Chapter 21

1711 Words
Matapos maghapunan ay hinayaan lang ni Ron na maghuntahan ang dalawang babae habang nagliligpit si KJ ng mga pinagkainan nila. Wala siyang narinig na pagrereklamo sa dalaga at tila masaya pa ito sa pinaggagagawa nito sa unit niya. Aaminin din niyang masarap magluto ito at maasikaso. Katunayan, habang natutulog siya mukhang nakapaglinis na ang babae sa loob ng unit niya. Napansin niya iyon dahil nakasalansan na nang maayos ang mga magazines sa lagayan nito at nakaayos ang mga throw pillows sa couch. Mukhang magiging kapaki-pakinabang naman ito sa kaniya. “Cous, thank you sa masarap na hapunan — nabusog ako ng bongga!” nakangiting turan ni Vienne sa kaniya nang makalapit na ang dalawa sa kinauupuan niya sa sala. Hinihimas-himas pa ng pinsan ang impis nitong tiyan habang nakatunghay sa kaniya. “Hindi naman ako ang nagluto kaya hindi ka sa akin dapat magpasalamat.” Sinulyapan pa niya si KJ na nakatukod ang isang kamay sa sandalan ng upuan habang nakalagay naman sa baywang nito ang isa pang kamay nito. “Sus! Maliit na bagay! Kung gusto mo araw-araw ka pang kumain dito, okay lang,” nakangising tugon ni KJ kay Vienne. “Makapag-imbita ka riyan akala mo bahay mo ito a!” sita naman niya rito. “Ay! Sorry nemen, na-carried away lang si ako. Anyway, iyon ay kung okay lang naman kay hunky-yummy papa na kumain ka rito.” Tumawa naman si Vienne sa sinabi ni KJ saka ito naglakad palapit sa kaniya upang bumeso. “Mauuna na nga ako sa inyo nang makapagpahinga na rin kayo. Saka baka may gagawin pa kayo,” makahulugang saad ni Vienne sabay kindat pa nito sa kaniya. “Uyyy! First night pa lang namin ‘wag kang ano riyan Vienne!” sabad naman ni KJ habang pinanlalakihan ng mga mata ang pinsan. “Tsk! Puro ka kalokohan. Umuwi ka na nga!” pagtataboy naman niya rito saka binuksan ang TV. “Hmp! Sige na nga, babush! See you after this mess, KJ.” Bumeso pa ito sa dalaga saka inihatid ni KJ ang pinsan sa pintuan ng kaniyang unit. Napahugot siya nang malalim na paghinga habang nagkukunwaring nanonood ng TV. Hindi siya sanay na may ibang kasama sa unit niya kaya naninibago siya sa kaniyang nararamdaman ngayon. Parang biglang sumikip ang kaniyang unit at tila nakabibingi ang ingay na likha ng mga tawanan nina KJ at Vienne. Sanay kasi siyang mag-isa roon at walang kasama kaya ngayong naroon ang dalaga sa poder niya, hindi niya malaman kung paano kikilos. ‘Bakit naman ako ang kailangang mag-adjust? This is my house.’ Napabuntong hininga pa siya sa isiping iyon. Nang makabalik si KJ sa sala ay naupo ito sa karatig na couch at nakinood sa palabas na kaniyang pinanonood. Hindi naman niya maiwasang hindi sulyapan ang dalaga lalo na at parang ngayon lang ito nakapanood sa TV. Napakainosente ng mukha nito at parang hindi kababakasan ng kakulitan, taliwas sa ikinikilos nito kapag nakikita niya ito sa reception area. Agad niyang binawi ang kaniyang mga mata sa dalaga nang pumihit itong paharap sa kaniya. Walang reaksiyon siyang nakatutok ang mga mata sa TV at nagpanggap na matamang nanonood kahit pa sa gilid ng kaniyang mga mata ay kita niya ang pagtitig ni KJ sa kaniya. Bahagya pa siyang kumilos at tumikhim para sana matauhan ang babae sa ginagawa nitong pagtitig sa kaniya, ngunit ni hindi man lang ito natinag. Bagkus, nangalumbaba pa ito at lantarang tinitigan siya ng husto ng dalaga. Hindi naman niya maunawaan ang kaniyang sarili dahil sa titig na iyon, parang palakas nang palakas ang pagtibok ng kaniyang puso. Naiilang siya sa paraan ng pagtitig ni KJ kaya binalingan na niya ito ng tuluyan. Handa na siyang pagsungitan ang babae nang sa paglingon niya ay nakangiting mukha ni KJ ang kaniyang nabungaran. Tila nagulo ang kaniyang sistema at sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, bigla siyang na-mental block. Agad niyang binawi ang paningin sa dalaga at saka tumayo sa kaniyang kinauupuan. Dahil wala na siyang maisip na sasabihin sa babae, minabuti na lang niyang magtuloy sa kaniyang silid. “Ikaw na ang magpatay ng TV, magpapahinga na ako. Make sure you lock everything and switch off the lights,” bilin niya rito habang naglalakad patungo sa kaniyang silid habang patuloy ang pagkabog ng kaniyang dibdib. “Teka, matutulog ka na?” awat sa kaniya ni KJ. Muntik pa siyang mapatalon nang magsilata ito. Hindi niya alam kung bakit siya nakararamdam ng ganoon, samantalang hindi naman siya magugulatin. Imbes na sagutin si KJ, binilisan na lang niya ang paghakbang patungo sa kaniyang silid at mabilis na pumasok doon at nagkulong. ‘Damn, Ron! Ano bang nangyayari sa iyo?’ sita niya sa kaniyang sarili. Habang sa sala naman ay kakamot-kamot sa ulo si KJ nang layasan na lang siya ni Ron doon. “Ano naman kayang nangyari sa isang iyon?” takang tanong pa niya sa hangin saka nagkibit balikat na lang at nanood ng palabas sa TV. Napapangiti pa siya dahil kanina hindi naman siya interesado sa pinanonood dahil mas gusto niyang pagmasdan ang mukha ni Ron kaysa ang palabas na iyon. Pero dahil wala na ang binata, pagtatiyagaan na lang niya ang palabas na iyon hanggang sa dalawin siya ng antok. ***** Kinabukasan, maagang nagising si KJ upang gampanan ang tungkuli niya bilang dakilang julalay ni Ron. Naligo muna siya at nagbihis ng pambahay para naman hindi siya mangamoy kama kay Ron. Isang cotton shorts ang isinuot niya na hanggang kalahati lang ng hita niya, habang ang t-shirt naman niya ay tila kasya silang dalawa ni Ron sa luwang niyon. Inirolyo niya pataas ang manggas ng kaniyang t-shirt saka nag-umpisang maghalungkat ng maaari niyang lutuin. Nakakita naman siya ng bacon, hotdog, tocino, tapa at kung anu-ano pang cold cuts sa loob ng ref nito kaya namili na lang siya ng puwede niyang lutuin doon. Nang makontento, inilagay niya sa lababo ang mga matigas pa sa batong cold cuts saka ibinabad iyon sa tubig. “Hindi pa ba expired ang mga ito?” kausap niya sa sarili saka tiningnan ang expiration date ng mga iyon. Sa tipo ng lalake kasi ni Ron, hindi siya kumbinsidong nakakapagluto ito ng pagkain. Lahat kasi ng kagamitan nito sa kusina ay mukhang siya ang nakaunang gumamit doon. “Hmmm, sabagay busy ka kasi masyado my hunky-yummy papa kaya naiintindihan ko kung nabubuhay ka sa mga take out foods. Pero habang narito ako sa bahay mo, bubusugin kita ng mga freshly cook foods na tiyak kong hindi mo tatanggihan!” nakangisi niyang sambit sa sarili habang tumatakal siya ng bigas sa despenser nito. Matapos niyang magsalang ng bigas sa rice cooker nito, naisipan muna niyang magligpit ng mga kalat sa sala nito, kahit pa wala naman masyadong kalat doon maliban sa nagulong cover ng couch at nawala sa ayos na mga pillows. Sinilipna rin niya ang laundry area upang malaman kung may kailangan na siyang labahan doon. “Hmmm, mukhang sa labahan naman ako malulumpo mamaya,” nakangiwi niyang saad sa sarili habang nakatingin sa gabultong labahang naroon. Napahinga pa siya nang malalim saka inumpisahang paghiwa-hiwalayin ang puti sa dekolor. Tutal matigas pa naman ang cold cuts na balak niyang lutuin, kaya ito muna ang uunahin niya. Matapos niyang paghiwa-hiwalayin iyon, agad niyang hinanap ang detergent soap ngunit wala siyang nakita. Napakamot tuloy siya ng ulo saka nakapamaywang na nag-isip. “Paano kaya naglalaba ang isang ito? Kahit isang piraso ng sabong panglaba wala siya. Hay naku!” Inayos na lang muna niya ang mga maruruming damit sa basket saka bumalik sa kusina upang magluto. Mamaya na lang siya bababa o tatawag kay Vienne para magpatulong bumili ng sabong panglaba. Hindi kasi niya sigurado kung papayagan siya ni Ron na lumabas ng unit nito dahil alam naman niyang mainit pa ang mata sa kanila ng mga media. Mabilis naman siyang nakapagluto ng kanilang almusal at nakapaghugas na rin siya ng mga ginamit niyang panluto. Inayos na rin niya ang lamesa at naglagay ng mga plato at kubyertos doon. Sinipat niya ang oras sa orasang nakasabit sa dingding na nasa pagitan ng pintuan ng kanilang silid — alas siyete na, oras na para kumain. Napangiti siya saka naglakad palapit sa pintuan ng kuwarto ng binata upang gisingin na ito. Medyo nagugutom na rin kasi siya saka marami-rami siyang lalabahan ngayon, kaya kailangan niya ng power! “Hunky-yummy papa! Kakain na!” tawag niya mula sa labas ng silid nito habang kumakatok doon. Patawa-tawa pa siya habang kumakatok sa pintuan ng silid nito dahil tiyak na susungitan na naman siya ng binata. Pupungas-pungas na kumilos si Ron mula sa pagkakadapa niya sa kaniyang kama nang makarinig siya ng mga katok mula sa pintuan ng silid niya. Nangunot pa ang kaniyang noo habang iniisip kung sino ang kumakatok na iyon. Wala naman siyang alam na schedule niya ngayon dahil binigyan siya ng off ni Monique. Kaya nagtataka siya ngayon kung sino ang nasa labas ng kaniyang silid. Agad din naman niyang natampal ang sariling noo nang maalalang nasa unit nga pala niya si KJ — ang babaeng dahilan kung bakit siya may off ngayon. “Damn! Bakit ba nakalimutan kong sabihan ang babaeng ito na bawal akong istorbohin sa oras ng tulog ko?” Muli siyang sumubsob sa kaniyang kama at itinakip pa ang unan sa kaniyang ulo para hindi marinig ang pagkatok na iyon ni KJ. Pero sa malas, hindi iyon epektibo dahil habang tumatagal palakas nang palakas ang katok nito sa kaniyang pinto. Padabog na bumangon siya sa kaniyang higaan at naglakad palapit sa pintuan at padaskol na binuksan iyon. “Hunky-yummy — ayyy! Pandesal!” Pinisil-pisil pa ni KJ ang mga pandesal na nasa harapan niya ngayon. Ang tigas at ang kinis ng mga pandesal na iyon kaya naman napapakagat labi pa siya, habang pinagagapang ang daliri sa mga iyon nang may humawak sa kaniyang palapulsuhan para pigilan siya sa kaniyang binabalak. “What the hell are you doing?” Para naman siyang nabuhusan ng kumukulong tubig nang marinig ang tinig na iyon kaya agad siyang napatingala rito. Nanlalaki ang mga mata niyang sinalubong ang tingin nito at naramdaman niya ang pag-iinit ng kaniyang mga pisngi. “Hinahawakan ang mga pandesal,” wala sa sariling sambit niya kay Ron. ‘Uh oh! I’m in trouble!’ bulong niya sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD