Ang Huling Liham
Binuksan ko ang liham mula kay Lolo Arturo nang may kagalakan sa aking puso. Tanging sa sulat ko na lamang siya nakakausap dahil pinagbabawalan na siyang umalis sa bahay dahil sa sakit nito sa puso. Natatakot akong isipin ang hindi natin kailanman mapipigilang pangyayari sa buhay ng tao na mangyari sa kanya.
Gayunpaman, paminsan-minsan ay dinadalaw ko siya nang mga dalawang beses lamang sa isang taon at tuwing Abril lamang iyon kung kailan ang buwan ng aking kapanganakan.
Hindi na katulad noon ang aming mga ginagawa ni lolo kapag kami ay magkasama. Noon, umaakyat kami sa mga puno na nasa bukirin. Tapos gumagapang kami sa mga tuyong dahon na nasa ilalim ng mga puno sa kakahuyan kapag naglalaro kami ng Ang Kawal at ang Magiting na Prinsesa na siya ang nakaimbento. Lahat ng laro sa bukirin ay amin nang nalaro kasama ang ibang mga bata noon na bumibisita at pumupunta sa bukirin upang humingi ng prutas mula sa mga puno sa bukirin. Ngayon, hindi na namin iyon magagawa pang muli na magkasama. At naninibago ako dahil hindi ako sanay na mag-isang naglalaro sa bukirin.
Ngayon, Disyembre at pasko na, at dalawang taon ko nang hindi siya nakakasama tuwing sasapit ang kapaskuhan. Inaasahan kong may matatanggap ako galing sa kanya pero hindi ko tinutukoy ang regalo o anumang materyal na bagay. Ang aking tinutukoy ay ang kanyang bagong kuwento na pinapadala niya sa mga pinsan ko.
Pupunta ngayon sa bahay ang Tiyo Guillermo at Tiya Romira ko kasama ang aking mga pinsan mula sa kanilang siyudad. Tiyak na magiging maingay nang muli ang aming tahanan.
Sa mga oras na ito, nasa lilim ako ng punong mangga, kung saan nadatnan ako ng aking Kuya Jaston na nakahiga sa damuhan katabi ang pusa kong si Kahel, at ang asno kong si Tikas kahit hindi naman ako marunong mangabayo. (Matututo din ako balang araw.)
“Hermie,” tawag ni Kuya, “Dumating na sina Tiya Romira at Tiyo Guillermo kasama mga pinsan nating anak-siyudad,” sabi niya.
Tumango lamang ako at tumingin sa kanya.
“Ano’ng balita tungkol kay lolo?” tanong ko nang siya’y maupo sa tabi ko at kinuha si Kahel mula sa aking kandungan at nilipat sa kanyang dibdib.
“Wala. Pero may binigay sila sa aking sobre. Heto,” may kinuha si Kuya sa bulsa ng kanyang karsones at hinagis iyon sa hangin. Lumapag ang liham sa akin at agad ko itong binuksan.
Mahal Kong Apo,
Kamusta, Hermie?
Alam kong hindi ka nakangiti nitong mga nakaraang Linggo kasi magpapasko na naman na hindi tayo magkasama.
Gayunpaman, hindi ka dapat nanlulumo. Batid mong hindi basehan ang distansya natin sa isa't isa sa ating pagmamahalan bilang mag-apo.
Anak, mahal na mahal ka ni lolo. Hihintayin kong mahanap mo ang lahat ng bagay na para sa iyo.
Nagmamahal,
Lolo
PS. May regalo ako sa’yo...pero sikreto.
Naguguluhan ako sa “sikretong regalo” na tinutukoy ni Lolo.
“Sikretong regalo?” nakangiti akong tinanong ang sarili, “Pupunta ba si Lolo dito ngayon? Siya ba ang sikretong regalo niya sa akin?”
Agad akong tumayo mula sa pagkaupo at hinila si Kuya patayo.
“Bumalik tayo sa bahay. Nandoon tiyak si Lolo, naghihintay,” sabi ko sa kanya at agad kong mahigpit na itinali ang tali ni Tikas sa sanga ng punong mangga at inagaw si Kahel kay Kuya, sabay takbo papuntang bahay.
“Hintay!” tawag ni Kuya habang tumatakbong nakasunod sa akin.
Nadatnan ko doon sa harapan ng bahay ang anim na nagtatangkarang mga tao na nasa isang minivan na kulay gatas na may nakapaskil na mga gumamela at sunflower. Mabulaklak ang sasakyang iyon.
Sinubukan kong ngumiti kay Alsandra, pinsan kong kasing-edad ko ngunit dalawang buwan siyang nakatatanda sa akin. Ipinanganak siya nang Valentine's Day. Kaya ang buong pangalan niya ay Alsandra Amor Dia Buno. Siya lamang sa kanilang magkakapatid ang may pinakamahabang pangalan at paborito siya ni Lola Rezafe. Maganda siya na katulad ng ganda na kapag dadaan siya sa tabi mo, agad mo siyang mapapansin mula sa dami ng tao. At batid niyang labis ang kanyang kariktan lalo na’t kapag kulay ng melokoton ang suot niyang bestida.
Nang ako'y ngumiti, ngumiti din naman siya ngunit tiningnan niya muna ang aking mga paa patungo sa aking buhok, at agad siyang pumasok sa bahay kahit hindi pa man siya inanyayahang pumasok. Iyan lamang ang problema niya.
“Hermin!” tawag ni Tiya Romira sa akin sa isang matinis na boses, dati siyang mang-aawit sa teatro.
At Hermin ang tawag niya sa akin kahit na alam niyang Hermie ang pangalan ko.
Nagmano ako sa kanya at agad niya din namang kinuha ang kanyang kamay.
“Kamusta ka na, hija?” sabi niya, “Tila tayo’y bahagyang pumapayat, hindi ba?”
“Aaah, mabuti po,” nakangiti kong tugon, “Kayo po?”
“Mas mabuti,” sagot niya at agad pumasok sa bahay katulad ni Alsandra.
At nandoon si Tiyo Guillermo.
“Tiyo, tulungan ko na po kayo,” nag-alok ako ng tulong na buhatin ang mga bag na naglalaman ng kanilang mga damit.
“Salamat, hija,” sabi niya at napabuntunghininga. “Kamusta ang pag-aaral? Marami bang asignatura?”
“Ganu’n nga po,” sagot ko at dahan-dahang nilalabas mula sa sasakyan ang mga bag.
“Pero kaya mo ‘yan. Ganyan talaga kapag sa umpisa,” sabi ni Tiyo.
Napakabuting tao ni Tiyo at hindi ko alam kung paanong parang walang sinuman sa kanyang mga anak na lalaki ang nagmana ng kanyang kabaitan.
“Hi, Hermie. Ayos lang ba ang suot kong hoodie?” tanong ni Cedriko, ang tawag ko sa kanya ay Kiko kasi mas bagay sa kanyang tawaging Kiko.
“Higit pa sa ayos,” tugon ko at totoo ang sinabi ko. Magara siyang pumili ng susuotin. Para siyang mang-aawit ng pop song kung manamit.
“Merry Christmas,” sabi niya at agad pumasok sa bahay matapos nagmano kina Inay at Itay.
Si Kiko lamang ang kahit papaano ay may galang kahit may bahagyang katamaran lalo na sa mga bagay na hindi niya hilig. Naiintindihan ko siya pagdating sa ganoong bagay.
At itong isa kong pinsang may salamin sa mata, si Gino, na nababalot ng electrical materials na nakasaksak sa kanyang iPod, ang pumapangalawang pinakamatindi sa kanilang apat. Dahil minsan, kapag nasa pag-uusap, nakakaligtaan niya madalas na kailangan din ng respeto sa pakikipagtalastasan lalo na sa mga nakatatanda sa kanya. Sabi ni Itay, malamang iniisip niyang siya ang pinakamatalino sa lahat ng nandito. Si Gino ay nasa parehong tono kapag nakikipag-usap at medyo nakakaantok iyon, maliban na lamang kung interesado ka sa kanyang mga topiko. Pumasok lang din siyang katulad ni Alsandra at Tiya Romira. Siguro ganoon sila kasi tutal kahati din naman namin sila sa posesyon ng bahay. Ngunit, kung ako ang tatanungin, hindi yata wasto ang ganoon pero naiintindihan ko sila. Intindihin natin.
Tapos ko na ring ibaba ang mga bagahe mula sa kotse ni Tiyo Guillermo at naipasok na rin sila lahat sa bahay.
“Hello, Hermie,” si Renett iyon na nakangiting bumati sa akin habang pansin kong may kakaiba sa suot niya.
“Hello,” tugon ko at lumapit sa kanya, “Parang...may nag-iba yata sa’yo, Ren,” sabi ko sa kanya.
Tumango-tango siya at nandoon parin ang ngiti niyang may dalawang ngipin na nawawala.
“Ginaya ko ang style mo sa damit, Hermie,” sabi niya na tila ba kinikilig.
Napatawa ako nang bahagya. Hindi ko inasahan iyon.
“Talaga? Bakit naman? Mas maganda at maayos ang istilo mo kaysa sa akin,” sabi ko sa kanya.
“Wala lang. Gusto ko lang may pagbabago naman,” matalino magsalita si Renett sa mura niyang edad lalo na kapag kinakausap mo siya nang maayos. Subalit, may mga pagkakataon na magtataka ka na lamang kung bakit hindi na naman siya ganoon magsalita.
At pumasok na kaming lahat sa bahay.
Nasa sofa nakaupo ang lahat nang sila'y aking madatnan, maliban kina Inay at Itay na nandoon sa kusina at naghahanda ng kanilang makakain.
“Hermie,” tawag ni Tiya Romira sa akin mula sa kaliwang sofa na kung saan siya ay nakaupo na tila isang mayamang tao na walang pakialam sa maglilinis sa duming maiiwan sa upuan.
“Po?” tugon ko at tinulungan si Inay sa mga dala niyang tinapay at keso at inilapag namin ang tray sa mesa.
“Binigay ba sa'yo ng kuya mo ang liham ng lolo mo?” tanong ni Tiya Romira habang ang mga kilay niya ay nakataas.
“Opo. Kamusta po si lolo?” tanong ko at naupo katabi ni Itay na nasa kanang sofa katabi si Kuya.
Hinintay ko ang tugon ni Tiya Romira ngunit tila hindi lumalabas ang mga salita sa kanyang bibig.
Napansin ko ang hitsura ni Renett. Tila may namumuong nga luha sa kanyang mamula-mulang mga mata.
“Hindi mo ba talaga batid ang nangyari kay Lolo Arturo?” si Alsandra ang nagsalita.
Bumilis ang pintig ng aking puso.
“Wala na ang Lolo Arturo mo, Hermie,” dahan-dahang sinabi ni Tiyo Guillermo sa malamig na boses.
Noong una, akala ko nakarinig ako ng isang napakalakas na tunog kaya wala akong maintindihan. Kaya, pinaulit ko si Tiyo Guillermo. Ano raw? Wala na si Lolo? Umalis na siya? Saan siya nagtungo?
“Ano po? Bakit? Saan po ba siya nagtungo?” tanong ko sa kanila.
Walang sumagot mula sa kanila. Subalit napansin ko si Inay. Hindi siya mapakali at hindi ko maintindihan kung bakit. Hanggang sa bigla na lamang siyang tumangis at humagulgol, sabay sabi sa akin.
“Pumanaw na ang lolo mo, Hermie.”
Nanginginig ang boses niya katulad ng aking mga labi. Tila hindi ko maramdaman ang buong katawan ko. Malamig ang ihip ng hangin sa paligid. At wala na akong maaalala kung ano ang sumunod na nangyari. Ang batid ko lamang ay tila lumutang ang aking ulo at dumilim ang buong paligid.