MAAGANG nagising si Allyson no'ng sumunod na araw, punong-puno ng determinasyon. Ang unang sinulyapan niya ay ang kalendaryo na nakabitin sa dingding ng kanyang kwarto. Nakalagay doon ang pulang marka—isang buwan. Tatlumpu't isang araw lang para makahanap ng mapapangasawa.
"Kaya mo 'to, Ally. Business deal lang 'to. Strategic planning," pep talk niya sa sarili habang nakatitig sa salamin.
Pero sa totoo lang, hindi siya sigurado. Ang lahat ng strategies na alam niya ay para sa corporate world—hostile takeovers, mergers, acquisitions. Hindi naman "Paghahanap ng Asawa 101."
Bumaba siya ng hagdan at sa kanyang pagdating sa sala, ang tanging naabutan niya ay ang tahimik na silid—wala na ang kanyang Mamita. Nakaalis na ito patungong Japan kasama ang mga amiga nito. May naiwan lang sa mesa na hindi niya napansin kahapon.
"Apo, huwag mo akong bibiguin. I have eyes everywhere. —Mamita"
Napailing si Allyson. Kahit wala rito ang lola, parang nandito pa rin ang presensya nito. Parang may nakamasid sa bawat kilos niya.
"Ngayong araw ko na sisimulan ang Operation: Hanap-Asawa 101," kumpyansang bulong niya sa sarili habang nakatingin sa salamin sa may aparador.
Pinili niya ang suot na damit—isang preskong kulay rosas na dress na hanggang tuhod at simpleng sandals. Hindi masyadong pormal, pero hindi rin masyadong casual. Perfect para sa "accidental" encounters, sabi niya sa sarili. Mabilis siyang lumabas ng ancestral house, determination written all over her face. Ang sikat ng araw ay tila nakikisama sa kanyang plano—maliwanag, hindi masyadong mainit.
"Señorita, saan po ang lakad ninyo?" nagtatakang tanong ni Manang Mirna na kasalukuyang nagpupunas ng mga muwebles sa sala.
Tumigil si Allyson at lumingon. "Diyan lang ho, Manang. Maghahanap lang ng mapapangasawa, hehe," sagot niya na may kasamang alanganing ngiti.
Natigilan si Manang Mirna at napakamot sa ulo. "Naku, Señorita, baka naman ho nagbibiro lang ang Señora sa sinabi niya sa inyo."
"Hindi, Manang. Kilala ko si Mamita, mayroon siyang isang salita. At ang salita niya, itataga niya talaga sa bato," seryosong sagot ni Allyson. "Kaya maiwan ko na ho muna kayo rito at ako'y maghahagilap na ng 'The One,'" biro niya bago tuluyang humakbang palabas.
"Eh, samahan ko na ho kaya kayo, Señorita?" nag-aalalang habol ng matanda, parang hindi kampante na mag-isa lang ang alaga niya.
"Kaya ko na ang sarili ko, Manang! Diyan na ho kayo!" sigaw ni Allyson habang nagmamadaling tumakbo patungo sa gilid ng bahay bago pa man siya mapigilan ng kasambahay.
Narinig pa niya ang nag-aalalang boses ni Manang Mirna sa likuran. "Naku po, Señora, pasensya na po sa apo ninyo!"
Pumasok si Allyson sa garahe at doon ay nakita ang isang lumang bisikleta. Kayamanan pa ito ng kanyang yumaong ama. Naaalala pa niya kung paano ito turuan ng tatay niya noon na magbisikleta—ilang galos sa tuhod, ilang iyak, pero sa huli ay natutuhan din niya. Bagaman medyo maalikabok ngayon, mukhang maayos pa naman ang mga gulong nito. Pinunasan niya muna gamit ang kanyang kamay, at pagkatapos ay sinubukan niyang padyakin.
"Perfect. Ito na ang gagamitin ko para mas malayo ang marating at mas malanghap ang sariwang hangin ng San Vicente," bulong niya.
At dahil hindi naman siya sigurado kung saan nakatira si Gabriel Alvarez, ang plano niya ay mag-ikot na lang. Parang sa business—kailangan munang mag-research bago mag-invest.
Masarap sa pakiramdam ang dampi ng hangin sa kanyang balat habang dahan-dahang pumapadyak. Walang tiyak na direksyon si Allyson, hinahayaan lang niya ang kanyang mga paa na dalhin siya kung saan man. Nadaanan niya ang malalawak na lupain at mga taong abala sa pagsasaka—mga matandang lalaki at babae na masigasig na nag-aani, mga kabataang nagdidilig, mga bata na tumutulong sa magulang.
"Magandang umaga po!" bati niya sa mga taong nadaanan.
"Magandang umaga din, hija! Ikaw ba ang apo ni Doña Carmen?" tanong ng isang matandang nagsasaka.
"Opo!" sagot niya habang ngumingiti.
"Naku, kamukha mo talaga ang lola mo noong bata pa siya! Maganda!" komento nito, na nagpapangiti kay Allyson.
Marami na ring nagbago sa loob ng anim na taon—ang huling beses na napadpad siya rito ay noong ilibing ang kanyang mga magulang. Isang mapait na alaala na pilit niyang itinago sa isang sulok ng kanyang isipan. Ayaw niyang balikan ang mga panahong iyon. Masyadong masakit ang alaala.
Pero ngayon, habang nakikita niya ang mga puno, ang mga bukid, at ang mga tahimik na kalsada, para bang may bahagyang ginhawa na bumabalik sa kanya. Parang sinasabi ng San Vicente na, "Welcome back. You're safe here."
Tumigil lamang siya sa pagpedal nang mapagtanto niyang medyo malayo na ang kanyang narating. Huminto siya sa ilalim ng isang malago at malaking puno ng akasya upang sumilong. Pawisan na siya at medyo pagod na rin.
"Ang sarap ng hangin!" malakas niyang bulalas habang nakapikit at dinarama ang kapayapaan ng paligid. Iwinagayway niya pa ang kanyang mga kamay sa hangin, parang bata.
"Tsk... ang ingay!" isang iritadong boses ang bumasag sa katahimikan.
Napamulat si Allyson at lumingon sa kabilang parte ng puno. Doon ay nakita niya ang isang lalaking nakahiga sa damuhan, nakatakip ang mukha ng isang suot na t-shirt. Topless ito, at ramdam niya ang inis sa tono nito.
"Bakit ka kasi diyan natutulog? Wala ka bang bahay?" nakapamewang na tanong ni Allyson, tumaas agad ang kanyang kilay sa pagkapahiya. Sino ba naman kasi ang matutulog sa gitna ng taniman?
"Eh, ano namang pakialam mo?" sagot ng lalaki nang hindi man lang kumikilos o tumingin sa kanya.
"Hoy! Bakit ba ang sungit mo?" inis na tanong ni Allyson. Halos lahat ng tao sa San Vicente ay mabait at magalang, pero ito—parang may pinagdadaanan.
"Ikaw kaya ang maistorbo ang tulog dahil sa sigaw na akala mo'y ngayon lang nakatikim ng hangin," asik nito, malamig ang boses.
"Eh 'di pasensya na kung naistorbo kita! Bawal na pala mag-appreciate ng kalikasan ngayon," inis na sagot ni Allyson sabay irap, kahit hindi naman siya nakikita ng lalaki. Napakasungit talaga.
Hindi na sumagot ang lalaki. Nanatili itong nakahiga at tila binalak na ituloy ang naudlot na tulog. Nag-alinlangan si Allyson kung aalis na ba o mananatili. May bahagi sa kanya na gustong umalis—sino ba naman ang makakatagal sa taong ganito ka-bastos? Pero may bahagi rin sa kanya na curious. Sino ba 'tong taong 'to?
Pinagmasdan niya ang pigura ng lalaki mula sa kanyang pwesto. Matangkad, matipuno. Mukhang sanay sa physical work dahil kita ang muscles sa braso at likod. Moreno. Definitely not office type.
"Anong tinitingin-tingin mo riyan?" biglang wika nito sabay tanggal ng damit na nakatakip sa mukha.
Muntik nang lumabas ang puso ni Allyson sa gulat. Bigla itong bumangon at hinarap siya. Kumunot ang noo ng lalaki, ngunit si Allyson ay tila naestatwa.
Oh. My. God.
Makapal na kilay na perpektong hugis, matangos na ilong na parang nililikok ng isang mahusay na iskultor, at mapupulang labi na tila iginuhit ng isang bihasang pintor. Mapupungay na mata na tila may tinatagong emosyon. At ang pisngi—may marka ng damuhan dahil matagal na siyang natulog doon.
Gwapo.
Ang unang pumasok sa isip ni Allyson. At hindi lang basta gwapo—the rugged, bad boy kind of gwapo. Yung tipong makikita mo sa magazine, pero mas real.
"S-sinisigurado ko lang kung tulog ka talaga," utal na sagot ni Allyson, pilit ibibabalik ang kanyang taray. Nakakahiya. Nahuli siyang nakatitig.
"Isara mo nga 'yang bunganga mo, baka pasukan ng langaw," pagpapatuloy ng lalaki sa mapanuyang tono. Tumayo ito at kunot-noo pa ring tinitignan si Allyson.
Wait. Bakit siya ang galit? Ako dapat ang galit dito!
"O, ikaw pa ang may ganang magalit? Ikaw na nga itong istorbo, ikaw pa ang matang," depensa ng binata ng mapansin ang salubong na kilay ni Allyson, determinadong hindi magpapahuli sa away.
"Kasalanan ko bang ginawa mong kwarto itong ilalim ng puno?" sagot ng niya ng may diin sa bawat salita.
"Hindi. Kasalanan ng bunganga mong sobrang ingay," asik ng binata habang nagsisimula nang maghanap ng bagong pwesto.
"Aba'y sumusobra ka na, ha! Mabangungot ka sana sa pagtulog mo!" asik ni Allyson habang nagmamartsang pabalik sa kanyang bisikleta.
Narinig pa niya ang malakas na pagtawa ng lalaki sa likuran. "Suplada! Bagay sa iyo maging matanda!"
"Ikaw din!" sigaw niya pabalik.
Ngunit hindi pa siya nakakalayo nang makarinig siya ng isang mapanirang sigaw mula sa likuran.
"Hoy, babae! Flat 'yang gulong ng bisikleta mo!"
Napatigil si Allyson at tumingin sa bisikleta. Oo nga. Bakit hindi niya napansin? Baka noong dumaan siya sa rough road kanina.
"Wala kang pakialam!" malakas na sigaw ni Allyson, ayaw magpakita ng kahihiyan. Pinilit niyang pumadyak kahit nararamdaman na niya ang bigat ng manibela at ang pag-alog ng gulong sa likod.
Ang hirap. Ang bigat. Pero ayaw niyang bumalik sa lalaking iyon para humingi ng tulong. Pride na ang nakataya.
Ilang metro pa lang ang layo niya sa malaking puno nang tuluyan nang bumigay ang bisikleta. Halos hindi na ito gumagalaw. Napatingala siya sa langit—ang kaninang maliwanag na sikat ng araw ay napalitan na ng makulimlim na ulap.
"Patay... paano ako uuwi nito?" nag-aalalang bulong niya.
At parang nakikinig ang langit sa kanyang kabiguan, nagsimulang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi lang yung simpleng ulan—yung tipong parang binuhusan ka ng isang baldeng tubig.
"Seriously?!" sigaw niya sa kalangitan. "Ngayon pa talaga?!"
Sa gitna ng malawak na taniman ng ubas at pinya, wala siyang makitang masisilungan. Nababasa na ang kanyang pink na dress at nagsisimula na siyang mangatog sa lamig. Ang buhok niyang maayos kanina ay basang-basa na at nakadikit sa mukha.
Dinala niya ang bisikleta, kahit mabigat. Hindi niya pwedeng iwanan—kayamanan iyon ng tatay niya. Pero habang tumatagal, lalong tumitindi ang ulan. At lalong lumalaki ang takot niya.
Biglang may humintong motor sa kanyang tabi.
"Sakay!" tipid na utos ng driver, ang boses ay halos hindi marinig sa lakas ng ulan.
Hindi siya lumingon at nagpatuloy sa paglalakad habang hila-hila ang mabigat na bisikleta. Stranger danger. Lesson number one sa city living.
"Tsk... tigas ng ulo." Isang kamay ang humawak sa kanyang braso at pilit siyang pinatigil.
"Ano ba! Bitawan mo ako!" pagpupumiglas ni Allyson, takot na takot. Anong klaseng psycho ang susundo sa kanya sa gitna ng ulan?
"Hoy, babae, huwag kang OA. Ikaw na nga itong tinutulungan, nag-iinarte ka pa," inis na sagot ng lalaki.
Napamulat si Allyson at bumungad sa kanya ang mukha ng masungit na lalaki sa ilalim ng puno. Naka-helmet na ito, pero kilala niya ang boses. At ang kilay. At ang iritadong expression.
Oh no.
Wala na siyang nagawa. Sa takot sa kulog at kidlat na nagsimula nang tumunog, napilitan siyang umangkas sa motor nito.
"P-paano 'yung bike ko?" pag-aalala niya, hawak pa rin ang manibela.
"Ipapakuha ko na lang sa mga tauhan ko," sagot nito habang inaalisan siya ng pagkakahawak sa bisikleta.
"Tauhan? Ano ka, drug lord?" asik ni Allyson, pero sumunod pa rin.
"Tsk. Manahimik ka na lang."
Mabilis na pinatakbo ng lalaki ang motor. Ngunit ilang sandali pa lang ay bigla itong huminto nang marahas, halos mahulog si Allyson.
"Teka nga, bakit sa leeg ko nakahawak? Papatayin mo ba ako?" iritadong tanong ng lalaki.
"Eh, sa balikat mo kaya ako nakahawak!" depensa ni Allyson, kahit alam niyang mali siya. Dahil sa takot sa kulog, nanginginig ang mga kamay niya at hindi niya napansin na masyado nang mataas ang hawak.
Hinuli ng lalaki ang kanyang mga kamay at marahang inilagay sa sarili nitong baywang.
"Dito ka humawak kung ayaw mong tumilapon," sabi nito.
Ramdam ni Allyson ang pagbilis ng t***k ng kanyang puso. Ang init ng katawan ng lalaki sa gitna ng malamig na ulan ay nagdulot ng kakaibang kaba sa kanya. Ang beywang nito—matipuno, solid.
Focus, Ally. Hindi mo type ang taong 'to. Masungit 'yan. Bastos at walang modo.
Pero bakit parang ang bango niya?
Huminto sila sa isang modernong kubo sa gitna ng malawak na lupain. May malaking sign sa labas na nakasulat: "PRIVATE PROPERTY. NO TRESPASSING."
"Pumasok muna tayo sa loob," aya nito.
"Hoy! Teka lang, baka trespassing tayo rito!" nag-aalangang sagot ni Allyson, takot na takot.
"Tsk... tanga talaga," bulong ng lalaki, pero may ngiti sa labi.
"Namumuro ka na, ha!" asik ni Allyson.
"Huwag kang mag-alala, ikaw lang ang makukulong sa ating dalawa kung sakaling mahuli tayo," nakangising sagot ng lalaki sabay pasok sa pinto.
"Ano?! Teka! Bakit ako lang?!" takang tanong ni Allyson.
Pero tuluyan nang pumasok ang lalaki. Walang ibang pagpipilian, sumunod na lang si Allyson. Mas takot siya sa ulan at kulog kaysa sa lalaking ito. At least kung sakali, alam niyang may tao siyang kasama.
Sa loob ng kubo, surprisingly ay malinis at maayos. May mga sofa, flat screen TV, at may kusina sa gilid. Mukhang rest house ng isang mayamang pamilya.
"Sino ba may-ari nito?" tanong ni Allyson habang pinagmamasdan ang paligid.
"Secret," sagot lang ng lalaki.
Binigyan siya nito ng puting t-shirt at boxer shorts na tila bago pa. May tag pa nga sa gilid. "Mauna ka nang maligo. Doon ang banyo sa may kusina."
Tinanggap ni Allyson ang mga damit. Bagong-bago. "Wala ba silang... bra rito?" tanong niya na may alanganing ngiti.
Pinadadaan ng lalaki ang tingin sa kanyang dibdib. Na parang sinusuri.
"Wala. Gumagamit ka ba niyon? Mukhang wala namang matatakpan," seryosong sagot nito.
"Aba'y loko ka, ah! For your information, Mister-I-don't-know, mayroon ako 'non ha!" asik ni Allyson sabay talikod at dumeretso sa banyo.
Narinig pa niya ang malakas na pagtawa ng lalaki sa likuran. "Defensive!"
"Bwisit!" sigaw niya bago isara ang pinto.
Sa loob ng banyo, napahawak siya sa kanyang dibdib. Kumakabog nang malakas ang puso. Ano ba 'to? Napaka-rude ng taong 'to, pero bakit parang... attracted siya?
"Huwag, Ally. Red flag yan. Bastos. Walang modo. Definitely not a husband material," paalala niya sa sarili.
Pero habang naliligo, hindi niya mapigilan ang isipin ang mukha ng lalaki. Ang kilay. Ang mata. Ang labi.
"Ugh. Stop it, brain!" bulong niya.
Paglabas niya makalipas ang ilang minuto, ang amoy ng noodles ang sumalubong sa kanya. Nakalugay ang kanyang basang buhok at ramdam niya ang init ng noodles na inihanda ng lalaki. Naka-oversized white shirt siya at boxer shorts—obvious na hindi bagay, pero wala siyang choice.
"Kumain ka muna," sabi ng lalaki habang nagsasalin ng noodles sa isang bowl.
Kahit masama ang loob, nilantakan ni Allyson ang noodles dahil sa sobrang gutom. Spicy seafood flavor. Hindi niya favorite, pero ngayong gutom siya, parang ang sarap.
"Masarap?" tanong ng lalaki.
"Pwede na," cold niyang sagot.
Nang matapos siya, lumabas ang lalaki mula sa banyo na tanging tuwalya lang ang nakabalot sa baywang. Napalunok si Allyson. Kitang-kita ang perpektong hubog ng katawan nito—ang abs na tila inukit, ang malapad na balikat, ang v-line na parang nang-aakit. May mga tattoo pa sa braso. Basang-basa ang buhok at may tumutulo pang tubig mula sa leeg papunta sa dibdib.
Lord. Bakit mo ako sinusubok?
"Tss. Pinagnanasaan mo na naman ang katawan ko," pansin nito kaya agad siyang lumingon sa ibang direksyon, ramdam ang pamumula ng kanyang mga pisngi.
"Kapal mo naman!" asik niya, pero ramdam niya ang init ng mukha.
"Tara na, tumigil na ang ulan. Baka mahuli pa tayo ng may-ari ng kubo," aya nito na may kasamang tawa. Pumasok ito sa kwarto at lumabas na nakasuot na ng pang-motor.
Sa biyahe pauwi, tila sinusubok ang pasensya ni Allyson. Sa bawat preno ng motor, hindi niya mapigilang sumubsob sa likod ng lalaki. At alam niyang sinasadya ito.
"Ayusin mo naman ang pagmamaneho! Napakamanyak mo!" reklamo niya.
"Wala nga akong maramdaman, eh," pang-aasar nito.
"Bwisit ka talaga!" sigaw niya habang hinihigpitan ang kapit sa baywang nito.
Narinig niya ang pagtawa ng lalaki. At kahit inis na inis siya, may bahagi sa kanya na... nag-enjoy.
Nang makarating sa tapat ng ancestral house, hindi na nag-atubili si Allyson. Bumaba siya agad at dumeretso sa loob nang hindi lumilingon.
"Thank you, ha!" sarkastikong sigaw ng lalaki mula sa labas.
Itinaas lang ni Allyson ang kanyang kamay, ang gitnang daliri ay nakaturo sa langit bilang sagot, bago tuluyang isara ang pinto.
Sa loob ng bahay, naghihingalo siyang napasandal sa pinto.
"Sino ba 'yung lalaking 'yon?" bulong niya sa sarili.
At bakit parang gusto niyang makita ulit?
***
ILANG minuto siyang nakatayo roon, nakasandal sa pinto, pinapakiramdaman ang sariling heartbeat. Unti-unti itong bumabalik sa normal, pero ang kaba ay parang hindi pa rin nawawala.
"Señorita! Okay lang po ba kayo?!" sigaw ni Manang Mirna mula sa kusina.
Napabalikwas si Allyson. "O-opo, Manang! Naulanan lang po ako!"
"Naku! Magpalit na po kayo ng damit bago kayo sipunin!" alalahanin na tugon ng kasambahay.
Tumingin si Allyson sa kanyang sarili. Basang-basa pa rin ang damit—yung oversized white shirt at boxer shorts na galing sa kubo. Ang pink dress niya ay naiwan pa roon.
"Naku," bulong niya. Paano niya kukunin 'yun? Hindi naman niya alam kung saan 'yung kubo. At sigurado siyang nakita na ng lalaking 'yun ang damit niya.
Nakakahiya.
Sobrang nakakahiya.
Umakyat siya sa kwarto at nagpalit ng damit. Tumayo siya sa harap ng salamin at pinagmasdan ang sarili. Ang buhok ay basa pa rin, ang mukha ay namumula pa rin. Pero ang kislap ng mata niya ay parang may iba.
"Focus, Allyson. Ang mission mo ay si Gabriel Alvarez. Hindi 'yung mystery guy na 'yon," paalala niya sa sarili.
Pero kahit anong pilit niya, ang mukha ng lalaki ay patuloy na bumabalik sa isip. Ang bastos na ngiti. Ang mapang-asar na tingin. Ang malamig pero matigas na katawan.
Napahilamos siya. "Ugh. Ano ba 'to."
Bumaba siya at dumeretso sa kusina kung nasaan si Manang Mirna.
"Manang, pwede po ba ninyong itanong kay Kapitan Alvarez kung kailan free si Gabriel? Gusto ko po sana siyang... makilala," tanong niya, medyo nahihiyang aaminin.
Ngumiti si Manang Mirna. "Sige po, Señorita. Tatawagan ko po mamaya si Aling Rosa. Mabait naman po 'yun. Siguradong papayag na magpakilala sa inyo si Gabriel."
"Salamat po, Manang," tugon ni Allyson.
"Ay naku, Señorita. Alam ko pong magiging masaya ang Señora pag nabalitaan niyang may progress na kayo," komento ng kasambahay.
Progress.
Tama. Progress. Ito ang kailangan niya. Hindi 'yung pag-iisip tungkol sa isang estranghero na hindi niya man lang kilala kung ano ang pangalan.
Pero habang umakyat siya pabalik ng kwarto, may bahagi sa kanya na umaasa na makikita niya ulit ang lalaking 'yun.
Kahit masungit.
Kahit bastos.
Kahit... hindi niya maintindihan kung bakit.
Humiga siya sa kama at pumikit. Bukas na lang niya problemahin ang tungkol kay Gabriel. Ngayong araw, pagod na siya. Physically at emotionally.
At bago tuluyang makatulog, huling naalala niya ay ang tunog ng tawa ng lalaki—malakas, totoo, at nakakabaliw.
"Bwisit talaga," bulong niya bago tuluyang sumuko sa antok.