Prologue
Prologue
Nakakapagod na araw. Hindi ko alam kung bakit araw-araw akong pagod, pero gano’n lagi ang nararamdaman ko. Lagi akong nanlalata at bagsak ang katawan.
Pagod lagi ako.
Para namang walang bago lagi sa buhay ko. Paulit-ulit lang. Walang kahit na anong pag-unlad sa `kin.
Lagi akong nagtatanong sa sarili ko kung bakit pa ako nabubuhay, kung ano’ng dahilan kung ba’t pa `ko nabubuhay, at kung para saan pa `yong buhay ko. Parang, nabubuhay na lang ako dahil humihinga ako. Hindi ako nabubuhay kasi may pangarap ako, may purpose ako, at may itinakda sa akin ang Diyos na gawin para mabuhay.
Minsan, naiinggit ako sa mga taong may pribilehiyo sa buhay, kasi nasa kanila na `yong mga bagay na wala ako. Nagagawa nila `yong mga bagay na gusto nila na hindi nila kailangang paghirapan. Hindi na nila kailangang magmakaawa ni mag-asam ng kahit na ano. Naiibigay na sa kanila `yon. Kompleto na sila. Kontento na sila.
Gusto kong magsawa, pero hindi puwede. Gusto ko na lang mawala na parang bula kasi wala namang saysay `yong buhay ko.
Kaso, heto pa rin ako… humihinga, gumagalaw, nagtitiyagang ipagsisikan `yong sarili ko para maabot ko ang pagmamahal ng ibang tao. Baka kasi iyon talaga `yong dahilan kung bakit pa `ko nandito. Baka nga.
Papunta ako ngayon ng simbahan para magdasal. Hangga’t kaya kong pumunta roon, ginagawa ko dahil doon ko lang nakakausap si mama at ang Diyos… Sana lang, hindi sila nagsasawa sa mga panalangin ko. Na sana, napapakinggan nila ako.
Tuwing dumaraan ako rito sa bangketa, gusto kong mahawa sa pagiging buhay ng mga taong ito. Gusto kong maging katulad nila pero hindi man lang mahigop nitong katawan ko `yung pagiging masaya nila. Saan kaya sila nakakakuha ng inspirasyon para maging masaya nang ganito? Saan kaya nila nakukuha `yong pagtawa nila na para bang walang bukas? Wala ba silang problema?
Ang sarap siguro sa pakiramdam na wala kang dinadala. Na masaya `yong mga taong nasa paligid mo. Na nakangiti sila sa iyo sa kabila ng lungkot na gumuguhit sa mga mukha nila. Wala kasi akong alam na gano’ng emosyon. Walang nagparanas sa `kin… na kahit sino.
“Miss! Halika.”
Hindi ko masyadong pinapansin `yong babae na kanina pa yata ako kinakawayan. Habang naglalakad ako, kunwari, hindi ko siya naririnig pero mukhang ako `yong gusto niyang makausap, base na rin sa pagkaway niya; sa akin nakatutok.
“`Uy! Kanina pa kita tinatawag, hindi mo naman ako pinapansin.”
Napahawak ako sa dibdib ko sa gulat dahil bigla siyang sumulpot sa gilid ko. Bakit ba may mga taong ganito? Ramdam naman niya siguro na ayaw ko siyang makausap, pero pinipilit niya pa rin `yong gusto niya. May batas tungkol sa consent, hindi niya ba alam `yon?
“Ako si Miriam, manghuhula. Kaya kong hulaan `yong future mo.”
“Wala po `kong pera.”
Tinignan ko `yung babae. Matangkad siya sa `kin at may malaking ngiti sa mukha niya. Maganda siya. Nagdala sa ganda niya `yong suot niya ngayong makulay. Base sa hitsura niya, mukhang hindi siya papayag na hindi ako maka-oo, kaso gusto kong humingi ng tawad dahil wala talaga akong pera. Gusto ko lang maging totoo.
Pinanood ko `yung reaksyon niya. Mukha siyang nagulat. Akala ko, tapos na, kaso nagtaka ako dahil pinagtatawanan niya ako. May nakakatawa pala sa sinabi ko? Sabihin naman niya sa akin dahil hindi ko malaman kung saang banda.
“Ikaw naman! Hindi naman pera `yong dahilan kung bakit kita nilapitan!” ang lakas pa no’ng pag-tawa niya.
“`Tara! Pramis, matutuwa ka sa mga ihuhula ko sa `yo,” nakangising sabi niya.
“Tinuruan ako na h’wag sumama sa mga hindi ko kilala.”
“Ay, grabe ka, `te, ha!” Tumawa na naman siya ulit. “Hindi naman kita ki-kidnap-in!”
Saan ba siya nakakakuha ng energy na tumawa nang ganiyan?
Pinanood ko ulit siya sa kakatawa niya. Mukhang napagod din siya pagkatapos ng ilang sandali. Naiinis na ako dahil sinasayang na niya `yong oras ko. Kailangan ko pang habulin `yong misa. Magsismula na si father ng alas-tres. Ano’ng oras na.
Sumimangot na ako. “Pasensya na, kailangan ko nang---”
Nanlaki `yong mga mata ko no’ng kinuha niya `yong pala-pulsuhan ko `tapos kinaladkad niya `ko papunta sa tindahan niya. Paulit-ulit akong huminga nang malalim. Dapat kong maunawaan na may mga katulad niya na sobra `yong kakulitan. Kahit na ayaw mo, pipilitin ka pa rin. Kahit na nanginginig na `ko sa inis dahil sinasayang na niya talaga `yong oras ko.
Basta, hindi ako nagkulang sa kaniya na wala akong pera. Alam ko sa sarili ko na malinis `yong konsensya ko kapag nagkasingilan na. Kasya lang `yong budget ko sa mga pangangailangan ko sa school.
“Salamat naman at pumayag ka sa `kin.” Ngiting-ngiti pa siya.
“Kayo po `yung nanghila sa `kin. Hindi po `ko pumayag sa inyo dahil wala po `kong pera pero pinilit n’yo po `yung gusto n’yo.”
Natulala na naman `yong babae. Hindi ko na napigilan `yong sarili ko na magsungit dahil sa ginawa niya. Sa mga oras na `to, nagsisimula na si father sa misa niya. Ayaw ko pa naman na nakaka-miss sa mga misa.
Mas lalo akong napikon dahil tinawanan niya lang ako. Akala niya yata, entertainer ako.
“Ang prangka mo naman, `be. Kalma lang. Alam ko naman sa simbahan talaga `yong punta mo. Pramis, pagkatapos nito, puwede ka nang pumunta sa simbahan dahil alam kong hinahabol mo `yung misa ni father. `Tsaka, h’wag mong masyadong alalahanin `yon. Medyo late magsisimula `yong misa kasi sa malayo `yong naka-assign na magmimisa ngayon.”
Napatulala ako.
“Oh! Tama ako, `di ba? Sabi ko sa `yo, magaling ako, eh!”
“Lahat naman po ng tao na dito dumadaan, sa simbahan po `yung diretso.”
Humalakhak na siya. “`Di ka sure, `be. Minsan, ginagamit na lang nila `yong magsisimba sila kaso patago palang mag-de-date kasama ng syota nila.”
Nanira pa siya ng kapuwa-tao niya.
Tumahimik na lang ako at hinayaan siya sa gusto niyang mangyari. Pinapasok niya `ko sa madilim na silid. Bumungad sa `kin `yong mga kulay lilang glitters na sumasabog sa paningin ko tuwing ginagala ko.
Napukaw ng atensyon ko `yung bolang kristal sa mesa at isang deck ng baraha sa gilid nito. Nagmuwestra siya na umupo ako kaya sumunod na lang ako. Matamis `yong ngiti niya nang umupo naman siya sa harapan ko.
“Salamat, ha, at pumayag ka.”
“Pinapaalala ko lang po na wala po `kong pambayad sa inyo.”
“Oo nga! Sabi sa `yo, libre `to,” natatawang sabi niya.
Kinuha niya `yong deck ng baraha at nagbalasa. “Hindi natin gagamitin `yong crystal ball. Mas malakas kasi `yong hatak ng deck of cards sa `yo.”
Tumango na lang ako. Wala naman akong malay sa gusto niyang mangyari kaya sasakyan ko na lang.
“Pili ka ng isang card.”
Pumili naman ako ng isa.
“Tingnan mo, `tapos itaob mo rito.”
Sinunod ko `yung sinabi niya. `Tapos pinakuha na naman niya `ko ng dalawa. Isa ulit. `Tapos dalawa. Bored ko lang siyang tinitignan kasi wala akong interes sa mga ganoon. Panay pa `yung sulyap ko sa relo ko dahil ma-le-late na `ko.
“Sabi ko sa `yo, h’wag kang mag-alala. Hindi pa sila nagsisimula.”
Nagpatay-malisya na lang ako. Paano niya nababasa `yong nasa isip ko?
Tiningnan ko na siya ulit. Nakatitig na siya roon sa mga barahang nakuha ko. No’ng natapos na siyang tumingin doon, nawala na `yong masayang awra niya. Nakaramdam ako ng kaunting kaba sa dibdib ko no’ng sumeryoso `yong mukha niya.
“Ikaw `yong taong tinatanggap mo na lang lahat, kahit na nasasaktan ka. Kaya nakikita ko na masyado kang seryoso. Tama ba ako?”
Hindi ako nagbigay sa kaniya ng kahit na ano’ng reaksyon. Wala siyang alam sa buhay ko.
Tumango siya. “Namatayan ka ng ina no’ng bata ka pa. `Tapos `yung papa mo---”
“`Tapusin na po natin `to. Sinasayang n’yo na po `yung oras ko.”
Nainis na naman ako sa naglarong ngisi sa labi niya. Kahit na manghuhula pa siya, wala siyang karapatan na gawing entertainment `yong buhay ko.
“Okay.” Huminga siya nang malalim. “Lumalabas dito sa baraha mo na may makikilala kang tao na magiging sandalan mo sa lahat ng bagay. Ang problema nga lang, hindi mo siya mahahawakan. Hindi mo rin siya matatanaw---”
Tumayo na `ko. Kahit na wala na `kong budget sa mga susunod na araw, dinukot ko na `yong kahuli-huling pera na meron ako at binaba ko ro’n sa mesa niya nang walang paalam.
“Siguro, bago pa tayo mag-usap, nahulaan mo nang may pera ako. `Yan na po. Puwede na po `ko sigurong umalis?”
Hindi ko inantay `yong sagot niya. Inuubos niya `yong oras ko. Lumabas na `ko ng tindahan niya kahit na naririnig ko `yung boses niya sa likod ko na sumisigaw.
“Nakasuot siya ng itim na suit! `Tsaka, sa simbahan mo siya makikita! H’wag mo siyang dedmahin dahil baka siya na `yong sagot sa mga dalangin mo! Good luck!”
Napailing na lang ako. Hindi ko maintindihan kung ano’ng silbi no’ng mga sinasabi niya. Makakakilala ako ng tao pero hindi ko raw mahahawakan? Ang labo niyang kausap.
Nagmamadali na akong tumakbo. Medyo nagtaka ako dahil hindi ko pa naririnig mula sa labas ng simbahan ng San Antonio `yong misa dahil ano’ng oras na. Dumiretso kaagad ako roon sa bulto na may lamang holy water `tapos nag-sign of the cross na `ko at lumuhod saglit.
Nilapitan ko `yung usherette ng simbahan na parang kanina pa problemado.
“Simula na po ba ng misa? Puwede pa pong pumasok?”
Kailangan kong malaman dahil minsan, kapag sobrang late na, hindi na sila nagpapasok. Katuwiran nila, dapat sinisimulan `yong misa at hindi `yong pupunta ka lang sa oras na gusto mo.
“Naku, hindi pa. Wala pa si father.”
Nakahinga ako nang maluwag. Bigla ko tuloy naalala `yong sinabi no’ng babae sa `kin… baka, nagkataon lang.
Naghanap ako ng mauupuan sa loob. Mabuti na lang, maluwag pa `yong isang silya roon sa gilid kaya iyon na `yong napili ko. Nag-sign of the cross ako, saka umupo. Dinukot ko `yung lumang cell phone ko `tsaka pinunta siya sa vibrate tone, bago ko binalik sa bag ko, tsaka nilagay sa gilid.
Ang tahimik, pero sa payapang paraan. Ang sarap pakinggan ng ganitong klaseng katahimikan. Ang payapa… parang protektado ka sa loob ng tahanan ng Diyos. Kung puwede lang hilingin na dito na lang ako, gagawin ko.
“This mass is taking so long, huh?”
Hindi ko sinulyapan `yong lalakeng tumabi sa `kin. Nakatuon lang `yong paningin ko sa rebulto ng krus ni Jesus. Ano’ng oras kaya `yong dating ni father?
“A lot of people here are waiting for the priest to start. That dude can’t even understand the importance of time.”
Hindi naman kasalanan `yun ng pari. Baka naman may ibang dahilan.
“Know what? Everyone here believes in miracles. If only people would know the word, ‘hardwork’ they’re not gonna rely on that belief.”
Ang ingay naman nito. Sana, makapagsimula na nang hindi na `ko naiistorbo ng lalakeng ito.
“Katulad nito. Imposibleng marinig mo `ko dahil `di ka naman nagsasalita. Bet you can’t even look at me.”
Hindi lang ako interesadong makipag-usap. At ayoko ng maingay.
No’ng nag-announce na `yong usherette na magsisimula na `yong misa, umaliwalas na `yong pakiramdam ko. Tumayo na ako para sa pagdating ni father sa gitna.
“Here we go again. People and their stupid---”
“Shh…”
Nanlaki `yong mga mata no’ng lalake sa pagpapatigil ko sa kaniya. Do’n ko lang napansin `yung suot niya. Naka-tux sa gitna ng hapon.
“H’wag ka pong maingay. Nagsisimula na po `yung misa,” tahimik na sabi ko.
Sumabay na `ko sa pagkanta ng misa, hudyat ng pagsimula. Nakakairita nga lang `yong matagal na pagtitig no’ng lalake, pero hindi ko pa rin siya pinapansin.
“You… you can hear me?”
Napakunot `yong noo ko. Papagalitan ko ba siya kung hindi? Nagpatuloy lang ako sa pagkanta. Malapit na sa amin si father nang matanaw ko.
“You… y-you can see me?”
Ba’t ba siya gulat na gulat? Dumako `yong tingin ko sa kaniya sandali. Nakaawang `yong labi niya, halatang gulat na gulat sa kung ano mang dahilan. No’ng nakalagpas na si father sa `min, binalik ko na `yong tingin ko sa altar. No’ng lumuhod nang bahagya si father, gumaya na rin ako.
“You f*****g hear---”
“H’wag kang magmura. Nagsisimula na `yong misa.”
Napatikom ng bibig `yong lalake sa talim ng salita ko. Inirapan ko pa nga. Nakakainis. Bakit may mga ganitong tao? Walang respeto sa tahanan ng Diyos. Alam ko naman na iba na `yong mga taong nasa paligid ko, pero kahit na. Nirerespeto ko pa rin `yong kasagraduhan ng simbahan. Kung hindi sila naniniwala, puwede bang kaniyahin na lang nila?
Matapos ng ilang sandali, umupo na kaming pareho. Pasensya na, pero para siyang tanga na titig na titig sa `kin habang ako, nakatingin nang diretso sa altar at taimtim na nakikinig sa misa. Hindi ako komportable sa ginagawa niya.
Salamat naman at tumahimik din siya sa buong sandali ng misa. Lalayuan ko talaga ang lalakeng `to kapag nagsalita pa siya nang nagsalita.
Tumayo na ako pagkatapos ng isang oras, pero hindi pa `ko nakakalakad ng ilang hakbang, hinarangan na kaagad ako ng lalakeng `yon.
“You can see and hear me.“
No’ng sinabi niya iyon sa `kin, para bang ang laki ng kumpirmasyon na iyon sa kaniya? Nagkunot na ako ng noo. ”Sa tingin mo ba, kakausapin kita kung hindi?”
Kumislap `yong mga mata niya, `tapos ngumisi. Huminga ako nang malalim. Kanina, `yong babaeng manghuhula. Ngayon naman, `yong lalakeng naka-tux---sandali. Nanlaki `yong mga mata ko.
Imposible.
“I could say I’m starting to like you. I like your frankness. By the way, I’m Andrei, Drei for short. And you?”
Sinara ko na `yong bibig kong nakaawang. Nakatungo akong nilagpasan `yong lalake.
Imposibleng magkatotoo `yung hula no’ng babaeng `yon! Nakagat ko `yung labi ko. Nagkakatugma. Una, matatagalan `yong dating no’ng pari. Ikalawa, `yong pagsulpot no’ng lalakeng naka-tuxedo o suit sa harapan ko. Napalunok ako. Nagkataon lang siguro. Tama.
“Miss grumpy!”
Napahawak ako sa dibdib ko sa gulat. Siya na naman?
Nasa labas na kami ng simbahan. Ang daming taong naglalabasan, pero sa dagat ng mga taong ito, nakilala pa rin niya `ko. Sana, ginalingan ko pa `yong paglayo.
“Your name, please?”
Sinubukan ko siyang lagpasan pero nakaharang na siya sa paningin ko kaya mas lalo akong nairita.
“Umalis ka.”
“Don’t want.” Nag-krus pa siya ng braso, ngumisi na naman.
Sinamaan ko siya ng tingin, pero parang wala lang sa kaniya. Ang saya-saya niya. Kagaya lang siya ng mga tao rito sa paligid na parang walang mga problema.
“Nagmamadali ako.” Pinakiusapan ko siya sa mahinahon na boses.
“Your name first.” Sinamaan ko na naman siya ng tingin. “Hey, calm down! I just really wanna know your name. You’re gonna be a big help for me. Seryoso!”
Inirapan ko siya. “Sa iba ka na lang maghanap ng tulong mo.”
Kukunin lang niya `yong pangalan ko para humingi ng tulong? Nagpapatawa ba `tong lalakeng `to?
“You’re the only person who can f*****g see me. I know, you don’t wanna help me, but I’m taking all the f*****g risk. And you’re the risk I wanna take.”
Hindi ko siya pinansin. Nilagpasan ko na siya at nagpatuloy sa paglalakad. Pero nakakainis. Napapatigil ako dahil nagpapatuloy pa rin siyang magsalita.
“Please, I’m begging. I know that outside of your strong façade, there’s this still kindness inside you. I can feel it.”
Huminga ako nang malalim. “`Di ako mabuting tao. Pasensya ka na.”
“I’m gonna wait you at this church! Hindi ako aalis!”
Hindi ko na siya pinansin no’ng patuloy siya sa pagsigaw sa likod ko. Kunwari, walang nangyari sa araw na `to. Ayoko na ng dagdag pasanin sa buhay ko.
Medyo kinakabahan ako dahil malapit nang mag-alas-sais. Ayaw pa naman nila na natatagalan ako… kung puwede lang lumipad, nagawa ko na.
Halos manigas ako nang maramdaman ko `yung cell phone kong nag-ba-vibrate. Mas lalo akong kinilabutan nang makita ko `yung pangalan niya.
“Hello po?”
“Nasa’n ka na?!”
Napapikit ako sa sigaw niya. Napalunok ako. “Nasa labas na po ng simbahan. Kakatapos lang po ng---”
“Kakatapos?! Ha! Nakipaglandian ka lang diyan, Zara, h’wag mo nga `kong niloloko!”
“H-hindi po. Natagalan lang po si father---”
“Ang dami mong alibi! Mamaya ka sa papa mo. Sinabi ko na sa `yong umuwi ka kaagad dahil maraming gawain pa rito sa bahay!”
“Pasensya na po. U-uuwi na po `ko kaagad---”
“Punyeta ka! Mamaya ka rito sa bahay kapag umuwi ka na!”
Magpapaliwanag pa sana ako, pero nanlamig ako no’ng binabaan na niya `ko ng tawag. Napalunok na naman ako, nanginginig ang labi.
Huminga ako nang malalim. No’ng nakita ko na `yong jeep papuntang amin, nagmadali na `kong sumakay. Sa buong biyahe, panay `yong sabi ko na tanggapin na lang `yong galit niya. Kasalanan ko rin. Sana, hindi ko na lang pinatulan `yong babae. Sana, hindi ko na kinausap `yong lalake na nakita ko kanina. Sana ako nang sana.
No’ng nakarating na `ko sa bahay at pinihit `yong pinto, may matigas na palanggana na tumama sa mukha ko. Napayuko ako nang makita ko `yong galit niya na bumungad sa `kin.
“Ano’ng oras na?!”
Nangilid `yong luha ko. Mas nanginig `yong labi ko. “Patawad po…” mahinang sabi ko.
“Ano’ng sorry ka diyan?! Punyeta ka talaga!”
Nanlaki `yong mga mata ko nang hablutin niya `yong buhok ko nang buong lakas `tapos binalibag niya `ko sa kung saan. Muntik pa `kong tumama ro’n sa salamin niyang lamesita.
“Sinabi ko na sa `yo na sandali ka lang! Nagawa mo pang makipaglandian diyan sa labas!”
“Here we go again. It’s so easy to tell the truth, magsisinungaling pa.”
Kahit na tumatabon `yong buhok ko sa mukha ko, tulala kong tinignan si Zelle na masama `yong ngisi sa `kin.
Natulala na naman ako no’ng sinampal niya `ko.
“Napakalandi mo talaga kang gaga ka! Ang haliparot mo! Gusto mo pang tumulad sa nanay mo---”
“H’wag n’yo pong idamay si mama rito.”
Natigilan siya sa gagawin niyang pagsampal sa `kin. No’ng nakabawi na siya, sasampalin na naman niya `ko pero natigilan na naman.
“Itigil mo na `yan, Imelda. Nagsasayang ka lang ng pagod sa batang `yan.”
Tiningala ko si papa. Istrikto `yung tingin niya sa `kin. Sa tingin niya pa lang, mali na `ko kahit hindi pa niya naririnig `yong panig ko. Siguro nga, mali ko. Hindi kasi ako umuwi nang maaga kaya ko tinatanggap `yong parusa nila. Mali ko… na naman.
“Magsaing ka na ro’n. Nagugutom na kami. H’wag kang kumain, parusa `yan sa `yo,” iyon ang utos ni papa.
Pagkatapos ko silang pagsilbihan, pumunta na ako sa basement. Doon ako nagkukuwarto---doon pala nila ako binigyan ng kuwarto.
Sa isang sulok ng higaan, doon ako umupo. Doon ko hinayaan na bumuhos `yong luha ko.
Ayoko na… Ayoko na nang ganitong buhay pero bakit pa rin ako nandito? Gusto ko na lang mawala. Gusto kong makawala.
Nakita kong kumislap `yong matalim na bagay na `yon… parang ang sarap niyang ilapat sa balat ko habang sa mamanhid na lang ako sa sakit. Para matapos na… para `tapos na `ko. Dahil pagod na pagod na akong maramdaman `to. Nakakasakal. Nakakasawa na. Gusto ko na lang mawala…
“You’re not gonna do that, Zara!”
Parang umurong lahat `yong luha ko no’ng narinig ko `yung boses na `yun. Pamilyar…
“I don’t know how much you’ve been going through… but please, don’t think of the worst!”
Natulala na lang ako nang sumulpot `yong lalake kanina… `yong lalakeng naka-tux. Naglalakad siya ngayon papalapit sa `kin. Paano siya nakapasok dito?
Mabilis kong pinalis `yong luha ko, saka inayos `yong buhok kong magulo. Nanindig `yong balahibo ko nang makita ko `yung bulto niya na natatakpan ng dilim ng basement.
“S-sino---”
“Shh…”
Sa gitna ng dilim, nakita ko pa rin `yong malamlam niyang mga mata at `yong kaunting ngiti sa labi niya.
“If I can only---” umiling siya. “I’m sorry if I introduced myself to you that way. I was f*****g wrong.”
Sumeryoso `yong mga mata niya. “I saw everything… and what they did to you? That was… f*****g wrong by all means. They maltreated you. Even if they’re gonna tell that they only got worried of you that’s why they did it on you, that was… that was still f*****g wrong.”
Ang bilis pumatak no’ng mga luha ko. Lahat ng kalamnan sa buong katawan ko, nanginig nang husto ko. Hindi ako makahinga sa sikip ng dibdib ko sa sakit.
“I may not have the power to help you, but swear… I swear I will never leave you.” Ngumiti siya nang malamlam. “Now, sleep. Don’t think… about it. That’s not the f*****g answer.”
Wala akong kamalay-malay na sumusunod na `ko sa mahika ng mga salita niya. Na napapasunod na `ko dahil humihiga na `ko. Pero bago ko pa ipikit `yong mga mata ko, nahuli kong nakaangat `yong mga paa niya sa lupa.
Tama nga ba `yong nakita ko?