Ilang minuto na rin akong naghihintay dito sa plaza. Nakaupo ako sa isang lumang swing na pangbata kung saan kami mahilig umupo ng mga kaibigan ko. Dito rin kasi ako pumupunta kapag may iniisip ako o di naman kaya ay kapag sobrang stress na ako sa buhay. Kaya madalas dito kami nagkikita-kita ng mga kaibigan ko, maliban kay Lance. Nakakasama ko yun sa mga gimik at inuman namin pero hindi sa lugar na 'to. Mukhang di naman niya hilig ang tumambay dito, eh. Walking distance lang 'to mula sa apartment namin ni Lance at madalas maraming mga batang naglalaro dito kapag hapon. Highway na ang katabi nito at ilang mga convenient stores sa tabi.
Hindi rin naman nagtagal at dumating na sila Gor at Dennis. Nakasuot sila ng usual nilang mga pamormang damit at pangswag na mga sombrero. Madalas kasi silang bumili ng mga bagong damit para maging maporma at makaakit raw ng chicks. Mayaman rin sila na nakatira sa lugar na 'to, nakilala ko sila noong high school at naging malapit kaming magkaibigan.
"Hey, brad!" bati ni Gor na agad na tumapik sa balikat ko. "Teka, anong nangyari dyan sa mukha mo? Bakit may mga pasa ka?"
"Nakipag-away ka ba, pare? At saka, bakit mo naisipang itext kami para pumunta dito? Anong problema?" nagtatakang tanong naman ni Dennis.
Oo nga pala, magkaiba kami ng school ng dalawang 'to. Paminsan-minsan lang kami magkita-kita o kaya'y tuwing weekend lang kapag nagkayayaan.
"Wala 'to. Nagkagulo lang sa campus namin kanina. At saka, masama bang makasama ang mga kaibigan ko?" seryosong tanong ko sa dalawang nakaupo na sa dalawa pang swing na pinapagitnaan ako.
"Hoy, Jao. Ang corny mo. Alam ko namang hindi mo kami basta-basta namimiss. Sigurado ako, si Lance na naman noh? At kilala ka namin, hindi ka naman basta-basta nakikipagbasagan ng ulo." natatawang tanong ni Gor.
"Oo nga, pare. Ngayon ka lang naming nakitang may bangas sa mukha, ano ba kasing nangyare? Anong meron na naman ba sa inyong dalawa ni Lance? Kamusta na nga pala yun? Huwag mong sabihing siya yung may gawa sa'yo nyan. Nako, reresbakan talaga namin siya!" dagdag pang tanong ni Dennis na napatayo pa sa pagkakaupo sa swing.
"Siya ba ang gumawa sa'yo nyan, Jao? Gusto mo gantihan na natin?" dagdag pa ni Dennis.
Medyo nabigla naman ako sa medyo OA na reaksyon nung dalawa sa mukha kong may mga pasa. Kaya napangiti nalang ako.
Kahit magkaiba kami ng school ng dalawang 'to ay kilala nila si Lance. Naipakilala ko na kasi siya sa kanila noong minsang nagkasama kami sa isang inuman. About 3 years na rin noon at alam rin nila yung deepest secret ko kagaya ni Reesa. Na hindi ako straight at may nararamdaman ako para kay Lance.
"Hindi si Lance ang may gawa nito, ano ba kayo. Nagkatampuhan kasi kami ni Lance. Hindi ko alam kung tampuhan ba yun o nagalit siya sa mga sinabi ko sa kanya. Nagbreak na kasi sila ng girlfriend niya dahil nahuli niyang may kasamang iba." kwento ko.
"Oh, tapos? Ano namang kinalaman nung tampuhan niyo sa break-up nila ng girlfriend niya at ng mga sugat mo dyan saa mukha?" naguguluhang tanong ni Dennis.
"Nakipag-away si Lance dun sa lalakeng umagaw sa girlfriend niya. Kaya ayun, tinulungan ko siya. Nakipagsuntukan na rin ako. Kaya eto, may mga tama ako sa mukha." tugon ko sabay turo sa mga parteng may sugat sa mukha ko.
"Yan na nga ba yung sinasabi namin sa'yo, pare eh. Handa kang ibuwis yung kaligtasan mo para lang kay Lance. Napahamak ka pa tuloy nang dahil sa kanya." inis na sabi ni Gor at binigyan ako ng mapanising tingin.
"Hindi naman ako napahamak, ah? At saka, galos lang 'to. Malayo sa bituka, kaya wala kayong dapat ipag-alala." giit ko.
"Eh, paano kung balikan ka nung mga kaaway ni Lance? Maghihintay ka pa bang mapahamak ka para matauhan ka, Jao?" dagdag pa ni Dennis.
"Ano ba kayo? Ginawa ko yun dahil gusto kong tulungan si Lance. At saka, kaibigan ko rin siya kaya hindi ko siya pwedeng pabayaan nalang." paliwanag ko sa kanila.
"Yun na nga yung pinag-aalala namin sa'yo Jao, eh. Hanggang kailan ka ba magiging kaibigan sa kanya? At hanggang kailan mo siya tutulungan para lang masabing mabuti kang kaibigan? Jao look, kaibigan ka ni Lance at yun yung tingin niya sa'yo. Eh, ikaw? Kaibigan lang ba ang tingin mo sa kanya?" sambit pa ni Gor na napatayo na sa pagkakaupo sa swing.
Para akong tinamaan sa mga sinabi niya. Tama naman siya, may punto siya sa mga sinabi niya. Ginagawa ko yung mga bagay na higit sa isang kaibigan ang pwedeng gumawa. Lumalagpas ako sa limitasyon ng pagiging isang kaibigan ko. Ginagawa ko lahat ng yun dahil alam kong sa loob ko, lagpas pa sa isang kaibigan yung nararamdaman ko para kay Lance.
"Tama ka, higit pa sa isang kaibigan ang tingin ko kay Lance." mahina at malungkot na sagot ko kay Gor.
"Exactly, that's the point Jao. Ang alam niya, kaibigan ka niya. Pero yung mga ginagawa mo, lagpas pa sa isang kaibigan. Nakipagbasag-ulo ka kahit na hindi mo naman yun ginagawa ng normal. Alam mo kung bakit? Kasi sa loob mo, mahal mo siya at may pakealam ka sa kanya. Kaya ayan, nasasaktan ka na. Hindi lang pisikal, pati na rin emosyunal." mahabang litanya ni Gor na lalong nagpaisip sa akin.
Yung mga sinabi ni Gor, lahat yun totoo at para bang sinuntok sa mukha ko na kaibigan lang talaga ako ni Lance. Ewan ko pero kahit ilang libong beses na sa aking naipamukha na bestfriend lang ako, nasasaktan pa rin ako kahit papaano. Pero sa tinagal-tagal, nasanay na rin ako. Nasanay na rin akong lumugar sa kung saan ako nararapat at piliing maging isang kaibigan nalang. Kahit na alam kong masasaktan ako araw-araw.
"Kaibigan ko ba talaga kayo o hindi? Alam ko namang kaibigan lang ako ni Lance at hindi yun nawawala sa isip ko. Alam ko ring masasaktan ako dahil sa mga ginagawa ko pero pinili kong gawin yun. Kahit bilang isang kaibigan nalang niya." giit ko sa kanila.
"Kaibigan mo kami kaya natural lang na mag-alala kami sa'yo, pare. Ayaw lang namin na palagi kang nasasaktan. Lalo pa't kung ang dahilan lang ay si Lance. Hanggang kailan mo na ba tinatago 'yang nararamdaman mo para sa kanya? Halos ilang taon na rin, ah? Kelan ka titigil?" usal naman ni Dennis na nakapagpaisip din sakin.
"Hindi ko alam." wala sa sarili kong tugon at yumuko dahil sa pagkalito.
"Baligtarin natin yung tanong. Kailan mo balak sabihin sa kanya yung totoo? Na may nararamdaman ka para sa kanya." tanong ulit ni Dennis.
Hindi ko alam ang isasagot ko sa tanong nyang yun dahil hindi ko naman talaga alam kung kailan. Hindi ko alam kung kailan ko aaminin kay Lance at hindi ko rin alam kung sasabihin ko pa ba sa kanya yung totoo o hindi. Kung itatago ko nalang ba sa loob ko o magtatapat sa kanya ng lahat? Ewan, lalo pa't alam ko naman yung isasagot niya at kapag nangyari yun ay baka mawala yung pagkakaibigan naming dalawa.
"Hindi ko rin alam." sagot ko.
"Jao, hindi matatahimik yang loob mo kung hindi mo sasabihin sa kanya yung tungkol sa'yo at sa nararamdaman mo para sa kanya. Patatagalin mo pa ba?" pagsingit naman ni Gor.
"Kailangan ko pa bang sabihin sa kanya? Kung alam ko naman yung magiging sagot niya? Ayokong masira yung pagkakaibigan namin dahil lang sa nararamdaman ko. I can't afford to lose him in my life." giit ko.
"Walang masama kung susubukan mo, pare. Who knows kung anong isasagot niya? At kung hindi man niya tanggapin, sigurado naman akong magiging magkaibigan pa rin kayo. Kilala ko si Lance, mabait siyang tao at in the first place ay kaibigan ka niya. I'm sure maiintindihan niya." paliwanag ni Dennis.
"Paano kung hindi? Ayoko. Hindi ko pa kaya. Natatakot ako. Natatakot akong magbago yung pagtingin niya sa'kin. Hindi pa ako handa." sambit ko na napabuntong-hininga sa kawalan.
"Pare, hindi mo matatakasan yang nararamdaman mo para sa kanya. Darating yung oras na masasabi mo yan sa kanya at kailangan mong gawin yun dahil yun yung magpapalaya sa'yo." malungkot na tugon ni Dennis at tinapik ang balikat ko.
"Huwag kang mag-alala, nandito lang kami para sa'yo pare. Nasa likod mo lang kami lagi para umalalay sa'yo. At kapag handa ka nang sabihin sa kanya yung totoo, nakasuporta lang kami sa'yo kahit anong mangyare." pilit na ngiting sabi ni Gor, na bakas pa rin yung pag-alala niya sa kanyang mukha.
"Salamat." ngumiti ako ngunit hindi pa rin mawala sa aking isip lahat ng mga sinabi nila.
Alam kong hindi ko habangbuhay na maitatago 'tong pag-ibig na nararamdaman ko para kay Lance. Darating yung puntong magkakaroon rin ako ng lakas ng loob para sabihin sa kanya yun. Hindi ko alam kung kailan at kung paano pero kapag dumating yung araw na yun, sana matanggap ko kung anong magiging kapalit nun.