lalo)," paalala ni mama habang nilalapit na sa kin ang juice na ginawa n’ya at ibinigay kay Tita Annie ang plato na may kanin na.
Ngumiti at tumango ako sa kan’ya. "Opo naman po! Saeamat, ma (Translation: Salamat, ma),” tugon ko.
Nagpatuloy kami sa pagkain habang si mama at tita ay nag-uusap tungkol sa hotel. Hindi naman na ako nakikisali dahil wala naman akong halos alam sa mga bagay na ‘yon at isa pa muli kong naalala ang panaginip ko kanina. Muli akong umiling-iling para tanggalin sa isip ko ang masamang panaginip na ‘yon. Nag-umpisa na naman akong kabahan kaya minabuti ko na lang na mas i-focus sa pagkain ang atensiyon ko, ayaw ko namang mag-alala pa sa kin ang mga taong nasa harapan ko ngayon.
Pero kahit anong pilit kong iwaglit ‘yon ay talagang namamayani sa utak ko ang panaginip na ‘yon. Bakit pakiramdam ko may nakaligtaan ako sa buhay ko? Lagi na lang ang garden kong saan ko siya nakita pero bakit laging nasusundan ng madilim na paligid? Bakit laging may gustong pumatay sa kin? Ang mas lalong nagbibigay sa kin ng bahala ay pangatlong pagkakataon na ito ngayong buwan. Paulit-ulit. Parehong-pareho. Hindi ko alam kung anong nais sabihin sa kin ng utak ko pero bakit hinahalo n’ya ang isang magandang nakaraan sa isang kagimbal-gimbal na pangyayari?
Matapos kaming kumain ay tinulungan ko si mama na ilagay ang mga pinagkainan namin sa hugasan bago ako magpaalam para bumalik at makaligo na. “Ma, pa, tita, maliligo lang po ako, akyat na muna ako sa taas,” pagpapaalam ko sa kanila. Hindi ko na hinintay ang mga sagot nila dahil dire-diretso na akong pumanhik pataas.
Kailangan kong ayusin ang sarili ko.
Winnie's Point of View
Sinundan ko ng tingin si Bless habang umaakyat pabalik sa kuwarto n’ya. Mukhang malalim ang iniisip n’ya, may masakit kaya sa kan’ya?
Tuluyan ng nawala ang anino ni Bless kaya nagkatinginan kaming tatlo ng asawa ko at ni Annie.
"Mas mayad siguro nga bukon it sayod ni Bless do gakatabo (Translation: Mas mabuti siguro kung hindi alam ni Bless ang mga nangyayari)," panimula ko na.
"Oo, mas mayad siguro kung makaron gid man (Translation: Oo, mas mabuti nga sigurong gano’n na lang)," mabilis na pagsang-ayon sa kin ng asawa ko kaya kapuwa kami napatingin sa gawi ni Annie.
"Oh? Bakit kayo nakatingin sa kin? Naiintindihan ko naman ang ibig n’yong sabihin, ate, kuya. Pero bukon baea it mas mayad nga katon maghalin kaysa masayran na pa sa iba? (Translation: Pero hindi ba at mas mabuti kung sa atin mangggaling kaysa malaman n’ya ba sa iba?)" kontra ni Annie.
"Oo gani, naintindihan ko man ing punto, Annie, pero nakita mo man ag naintindihan do ginaagyan ni Bless. Dugangan ta pa baea? (Translation: Oo nga, naiintindihan ko naman ang punto mo, Annie, pero nakikita mo naman at naiintindihan ang pinagdaanan ni Bless. Dadagdagan pa ba natin?” depensa ko naman sa desisyon ko.
Nagkibit balikat si Annie bago ako sagutin. "Tao. Kamo bahala, basta ako, naghambae ako kinyo. Wa ako nagkueang it pagpatanda (Translation: Ewan. Kayo ang bahala, basta ako, nagsabi ako sa inyo. Hindi ako nagkulang sa pagpapaalala) kung ano sa tingin n’yo ang tama eh ‘di ‘yon," sabi n’ya at nagsimula ng hugasan ang mga pinagkainan namin sa lababo.
"May napansin kamo kana kaina? Medyo bukon ta imaw it komportable (Translation: May napansin ba kayo sa kan’ya kanina? Medyo hindi siya komportable),” nag-aalalang saad ng asawa ko na siyang nagpakabog naman sa puso ko.
Bless' Point of View
30 minutes na ang nakalipas n’ong makalabas ako galing banyo kanina matapos akong maligo at gawin ang mga ritwal ko sa umaga, alangan namang ritwal sa hapon, eh, umaga palang ngayon. Frustrated comedian talaga ako, pagpasensiyahan n’yo na. Nasa tapat ako ngayon ng vanity table ko habang mabagal na sinusuklay ang buhok ko. May mga hibla na namang na nalalagas sa bawat suklay ko, resulta na ‘to ng mga iniinom ko at ilang sessions ng chemotheraphy.
Lusot na ang mga mata ko at halos wala na ring kalamanlaman ang mga pisngi ko. Ang labi kong napakapula at punong-puno ng tawa dati ngayon ay maputla na. Ang laki talaga ng pinagbago ng mukha ko simula ng magkasakit ako. Hindi na ako magtataka, buhay ko nga nagbago, eh, mukha ko pa kaya.
Matapos kong pagsawaan na tignan ang mukha ko ay naglakad ako papunta sa kama ko. Pinagpag ko ang mga unan ko isa-isa upang matanggal ang iilang mga buhok na nagkalat sa ibabaw.
Ipinuwesto ko sa pinakakomportableng posisyon ang sarili ko bago ko kinuha ang libro na nasa drawer na nakalagay malapit sa kama ko. Nakaka-miss na pumunta sa school, ‘yong may kaharap kang teacher o ‘di naman kaya may kausap kang mga classmate mo at syempre higit sa lahat ay nakaka-bonding ko sina Eves at Mona. Pero ‘yon nga lang pinagbawal na ako na pumasok pa ng doctor ko mas mabuti na raw na nasa bahay lang ako kaysa lumabas-labas pa at baka masapol ko pa ang mga may sakit sa labas, eh ‘di mas lalo akong manghihina.
Tahimik kong inilipat ang pahina ng hawak-hawak kong libro hanggang sa nalaglag ang isang makinang na papel na naka-ipit pala.
Sulat na galing sa kan’ya. Sa galit ay hindi ko na napansin na mismo na ang kamay ko ang gumalaw para lukutin ‘yon ng tuluyan at ihagis sa basurahan.
Walang kuwenta.
Annie's Point of View
Matapos naming mag-usap na tatlo nina ate at kuya at matapos ko na rin ang paghuhugas ko ng mga pinggan ay dumiretso ako sa reception are ng hotel habang pinupunasan ang kamay ko ng tissue.
"Kamusta ro guests naton makaron? (Translation: Kumasta ang mga guest natin ngayon?)" bungad kong tanong sa receptionist na nakatoka ngayon.
"Ayos man, nang, tanan mata nga nagpa-booking hay iya. Daywa lang sa VIP room do uwat sueod, lima sa normal ag sambilog lang sa fan (Translation: Maayos naman po, ate, lahat naman na nagpa-booking ay nandito. Dalawa na lang sa VIP room ang walang laman, lima sa normal at isa na lang sa fan)," pagkukuwento n’ya kaya tumango ako sa kan’ya bago ko siya palitan.
“Sige, ako na rito,” aniya ko. In-endorse n’ya muna sa kin lahat ng kita at mga orders na nakuha n’ya kagabi bago siya nagsimulang mag-ayos ng mga gamit n’ya at makauwi. Siya ang naka-assign tuwing gabi habang ako naman kapag umaga pero kapag kailangan ang tulong ko sa hospital nina ate at kuya may pumapalit sa kin dito kapag umaga na. Sa tagal ng hotel na ito ng pamilya nina kuya at ate ay marami na rin naman kaming mga empleyado na pinagkakatiwalaan.
Ilang minuto lang ng makaalis ang staff may ng pumasok na lalaking nakaitim kaya agad akong tumayo para salubingin siya.
"Welcome to Wings Hotel! Good morning, yes, sir? how may we help you?" nakangiti kong sambit.
"Oh! Here you go. Do you know someone living here named Winona Bless Cayabyab?" nagmamadali n’yang tanong na siyang nagpalito sa kin.
Kilala n’ya ang pamangkin ko? Sino naman kaya ‘to?
"Ah? Opo, kilala ko po ang hinahanap ninyo. Sa katunayan po si Winona ay pamangkin ko, gusto n’yo po bang tawagin ko siya sa taas? Ano po bang atin?” pag-iimbestiga ko na. Aba’y mahirap na!
"No! Hindi naman na kailangan, ma’am. Chairman Marquez orders us to go here and personally deliver this invitation to Miss Winona and the rest of your family," seryoso n’yang sagot.
"Sinong chairman ang sinabi mo? Cha-Chairman Marquez ba talaga?!" isteriko kong saad.
"Yes, ma’am si Chairman Luxurious Marquez nga," mahinahon n’yang sagot sa kin. What the F? Anong nangyayari?
“Kilala n’ya ang pamangkin ko? Paano? Atsaka para saan ‘tong invitation?” tanong ko sa kan’ya habang sinusundan ng mga mata ko ang isang royalty themed na invitation at ang maraming box na nilalapag n’ya sa harapan ko.
Kinuha ko mula sa pagkakapatong ang invitation at binuksan ito.
We are happy to inform you that we are inviting you to the new gift of life of the Marquez Empire's face.
I am expecting you and your family.
- Chairman Luxurious Marquez
Diyos ko! Ginoo! Haman kami ginakangay it pinakamayaman nga taeo sa Aklan?! (Translation: Bakit kami iniimbetahan ng pinakamayamang tao sa Aklan?)
"Sigurado ka baea nga para kamon da? (Translation: Sigurado ka bang para sa min ‘to?)" paninigurado ko naman na tinanguan n’ya.
"Yes, ma'am. These boxes are the gowns and suits you will be wearing for the party later. Chairman Marquez will send you here a glam team for your hair and makeups," dire-diretso n’yang sagot.
"Later? Hinduna euta ro party? (Translation: Mamaya na ‘yong party?)" bulalas ko.
"Yes, we apologize for the short notice. This party is arranged concisely. But don't hesitate to attend you don't need to worry about things chairman will provide the things you will be needing. So, please attend especially Miss Winona Bless," pagpapaliwanag n’ya naman.
"Ah? Ye-yes, thank you," nauutal kong sagot dahil sa gulat.
"You can call this number,” dugtong n’ya at sunod na ibinigay sa kin ang isang calling card.
“If you need something. Thank you very much. We will go ahead," huli n’yang saad bago ako iwanan dito na gulat na gulat pa rin sa nangyayari.
‘Yong totoo? Nakahanap ba ng fairy godfather si Bless?
Bless' Point of View
“Bless! Hoy, Bless nasaan kang bata ka? Umamin ka nga sa kin! Naku! Naku! Naku talaga!” malakas na hiyaw ni Tita Annie mula sa labas kaya nagkatinginan kami ni mama na nasa kuwrato ko rin ngayon. Nagtutupi kasi kami ni mama ng mga natuyo ko ng mga damit, walang sumagot sa aming dalawa dahil kapuwa alam na namin na papunta na si tita rito.
Hindi nga ako nagkakamali.
Biglang bumukas ng malakas ang pintuan at iniluwala noon si Tita Annie na hingal na hingal at hinahabol pa yata ang hininga. Anong ganap nitong si tita?
“Bless! Alam ko na ang katotohanan kaya umamin ka na sa kin, huwag kang mag-alala tanggap kita, tanggap ka ng tita,” aniya habang sapo-sapo ang dibdib at patuloy na hinahabol ang hininga.
“Po, tita?” nalilito kong tanong.
"Annie, naalin ka? (Translation: Annie, anong nangyayari sa ‘yo?) Ayos ka lang ba?" tanong ni mama pero nilagpasan lang siya ni tita at dumiretso sa kin para dambahin ako ng yakap. Nagsesenyasan kami ni mama pero wala talaga akong idea anong nangyayari rito kay tita.
“Bless, umamin ka sa kin, naghiwalay na kayo ni ano ‘di ba?” nag-aalala n’yang tanong ng bumitaw na siya sa pagkakayakap sa kin.
“Po?! Ano pong pinagsasabi ninyo, tita?!” bulalas ko na.
“Bless, alam ko lightning and thunder pero sagutin mo na lang kasi ako, naghiwalay na ba talaga kayo ni ano? Alam mo na ‘yong si ano,” aniya na kunot pa ang noo.
“Ano ba, Annie! Puro lang ano ang naintindihan ko sa sinabi mo!” sita naman ni mama sa kan’ya na inirapan lang naman ni tita. Ma-attitude talaga ‘tong kapatid ni mama minsan.
“Winnine, hindi naman Bless ang pangalan mo kaya i-zipper muna ang dapat i-zipper, seryoso ako,” aniya. Seryoso siya pero halata mo sa kan’ya na excited na siya.
“Bless, ano pang hinihintay mo? Pasko? Bagong taon? 2050?” sarkastiko n’yang baling sa kin.
“Tita, hindi ko rin po alam kung bakit ang bata n’yo pa po pero makakalimutin na kayo, hayaan n’yo po reregaluhan ko kayo sa pasko ng memory plus gold,” biro ko pa.
“Eh, kung ikaw kaya ng ibalik ko sa sinapupunan ng nanay mo? Anong say mo? Sagot na!” matabil na sagot n’ya.
“Joke lang naman, tita! Masyado ka naman pong seryoso, syempre naman po wala na kami n’ong si ano, matagal na po, kaya tigilan mo na po ang kakaano kay ano,” nakangiti kong tugon pero hindi na ako nasisiyahan sa totoo lang.
“Teka! Huwag mong sabihin may…love affair kayo!?”
Speechless. Na-speechless yata ako.
“Love affair? Annie, ano bang pinupunto mo?” seryosong singgit ni mama kaya naalarma naman ako.
“Tita! Ano bang pinagsasabi mo!” reklamo ko na.
“So? Hindi rin? Walang balikang nangyari. Wala ring love affair. Diyos ko po! Bless!” nabigla ako n’ong tumayo si tita sa harapan naman ni mama at naghurimintado.
“Tita? Baka naman uso po explain? Anong ganap mo?”
“Shush! Huwag mo ng itago pa ang katotohanan, Bless! Tulad ng sabi ko sa ‘yo kanina, tanggap ka ni tita,” aniya at lumuhod na sa harapan ko para hawakan ang dalawa kong kamay.
“Po!” gulong-g**o na po ako sa totoo lang.
“Buntis ka ba? Sinong Marquez ang nakabuntis sa ‘yo? Umamin ka na!” halos mahulog ang eye balls ko sa sinabi ni Tita Annie. Buntis? Ako? Ng isa sa mga Marquez? Kailan pa?
“Annie! Ano bang pinagsasabi mo?!” bulalas naman ni mama ng hindi ako makasagot.
“Winnie! ‘Yang anak mo ang tanungin mo, siya ang buntis hindi naman ako? Ano ‘to ako pa mag-aadjust?” napailing ako lalo pa n’ong tignan ako ng masama ni mama.
Seryoso ba sila?
“Bless, totoo ba ang sinasabi ni Annie? Bu-buntis ka nga?” naiiyak na saad ni mama. Ngayon pareho na silang nakahawak sa mga kamay ko.
Nakahithit ba ‘tong nanay at tita ko ng mikmik? O ‘di naman kaya creamstick? Kaya imagination mo ang limit? Pwede rin naman rebisco kasi special ako?
“Bless, ano nga? Totoo nga? Buntis ka ba talaga?” ulit na tanong ni mama. Kapuwa na sila nagyakapan ni tita at nagsimulang mag-iyakan.
Lakas ng mga amats.
“Ma? Tita? Alam ko po na mahal na mahal n’yo ako at lahat po gagawin n’yo para matulungan at mabigyan ako ng magandang buhay,” umpisa ko na siyang tinanguan naman nilang dalawa.
“Sana alam n’yo rin pong mahal na mahal ko rin kayong dalawa pero tama na po ang kakatira ng mikmik at creamstick, please, hindi po ako buntis! Plano n’yo bang gawin akong Virgin Mary the second? Saan mo naman po nakuha ang fake news na pinagsasabi n’yo, Tita Annie?”
“Hindi ka rin buntis? So, ano? Saan? Kailan? Paano? Bakit?” parang timang na tanong ni tita.
“Po? Ano po bang pinagsasabi n’yo, tita?!” bulalas ko na.
"Bless! Sus! Maryosep! Bless! Si Chairman Marquez! Nagulat din kayo ano? Oo! As in siyang-siya ang pinakamayamang businessman dito sa Aklan na si Chairman Marquez! Ini-invite tayo na um-attend daw ng party n’ya mamaya sa kanila! Hindi lang ‘yon dahil lahat ng kailangan natin siya ang bahala sa katunayan. Pinadala na nga n’ya ang mga susuotin natin tapos sabi sa kin n’ong lalaking naghatid magpapadala rin daw dito sa tin ng mga make-up artist!” masayang-masayang balita ni Tita Annie na siya namang malakas na nagpakabog ng dibdib ko.
“Si Chairman Marquez? Paano naman n’ya tayo makikilala?” takhang tanong ni mama. Ito na nga yata ang point ng buhay na mas gugustuhin mo na lang maging hotdog o ‘di kaya magkatotoo ang paghati ng lupa at kainin ka na lang n’on.
Gosh! I am so dead.
“Aba’y itanong mo diyan sa anak mo, Winnie. Kabilin-bilinan sa kin kanina n’ong security yata nila ay pumunta raw tayo lalong-lalo na si Bless,” dugtong ni tita. Kaya kapuwa sa kin napunta ang mga atensiyon nila.
Akala ko nakalusot na ako nito kahapon, hindi pa pala. Totoo nga talagang walang sikreto ang hindi nabubunyag.
"Dali eang! Si Chairman Marquez? Kat tag-ana it Pharoah's mansion dun?! Haman? (Translation: Teka lang! Si Chairman Marquez? Siya ‘yong may-ari ng Pharoah’s mansion ‘di ba?) Paano?!" ulit muli ni mama.
“Check na check, Winnie! Siyang-siya, walang iba! Ang kinatataka ko lang kung hindi nagbalikan si Bless at si ano. Hindi rin nabuntis si Bless ng kahit sino sa angkan n’ya. So bakit tayo pinapa-attend? Ang sabi sa invitation to celebrate the second life of the empire’s face raw, eh, so, kaninong second life? Alangan namang sugar daddy ni Bless si chairman,” tahasang saad ni Tita Annie na nagpahilot sa kin sa sintido ko.
“Tita! / Annie!” sabay pa naming puna ni mama.
“Pero ang tanong talaga rito, paano n’ya tayo nakilala? Bless?” pag-iiba ni tita ng usapan. Wala na akong nagawa pa kundi ang ngitian silang pareho.
“Huwag mo kaming ngitian ng gan’yan, Bless. Anong ginawa mo? O baka naman ang mas magandang tanong ay saan kayo pumunta kahapon? Naglakad lang ba talaga kayong tatlo nina Evelyn at Monalisa?” umiba na ang timpla ng tono at mukha ni mama. Ito na ang sinasabi kong higanti ng isang Winnie Cayabyab.
“Ang totoo po kasi n’yan, mama, tita,” kabado kong panimula. Tumayo na si mama at namewangan sa harapan ko pero si tita nanatiling nakangiting aso sa tabi ko.
Basta talaga party laging g na g itong si tita.
“Sige, Bless, ano ‘yon? Huwag kang matakot d’yan sa nanay mo, akong bahala sa ‘yo,” bulong pa ni tita.
Sana nga totoo, tita, kasi pareho tayong mabobombahan pagnagkamali tayong dalawa.
“Bless.”
“Mama, naman! Kalma po, ganito po kasi ‘yon. Kasi ano kahapon, naalala n’yo naman po na humingi ako ng permiso ninyo na maglalakad-lakad nga po kami nina Eves at Mona. Ang totoo po kasi doon ay napag-usapan namin ang tungkol sa Pharoah’s mansion tapos wala po akong idea kung anong mukha n’ong lugar kaya nagkayayaan po na puntahan daw namin kahit saglit lang. Ang plano lang po talaga, mama, tita, mabilis lang po kami.”
“Ayan naman pala, eh, mabilis lang naman pala!” depensa ni tita.
“Pero natagalan pa rin sila, Annie,” seryosong tugon naman ni mama.
Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. “Pero wala po talaga akong ginawang masama, mama! Inalagaan ko naman po sarili ko kaya huwag na po kayong mag-alala sa kin. Kitang-kita n’yo naman po, oh, ayos naman po ako,” paninigurado ko pa ngunit nanatiling matatalim ang pinupukol na tingin sa kin ni mama. Parang daggers ang mata ni mama, nakakatakot. Feeling ko anytime magiging roasted chicken na ako.
“Mama, naman! Bakit po kayo galit?” pagpapaawa ko, kung guilty ka, tanggapin mo na.
“Sigurado akong lilipad ang tsinelas ko sa mukha mo, Bless, lalo kung hindi mo pa pinatuloy ‘yang kinukuwento mo,” aniya.