Ellie's POV
"Ito, iha, inumin mo ang gamot mo ngayong umaga," utos ng matandang babae gamit ang malumanay niyang boses.
Katatapos ko lang kumain sa tulong ni Manang Cora. Hindi ko pa kayang sumubo mag-isa kaya naman matiyaga niya akong pinakain. Katulong niya si Arya sa pag-aasikaso sa akin. Kilala ko na silang dalawa dahil sila lang naman ang bumungad sa akin kahapon at sinamahan pa nila ako kagabi para lang makasigurong may mahihingan ako ng tulong kung ano man ang kailanganin ko.
Naglapag sila ng tig-isang foam sa sala set na malapit lang sa tabi ng kama ko. Hindi na ako magtataka na kasya kami sa kwarto na ito dahil sabi ko nga, napakalawak nito. Kung tutuusin, p'wedeng mag-overnight ang buong barkada na nasa 15 katao rito, hindi pa sila magsisiksikan.
Inabot ni Manang Cora ang dalawang tabletas at nang kunin ko 'yon, isinunod namang kinuha ni Arya ang baso na may lamang tubig at ibinigay rin sa akin.
"Wala pa ba ang Doctor?" tanong ko nang ibalik ko na sa kanila ang baso na wala nang laman na tubig. Hindi naman obvious na nauhaw talaga ako.
Sumandal na ako sa headboard ng kama para hindi mangalay. Maraming unan ang nasa likuran ko na nakasuporta, hindi sasakit ang likod ko rito dahil sa sobrang lambot ng mga ito.
"Dumalaw na ang Doctor mo kanina habang tulog ka. Na-check ka na nito at ibinilin na rin sa amin kung ano ang dapat gawin para mapabilis ang paggaling mo."
Kung dumalaw na ang Doctor, ibig sabihin ay hindi ko malalaman kung ano ang kondisyon ko? Paano na ngayon 'yan?
Kumunot ang noo ko. "Nasabi niya po ba sa inyo kung ano ang kalagayaan ko? Kung paano ko nakuha ang mga sugat na ito?"
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nalalaman kung anong nangyari sa akin. Kung bakit kasi ayaw nila akong sagutin kahapon. Hindi ako naniniwalang hindi pa alam ng Doctor ang result ng ginawang examination sa akin.
"Mahigpit na ibinilin sa amin na huwag munang ipaalam sa 'yo ang nangyari hangga't hindi pa dumarating si Senyorito Keeion. Siya lamang ang maaaring magsabi sa 'yo kaya hintayin mo na lang ito," paliwanag ni Arya. "Maya-maya rin lang ay narito na siya kaya huwag kang mag-alala at huwag mo ring piliting makaalala dahil masasagot na rin naman ang lahat ng tanong mo," dagdag pa nito.
I rolled my eyes.
Ilang oras pa ba ang hihintayin ko? Bakit ba kailangan ko pang malaman ang nangyari sa lalaking 'yon? P'wede naman na sila ang magsabi, halata namang alam nila.
Sino ba 'yang Senyorito Keeion na 'yan?
Siya lang daw ang maaaring magsabi sa akin, tsk! Akala mo naman ay batas!
Pinaghihintay pa niya talaga ako. Eh, atat na atat na akong malaman kung anong nangyari sa akin.
Hindi ba p'wedeng siya ang mag-adjust? Bilisan niya dahil nabuburyo na ako rito. Malay ko ba kung saan ko nakuha ang mga galos at sugat na ito. Malay ko ba kung muntikan na akong mamatay. Malay ko ba kung anong katangahan ang ginawa ko kung bakit umabot ako sa puntong 'to.
Hindi kaya binalak kong tapusin ang buhay ko? Tapos umakyat ako sa 10th floor building at tumalon doon? Pero hindi ako pinapasok sa langit dahil mababawasan daw ang maganda sa mundo kaya nandito pa rin ako?
Okay, charot. Malala nga yata talaga ang inabot ng ulo ko.
Kainis! Bakit ba kasi hindi ako makaalala?
Hindi pa ba sapat ang mga galos at sugat na nakuha ko? Hindi ko na nga rin magalaw ang paa ko, eh. Kulang pa talaga ang inabot kong ito? Pati ang memorya ko ay dinamay!
Naging curious tuloy ako kung may balat ba ako sa p'wet dahil sa kamalasang dinaranas ko ngayon.
"Sa ngayon, magpahinga ka na muna para manumbalik ang iyong lakas." Tumayo na si Manang Cora at kinuha ang tray kung saan niya nilagay ang ginamit ko sa agahan. "Si Arya na muna ang bahalang mag-alaga sa 'yo ngayon. Kung may kailangan ka, 'wag kang mahiyang magsabi sa kaniya."
Tumango lamang ako.
Dala-dala ang tray, lumabas na si Manang Cora sa kwarto.
Naiwan naman si Arya sa tabi ko at abalang inaayos ang mga gamot. May binabasa siyang papel at kina-classify ang bawat gamot na inaayos. Mukhang ang bilin ng Doctor ang nakalista sa papel na 'yon, ang schedule ng pag-inom ko ng mga gamot.
Hinayaan kong matapos siya sa kaniyang ginagawa hanggang sa tumayo na ito at akmang lilipat sa mahabang sofa.
"A-Arya..." tawag ko sa pangalan nito.
Hindi makapaniwalang nakangiti itong lumingon sa akin. "Kilala mo ako?"
Nagtaka ako sa reaksiyon nito. Hindi ba't Arya ang pangalan niya?
"Kasasabi niyo lang kahapon ang pangalan niyo ni Manang Cora, 'di ba?"
Oo, wala akong maalala sa mga nangyari bago ako magising pero hindi naman ako ulyanin. Hindi naman kasama sa nakalimutan kong ala-ala ang pag-alam ko kahapon kung sino sila.
Pagkadismaya ang gumuhit sa kaniyang mukha. Nagpatango-tango ito, senyales na tama ang sinabi ko. "Oo nga, sabi ko nga. Alam mo ang pangalan ko dahil nagpakilala kami ni Manang." She smiled awkwardly.
"I just want to ask..." Lumapit ito sa akin para marinig niya nang maigi ang sinasabi ko. Mahina kasi ang boses ko dahil hindi ko pa kayang ibuka nang maayos ang bibig ko. Nabibinat kasi ang galos ko sa pisngi sa tuwing nagsasalita ako kaya nakakaramdam ako ng pagkirot dito.
"Ano 'yon?" pang-uulit nito.
I look at her eyes directly. "Ano ba talaga ang nangyari?"
Nagbabakasali ako na malaman ko agad. Hindi na ako makapaghintay na malaman mula sa sinasabi nilang si Senyorito Keeion. Masiyado siyang matagal, hindi nakakatuwa!
Maliban sa pagiging jolly, mukha namang mabait si Arya. Baka p'wede niya akong pagbigyan.
"Promise, I won't tell to anyone na sinabi mo sa akin. I will keep that as a secret and I'll still pretend later in front of Senorito Keeion na wala pa rin akong alam. Gusto ko nang malaman ngayon kung anong nangyari nang mapanatag na ako."
Akala ko ay madadala ko siya sa pagpapaawa ko, pero mukhang hindi pa rin ito tumalab. Umiwas siya ng tingin sa akin at napalunok. Nasa pader na ang kaniyang paningin ngayon at hindi niya kayang ibalik sa akin ang kaniyang tingin.
She heaved a deep sigh. "Pasensiya ngunit wala akong alam. Kung mayroon man, hindi ko pa rin p'wedeng sabihin sa 'yo dahil mahigpit na patakaran sa mansiyon na ito na huwag na huwag susuwayin ang utos ni Senyor, maging ni Senyorito Keeion."
Nabuhay na naman ang pagkainis sa akin.
Bakit ba ang hirap nilang suyuin?
Napaka-loyal nila masiyado sa sinasabi nilang Senyorito. Ano ba siya, gold?
Ipinikit ko na lamang ang mata ko at hindi na pinansin si Arya. Wala rin naman ako makukuha mula sa kaniya dahil desidido naman itong hindi niya papangunahan ang tinatawag nilang Senyorito.
Naiinis na tuloy ako sa taong 'yon.
Halos lahat ng tao rito ay kontrolado niya. Maging ako nga ay nakokontrol na niya dahil mismong ako, hindi ko pa nalalaman ang nangyari sa akin dahil kailangan ko pa siyang hintayin.
Nakapikit lamang ang mga mata ko ngunit nanatiling gising ang diwa ko. Hindi naman ako inaantok kaya malabong makakatulog ako. Eh, paano, busog na busog kaya ako sa tulog. Lagpas sampung oras din akong tulog. Isa yata ito sa side effects ng iniinom kong gamot, napapahimbing nito ang tulog ko.
Tahimik lang ang paligid nang pumikit ako. Hindi ko alam kung ano nang ginagawa ni Arya. Pero ilang minuto lang, binasag ng isang malakas na kalabog ng pinto ang katahimikan na namamayani rito sa loob.
Agad akong napamulat para makita kung sino ang may gawa ng ingay na 'yon.
"It's nice to be back!" ani ng bagong dating.
Isa itong lalaki na nakasuot ng formal black suit at bakas sa hitsura na may mataas na posisyon ito rito sa bahay o maging sa lipunan. Maayos din ang kaniyang tindig na lalong nagbigay sa kaniya ng presentableng hitsura.
Hindi ko ide-deny na cute siya. Yes, cute siya at 'di ko sinabing g'wapo.
Iba kasi ang definition ng dalawang salita na 'yan para sa akin.
Ang cute na tao for me ay 'yong maamo ang mukha, napakabibo kung titingnan, hindi ako mahihirapan na i-approach dahil mukha itong mabait at madaling pakisamahan. At iyan nga ang naging first impression ko sa lalaking nasa harapan namin ngayon.
Nagpabalik-balik ang paningin nito sa akin at kay Arya.
Humakbang ito papalapit kay Arya at nilagpasan lamang ang kama ko. Sapat na ang tingin na pinukol niya sa akin para malaman ang sitwasyon ko.
"Totoo pala ang sinasabi ni Arya na gising ka na. Akala ko ay nagsisinungaling lamang siya," usal niya. Sa tono ng kaniyang boses, hindi nga siya naniwala agad sa binalita ni Arya.
Nasa kanilang dalawa na ngayon ang paningin ko dahil magkatabi na sila.
Masama ang tingin ni Arya sa lalaki. Akma itong magsasalita ngunit inunahan ko ang babae.
"Señorito Keeion?" pagkumpirme ko.
Hindi maitatangging mayaman ang lalaking ito kaya malaki ang posibilidad na siya ang tinatawag nilang Senyorito. Sa kaniya ko rin malalaman ang kondisyon ko na kagabi pa nila pinipigilang malaman ko.
Napahalakhak ito nang mahina sa sinabi ko. "W-What? Did you say that I'm Señorito Keeion?" Hindi pa rin ito makapaniwala na dahilan para kumunot ang noo ko. "Seriously?"
"Why? Hindi ba?" I asked.
Malay ko ba kung sino siya. Nagbase lang naman ako sa hitsura niya kaya ko nasabing siya ang sinasabi nilang Senyorito.
Ang kaninang natatawa niyang hitsura ay napalitan ngayon ng sobrang pagkaseryoso. Tumikhim ito sabay ayos sa suot niyang suit saka inayos din ang kaniyang tindig. "You're right." Umiba rin ngayon ang kaniyang boses. Umakto siya na parang may ginagayang isang tao. "I'm Señorito Keeion, the young master. And I'm here to--"
Hindi na niya natuloy ang sinasabi dahil agad siyang binatukan ni Arya.
Hala? Binabatukan na pala ngayon ang Amo?
Akala ko pa naman ay takot na takot sila sa Senyorito nila. Ultimo susundin lahat ang kaniyang ibinilin at patakaran dito sa bahay nila.
"Manahimik ka nga, Tedson!" Hindi pa nakuntento si Arya, kinurot pa nito ang lalaki sa tagiliran. "Sinasamantala mo ang pagkawala ng kaniyang memorya para sa kalokohan mo. Isusumbong kita kay Senyorito!"
Napangiwi naman ang lalaki. "Ito naman! Hindi ka mabiro, lagi ka na lang seryoso. Ako ba, kailan mo seseryosohin?" Abot tainga ang ngisi nito.
Mas lalo namang naasar si Arya. "Mandiri ka nga!"
"Mandiri raw pero halos magkabuhol-buhol na ang alaga mo sa tiyan dahil sa kilig." Inayos ng lalaki ang kwelyo niya na nagdagdag sa confidence niya. "Alam ko namang sobra ang impact ng isang Tedson Ramirez sa 'yo."
Nagpatuloy sila sa pag-aasaran at tila wala lang ako rito. Hindi nila alintana ang presensiya ko. Pero ayos lang naman dahil nawiwili akong pinagmamasdan sila.
Napansin kong may isa nang namumula ang pisngi sa kanila na dahilan ng palihim kong pagngiti. Ako yata ang kinikilig dito.
Bagay silang dalawa.
"Ah, huwag kang maniwala sa isang 'to. Hindi siya si Senyorito Keeion. Siya ang epal na personal assistant ni Senyorito, Tedson ang pangalan niya." Ipinakilala ni Arya ang lalaki sa akin.
Tugma ang pangalan niya sa sutil na personality nito.
Mukhang hindi ako nagkamali sa first impression ko kay Tedson.
"Wait, gusto kong bigyan ng justice ang pagpapakilala sa akin ng babaeng tigre na katabi ko. I'm Tedson Ramirez, the handsome personal assistant of Mr. Keeion Logan Ruiz." Pinandiinan niya ang salitang handsome sabay lingon kay Arya, saka naman ito bumaling sa akin at yumuko para magbigay ng respeto.
Hindi ko inakala na personal assistant siya. Pinagkamalan kong siya si Senyorito Keeion dahil sa hitsura nito. Grabe, personal assistant pero ang tindig at pananamit, parang isang CEO ng isang well-known company!
Ganito ba talaga kayaman ang mga taong narito sa mansiyon na ito?
"Nasaan ba si Senyorito? Hindi ba't magkasama kayo?" tanong ni Arya.
Kung kausapin niya si Tedson, parang kaibigan niya lang. Well, hindi na ako magtataka. Nakakapag-asaran nga sila, eh. Siguro ay mataas din ang posisyon ni Arya rito pero hindi mo mahahalata dahil sa simpleng kasuotan nito, nakadamit pambahay nga lang siya at feel at home talaga.
Naupo si Tedson sa mahabang sofa. Ipinatong nito ang kaniyang dalawang kamay sa sandalan ng inuupuan niya, nagde-kwatro pa ito. "Iniwan ko siya sa baba, kausap si Doc Guttierez."
Nandito pala ang Doctor na nagmomonitor sa akin? Talaga namang inuna pa niyang magbigay ng update sa lalaking iyon samantalang ako itong nakahandusay rito sa kama at iniinda ang mga sugat na ito.
Dapat ako ang unang makaalam sa kondisyon ko!
Nanatili lang nakatayo si Arya sa tabi ng sofa na kinauupuan ni Tedson. Inaaya siya ng lalaki na tabihan siya nito pero halos patayin na siya ni Arya gamit ang masamang tingin pero hindi naman nagpatinag ang isa, mas lumalawak lang ang ngiti ni Tedson sa nabuburyong mukha ni Arya. Asar na asar siya sa presensiya ng lalaki.
Nakatuon pa rin ang atensiyon ko sa kanila.
"Bakit ba ang tagal-tagal ng sinasabi niyong Senyorito Keeion? Kagabi pa niya ako pinaghihintay, ha!" Nagsimula na akong maglabas ng hinanakit. "Kung nandiyan na pala siya sa baba, bakit hindi sila dumiretso rito nang malaman ko rin ang sinasabi ng Doctor. Ano, siya ba itong nakahiga rito sa kama na dumadaing ng sakit dahil sa mga sugat na ito? Hindi naman, 'di ba? May gana pa siyang paghintayin ako. Ano ba siya, gold? Makaharap ko lang talaga 'yang lalaking 'yan, sasapakin ko talaga siya."
Hindi ko alam kung bakit parang nagulantang sila sa sinabi ko. Eh, totoo naman! Kagabi ko pa gustong malaman ang nangyari sa akin.
Ikaw kaya ang mag-isip kung anong nangyari pero ni isa, wala kang maalala.
Wala ba akong maalala o wala lang talaga akong isip?
Ilang segundo na ang lumipas pero hindi pa rin sila umiimik.
"Kahit ang lalaking pa 'yon ang amo niyo rito, hindi pa rin ako takot na hambalusin siya. Napakadesisyon niya kaya! Halos kontrolin niya ang galaw niyo kaya hindi niyo masabi sa akin ang nangyari. Naku, nanggigigil talaga ako!"
Napadako ang paningin ko kay Arya na halos kausapin na niya ako gamit ang tingin niya. Tila pinaparating niya sa akin na tumigil na at tumahimik na lang.
"Magpakita lang sa akin ang Senyorito Keeion na 'yon, sinasabi ko na nga, makakatikim 'yon sa akin ng malutong na sapak," dagdag ko pa. Hindi ko alintana ang pagbibigay senyales ni Arya na halos pandilatan na niya ako ng mata dahil hindi ko siya pinapansin.
"Really? You can do that?"
Isang malamig na boses ang biglang namayani sa loob.
Napalingon ako sa pinto at nakatayo roon ang isang matipunong lalaki. Tulad ng suot ni Tedson, naka-black formal suit din ito. Pero ang awrahan niya, nakakatakot. Kabaliktaran lahat ng naging first impression ko kay Tedson.
Maganda ang pagkakahubog ng kaniyang katawan at matikas itong tumindig. Hindi ko maipaliwanag ngunit nakakatakot ang kaniyang presensiya. Mas lalo pa akong natakot sa matalim niyang mata, kahit pa siguro hindi niya sinasadyang tumingin, mapagkakamalan mong pinapatay ka na niya nito sa kaniyang isipan dahil sa masama niyang tingin. Siguro ay madalas siyang napapaaway dahil sa ganito siya tumingin. Ang kaniyang mata na kaya ang sinasabi nilang killer eyes? Literal na nakakamatay siyang tumitig.
Pero kahit pa nakakatakot ang kaniyang hitsura, namangha pa rin ako sa taglay nitong kagwapuhan. He's the true definiton of handsome and attractive man for me. Sa jawline pa lang nito, mapapanganga ka na.
Siguro ay favorite siya ni Lord kaya napakaperpekto ng pagkakagawa sa kaniya. Talaga namang hinulma nang mabuti ang kaniyang mukha, pati ang kaniyang katawan, walang palya.
Lumapit ito sa akin at tinitigan ako nito. Tila sinusuri niya ang buo kong katawan. Nagbigay tuloy ito ng pagkailang. Kulang na lang ay takpan ko ang katawan ko dahil hindi ko alam kung pinagpapantasyahan na ba niya ako.
"Sino ka naman, ha?" matapang kong tanong. "Isa ka rin ba sa assistant ni Senyorito Keeion na 'yon? Kung hindi naman, baka isa kang butler? Ikaw siguro 'yong pinakaleader ng mga bodyguards ng lalaking iyon, 'no?"
Tama, may posibilidad na isa siya sa nagproprotekta sa Senyorito nila base na rin sa pangangatawan nito. Kahit pa mukha itong super mayaman, hindi ko pa rin maiwasan na isipin na isa pa rin siya sa assistant ni Senyorito Keeion.
Nadali nga ako ni Tedson, eh, kaya hindi na ako papayag na mali na naman ang hinala ko kung sasabihin kong siya si Senyorito Keeion.
Walang emosiyon itong tumingin sa akin at iniwas din agad iyon. Wala siyang balak na sagutin ako.
Ay, attitude!
Lumapit sa amin si Arya.
Sumunod naman si Tedson na natatawa at tila naaaliw sa nangyayari. "Payag ka ro'n, butler ka raw?" mapang-asar na siniko ni Tedson ang lalaking bagong dating.
Natigil din agad ang pagtawa ni Tedson at kusang napayuko ito nang tingnan siya ng lalaki ng masamang tingin.
Binawi ang kaligayan niya sa isang tingin lang ng lalaki.
Nag-aalinlangang kinuha ni Arya ang atensiyon ko. "Hindi siya personal assistant ni Senyorito Keeion at lalong hindi siya butler o bodyguard."
"Ha? Edi, sino siya?"
Binigay ni Arya ang pagkakataon para sagutin ako sa lalaking 'di ko kilala.
"I'm Keeion Logan Ruiz." Gaya kanina, walang emosyon pa rin ang maipipinta sa kaniyang mukha. "Now, do it. Hindi ba't sasapakin mo ako kapag nakaharap mo ako?"
Inilapit niya ang kaniyang mukha para bigyan ako ng pagkakataon para sapakin siya pero hindi ko magawa dahil naestatwa ako nang makita ko sa malapitan ang perpekto niyang mukha.
Ang lahat ng tapang ko kanina ay umatras ngayon.
Akala ko ba ay nobody's perfect? Bakit may isang tao na nasa harapan ko ngayon ang ultimo ang kuko niya sa paa ay perpektong nahulma.
Nang lumipas ang ilang segundo na wala siyang nahintay para dumapo ang kamay ko sa makinis niyang mukha, inilayo na nito sa akin ang mukha niya.
Nanatili siyang nakatayo sa gilid ng kama at nakapamulsa. "Hindi ko alam na may pinatira ako rito sa mansiyon na isang suwail?"
Pinaglihi ba siya sa dagat kaya ganito kalalim at kalamig ang boses niya?
Napalunok lamang ako pero hindi ko pinahalata na natatakot ako sa kaniya.
"Pero hahayaan ko lang ang mga sinabi mo ngayon dahil hindi mo pa naman alam ang mga patakaran sa pamamahay na ito. Pero nais ko ngayon din na ipaalam sa 'yo ang pinakaunang utos na kailangan mong sundin. Iyon ay ang matuto kang respetuhin ang mga desisyon ko. Naiintindihan mo ba, Ellie?"
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi dahil sa takot ako sa patakaran na sinambit niya kung 'di dahil sa huling salita na sinabi nito.
"Ellie?"
Tinawag niya akong Ellie.
Iyon ba ang pangalan ko?
Ako ba si Ellie?
Ang kaninang nakapamulsa niyang kanang kamay ay hinugot niya kasama ang isang bracelet. Ipinakita niya ito sa akin.
"Ito ay suot mo noong isinugod ka sa hospital. Ito ang nag-iisang bagay na nakita namin para malaman ang pagkakakilanlan mo."
Iniabot niya sa akin ang hawak niyang kulay ginto na bracelet.
Nang nasa kamay ko na ito, sinuri ko agad ito. May disenyo ang gold bracelet na daisy flower. Maganda ang quality ng bracelet na ito, kung hindi ako nagkakamali, p'wede ko ito isanla dahil halata namang tunay na gawa sa gold.
Nang baliktarin ko ang bracelet, may nabasa akong isang word na nakaukit doon.
Ellie