CHAPTER ONE NANNY TED
“Akio dito mo ilagay! Mali iyan, hindi ka nakikinig sa akin!” ito ang mga salitang sinasambit ni Ted sa dalawang taong gulang na si Akio. Naglalaro ito sa loob ng crib niya sa kaniyang kwarto.
Wala doon ang nanay ng bata, kung kaya nandoon si Ted upang bantayan ito.
Pumasok ang nanay ni Akio, si Janine Sanchez. May dala itong pagkain dahil kailangan ng mag-agahan ng bata.
Pinakain ni Janine si Akio habang nasa crib ito.
Tumabi saglit si Ted. Hindi siya nakikita ni Janine, hindi rin naririnig na nagsasalita.
Si Ted ay hindi ordinaryong tao. Hindi siya nakikita ng mga tao sa kaniyang paligid, subalit namumuhay siya ng katulad sa kanila. Ang kaniyang itsura ay hindi rin naiiba, mayroong mga mata, ilong, bibig, at tainga.
Ted ang pinili niyang pangalan para sa sarili, pangalan iyon ng alagang aso ng mag asawang Sanchez. Sa tuwing tinatawag ng mag asawa ang aso nila na Ted ay nakakaramdam siya ng magaang pakiramdam sa kaniyang kalooban. Kung kaya minabuti niyang tawagin ang sarili na Ted.
Si Ted ay isang engkanto na nakatira sa isang balete na nakatayo sa bakuran ng mga Sanchez.
Mula ng isilang ang batang si Akio ay hindi na umalis si Ted sa tabi niya. Marahil ay nakawilihan niya ang masayahing batang si Akio.
Madalas tuwing umaga ay naroroon na si Ted sa bakuran ng mga Sanchez, nagmamasid masid, naghihintay na lalabas itong si Akio upang maglaro. Kung minsan naman ay kusa na siyang pumapasok sa loob upang bantayan ang bata.
Nag-iisang anak lang si Akio ng mag asawang Sanchez. Mayroon silang kaunting negosyo ng cakes at pastry products sa kanilang lugar. Iyon ang pinangtutustos nila sa mga pangangailangan nila sa araw araw.
Tila naging katuwang na din ng pamliya itong si Ted sa pag-aalaga kay Akio. Laging sinisiguro ni Ted na ligtas ang kalagayan ni Akio.
Kung ito ay natutulog sa crib, naglalaro, kumakain, naglalakad o sa kahit na anong bagay man.
Minsan nga ay kinakantahan niya ang bata kapag biglaang nagigising mula sa pagkatulog. Walang anumang lamok ang makadadapo sa balat ni Akio dahil bantay sarado niya ito.
Kung alam lang ng mga magulang ni Akio na si Ted ang siyang masugid na taga bantay ng kanilang anak ay tiyak na pasasalamatan nila dahil sa sobrang pagbabantay nito.
Nakakatuwang tingnan na ang isang engkanto na tulad niya ay mayroong malasakit sa tao, sa katauhan ni Akio.
Isang araw sa bahay ng mga Sanchez, ay mag –isa lang si Akio na naglalaro sa crib. Kaya na nitong akyatin ang crib kung nais niyang bumaba, subalit hindi pinapayagan ni Janine na gawin iyon ng anak dahil na din sa takot na baka ito mahulog.
“Doll!” ang salitang narinig ni Ted mula sa kaniyang bahay na puno sa tabi ng kwarto ni Akio. Iniwan niya saglit ang bata dahil akala niya ay nandoon na ang nanay nito upang bantayan.
Maya maya ay pumasok na si Ted para tingnan kung ayos lang ba si Akio kung ito ba ay naglalaro.
Nakita niyang pilit inaabot ni Akio ang manika niyang nahulog sa sahig. Akmang bababa ang bata mula sa kaniyang crib kung kaya ay mabilis na dinampot ni Ted ang manika at ibinigay kay Akio.
Tuwang tuwa naman ang bata. Napanatag ang loob ni Ted at napasaya si Akio.
Ang di niya alam ay nakita ni Janine kung papaano napunta sa mga kamay ni Akio ang manika.
Nakita niyang lumutang ang manika ng dahan- dahan mula sa sahig patungo sa mga kamay ng anak.
Hindi nakagalaw si Janine, wala siyang nakikitang tao doon, wala din malakas na hanging napadaan. Nanlamig ang pakiramdam niya, at biglaang bumagsak ito habang nakatayo sa pinto ng kwarto ni Akio.
Nagulat ni Ted sa narinig. Lumingon siya at nakita niyang nakahandusay na sa sahig ang ina ni Akio. Napakamot siya ng ulo dahil hindi niya malaman kung bakit nandoon nakahiga ang nanay ng bata.
Pinaupo niya si Akio saglit upang siguruhin na hindi ito bababa ng kaniyang crib. Nilapitan niya si Janine, binuhat at inihiga ng dahan dahan sa kama malapit sa crib ni Akio.
Nawalan ng malay ang ginang dahil sa nakitang kakaiba sa loob ng kwarto.
Maya-maya ay umiiyak na itong si Akio.
“Dedede dedede!” ang sambit ng paslit na nagugutom at naghahanap ng kaniyang dede.
Napakamot ulit ng ulo si Ted dahil wala doon ang gatas ng bata.
Kaya naman ay binuhat niya si Akio at dinala sa kusina. Habang buhat buhat niya ang bata, ay humihikbi ito dahil nagugutom. Narating na nila ang kusina, doon ay may nakita siyang nakatimplang gatas sa bote at ibinigay kay Akio.
Bumalik sila ng kwarto at inilagay na si Akio sa crib. Nakasandal ito sa unan habang dumidede. Naupo naman si Ted sa tabi ng crib. Tinitingnan si Janine habang walang malay.
Di niya maaaring iwanan ang bata dahil walang magbabantay. Kung kaya ay hinintay na magising si Janine.
Iniisip niya kung nakita ba siya nito. Dahil tanging si Akio lang ang alam niyang nakakakita sa kaniya magmula ng nakakaaninag na ito noong sanggol pa lamang.
Kinausap ni Ted si Akio habang dumidede sa crib.
“Huwag kang iiyak ha, natutulog ang mama mo. Ako na bahalang magbantay sa iyo. Hanggang sa makabalik siya ditto.”
Ngumiti lang ang batang si Akio kay Ted.
Kinakantahan niya si Akio upang makatulog ng sa ganoon ay hindi na ito maging malikot sa kaniyang crib.
Nakatulog nga ang bata. Inayos ni Ted ang higaan niya sa crib, at pinaandar ang electric fan ng sa ganoon ay maging komportable ito sa pagtulog.
Maya maya ay nagising na itong si Janine. Bumangon siya mula sa kama, naupo saglit. Hinahagilap niya sa isip kung ano ba ang mga nangyari at nandoon siya nakahiga.
Naisip niya ang anak kung nasaan dahil sobrang tahimik ng paligid at nakaandar ang electric fan. Di niya matandaan kung siya ba ang nagpaandar noon.
Tumingin siya sa crib at natutulog ang anak. Hindi niya din maalala kung pinatulog nga ba niya ang anak. Nagulat siya na mayroong bote ng gatas sa loob ng crib at wala na itong laman.
Kinabahan si Janine dahil hindi maipaliwanag sa sarili ang mga nangyayari.
Si Ted naman ay tahimik lang na nagmamasid kay Janine.
Maya maya ay narinig na ni Janine ang boses ng asawa.
“Mahal nandito na ako!” ang tinig ni Eric mula sa gate.
“Saglit Mahal! Buksan ko ang pinto.” sigaw naman ni Janine.
Hindi pa din siya umaalis sa tabi ni Akio. Di umiimik.
Pumasok ang mag-asawa sa kwarto. Naririnig ni Ted ang usapan ng mga ito.
“Mahal, alam mo ba?” iyon ang mga salitang sinambit ni Janine kay Eric habang nagmamadali itong pumasok sa kwarto ng anak.